• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, PINURI ANG MGA TNC NA NAGBABA NG KANILANG KOMISYON BILANG TULONG SA MGA TNVS

PINURI ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Transport Network Companies (TNCs) na nagbaba ng kanilang komisyon bilang tulong sa mga transport network vehicle service (TNVS) partners sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II, malaking tulong ang hakbang na ito sa pagsisikap ng pamahalaan na maibsan ang epekto ng krisis sa langis sa sektor ng pampublikong transportasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

“Ito ay tunay na kapuri-puri at taos-puso kong pinasasalamatan ang mga TNCs na tumugon sa panawagan na magbigay ng kanilang ambag sa pagtulong sa sektor ng pampublikong transportasyon. Malaking tulong ito sa ating mga TNVS partners ngayong mataas ang presyo ng diesel at gasolina,” ani Chairman Vigor.

Noong Abril 16, nakipagpulong si Chairman Vigor sa mga opisyal at kinatawan ng 18 TNCs na kasalukuyang nag-ooperate sa bansa, kabilang ang mga motorcycle taxi. Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang pagbawas ng komisyon na umabot hanggang 10%, at tatlo sa mga TNCs ang pansamantalang nag-waive ng lahat ng kanilang komisyon hanggang sa makabawi ang sektor ng transportasyon.

Nagpasalamat din si Chairman Vigor sa bawat TNC sa ngalan ni Secretary Lopez, at tiniyak na ang LTFRB ay maghahanda ng guideline kaugnay ng pagbawas ng komisyon bilang bahagi ng regulasyon.

“Ito ang tunay na diwa ng bayanihan. Ito ang mga pagkakataon na dapat ipagmalaki na maging Pilipino dahil sa malasakit at pagtutulungan,” dagdag pa ni Chairman Vigor. (PAUL JOHN REYES)