Lolo na wanted sa statutory Rape sa Valenzuela, nalambat sa Abra
- Published on April 29, 2026
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ang 66-anyos na lolo na wanted sa kaso ng Statutory Rape at Acts of Lasciviousness sa Valenzuela City nang maaresto ng pulisya sa lalawigan ng Abra.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago umano sa Abra ang akusado nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD).
Kaagad namang ikinasa ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela Police ang joint operation, kasama ang local police ng Abra hanggang sa makorner ang akusado sa Barangay Ap-apaya.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270, para sa dalawang bilang ng Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa at Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansa na P180,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang arresting team sa kanilang pagsisikap sa paghahanap sa mga wanted na indibidwal na pinaghahanap ng batas. (Richard Mesa)