• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak na labas-pasok na sa kulungan sa Valenzuela, balik-selda

BALIK selda ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) at labas pasok na sa kulungan nang makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City.

Ani Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation laban kay alyas “Glen”, 45, ng Brgy., Mapulang Lupa sa koordinasyon sa PDEA.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon sina Lt. Dascil hinggil sa umano’y patuloy na pagbebenta ng shabu ng suspek na ilang beses na ring naaresto ng mga operatiba ng SDEU dahil sa pagtutulak ng illegal na droga.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-4 ng madaling araw sa kanto ng Feliciano at Que Balag Streets, Brgy., Ugong.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P204,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill kasama ang walong P1,000 boodle money at P200 cash.

Ayon kay SDEU investigator P/SSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela CPS sa kanilang pinaigting na kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga para sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa lungsod. (Richard Mesa)