SALN ni VP Sara binuksan, net worth, lumobo sa P88.5-M noong 2024
- Published on April 23, 2026
- by @peoplesbalita
TINALAKAY ng House Committee on Justice ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Vice President Sara Z. Duterte kung saan nabigyang pansin ang ilang beses na no cash on hand o bank deposits sa kanyang ginawang mga filings.
Sa ikalawang impeachment hearing para idetermina ang probable cause, pinakumpirma ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng Committee on Good Government and Public Accountability, sa Ombudsman ang idineklarang net worth at cash sa SALNs ni Duterte, mula sa pagiging Vice Mayor (2007-2010), Mayor (2010-2013 at 2016-2022), hanggang sa kasalukuyang termino bilang vice president (2022-2024).
Sinabi ni Ombudsman Central Records Division OIC Karen Batu sa komite na idineklara ni Duterte sa kanyang net worth noong siya ay vice mayor ay ang mga sumusunod:
2007: P7.25 million
2008: P18.49 million
2009: P18.28 million
2010: P16.24 million
2011: P14.27 million
2012: P22.12 million
Napansin ni Chua na sa idineklara ni Duterte, sa nasa P2 milyong cash on hand at bank deposits mula 2007 hanggang 2009, tumaas ito sa P3.66 million noong 2010 at P4.32 million noong 2012.
Nang bumalik bilang Davao City mayor si Duterte noong 2016, ang kanyang net worth ay nasa P34.89 million. Sa loob ng isang taon, tumaas ito ng mula P10 million sa P44.83 million, kabolang na ang P6.37 million na cash on hand.
Kinumpirma ni Batu na ang idineklarang net worth ni Duterte at kanyang asawa ay ang mga sumusunod:
2018: P49.69 million
2019: P55.61 million
2020: P56.58 million
2021: P65.31 million
2022: P71.06 million
2023: P77.51 million
2024: P88.51 million
Nabatid na tumaas ang net worth ni Duterte ng halos 60% mula 2019 hanggang 2024, kung saan walang nakatalang cash on hands o bank deposits ang mag-asawa sa loob ng anim na taon.
Matapos kumpirmahin ng Office of the Ombudsman na walang idineklarang cash on hand o bank deposits sa kabila ng pagtaas sa net worth ng vp, ang naging reaksyon ni Chua ay “E di wow.”
“Para sa akin po, ang biglaan at tuloy-tuloy na pagkawala ng deklarasyon ng liquid assets… sa kabila ng dati mayroon naman na mga halaga ng mga cash on hand/cash in bank, ay nagdudulot ng pagdududa sa kawastuhan at kabuuan ng subsequent SALNs ni VP Sara,” pahayag naman ni ML Party-list Rep. Leila de Lima.
Binigyan ng Ombudsman ng official copies ng SALNs ni Duterte mula 2007 hanggang 2012 at mula 2016 hanggang 2024 ang komite.
Kapansin-pansin anila ang pagtaas ng P53.6 million sa loob ng walong taon mula 2016 hanggang 2024.
Dumalo sa pagdinig ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC), at Anti-Money Laundering Council (AMLC), kasama sina dating Sen. Antonio Trillanes IV.
(Vina de Guzman)