• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

P125M confi funds ni VP Sara, ginastos sa loob lamang ng 24 oras – Madriaga

DUMALO sa pagdinig ng House Justice Committee si Ramil Madriaga, na nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng korupsyon.
Binasa ni Madriaga, na nagsabing nagsilbing bagman umano ni Duterte, ang supplemental affidavit na nagdedetalye sa ilang akusasyon laban sa VP at kanyang pamilya.
Isa sa pinakabagong alegasyon nito, na “personal niyang ipinamahagi” ang P125-million confidential funds ng Office of the Vice President sa loob ng isang araw sa ilalim ng umano’s kautusan mismo ng VP.
“A few years later, I read from several media reports that the One Hundred Twenty-Five Million Pesos (PhP125,000,000.00) OVP confidential funds in 2022 were reportedly utilized in just eleven (11) days,” saad ni Madriaga sa kanyang supplemental affidavit. “This is wrong because I personally disposed the money in less than twenty-four (24) hours.”
Ayon kay Madriaga, dinala niya ang P125 million ng confidential funds ng OVP sa tatlong lokasyon sa loob ng 24 oras base na rin umano sa kautusan ng VP.
Sa umaga ng December 20, 2022, tinawagan umano siya ni Duterte para makipag-coordinate sa isang Colonel Nolasco.
Sinabi umano ni Duterte na mayroong dadalhin sa San Pablo, Laguna, sa Nightstrip [restaurant sa Quezon City], at sa Ombudsman. Bukod dito, nakatanggap din siya ng text message mula sa VP kaugnay sa naturang mga lugar na pagdadalhan kabilang na ang mga kaukulang contact numbers.
Nag-text din umano si Colonel Nolasco na nag-aatas sa kanya na magtungo sa DepEd Central Office sa Pasig City katabi ng Ultra dakong ala-1:30 ng hapon para sa “transport.” Ang transport ay ginamit na salita para sa delivery o transportation ng malaking halaga ng pera mula kay Col. Nolasco at sa kanya base sa kautusan umano ni Sara.
Si Nolasco ay si Lt. Col. Dennis Nolasco ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Sinabi ni Madriaga na dumaing siya sa DepEd compound sa Pasig bandang alas-3 o alas-4 ng hapon gamit ang dalawang government vehicles na may pulang plaka at sinalubong sila nina Nolasco at DepEd Special Disbursement Officer (SDO) Gina Acosta.
Apat umanong malalaking bags ang isinakay sa naturang mga sasakyan na naglalaman ng nasa tinatayang P30 million hanggang P35 million.
Dalawa sa malalaking itim na bags ang isinakay sa Toyota Grandia habang ang isang malaki at maliit na light colored bag ang isinakay naman sa kanyang blue FJ Cruiser. Ang bags na isinakay sa Toyota Grandia ay hiwalay na dinala sa San Pablo, Laguna at Nommu Basho, Tomas Morato, Quezon City sa loob ng isang araw.
Habang ang natitirang bags na isinakay sa Blue FJ Cruiser ay agad na inilipat sa pulang Mazda Sedan bago umalis sa DepEd compound at dinala sa OMB parking lot sa susunod na araw.
Nagdala rin siya, base na rin sa kautusan umano ni PRRD o Sara, ng pera kay Ombudsman Samuel Martires o Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala ng Office of the Ombudsman na nakalagay sa loob ng isang open trunk ng isang designated car.
“When we arrived [at the Ombudsman], the guard gave a signal directing us to park in a specific area in the Ombudsman parking lot. We proceeded to the specific area and parked the Red Mazda Sedan where the remaining two bags of money were placed,” ani Madriaga.
Iniwan aniya ang susi sa ibabaw ng kaliwang harapang gulong ng sasakyan na “a usual practice when delivering large amounts of money.”
Pagkatapos makumpleto ang huling delivery, umalis aniya sila sa OMB compound sakay ng kanyang Blue Toyota FJ Cruiser.
Naging emosyunal naman si Madriaga kung saan pansamantala munang sinuspinde ni House justice panel chairperson Gerville Luistro ng Batangas ang pagdinig.
Matapos ang ilang minuto at sinabi ni Madriaga na okay siya at malungkot lamang siya.
(Vina de Guzman)