• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 15th, 2026

Obrero na wanted sa 7 bilang ng Qualified Statutory Rape, kalaboso

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

LAGLAG sa selda ang isang construction worker na akusado sa pitong bilang ng Qualified Statutory Rape nang matimbog ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa ulat, noong April 7, 2026 nang mag-isyu ang Family Court, Branch 16, Valenzuela City ng arrest warrant laban sa 35-anyos na akusado para sa kasong Statutory Rape (7 counts).

Dahil dito, agad ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes ang pagtugis sa akusado.

Dakong alas-2:30 ng hapon nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena (WSS) ang akusado sa Brgy., Paso De Blas.

Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba WSS sa bisa ng naturang arrest warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Nanawagan naman si Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat sa pulisya ng kahina-hinalang mga aktibidad. (Richard Mesa)

2 akusado sa Acts of Lasciviousness sa Navotas, timbog

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG lalaki na kapwa wanted kasong Acts of Lasciviousness kabilang ang 32-anyos na barangay tanod ang nalambat ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Navotas at Caloocan Cities.

Ikinasa ng pinagsamang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section, Patrol Base 3 at Women and Children Protection Desk sa ilalim ng pangangasiwa ni Navotas City Police Station Chief P/Col. Renante Pinuela ang pagtugis sa wanted na barangay tanod.

Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ang akusado at bitbitin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 9, Navotas City, alas-1:40 ng hapon sa Brgy., Sipac Almacen, Navotas City para sa kaong Acts of Lasciviousness.

Sumunod na nakorner ng mga tauhan ni Col. Pinuela ang 21-anyos na supermarket worker na residente ng Barangay NBBS Kaunlaran, sa operation sa Sangandaan, Caloocan City.

Dinakip ang akusado sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Family Court, National Capital Judicial Region, Branch 9, Navotas City, para din sa kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Navotas CPS sa kanilang pagsisikap para tugisin ang mga wanted indibidwal na bahagi aniya ng pinaigting na operation ng NPD laban sa mga ito.
(Richard Mesa)

KONTAMINADONG FROZEN MEAT AT ISDA, NAREKOBER NG BOC

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG P178 milyong halaga ng kontaminadong frozen meat at isda ang narekober ng Bureau of Customs (BOC) mula sa 22 abandonadong container sa Manila International Container Port.
Pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon habang kinumpirma ng Customs Intelligence and Investigation Service ang sirang cold chain na nagdulot ng pagkatunaw ng mga produkto.
Naglabas ng Notices of Violation ang Bureau of Animal Industry at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources laban sa importer dahil sa paglabag sa Food Safety Act.
Isasailalim sa disposal ang mga shipment na may kabuuang mahigit 576,000 kilo at idineklarang abandonado alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.
Mula 2025, nakapagsampa na ang BOC ng 72 kaso sa Department of Justice kaugnay ng smuggling ng agricultural products.
(Gene Adsuara)

SANOFI, PHILCARE, NAGKAISA UPANG PALAKASIN ANG PREVENTIVE HEALTHCARE NG MGA MANGGAGAWANG FILIPINO

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGKASUNDO ang biopharmaceutical company na Sanofi Philippines at ang health maintenance organization (HMO) provider na PhilCare upang palawakin ang access sa preventive healthcare para sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng adult vaccination at iba pang hakbang pangkalusugan sa mga lugar ng trabaho.

Ang partnership ay inilunsad kasabay ng paggunita sa World Day for Safety and Health at Work sa Abril 28 at World Immunization Week mula Abril 24 hanggang 30, na kapwa nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga hakbang pang-iwas para sa mas ligtas at mas malusog na workplace at komunidad.

Ayon kay Vanessa Gomez, head of vaccines ng Sanofi Philippines, mahalaga ang pagpapanatili ng kalusugan ng mga empleyado upang masuportahan ang tuloy-tuloy na produktibidad at paglago ng ekonomiya ng bansa.

“Habang patuloy na lumalawak ang workforce ng bansa, mahalagang mapanatiling malusog ang mga empleyado upang mapanatili ang productivity at economic growth. Isa ang immunization sa pinakamabisang paraan upang maprotektahan ang kalusugan ng mga manggagawang Pilipino,” ani Gomez.

Batay sa datos, umabot sa 65.7 porsyento ang labor force participation rate ng bansa, katumbas ng mahigit 52 milyong Pilipino na aktibong bumubuo sa pambansang ekonomiya habang tinutustusan ang kanilang mga pamilya.

Gayunman, nananatiling hamon sa workforce productivity ang mga sakit na naiiwasan sa pamamagitan ng bakuna gaya ng influenza o trangkaso, na karaniwang tumataas ang kaso mula Hunyo hanggang Nobyembre ngunit nananatiling banta sa buong taon.

Ayon sa Sanofi, mas mataas ang panganib ng malubhang komplikasyon sa mga hindi nabakunahang nasa hustong gulang, lalo na yaong may mga underlying condition, na maaaring humantong sa pagliban sa trabaho, pagkawala ng kita, at pagtaas ng gastusing medikal.

Binanggit din ng kumpanya ang datos mula sa World Health Organization (WHO) na nagsasabing mahalaga ang pagbabakuna upang maiwasan at makontrol ang pagkalat ng mga sakit, bagama’t nananatiling mababa ang adult vaccination uptake dahil sa gastos, limitadong access, at kakulangan sa kaalaman ng publiko.

Sa ilalim ng partnership, layunin ng Sanofi at PhilCare na mapataas ang kamalayan sa adult immunization at mapalawak ang access sa bakuna para sa mga corporate members ng PhilCare bilang bahagi ng pagsusulong nito sa preventive healthcare.

Ayon naman kay Jaeger L. Tanco, president at chief executive officer ng PhilCare, bahagi ito ng kanilang layunin na gawing mas responsive ang healthcare sa nagbabagong pangangailangan ng mga Pilipino.

“Sa pagsasama ng mahahalagang vaccination options tulad ng flu shot sa aming healthcare offerings, nais naming tugunan ang mga kakulangan sa adult preventive care at maprotektahan ang mga empleyado laban sa vaccine-preventable diseases,” ani Tanco.

Samantala, sinabi ni Zainab Sadat, general manager for Sanofi Vaccines for Southeast Asia and India, na ang bawat manggagawang napoprotektahan laban sa sakit ay nangangahulugan ng isang pamilyang mas may seguridad at katatagan.

“Ang kalusugan ay karapatan, hindi pribilehiyo. Sa pamamagitan ng partnership na ito, sinisiguro naming mas maraming manggagawang Pilipino ang magkakaroon ng access sa proteksiyong kailangan nila,” ani Sadat.

Ayon sa dalawang kumpanya, ang kanilang kolaborasyon ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap na ilipat ang healthcare approach mula sa reactive treatment tungo sa proactive protection, habang inilalatag ang pundasyon para sa mas matatag at mas resilient na Filipino Workforce.
(Gene Adsuara)

P125M confi funds ni VP Sara, ginastos sa loob lamang ng 24 oras – Madriaga

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DUMALO sa pagdinig ng House Justice Committee si Ramil Madriaga, na nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng korupsyon.
Binasa ni Madriaga, na nagsabing nagsilbing bagman umano ni Duterte, ang supplemental affidavit na nagdedetalye sa ilang akusasyon laban sa VP at kanyang pamilya.
Isa sa pinakabagong alegasyon nito, na “personal niyang ipinamahagi” ang P125-million confidential funds ng Office of the Vice President sa loob ng isang araw sa ilalim ng umano’s kautusan mismo ng VP.
“A few years later, I read from several media reports that the One Hundred Twenty-Five Million Pesos (PhP125,000,000.00) OVP confidential funds in 2022 were reportedly utilized in just eleven (11) days,” saad ni Madriaga sa kanyang supplemental affidavit. “This is wrong because I personally disposed the money in less than twenty-four (24) hours.”
Ayon kay Madriaga, dinala niya ang P125 million ng confidential funds ng OVP sa tatlong lokasyon sa loob ng 24 oras base na rin umano sa kautusan ng VP.
Sa umaga ng December 20, 2022, tinawagan umano siya ni Duterte para makipag-coordinate sa isang Colonel Nolasco.
Sinabi umano ni Duterte na mayroong dadalhin sa San Pablo, Laguna, sa Nightstrip [restaurant sa Quezon City], at sa Ombudsman. Bukod dito, nakatanggap din siya ng text message mula sa VP kaugnay sa naturang mga lugar na pagdadalhan kabilang na ang mga kaukulang contact numbers.
Nag-text din umano si Colonel Nolasco na nag-aatas sa kanya na magtungo sa DepEd Central Office sa Pasig City katabi ng Ultra dakong ala-1:30 ng hapon para sa “transport.” Ang transport ay ginamit na salita para sa delivery o transportation ng malaking halaga ng pera mula kay Col. Nolasco at sa kanya base sa kautusan umano ni Sara.
Si Nolasco ay si Lt. Col. Dennis Nolasco ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Sinabi ni Madriaga na dumaing siya sa DepEd compound sa Pasig bandang alas-3 o alas-4 ng hapon gamit ang dalawang government vehicles na may pulang plaka at sinalubong sila nina Nolasco at DepEd Special Disbursement Officer (SDO) Gina Acosta.
Apat umanong malalaking bags ang isinakay sa naturang mga sasakyan na naglalaman ng nasa tinatayang P30 million hanggang P35 million.
Dalawa sa malalaking itim na bags ang isinakay sa Toyota Grandia habang ang isang malaki at maliit na light colored bag ang isinakay naman sa kanyang blue FJ Cruiser. Ang bags na isinakay sa Toyota Grandia ay hiwalay na dinala sa San Pablo, Laguna at Nommu Basho, Tomas Morato, Quezon City sa loob ng isang araw.
Habang ang natitirang bags na isinakay sa Blue FJ Cruiser ay agad na inilipat sa pulang Mazda Sedan bago umalis sa DepEd compound at dinala sa OMB parking lot sa susunod na araw.
Nagdala rin siya, base na rin sa kautusan umano ni PRRD o Sara, ng pera kay Ombudsman Samuel Martires o Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala ng Office of the Ombudsman na nakalagay sa loob ng isang open trunk ng isang designated car.
“When we arrived [at the Ombudsman], the guard gave a signal directing us to park in a specific area in the Ombudsman parking lot. We proceeded to the specific area and parked the Red Mazda Sedan where the remaining two bags of money were placed,” ani Madriaga.
Iniwan aniya ang susi sa ibabaw ng kaliwang harapang gulong ng sasakyan na “a usual practice when delivering large amounts of money.”
Pagkatapos makumpleto ang huling delivery, umalis aniya sila sa OMB compound sakay ng kanyang Blue Toyota FJ Cruiser.
Naging emosyunal naman si Madriaga kung saan pansamantala munang sinuspinde ni House justice panel chairperson Gerville Luistro ng Batangas ang pagdinig.
Matapos ang ilang minuto at sinabi ni Madriaga na okay siya at malungkot lamang siya.
(Vina de Guzman)

NPC, KINONDENA ANG PAGLAGANAP NG FAKE NEWS SA GITNA NG KRISIS

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MARIING kinondena ng National Press Club (NPC) ang paglaganap ng fake news at maling impormasyon sa panahon ng krisis dahil nagdudulot umano ito nang hindi nararapat na stress, pag-aalala o panic sa publiko.

Sinabi ni NPC President Leonel Abasola na hinihimok ng pamunuan ng pinakamatandang press organization sa bansa ang publiko na huwag tanggapin ang lock, stock at barrel information na nagmumula sa mga kuwestiyonableng source.

Ayon sa NPC, ang publiko ay dapat umasa lamang sa mga lehitimong mapagkukunan ng impormasyon at mga opisyal na mapagkukunan sa panahong ito ng mga krisis.

Nagbabala pa ito sa publiko na maniwala lamang sa mga pinagmumulan ng balita na mapapatunayan hindi sa mga impormasyong may posibilidad na makabaluktot sa totoong umiiral na sitwasyon.

Sinabi ng NPC na nitong buwang ay kinondena ng National Privacy Commission (NPC) at iba pang ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Presidential Communications Office (PCO) at Philippine National Police (PNP), ang pagdagsa ng disinformation sa gitna ng pambansang krisis sa enerhiya.

“Fake news has no place in a democratic society like ours, thus the NPC is very much concern about this situation and would do its share to address the matter,” ani Abasola.

Sinabi pa niya na ang gobyerno ay naglabas na ng babala na ang pagpapakalat ng “fake news” sa panahong ito ay isang malubhang pagkakasala na nagbabanta sa pambansang katatagan.

Dagdag niya, idineklara ni PCO Secretary Dave Gomez ang “zero tolerance” para sa mga gumagawa ng balita para pagsamantalahan ang kasalukuyang sitwasyon ng enerhiya at ang mga indibidwal na mahuling nagkakalat ng maling impormasyon ay nahaharap ng hanggang anim na buwan na pagkakakulong sa ilalim ng Revised Penal Code, o hanggang isang taon kung ang pagkakasala ay ginawa online sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act. (Richard Mesa)

LTFRB, NAGBUKAS NG ONLINE PLATFORM PARA SA SERVICE CONTRACTING PROGRAM APPLICATION

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang paggamit ng online platform para sa pagtanggap ng aplikasyon sa Land-Based Service Contracting Program (SCP) ng pambansang pamahalaan.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pabilisin ang pagbibigay ng tulong sa mga commuter, lalo na sa gitna ng epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

“Sa kabila ng mga hamon, sinisiguro ng LTFRB na maihatid ang pinakamabilis at pinaka-maginhawang paraan ng serbisyo sa ating mga kliyente,” ani Chairperson Mendoza.
“Ito po ang bilin sa atin ng Pangulong Marcos sa nakaraang pagpupulong kasama si Secretary Banoy, at maayos po ang ating pagtupad,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga tulong na tinalakay ng Pangulo kasama ang DOTr at LTFRB ay ang fuel subsidy at service contracting program. Sa kasalukuyan, isinasapinal na ang karagdagang P10 kada litro na fuel subsidy, habang bukas na ang aplikasyon para sa service contracting program.

Saklaw ng programa ang mga bus na gagamitin sa EDSA Carousel at feeder routes, UV Express at modern jeepneys sa buong bansa, gayundin ang modern at tradisyunal na jeepneys sa Metro Manila at mga urban area sa mga probinsya.

Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong operator online sa pamamagitan ng Land-Based SCP (LBSCP) Registration System na may mga sumusunod na requirements:

• Pagsang-ayon sa LTFRB Terms and Conditions
• Bank account sa pangalan ng kwalipikadong operator
• Vehicle plate number at case number
• Global Positioning System (GPS) Provider

Para sa mga lugar na walang cellular signal para sa GPS, gagamit ng manual monitoring batay sa pagtukoy ng LTFRB.

Alinsunod sa direktiba ni Secretary Lopez, tiniyak ng LTFRB na mapapabilis ang proseso ng aplikasyon kung saan ang evaluation at onboarding ay matatapos sa loob ng 24 oras mula sa pagtanggap ng aplikasyon. Ang iskedyul ng operasyon ay ipapadala sa pamamagitan ng LBSCP registration system. (PAUL JOHN REYES)

40 porsiyento discount sa seniors, PWDs at estudyante – Solon

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IPINAALALA ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ompong Ordanes sa mga kapwa senior citizens na itinaas na sa 40 porsiyento ang kanilang diskwento sa pagsakay ng mga public utility vehicles (PUVs) na sakop ng subsidized routes.

Ayon kay Ordanes, ang kasalukuyang 20 porsiyentong discount sa pamasahe ng senior ay dinagdagan pa ng 20 porsiyento mula sa Department of Transportation (DOTr).

Sakop nito ang 823 ruta ng mga jeepney, bus at EDSA Carousel na inaasahang magbibigay ng malaking benepisyo sa mga seniors, PWDs at estudyante.

Binigyang-diin ni Ordanes na malaking tulong itong net service contracting sa mga driver at operator, kabilang ang mga senior citizen na namamasada.

Sakop nito ang 823 ruta ng mga jeepney, bus at EDSA Carousel na inaasahang magbibigay ng malaking benepisyo sa mga seniors, PWDs at estudyante.
Binigyang-diin ni Ordanes na malaking tulong itong net service contracting sa mga driver at operator, kabilang ang mga senior citizen na namamasada.

Bible Verse

Posted on: April 15th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

“But God shows his love for us in that while we were still sinners, Christ died for us.” -Romans 5:8

Ads April 15, 2026

Posted on: April 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments