SERVICE VEHICLE NG LTO, PINA-SHOW CAUSE NI LTO CHIEF MATAPOS MAMATAANG NAKAPARADA SA ISANG SHOPPING ESTABLISHMENT
- Published on May 25, 2026
- by Francis Paolo Torres
MULING pinagtitibay ng Land Transportation Office (LTO) ang polisiya nito sa wastong paggamit ng mga sasakyang pag-aari ng pamahalaan matapos mag-viral sa social media ang larawan ng isang sasakyan ng mismong ahensya na nakaparada sa isang membership shopping establishment at umani ng batikos mula sa publiko.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, agad niyang ipinaberipika kung kanino nakaatas ang naturang sasakyan at napag-alamang ito ay nakatalaga sa isang opisyal ng LTO. Dahil dito, inatasan ang nasabing opisyal na magsumite ng paliwanag upang matukoy kung ang paggamit ng sasakyan ay may kaugnayan sa opisyal na tungkulin o para sa personal na interes.
“Hindi natin kukunsintihin ang anumang maling paggamit ng sasakyan ng gobyerno. Inatasan ko na ang concerned official na magsumite ng paliwanag upang mabatid kung may paglabag na naganap. Ang lahat ng sasakyan ng gobyerno ay dapat ginagamit lamang para sa opisyal na tungkulin. Kapag napatunayang walang kaugnayan sa trabaho ng ahensya ang paggamit nito, pananagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa umiiral na mga patakaran,” ani Lacanilao.
Ipinaliwanag ng LTO na bahagi ng internal cleansing program ng ahensya ang agarang pag-aksyon sa mga reklamong may kinalaman sa posibleng pang-aabuso o maling paggamit ng resources ng gobyerno.
Tiniyak naman ng pamunuan ng LTO na magiging patas at masusi ang imbestigasyon kaugnay ng insidente at ipatutupad ang kaukulang administrative sanctions sakaling mapatunayang may paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon sa paggamit ng government vehicles. (PAUL JOHN REYES)