Obrero na wanted sa 7 bilang ng Qualified Statutory Rape, kalaboso
- Published on April 15, 2026
- by @peoplesbalita
LAGLAG sa selda ang isang construction worker na akusado sa pitong bilang ng Qualified Statutory Rape nang matimbog ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa ulat, noong April 7, 2026 nang mag-isyu ang Family Court, Branch 16, Valenzuela City ng arrest warrant laban sa 35-anyos na akusado para sa kasong Statutory Rape (7 counts).
Dahil dito, agad ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes ang pagtugis sa akusado.
Dakong alas-2:30 ng hapon nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena (WSS) ang akusado sa Brgy., Paso De Blas.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin ng mga operatiba WSS sa bisa ng naturang arrest warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Nanawagan naman si Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat sa pulisya ng kahina-hinalang mga aktibidad. (Richard Mesa)