• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 23rd, 2026

LTFRB, PINURI ANG MGA TNC NA NAGBABA NG KANILANG KOMISYON BILANG TULONG SA MGA TNVS

Posted on: April 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINURI ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Transport Network Companies (TNCs) na nagbaba ng kanilang komisyon bilang tulong sa mga transport network vehicle service (TNVS) partners sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II, malaking tulong ang hakbang na ito sa pagsisikap ng pamahalaan na maibsan ang epekto ng krisis sa langis sa sektor ng pampublikong transportasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

“Ito ay tunay na kapuri-puri at taos-puso kong pinasasalamatan ang mga TNCs na tumugon sa panawagan na magbigay ng kanilang ambag sa pagtulong sa sektor ng pampublikong transportasyon. Malaking tulong ito sa ating mga TNVS partners ngayong mataas ang presyo ng diesel at gasolina,” ani Chairman Vigor.

Noong Abril 16, nakipagpulong si Chairman Vigor sa mga opisyal at kinatawan ng 18 TNCs na kasalukuyang nag-ooperate sa bansa, kabilang ang mga motorcycle taxi. Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang pagbawas ng komisyon na umabot hanggang 10%, at tatlo sa mga TNCs ang pansamantalang nag-waive ng lahat ng kanilang komisyon hanggang sa makabawi ang sektor ng transportasyon.

Nagpasalamat din si Chairman Vigor sa bawat TNC sa ngalan ni Secretary Lopez, at tiniyak na ang LTFRB ay maghahanda ng guideline kaugnay ng pagbawas ng komisyon bilang bahagi ng regulasyon.

“Ito ang tunay na diwa ng bayanihan. Ito ang mga pagkakataon na dapat ipagmalaki na maging Pilipino dahil sa malasakit at pagtutulungan,” dagdag pa ni Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)

Robredo ‘di tatakbo sa 2028 national post

Posted on: April 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Naga City Mayor Leni Robredo na wala na siyang balak tumakbo sa anumang pambansang posisyon sa 2028 at sa halip ay muling kakandidatong mayor ng kanilang siyudad.

Sinabi ni Robredo na marami pa siyang dapat gawin sa kanilang lugar kaya hindi tatakbo sa national post.
“Sigurado na ako sa sarili ko na hindi ako mag-national,” sabi ni Robredo sa 91.1 DWNX FM.
Inihayag din ng dating­ bise presidente na sa tingin naman niya ay maisasakatuparan ang mga nais pa niyang gawin para sa Naga City.
Ipinahiwatig ni Robredo na napakaikli ng panahon para sa kanyang unang termino kaya nais niyang ituloy ang mga nasimulan at muling tatakbong mayor ng siyudad.
“Ako sa tingin ko, ang three years maiksi. Maik­si siya para gawin ang lahat. In fact, very frustrating para sa akin… na marami ang gusto kong gawin na hindi ko mamadali,’ ani Robredo.
Binanggit din ni Robredo ang pagdaan sa tamang proseso at burukrasya kaya hindi nagiging mabilis ang paggawa ng mga dapat maisakatuparan.
“Dahil kailangan kong i-navigate ang bureaucracy. Dahil marami rin ang hindi ko control…Ako most probably, magsi-seek pa ako ng second term [as Naga City mayor],” ani Robredo.

PBBM, Unang Ginang Liza dumalo sa Our Lady of Manaoag centennial coronation

Posted on: April 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DUMALO sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, araw ng Miyerkules sa centennial canonical coronation ng iginagalang na imahe ng Our Lady of Manaoag sa Manaoag Church sa Pangasinan.
Ang nasabing okasyon ay tanda ng 100 taon ng pananampalataya at paglalakbay sa banal na lugar sa imahe, nakadambana sa Minor Basilica ng Our Lady of the Rosary of Manaoag sa Pangasinan.
Nagsimula ang pagdiriwang sa rededication ng basilica, araw ng Martes, marka ng eksaktong anibersayo ng koronasyon.
Sinundan ito ng grand procession at pontifical Mass, araw ng Miyerkules, sa Minor Basilica, kung saan ang Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown, pinangunahan ang makasaysayang coronation rites.
Tangan naman ng Pangulo ang korona at binless (blessed) ni Brown bago pa ang ceremonial canonical coronation ng Our Lady of Manaoag.
Kung matatandaan, pinangunahan ni Doña Josefa Edralin Marcos, lola ni Pangulong Marcos, ang koronasyon noong golden canonical celebration noong 1975.
Abril 21, 1926, ang imahe ay kanónikóng kinoronohan ni Most. Rev. Guillermo Piani, D.D., apostolic nuncio ni Pope Pius XI to the Philippines.

Malabon, inilabas ang ikalawang tulong pinansyal para sa higit 90K Malabueño households

Posted on: April 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SA pagbibigay ng kaluwagan sa mga Malabueño sa gitna ng patuloy na mga hamon, ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ay naglabas ng ikalawang yugto ng tulong pinansyal sa ilalim ng 2026 Malabon Hour Blue Card (MABC) Program, na pakikinabangan ng nasa 93,727 households

“Ito po ang panahon para magtulungan upang masiguro ang kapakanan ng bawat tahanan. Sa pamamagitan ng Malabon Ahon Blue Card, nailalapit natin ang serbisyo at tulong sa mga komunidad, lalo na sa higit na nangangailangan. Ang pag-release ng ikalawang ayuda ay isa sa ating mga inisyatibo upang matugunan ang mga agarang pangangailangan sa kabila ng krisis na ating pinagdaraanan. Naririto lamang po ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon para sa inyo,” ani Mayor Jeannie Sandoval.

Ayon sa alkalde, ang pagpapalabas ng MABC cash aid ay kasabay din ng Tambobong Festival 2026, na isang buwang pagdiriwang ng Malabon’s 25th Cityhood Anniversary at 427th Founding Anniversary mula Abril 21 hanggang Mayo 21, na nagpapaalala sa mga residente ng diwa ng “Bayanihan,”.

Ang mga benepisyaryo ay maaaring mag-claim ng kanilang cash assistance sa alinmang BancNet-powered ATMs o Universal Storefront Services Corporation (USSC) branches simula Abril 21, 8:00 ng umaga hanggang Mayo 21, 11:59 ng gabi.

Ang kwalipikadong households ay makakatanggap ng mensahe mula sa USSC sa sandaling makuha ang tulong pinansyal. Maaari din nilang tingnan ang listahan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng link na naka-post sa Malabon Ahon Blue Card Facebook page.

Bukod sa quarterly financial aid, pinalawak din ng pamahalaang lungsod ang MABC, kabilang ang Burial and Hospitalization Assistance, Eskwela Savings Project at MABC for Working Students; at ang MABC para sa Kababaihan, na nagbibigay ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga single mother.

Ibinahagi rin ni Mayor Jeannie na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa iba’t ibang restaurant, fast-food chain, drugstores, at iba pang partner establishments para palawigin ang posibleng diskwento sa mga residente gamit ang kanilang MABC para sa pagbili ng mga produkto at serbisyo.

“Ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng lungsod na palakasin ang kakayahan ng bawat pamilya na makabangon at maging mas matatag. Sa pamamagitan ng maayos na implementasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, tinitiyak natin na ang tulong ay napupunta sa tamang benepisyaryo sa tamang panahon,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.
(Richard Mesa)

₱278.8-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA NG PDEA AT PNP SA 2 CHINESE NATIONALS

Posted on: April 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKUMPISKA ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP), ang humigit-kumulang ₱278.8 milyong halaga ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang matagumpay na buy-bust operation noong Abril 21, 2026, sa Quezon City.

Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 41 kilo ng ilegal na droga, na itinago sa isang paper bag at mga kahon.

Bandang alas-10:20 ng gabi, nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng PDEA Special Enforcement Service (SES) at PDEA Regional Office–National Capital Region (RO-NCR) Regional Special Enforcement Team 1, katuwang ang PNP Quezon City Police District Drug Enforcement Unit, sa Andrade Street, Barangay Balingasa, Quezon City.

Naaresto sa operasyon ang dalawang suspek na kinilala lamang sa kanilang mga alyas na “Aye,” 33, at “Mok,” 32, kapwa mga Chinese nationals at residente ng General Trias, Cavite. Napag alaman din ng mga awtoridad na ang mga suspek ay nagtatrabaho bilang mga driver ng truck at ride-hailing sa Hong Kong.

Narekober din mula sa mga suspek ang isang Toyota Fortuner, isang Hong Kong passport, isang Hong Kong International Driving Permit, dalawang cellphone, at ang marked money na ginamit sa operasyon.

Pinuri ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez ang mga operating unit at binigyang-diin ang kahalagahan ng operasyon sa pagsugpo sa malawakang aktibidad ng pagbebenta ng droga.

“This successful operation underscores our unwavering commitment to dismantle drug networks that threaten our communities. The seizure of nearly ₱300 million worth of shabu is a major blow to illegal drug syndicates operating in the country,” sabi ni PDEA Chief.

Nagbabala rin siya sa mga dayuhang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga na nananatiling mapagmatyag at matatag ang mga awtoridad ng Pilipinas.

“We will not allow the Philippines to be used as a transshipment hub or market for illegal drugs. Regardless of nationality, those who engage in this criminal activity will be pursued and held fully accountable under our laws,” dagdag pa ni DG Nerez.

Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kung mapapatunayang nagkasala, sila ay mahaharap sa pinakamataas na parusang habambuhay na pagkakakulong at multang aabot hanggang ₱10-M.
(PAUL JOHN REYES)

SALN ni VP Sara binuksan, net worth, lumobo sa P88.5-M noong 2024

Posted on: April 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINALAKAY ng House Committee on Justice ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Vice President Sara Z. Duterte kung saan nabigyang pansin ang ilang beses na no cash on hand o bank deposits sa kanyang ginawang mga filings.
Sa ikalawang impeachment hearing para idetermina ang probable cause, pinakumpirma ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng Committee on Good Government and Public Accountability, sa Ombudsman ang idineklarang net worth at cash sa SALNs ni Duterte, mula sa pagiging Vice Mayor (2007-2010), Mayor (2010-2013 at 2016-2022), hanggang sa kasalukuyang termino bilang vice president (2022-2024).
Sinabi ni Ombudsman Central Records Division OIC Karen Batu sa komite na idineklara ni Duterte sa kanyang net worth noong siya ay vice mayor ay ang mga sumusunod:
2007: P7.25 million
2008: P18.49 million
2009: P18.28 million
2010: P16.24 million
2011: P14.27 million
2012: P22.12 million
Napansin ni Chua na sa idineklara ni Duterte, sa nasa P2 milyong cash on hand at bank deposits mula 2007 hanggang 2009, tumaas ito sa P3.66 million noong 2010 at P4.32 million noong 2012.
Nang bumalik bilang Davao City mayor si Duterte noong 2016, ang kanyang net worth ay nasa P34.89 million. Sa loob ng isang taon, tumaas ito ng mula P10 million sa P44.83 million, kabolang na ang P6.37 million na cash on hand.
Kinumpirma ni Batu na ang idineklarang net worth ni Duterte at kanyang asawa ay ang mga sumusunod:
2018: P49.69 million
2019: P55.61 million
2020: P56.58 million
2021: P65.31 million
2022: P71.06 million
2023: P77.51 million
2024: P88.51 million

Nabatid na tumaas ang net worth ni Duterte ng halos 60% mula 2019 hanggang 2024, kung saan walang nakatalang cash on hands o bank deposits ang mag-asawa sa loob ng anim na taon.
Matapos kumpirmahin ng Office of the Ombudsman na walang idineklarang cash on hand o bank deposits sa kabila ng pagtaas sa net worth ng vp, ang naging reaksyon ni Chua ay “E di wow.”
“Para sa akin po, ang biglaan at tuloy-tuloy na pagkawala ng deklarasyon ng liquid assets… sa kabila ng dati mayroon naman na mga halaga ng mga cash on hand/cash in bank, ay nagdudulot ng pagdududa sa kawastuhan at kabuuan ng subsequent SALNs ni VP Sara,” pahayag naman ni ML Party-list Rep. Leila de Lima.
Binigyan ng Ombudsman ng official copies ng SALNs ni Duterte mula 2007 hanggang 2012 at mula 2016 hanggang 2024 ang komite.
Kapansin-pansin anila ang pagtaas ng P53.6 million sa loob ng walong taon mula 2016 hanggang 2024.
Dumalo sa pagdinig ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC), at Anti-Money Laundering Council (AMLC), kasama sina dating Sen. Antonio Trillanes IV.
(Vina de Guzman)

Ads April 23, 2026

Posted on: April 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments