House Bill No. 8791 o “Children’s Critical Illness Support Act,”, inihain ng mambabatas para sa mga batang may malulubhang sakit
- Published on April 16, 2026
- by @peoplesbalita
NANAWAGAN ang isang mambabatas sa publiko at sa kanyang mga kapwa miyembro ng Kamara na suportahan ang kanyang panukalang batas na naglalayong magbigay ng ganap na suporta sa mga batang may kritikal at nagbabanta sa buhay na karamdaman.
Inihain ni Rep. Nathan “Atty. Nat” Oducado ng 1Tahanan Partylist ang House Bill No. 8791 upang matiyak na ang mga batang may malulubhang sakit ay makatanggap ng tuluy-tuloy at buong suporta mula sa pamahalaan para sa kanilang gamutan at pangangalaga.
“Nakikipaglaban na nga sila para sa kanilang buhay, kailangan pang kalabanin ng mga pamilya nila ang sistema para lang makahingi ng tulong,” ani Oducado. “Madalas napipilitang magbenta ng mga pamilya ng ari-arian, bumiyahe nang napakalayo, at dumanas ng matinding emosyonal at pinansyal na hirap para lang mailigtas ang kanilang anak.”
Ang HB 8791, pinamagatang “Children’s Critical Illness Support Act,” ay nagtatatag ng isang komprehensibong programa na magbibigay ng buong subsidiya sa gastusing medikal sa mga pampublikong ospital, magpapalawak ng saklaw ng PhilHealth, magbibigay ng mahahalagang gamot at lunas, at magpapaabot ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot sa pribadong pasilidad kung kinakailangan, transportasyon at matutuluyan. Magbibigay din ito ng psychosocial na suporta para sa mga pamilya.
“Sa kasalukuyan, paikot-ikot ang mga magulang sa iba’t ibang opisina, ospital, at charity para lamang mabuo ang perang kailangan sa gamutan, at maraming bata ang naghihirap o namamatay dahil huli na ang tulong na dumarating,” dagdag ni Oducado.
“Layunin ng panukalang batas na ito na pagaanin ang dinaranas ng mga batang ito at ng kanilang mga pamilya, at tiyaking may sapat na suporta sa mga pinakamahirap na sandali.”
Inaatasan din ng panukala ang Department of Health na bumuo ng pambansang talaan ng mga batang may kritikal na karamdaman, magtakda ng malinaw na prayoridad para sa mga maralita at mababang-kita na pamilya, at tiyakin ang maayos na koordinasyon ng DOH, PhilHealth, DSWD, PCSO, at mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pag-uulit at pagkaantala ng tulong.
“Dapat magsilbing safety net ang pamahalaan para sa mga pinaka-nangangailangan, at walang batang dapat mapagkaitan ng gamutang makapagliligtas ng buhay dahil lamang sa kahirapan,” ani Oducado.
(Vina de Guzman)