• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 29th, 2026

Totoo at tapat na paglilingkod ni Hon.Chairman Ricardo B. Villanueva sa Brgy.8 Zone -1 Dist. 2 Caloocan City!

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULA nang maupo ang masipag na Kapitan ng Brgy. 8 Zone 1 District 2 ng Caloocan City na si Kapitan Ricardo B. Villanueva ay agad niyang pinagawa ang kanilang Barangay Hall upang magkaroon nang maayos na opisina ang kanilang komunidad!
Naniniwala kasi si Kap. Villanueva na dapat nagsimula sa kanyang opisina ang kalinisan upang sa gayon ay maayos niyang nakakaharap dito ang kanyang mga ka-barangay.
Bukod sa maaliwalas na Barangay Hall na mayroong tatlong palapag, makikita dito na halos kumpleto ang kanilang kagamitan sa kanilang opisina gaya ng computers,
printer, copier, air-conditioned at iba pang mga gamit

Nag-provide din si Kap. Villanueva ng eco-bus, fire trucks, ambulance at iba’t ibang sasakyan na panggamit sa kanilang mga kabarangay. Pinanatili rin ni Kap. ang kalinisan sa kanilang kapaligiran higit sa lahat ang kaayusan at katahimikan katulong ang mga kapulisan sa kanilang barangay.
Minsan ay nagsagawa rin sila Kap kasama ang mga alagad ng batas ng “Oplan Galugad” sa kanilang lugar para lumayo ang mga anay sa lipunan sa kanyang nasasakupan.
Katuwang niya sa pananatili ng katahimikan ang Station 4 at naglagay din siya ng mga CCTV sa bawat sulok ng Barangay 8 at mga Solar Lights para manatili ang liwanag sa kapaligiran.
Naglagay din sila ng Public Address para mapadali ang pag-abot ng mga impormasyon sa kanyang nasasakupan. Meron din silang HAPAG na siyang katumbas ng Clean & Green na nasa 3rd floor. Ang mga SK naman at mga Senior Citizens ay may mga sariling opisina upang sa gayon ay maayos ang kanilang lugar tuwing may mga meetings na nagaganap.
Nagpapasalamat din ang masipag na Kapitan sa kanyang mga kabarangay sa kanilang pagkakaisa at pakikipagtulungan sa kanyang mga proyekto na alam naman ng lahat na ito’y para sa kanilang kabutihan.
( Sonny Asignacion)

Pamamahagi ng 3,486 Certificates of Condonation with Release of Mortgage

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang pamamahagi ng 3,486 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoMs), bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na tiyakin ang seguridad sa lupa at mapabuti ang kabuhayan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Sa kabuuan, umabot sa ₱439,486,847.66 ang pinatawad na utang na sumasaklaw sa 2,150.9559 ektarya ng lupang sakahan, na direktang nakatulong sa 2,121 ARBs.,,Isinagawa ang aktibidad Abril 23, 2026 sa Pontevedra Public Gymnasium, Negros South Road, Pontevedra, Negros Occidental. ( BOY MORALES SR.)

Full accounting ng pondo kaugnay sa AMLC records sa ‘billionaire status’ ni VP Sara, nararapat lamang

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DAPAT magkaroon ng full accounting ng pondo kaugnay sa AMLC records sa ‘billionaire status’ ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability at miyembro ng House Committee on Justice, Manila Rep. Joel Chua, na isang seryosong usapin ang official records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ukol sa tunay na financial standing ni VP Duterte.
“The AMLC records have shown that VP Sara Duterte is a billionaire. Lumabas na ang totoo: bilyonaryo ang ating Vice President. It is an undisputed fact—not based on mere testimony, but on official documents and government records that, until now, have remained beyond public scrutiny,” ani Chua.
Inihayag nito na hindi maisasantabi ang lawak at dalas ng transaksyon na lumabas sa dokumento ng AMLC.
“Bilyon-bilyon ang pumasok sa kanyang mga bank accounts. Hindi ito haka-haka. Hindi ito opinyon. Ito ay nakabatay sa dokumento ng gobyerno mismo. Hindi niya puwedeng itanggi ito,” giit ni Chua.

Nasa kamay ng VP ang pagbibigay ng malinaw at credible na paliwanag.

“The only question that must be answered is simple but fundamental: Who gave her money of this magnitude, and why was she receiving such amounts regularly?” Sino ang nagbibigay sa kanya ng ganitong kalaking pera—at bakit? Ano ang kapalit?” pagtatanong ni Chua.

Hinamon nito ang pahayag na ang pondo ay nagmula sa lehitimong business.

“Kung sasabihin nilang galing sa negosyo, malinaw sa mga rekord ng Securities and Exchange Commission na ang ilan sa mga kumpanyang inuugnay sa kanila ay lugi o hindi kumikita sa antas na makapagpapaliwanag ng bilyong pisong daloy ng pera,” saad ng mambabatas.

“Kung kumita sila ng bilyon sa negosyo o sa law firm, dapat malinaw ito sa tax filings. Kung hindi nagtutugma ang kita at buwis, malinaw na may problema.
(Vina de Guzman uzman)

Lolo na wanted sa statutory Rape sa Valenzuela, nalambat sa Abra

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HIMAS-REHAS ang 66-anyos na lolo na wanted sa kaso ng Statutory Rape at Acts of Lasciviousness sa Valenzuela City nang maaresto ng pulisya sa lalawigan ng Abra.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago umano sa Abra ang akusado nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD).

Kaagad namang ikinasa ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela Police ang joint operation, kasama ang local police ng Abra hanggang sa makorner ang akusado sa Barangay Ap-apaya.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270, para sa dalawang bilang ng Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa at Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansa na P180,000.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang arresting team sa kanilang pagsisikap sa paghahanap sa mga wanted na indibidwal na pinaghahanap ng batas. (Richard Mesa)

KAWANI NG BIR HINATULAN NG MONEY LAUNDERING

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAHATULAN ng Zamboanga City Regional Trial Court Branch 12 ang isang kawani ng Bureau of Internal Revenue sa Zamboanga City kaugnay ng multiple counts ng money laundering, matapos ang reklamong inihain ng Anti-Money Laundering Council Secretariat.

Napatunayang lumabag sa Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act, kaugnay ng mga kasong bribery at graft ang nahatulan na si BIR Revenue Officer IV Flora Sarau Albao ng Revenue District No. 93A.

Inaresto si Albao sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation noong Mayo 27, 2022 dahil sa umano’y pangingikil ng P500,000, na nagbunsod ng imbestigasyon ng AMLC kung saan nadiskubre ang 36 bank accounts at mga depositong hindi tugma sa kanyang sahod.

Pinatawan ng Korte ng pito hanggang labintatlong taong pagkakakulong ang akusado para sa unang anim na bilang na may multang tig-P3 milyon, at apat hanggang anim na taon para sa natitirang anim na bilang na may multang tig-P1.5 milyon bawat bilang.

Ayon kay Department of Justice Secretary Fredderick A. Vida, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa katiwalian at money laundering sa hanay ng mga lingkod-bayan. (Gene Adsuara)

PNP NAKATUTOK SA OPERASYON NG MGA GASOLINAHAN UPANG MAIWASAN ANG MGA ILEGAL NA AKTIBIDAD SA SEKTOR NG PETROLYO

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY na nakatutok ang Philippine National Police (PNP), sa sitwasyon ng suplay ng langis at nakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maayos na operasyon ng mga gasolinahan at maiwasan ang mga ilegal na aktibidad sa sektor ng petrolyo.

Batay sa pinakahuling monitoring, mula sa 14,529 na gasolinahan sa buong bansa, may kabuuang 290 ang naitala na pansamantalang sarado dahil sa krisis sa langis noong Abril 26, 2026. Iniulat din ng mga awtoridad ang 31 kaso na isinampa kaugnay ng iba’t ibang paglabag, kabilang ang hoarding, profiteering, at iba pang mga paglabag na may kinalaman sa mga produktong petrolyo.

Sa kabuuang kaso, 9 ang inuri sa ilalim ng hoarding, 1 sa ilalim ng profiteering, habang 21 ang kinasasangkutan ng iba pang mga paglabag tulad ng illegal storage, theft, estafa, trademark infringement, customs-related violations, at breaches of Presidential Decree No. 1865 and BP 33, as amended.

May kabuuang 77 indibidwal ang natukoy na bilang mga suspek sa iba’t ibang rehiyon, kung saan ilan sa mga kaso ay naisampa na sa korte, habang ang iba ay patuloy na iniimbestigahan pa.

Binigyang-diin ng PNP na ang monitoring efforts ay bahagi ng coordinated government response sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak na ang mga mahahalagang serbisyo ay mananatiling matatag habang pinoprotektahan ang mga mamimili laban sa mga mapang-abuso o ilegal na gawain sa industriya ng gasolina.
Sinabi ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na nananatiling nakatuon ang organisasyon sa balanseng pagpapatupad ng batas at proteksyon ng publiko.

“Ang ating ginagawa ay hindi lang pagbabantay, kundi siguraduhing walang umaabuso sa sitwasyon. We are acting to protect both consumers and legitimate business operators,” sabi ni PNP Chief.

Dagdag pa niya, ang mga aksyon ng PNP ay ginagabayan ng Focused Agenda nito sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, na tinitiyak na ang lahat ng aktibidad sa pagpapatupad ay maayos na nakikipagtulungan sa mga regulatory agency at sinusuportahan ng mga legal na pamamaraan.

Tiniyak ng PNP sa publiko na magpapatuloy ang pagsubaybay sa buong bansa upang matiyak ang patas na pamamahagi ng gasolina at pagsunod sa mga regulasyon, habang pinangangalagaan din ang mga karapatan ng lahat ng sangkot na stakeholder. (PAUL JOHN REYES)

Manila frontliners pinag-iingat vs init ng panahon

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SA GITNA ng 41°C heat index, hinikayat ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Manila frontli­ners na mag-hydrate at mag-ingat sa init ng panahon.

Sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall, partikular na pinag-iingat ni Domagoso mula sa init ang mga tauhan mula sa Department of Public Services, Manila Traffic and Parking Bureau, Engineering Department, Estero Rangers, Pasig Rangers, at ang mga naka-deploy sa Roxas Boulevard.
“Mag-iingat kayo. Lagi ninyong isipin na kailangan ninyong pangalagaan ang inyong sarili,” ani Domagoso.

Direkta ring kinausap ng alkalde ang hepe ng Manila Police District na si PBGen. Arnold Santiago at inatasan itong paalalahanan ang mga pulis na unahin ang kanilang kaligtasan habang nasa tungkulin.

Ayon sa DOST-PAGASA, ang 41°C na heat index ay nasa ilalim ng “Extreme Caution” category, kung saan mataas ang panganib ng heat cramps at heat exhaustion. Ang matinding init ay dulot ng El Niño na nagdadala ng mas mahabang tagtuyot at mas mataas na temperatura sa bansa at sa iba pang bahagi ng Southeast Asia.

Hinimok din ng alkalde ang lahat na uminom ng maraming tubig sa buong araw at huwag matakot sa madalas na pag-ihi basta’t nananatiling hydrated.

Kasabay nito, inatasan din ng alkalde ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) na magsagawa ng malawakang misting operation sa iba’t ibang bahagi ng lungsod bunsod ng matinding init na nararanasan sa Maynila.

Sa lingguhang City Department Heads Meeting, binigyan ng direktiba ni Domagoso si MCDRRMD Director Arnel Eustacio Angeles na agad isagawa ang naturang operasyon upang makatulong sa pagpapahupa ng init at magbigay-ginhawa sa mga Manileño.

Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, umiwas sa matagal na pagkakabilad sa araw, at maging alerto sa mga sintomas ng heat exhaustion.

“Pass through costs” sa singil sa kuryente, ikinaalarma ng mambabatas

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IKINAALARMA ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang “pass through costs” sa singil sa kuryente, kasunod ng mga reklamo sa naturang mga singgil.
Ang Senior Citizen Discount, Lifeline Rate discount for 4Ps beneficiaries, Feed-in Tariff Allowance, at Green Energy Auction Allowance ay kasama sa pinakokolekta ng electric companies subalit hindi dapat singilin sa mga consumer ayon kay Diokno.
“Hindi tama na sisingilin ito sa consumers, lalo ngayong nasa gitna tayo ng krisis at mataas ang presyo ng bilihin at produktong petrolyo,” sinabi ni Diokno.
Nanawagan si Diokno sa gobyerno na rebisahin ang patakaran at bigyan konsiderasyon ang kakayahan ng mga consumer.
“Kailangang suriing mabuti ang EPIRA (Electric Power Industry Reform Act) Law at baguhin ang rules ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ang kumpanya at ang kanilang mga shareholders ang dapat sumalo sa Lifeline Discount—hindi ang taumbayan,” sinabi ni Diokno.
Aniya, hindi makatarungan ang probisyon sa EPIRA Law na mangolekta ang mga power firms ng Lifeline Discount for the Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa senior citizens’ discount, tinukoy ni Diokno ang Republic Act No. 9994 kung saan ang mga electric companies ay maaaring gamitin na tax deductions ang mga discounts na binigay sa senior citizens.
“Hindi na ito dapat sinisingil sa consumers dahil mababawas ‘yan sa babayarang tax ng kumpanya,” ani Diokno.
Pinaliwanag ni Diokno na ang mga electric companies ay protektado sa kompetisyon at ang kanilang income ay guaranteed, kaya kailangan nila isoli ang pribilehiyo sa pamamagitan ng subsidiya na kabilang sa kanilang social obligation sa taumbayan.
“Let us not turn a blind eye to the struggles of the Filipino people, they need all the support we can give to deal with this crisis,” giit ni Diokno. (Vina de Guzman)

Paghingi ng political asylum, ginagamit ng mga pugante para makaiwas sa pananagutan at responsibilidad-Malakanyang

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI lingid sa kaalaman ng Malakanyang na mayroong ilang high profile fugitives ang pilit na nagtatangkang gamitin ang asylum route para makaiwas sa pananagutan at responsibilidad.
Sinabi ni Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang ganitong estratehiya ng mga pugante ay matagal ng nasa isip ng Pangulo.
“Dahil iyong iba nating mga pugante ay iyan ang ginagawang last resort para ma-delay ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas. So, hindi magandang pangitain,” ani Castro.
Samantala, sa ulat, ang mga kilalang Filipino na humirit ng asylum at mga dahilan nila ay sina:
*Harry Roque- nagsumite di umano ng kanyang aplikasyon para sa asylum sa The Netherlands matapos na madawit sa illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) operations.
*Jeffrey Celiz- isang Sonshine Media Network International host, kinumpirma na umalis ng Pilipinas at nagtungo ng Estados Unidos dahil sa di umano’y harassment na ipinukol sa kanya at sa kanyang pamilya. Si Celiz ay napaulat na nagplanong humingi ng political asylum sa Canada.
*Royina Garma- retired police colonel, idinawit sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naghain ng asylum sa Estados Unidos noong 2024. Naharap din si Garma sa murder complaint sa pagkamatay ni dating PCSO board secretary Wesley Barayug.
*Arnulfo Teves Jr.- humingi ng asylum sa Timor-Leste. Naharap si Teves sa di umano’y pagpatay sa namayapang Negros Oriental governor Roel Degamo at iba pa.
*Jed Mabilog- dating Iloilo City Mayor, nauna nang naisama ng pangalan sa narco-list na may kaugnayan sa drug war ni dating Pangulong Digong Duterte, nag-aplay ng asylum sa Estados Unidos.
*Joma Sison- ang namayapang Communist party of the Philippines founder Jose Maria Sison na nakaira sa The Netherlands ay humingi ng asylum bilang political refugee mula 1987 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Disyembre 2022. (DARIS JOSE)

Tulak, tiklo sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Navotas

Posted on: April 29th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang mister na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng 52-anyos na si alyas “Kanor” ng shabu.

Nang positibo ang ulat, ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas Police ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU makaraang tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu sa M. Naval St., Brgy., San Roque.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 2.63 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P17,884.00 at buy bust.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Navotas Police Custodial Facility Unit na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)