• June 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 16th, 2026

PBBM, tinanggap ang pagbibitiw sa puwesto ni National Security Adviser Eduardo Año

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINANGGAP ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbibitiw sa puwesto ni National Security Adviser Eduardo Año.
Si Año ay nagdesisyon na magretiro na mula sa public service matapos ang dekada ng patuloy na pagseserbisyo sa gobyerno at sa militar.
Papalit sa pwesto si dating Armed Forces of the Philippines chief na si Eduardo Oban Jr., na siyang hahawak ng National Security Council.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagpapasalamat si Pangulong Marcos kay Año para sa dedikasyon at natatanging serbisyo nito sa mga mamamayang Filipino.
“As National Security Adviser, he played a key role in strengthening our national security framework, advancing our counter terrorism and internal security efforts, and ensuring close coordination across the security sector during a period of evolving regional and global challenges,” ani Castro.
Ang liderato ni Año ay nakatulong para panatilihin ang katatagan at protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Itinalaga naman ng Pangulo si Eduardo Oban Jr. bilang kapalit ni Año.
Si Oban ay isang dating chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines at nagtapos ng Philippine Military Academy Class of 1979. Siya ay may malawak na karanasan sa military operations, defense planning, at national security, nagsilbi rin bilang Deputy Chief of Staff for Plans, J5, at naging pinuno ng Visiting Forces Agreement Commission.
“With his depth of experience, the President is confident that Secretary Oban will provide steady and capable leadership in advancing the country’s national security priorities, and ensuring continuity in the government’s efforts to keep the nation safe and secure,” ang winika ni Castro.

Nangako ng career advancement para sa lahat ng guro… PBBM, pinangunahan ang oath-taking ng 2.1K Eastern Visayas educators

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

“UULITIN ko po, wala ng teacher na mag re-retire na Teacher 1.”
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules, matapos pangunahan ang oath-taking ng 2,121 newly promoted teachers at principals sa Eastern Visayas.
Muling pinagtibay ng Pangulo ang pangako ng administrayson na tiyakin ang makahulugang career advancement para sa mga educators.
Sa pagsasalita sa Mass Oath-taking Ceremony sa Tacloban City Convention Center, kinilala ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga guro sa pangangalaga sa future nation-builders ng bansa.
“Let me add my congratulations to all of you on this career milestone. Enjoy this day. You have toiled hard to get here,” ang winika ng Pangulo.
“The nation, the entire Filipino nation, joins you in recognizing your achievements and affirms the greater responsibility that we have entrusted to you. Ang mga tinuturuan ninyo ngayon ang susunod na mga inhinyero, mga doktor, mga guro, propesyonal, manggagawa, at mga lider ng ating bansa,” ayon pa rin sa Pangulo.
Binigyang diin ng Pangulo ang kanyang walang humpay na pagsisikap para tugunan ang maraming mga hadlang sa ‘career growth’ ng mga guro, tinukoy ang implementasyon ng Expanded Career Progression (ECP) System para sa mga public school teachers.
Pinahihintulutan ng ECP ang mga guro na ma-promote base sa ‘merit and competencies’ kaysa sa vacant position. Nagbibigay din ito ng dalawang distinct career tracks—Classroom Teaching and School Administration—nag-aalok ng mas malianw na pathways para sa professional growth.
“For many, many years, our public school teachers have faced many barriers to career growth. Our old system did not have the positions and clear pathways for advancement,” ang tinuran ng Chief Executive sabay sabing ang paglipat mula Teacher I hanggang Teacher III ay sinasabing umaabot ng dekada, napipilitan ang mga ito na lumipat sa administrative roles para sa mas mataas na kompensasyon.
“That situation only worsens the shortage of teachers in the country [and] undermines the country’s overall educational system. Kaya’t sinabi ko na kailangang ipatupad ang Expanded Career Progression or ECP System para sa ating mga guro sa mga pampublikong paaralan” aniya pa rin.
Sa ilalim ng ECP, “new positions have been created, including Teacher IV-VII, Master Teacher V-VI, and School Principal V, so that teachers can advance their careers with clearer direction.”
Sa ngayon, mahigit sa 65,000 mga guro at school heads ang na-promote simula pa noong August 2025.
“All these promotions are well-deserved and will provide stability for our educators as they advance in their careers. Marami pa po tayong ipo-promote sa mga darating na buwan,” ang tinuran ng Pangulo.
Bukod sa promosyon, ipinatupad ng gobyerno ang iba pang programa na nagpo-promote sa kapakanan ng mga guro, kabilang na ang pagbubukas ng new teaching positions, ang paglikha ng non-teaching positions para pagaanin ang paghihirap ng administratibo at pagpapalabas ng P10,000 teaching supply allowance para sa School Year 2025 hanggang 2026 para magbigay ng karagdagang suporta para sa pagbili ng mga suplay at materyales sa pagtuturo.
(Daris Jose)

House Bill No. 8791 o “Children’s Critical Illness Support Act,”, inihain ng mambabatas para sa mga batang may malulubhang sakit

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN ang isang mambabatas sa publiko at sa kanyang mga kapwa miyembro ng Kamara na suportahan ang kanyang panukalang batas na naglalayong magbigay ng ganap na suporta sa mga batang may kritikal at nagbabanta sa buhay na karamdaman.

Inihain ni Rep. Nathan “Atty. Nat” Oducado ng 1Tahanan Partylist ang House Bill No. 8791 upang matiyak na ang mga batang may malulubhang sakit ay makatanggap ng tuluy-tuloy at buong suporta mula sa pamahalaan para sa kanilang gamutan at pangangalaga.

“Nakikipaglaban na nga sila para sa kanilang buhay, kailangan pang kalabanin ng mga pamilya nila ang sistema para lang makahingi ng tulong,” ani Oducado. “Madalas napipilitang magbenta ng mga pamilya ng ari-arian, bumiyahe nang napakalayo, at dumanas ng matinding emosyonal at pinansyal na hirap para lang mailigtas ang kanilang anak.”

Ang HB 8791, pinamagatang “Children’s Critical Illness Support Act,” ay nagtatatag ng isang komprehensibong programa na magbibigay ng buong subsidiya sa gastusing medikal sa mga pampublikong ospital, magpapalawak ng saklaw ng PhilHealth, magbibigay ng mahahalagang gamot at lunas, at magpapaabot ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot sa pribadong pasilidad kung kinakailangan, transportasyon at matutuluyan. Magbibigay din ito ng psychosocial na suporta para sa mga pamilya.

“Sa kasalukuyan, paikot-ikot ang mga magulang sa iba’t ibang opisina, ospital, at charity para lamang mabuo ang perang kailangan sa gamutan, at maraming bata ang naghihirap o namamatay dahil huli na ang tulong na dumarating,” dagdag ni Oducado.
“Layunin ng panukalang batas na ito na pagaanin ang dinaranas ng mga batang ito at ng kanilang mga pamilya, at tiyaking may sapat na suporta sa mga pinakamahirap na sandali.”

Inaatasan din ng panukala ang Department of Health na bumuo ng pambansang talaan ng mga batang may kritikal na karamdaman, magtakda ng malinaw na prayoridad para sa mga maralita at mababang-kita na pamilya, at tiyakin ang maayos na koordinasyon ng DOH, PhilHealth, DSWD, PCSO, at mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pag-uulit at pagkaantala ng tulong.

“Dapat magsilbing safety net ang pamahalaan para sa mga pinaka-nangangailangan, at walang batang dapat mapagkaitan ng gamutang makapagliligtas ng buhay dahil lamang sa kahirapan,” ani Oducado.
(Vina de Guzman)

Barangay Chairman Jonathan Relly DC. Mapue, ang tunay na nagmamalasakit sa Brgy. 21 Caloocan

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULA nang naupo ang butihing kapitan Jonathan Relly DC. Mapue sa Barangay 21 Siyudad ng Caloocan ay agad niyang inasikaso ang paglagay ng kanilang Brgy. Hall. Ito ay para maging maayos ang pag-aasikaso sa kanilang mga kabarangay sa kanilang pangangailangan sa dokumento at maging kaaya-aya ang tahanan ng kanilang barangay hall.
Bukod dito, inasikaso rin ng masipag na Kap. Mapue ang pagpapagawa ng Day Care Center, paglalagay ng mga Street Lights, pag de-clogging ng mga canals, paglalagay ng mga CCTV at pagbibigay ng mga relief goods sa tuwing may kalamidad.
Pinagtuunan din niya ng pansin ang pagbibigay ng mga gamot sa may karamdaman lalo na sa mga Senior Citizens at PWD’s, Feeding Program para sa mga bata at higit sa lahat ang Peace & Order Situation na siyang pinag-uukulan ng pansin ng mapagmahal na Kap. Jonathan Relly DC.Mapue para sa kaligtasan ng kanilang komunidad at ka-barangay.
Sa kanyang pagtatapos bilang “AMA” ng Brgy. 21 Siyudad ng Caloocan ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang nasimulan para sa kabutihan ng kanilang pamayanan. Katuwang niya sa kaayusan ng barangay ang kanyang kapatid na si Noel Mapue na siya namang tatakbo sa pagka- kapitan ng kanilang lugar at ang magiging kagawad na si Ferdinand R. Dados na kasalukuyang Brgy.Secretary.
( Sonny Asignacion)

DAR at NCIP, nagsanib-puwersa para sa VISTA project

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGSANIB- PUWERSA ang Department of Agrarian Reform (DAR) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang ipatupad ang Value Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agrarian Reform Communities (VISTA) Project. Pinagtibay ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na ginanap sa DAR Main Building sa Quezon City. ( BOY MORALES Sr. )

BI UMAASANG TATAAS ANG BILANG NG PASAHERO SA KABILA NG SIGALOT SA GITNANG SILANGAN

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMAASA pa rin si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na tataas ang volume ng mga mananakay sa mga susunod ng Linggo sa kabila ng giyera sa Gitnang Silangan.

Sinabi ng Viado na mataas pa rin ang datos sa kabila ng airport at flight disruption dulot ng sigalot kung saan nakapagtala ng kabuuang 782,344 na mga pasahero sa lahat ng maga international port of entry nitong peak week.

Sa datos, ang BI ay nakapagproseso ng kabuuang 391,243 na mga dumating at 391,101 naman sa mga umalis sa pagitan ng March 29 hanggang April 5 na halos kahalintulad na 371,731 na mga dumating at 361,361 na mga umalis na naiproseso noong Mahal na Araw.

Sinabi ng BI na noong 1st quarter ng 2026, nakapag-proseseo ang BI ng kabuuang 4,218,683 ang dumating at 4,521,001 na mga umalis noong nakaraang kahalintulad na taon.

Dagdag pa ng BI na ang numero ay may bahagyang pagbabago dahil ilan sa mga biyahe ay pre-booked na ng ilang buwan.

Idinagdag pa ng BI Chief na ang biyahe to and from Middle East ay bumaba noong unang quarter ng 80% kaya umaasa siya na pag natapos ang tensiyon sa Middle East ay manunumbalik ang bilang ng pasahero. (Gene Adsuara)

‘Responsableng Panonood Program’, inilunsad sa Malabon

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Mayor Jeannie Sandoval sa mga Malabueño na maging responsable, mapagbantay, at matalinong mga manonood sa mabilis na pag-unlad ng tanawin ng telebisyon at media habang patuloy na pinalalakas ng lungsod ang mga pagsisikap nito sa pagtataguyod ng media literacy at pagprotekta sa kapakanan ng mga residente nito, lalo na ng mga kabataan.

Ito ay matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng Responsableng Panonood (RP) Program sa pangunguna ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Malabon National Highschool.

Ang RP Program ay dinaluhan ng mga mag-aaral at tagapagturo upang itaguyod ang media literacy at responsableng pagkonsumo ng telebisyon. Sa pamamagitan ng bahaging “RP PROTECT” nito, binigyang-diin ng inisyatiba ang kahalagahan ng panonood na naaangkop sa edad, wastong pamamahala sa oras ng paggamit, at aktibong patnubay ng magulang.

Hinihikayat nito ang masa na gabayan ang pagkonsumo ng children’s media sa pamamagitan ng viewing, screentime regulation, media literacy, at positive role modeling upang itaguyod ang ligtas at malusog na mga gawi sa panonood.

Ang programa ay naglalayong isulong ang kamalayan ng komunidad at itaguyod ang aktibong pakikilahok sa pagtataguyod ng responsableng manonood, na naaayon sa konstitusyonal at legal na mandato ng MTRCB na protektahan ang kapakanan ng mga kabataan.

“Sa panahon ngayon na napakaraming impormasyon ang madaling ma-access, mahalagang maging mapanuri tayo sa ating pinapanood. Hindi lang basta panonood—dapat inuunawa at sinasaliksik natin kung ano ang epekto nito sa ating sarili at lalo na sa ating mga kabataan,” ani Mayor Jeannie.

“Huwag tayong basta maniwala sa lahat ng napapanood, o kahit sa nakikita sa social media. Maging mapagmatyag tayo, magsaliksik, at siguraduhin na ang mga impormasyong tinatanggap natin ay tama at makabuluhan,” dagdag niya.

Dumalo rin sa kaganapan sina MTRCB Chairperson Lala Sotto, Board Members Keats Musngi, Richard Reynoso, Cecile Villarosa, at Almira Mulach, City Tourism and Cultural Affairs Office staff.
(Richard Mesa)

MAYOR TIANGCO, PERSONAL NA ININSPEKSYON ANG SITWASYON SA LANDFILL FIRE

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na bumisita si Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga opisyal ng lungsod, sa Navotas Sanitary Landfill Facility (NSLF) para suriin ang aktwal na sitwasyon sa lugar at magbigay ng suporta sa fire-fighting efforts ng interagency task force.

“Ang kaligtasan ng ating mamamayan ang aming pangunahing prayoridad. Tinitiyak namin na lahat ng hakbang ay ginagawa upang agad na makontrol ang sunog at mapanatiling ligtas ang kalidad ng hangin sa ating lungsod at mga karatig-siyudad.” ani Mayor Tiangco.

Aniya, hindi na nag-o-operate ang landfill mula pa noong 2025, pero may mga natirang residual waste na prone sa sunog kapag mainit ang panahon. Naitala rin na hindi ganap na naipatupad ng dating private operator ng landfill ang safe closure at rehabilitation plan na maaaring nakaambag sa insidente.

“At nagkulang nga doon sa pagtatakip ng buhangin dahil maraming gases nga dito at siyempre maraming plastic kaya nagkaroon ng sunog po,” sabi ni mayor. “Bagaman wala ng residenteng nakatira malapit dito, siyempre apektado ng hangin yung ating lungsod at mga karatig-lungsod at ibang munisipyo na malapit dito.”

Mula pa noong weekend, nag-deploy si Mayor Tiangco ng firefighters at emergency personnel upang tutukan at kontrolin ang sunog sa sarado ng tambakan. Binuo din niya ang interagency task force para coordinated ang lahat ng pagkilos ng mga ahensiya at LGUs patungkol sa sunog.

May mga heavy dump trucks ang kasalukuyang nasa sa lugar at inaasahang agad na sisimulan ang pagtatambak ng buhangin dahil dumating na ang barge lulan ang lupang pantambak.

Ang soil cover operations ay itinuturing na mas pangmatagalang solusyon upang tuluyang matigil ang methane combustion sa sanitary landfill.

Patuloy naman ang misting operations gamit ang fire pumps upang mabawasan ang usok at nakipag-ugnayan na rin ang lungsod sa Department of Public Works and Highways upang magsagawa ng site inspection at matukoy ang iba pang mga engineering intervention.

Samantala, nagsagawa ng meeting sina Mayor Tiangco at Obando Mayor Leonardo Valeda kung saan ipinaliwanag niya ang mga hakbang na isinasagawa ng kanyang bunuong inter-agency task force upang mapuksa ang apoy sa NSFL.

Nakatuon ang meeting sa agarang tulong sa mga residente ng apat na barangay sa Obando na direktang naapektuhan ng usok mula sa nasusunog na landfill para tulungan sila ng lungsod ng Navotas sa abot ng makakaya nito.

Bubuksan din ng lungsod ang Navotas City Hospital para sa mga pasyenteng mula sa Obando na nagkasakit o nagkaroon ng fire/smoke-related symptoms at magbibigay ng iba pang karagdagang tulong kabilang na dito ang pamamahagi ng N-95 masks sa mga direktang naapektuhan ng usok.
(Richard Mesa)

KAMPANYA LABAN SA ILLEGAL FIXING ACTIVITIES, MAS PINALAKAS NG LTO

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY na pinapalakas ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad nito laban sa mga illegal fixing activities sa loob ng kanilang establisyimento bilang bahagi ng pinalakas na kampanya ng ahensya laban sa mga fixer.

Ang inisyatibong ito ay naaayon sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, at sa 7-Point Priority Framework ni LTO Chief, Assistant Secretary at concurrent Regional Director ng LTO National Capital Region (NCR) Markus V. Lacanilao.

Isang anti-fixing operation ang isinagawa sa Tanggapan ng LTO-NCR noong Abril 10, 2026, mula 9:00am hanggang 11:30am ng mga tauhan ng LTO-NCR Field Enforcement Unit (FEU), katuwang ang Monitoring Support Section nito, at ang Department of Public Order and Safety (DPOS).

Sa operasyon, apat na indibidwal ang nahuli dahil sa umano’y pagkakasangkot sa fixing activities. Binigyan sila ng citation tickets ng mga tauhan ng DPOS dahil sa paglabag sa Quezon City Ordinance No. SP-1656, Series of 2005, na kilala rin bilang Ordinance Banning Fixers Within the Vicinity of Government Offices.

Inulit ni Asec. Lacanilao ang matatag na paninindigan ng ahensya laban sa mga fixing activities, na binibigyang-diin na ang mga ganitong ilegal na gawain ay sumisira sa tiwala ng publiko at nakompromiso ang integridad ng mga serbisyo ng gobyerno. Tiniyak din niya na ang LTO ay patuloy na magpapatupad ng patuloy at proaktibong mga hakbang sa pagpapatupad upang pigilan ang mga fixer at pangalagaan ang publiko mula sa mga mapanlinlang na transaksyon.

Inuulit din ng LTO ang panawagan nito sa publiko na makipagtransaksyon lamang sa mga awtorisadong tauhan at sa pamamagitan ng mga opisyal na channel. Nananatiling mahalaga ang kooperasyon ng publiko sa patuloy na pagsisikap ng ahensya na isulong ang transparency, efficiency, at accountability sa paghahatid ng mga serbisyo. (PAUL JOHN REYES)

Publiko pinag-iingat vs tigdas, food and water borne diseases ngayong summer

Posted on: April 16th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINAALALAHANAN ng Quezon City Health Department ang publiko lalo na mag-ingat sa sakit na tigdas, sakit sa balat at mga food and water borne diseases ngayong tag-init.

Sinabi ni Dra. Patricia Bonifacio ng QC health Department, mabilis kumalat ang sakit na tigdas sa loob ng bahay at maging sa mga batang naglalaro sa lansangan.

Kailangan din aniyang mag-ingat ang publiko sa water borne diseases na kalimita’y mga bacteria sa swimming pool na walang chlorine. Marami ang nagnanais na mag-swimming upang maibsan ang init na dulot ng summer. Bantayan din ang mga pagkain na madaling mapanis na maaa­ring magdulot ng diarrhea gayundin ang mga tubig na iinumin.

Mas makabubuti rin kung iiwasang lumabas ng bahay mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa panganib na heat stroke, exhaustion, skin diseases, hika, hypertension at iba pang sakit na nakukuha sa sobrang init ng panahon.
Pinapayuhan ang publiko na magdala ng tubig, payong at at magsuot ng komportableng damit.