• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 5th, 2026

Work from home, 4-day work week iginiit

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IGINIIT ni Sen. Win Gatchalian na ipatupad ang work from home o apat na araw na lamang na pagtatrabaho sa loob ng isang linggo bilang bahagi ng pagtitipid sa gasolina.

Ayon kay Gatchalian,­ kung ipatutupad ang work from home ay maiiwasan ang gastos.
“Ang immediate natin…kung kayang mag implement ng 4-day work week instead na limang araw na nasa kalsada or work from home para hindi lalabas ng kalsada kasi once na lumabas ka gastos ng petrolyo yun eh,” ani Gatchalian.

Inaasahan ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa nangyayaring gulo sa Middle East.
Sa kasalukuyan, may batas sa Pilipinas kaugnay sa work from home o pagta-trabaho sa bahay gamit ang internet. Ang WFH ay nakapaloob sa Republic Act 11165 o Telecommuting Act.

Nangangamba rin ang ilang senador hindi lang sa pagtaas ng pre­syo ng mga produktong petrolyo kundi ang tuluyang pagkawala ng suplay kung hindi titigil ang Iran sa pambobom­ba sa Middle East.

Bagaman ang Amerika at Israel ang nambomba sa Iran, gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng pambobomba sa Gitnang Silangan kung saan may mga base ang Amerika.

Isinara rin ng Iran ang Hormuz Strait na dinadaanan ng mga oil tankers.

Pahayag ni QC Rep. Bong Suntay kay Anne Curtis, kinondena ng ilang lady solons

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINONDENA ng ilang lady solons ang mga naging pahayag ni Quezon City Rep. Bong Suntay sa ginanap na pagdinig ng Justice Committee nitong Martes kaugnay kay Anne Curtis.

Sa isang statement mula kay Committee on Women Chair at Laguna Rep. Ann Matibag, sinabi nito na ito ay simpleng biro o harmless na komento lamang .

Ang pagsasabi sa isang babae bilang object of sexual imagination, lalo na sa isang opisyal na pagdinig ay tahasang sexist at nakakahiya.

Wala aniya umano itong lugar sa anumang institusyong dapat na nagtataguyod ng respeto at propesyunalismo.

Inihayag naman ni Rep. Sarah Elago na hindi katanggap-tanggap ang pahayag ng mambabatas.

Aniya ang pagbabahagi ng kanyang imahinasyon tungkol sa isang babae—anumang dahilan—ay tahasang pambabastos at pag-objectify sa kababaihan.

“We stand firmly with women in denouncing this behavior from those in positions of power. There is no place for sexism and objectification of women by public officials. We will continue to demand respect, uphold women’s dignity, and push for accountability,” ani Elago.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Suntay na walang malisya sa kanyang naging pahayag sa pagdinig ng Justice committee ukol sa impeachment complaint laban kay Bise Presidente kaugnay kay Curtis.
Humingi rin ito ng paumanhin kung naka-offend siya sa naging pahayag niya sa aktres.
“I stand by that analogy that I made but if some people were offended, lalo na Women’s Month, I’m sorry for those who were offended but if you read the context talaga, there was nothing malicious in it. Depende kung bibigyan ng malice nung nagbasa. Pasensiya na po. To make it appear offensive was not the intention.” pahayag ni Suntay sa interbyu nito sa DZMM. (Vina de Guzman)

Para makatipid sa paggamit ng petrolyo: Suhestiyon na 4 day work week at WFH scheme, maaaring pag-aralan ni PBBM- Malakanyang

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAAARING pag-aralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang suhestiyon ni Sherwn Gatchalian na 4 day work week at Work From Home (WFH) scheme para makatipid sa paggamit ng petrolyo.
“Sa ngayon po ay maaaring pag-aralan po ng Pangulo ang ganyang suhestiyon lalo na kung magiging malala pa po ang nangyayaring Israel-Iran issue,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Sa ngayon po ay hindi pa po ito napag-uusapan,” ani Castro.
Sa ulat, iminungkahi ni Gatchalian ang 4 day work week at WFH scheme para makatipid sa petrolyo bilang tugon sa naging panawagan ng Pangulo sa mga tanggapan ng gobyerno na magtipid sa paggamit ng enerhiya.
Para kay Gatchalian, ‘immediate solution’ ang 4-day work week at WFH scheme sa gitna ng nakaambang na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na Middle East crisis.
Sa halip aniya na 5 araw sa kalsada ay 4 na araw na lamang sa kumpanya at work from home para hindi aniya lalabas ng kalsada.
“Kasi once na lumabas ka.. gastos sa petrolyo un eh,” ayon sa senador.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya sa gitna ng nangyayaring kaguluhan sa Middle East.
Ayon sa Pangulo, inatasan niya ang lahat ng tanggapan ng gob­yerno para gumawa ng hakbang para magtipid sa enerhiya.
“Maghanap tayo ng paraan para mabawasan ang ating paggamit ng lahat ng mga sources of energy natin,” saad pa ni Pangulong Marcos.
Bagama’t sapat naman aniya ang supply ng langis sa ngayon ay dapat na rin itong gawin ngayon para mabawasan ang pagbayad dahil sa tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
‘Yung mga unnecessary travel, ‘yung mga carpooling, ‘yung mga bagay-bagay na ganyan. These are things that the general public can do,” pahayag pa ng Presidente.
Hinikayat din ni Marcos ang publiko na gumamit ng pampublikong transportasyon habang ang mga pribadong sasakyan ay dapat punuin ang mga sakay at hindi lang iisang tao ang gumagamit.
Ang kanyang panawagan aniya ay hindi lang para sa mga ahensiya ng gobyerno kundi maging sa taumbayan. ( Daris Jose)

Higit P.7M shabu, nasabat sa tulak na ginang sa Caloocan

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa mahigit P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang ginang na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil umano’y illegal drug activities ng 40-anyos na ginang.
Nang positibo ang ulat, kaagad bumuo ng team si P/Lt. Restie Mables, hepe ng SDEU bago ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.
Kaagad inaresto ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa katransaksyon na pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu sa Brgy., 178, ng lungsod.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 103.2 grams ng suspected shabu na may estimated standard drug price na P701,760.00 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 12-pirasong P1,000 boodle money.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na operation na binibigyang-diin na ang NPD ay nananatiling matatag sa pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na droga para matiyak ang mas ligtas na komunidad. (Richard Mesa)

PCO at print media publishers, lumagda ng MOU para labanan ang ‘fake news’

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

LUMAGDA ang Presidential Communications Office (PCO) at mga print media publishers, araw ng Miyerkules, Marso 4, ng isang memorandum of understanding (MOU) para sa “Oplan Kontra Fake News,”.
Isa itong inisyatiba na naglalayong pagtibayin ang transparency at labanan ang disinformation sa bansa.
Pinangunahan ni PCO Secretary Dave Gomez ang pagpirma sa MOU sa Kalayaan Hall, Palasyo ng Malakanyang.
Sa naging talumpati ni Gomez, sinabi nito na ang “Oplan Kontra Fake News” ay makabuluhan, binigyang diin na ang ‘misinformation at disinformation’ lalo na sa social media, ay katulad ng isang “venom that poisons the hearts and minds of the people.”
Ayon pa rin kay Gomez, ang fake news ay patuloy na kumakalat lalo na sa social media kung saan marami ang naniniwala dito at naloloko.
Samantala, ang mga newspaper publishers at/o pangulo na nakiisa sa MOU signing ay sina:
Paolo Prieto of the INQUIRER
Herminio Coloma, Jr. of Manila Bulletin
Teresa “Tammy” Mendoza of Philippine Star
Arjay Balinbin of Business World
Luisito “Chito” Lozada of Daily Tribune
T. Anthony Cabangon of Business Mirror
Rolando Estabillo of Manila Standard
Allen Macasaet of Malaya Business Insight
Anna Marie Ang-Thompson of Manila Times
Ayon kay Prieto, ang inisyatiba ay “timely and necessary move,” lalo pa’t natuklasan sa kamakailan lamang na survey na kinokonsidera ng mayorya ng mga pinoy na seryosong problema ang ‘fake news’ subalit mahirap na mauri mula sa tamang impormasyon.
“As organizations endowed with a mission to provide accurate information, we must not stand idly by as fake news peddlers seek to poison minds and hearts of our people and wreak havoc on our nation,” ang sinabi ni Prieto.
“Individually and collectively, we should persist in providing verified information and fight fake news with truthful accounts whenever and wherever we find them,” aniya pa rin. (Daris Jose)

Sa lumalalang gulo sa Gitnang Silangan… Wala pa munang mass repatriation ng OFWs- PBBM

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IMPOSIBLE pa sa ngayon na maiuwi sa Pilipinas ang libo-libong Filipino sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan na humiling sa gobyerno na ibalik na sila ng bansa dahil sa lumalalang gulo sa rehiyon.
Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang pagbyahe pabalik ng Pilipinas ng mga na-stranded na Filipino sa pamamagitan ng ‘ by air o by land’ ay imposible sa ngayon.
Habang naghihintay aniya para sa oportunidad na matiyak ang ligtas na paglabas nila sa Gitnang Silangan, hinikayat ng Pangulo ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na “to stay put” at panatilihin ang kanilang sarili na malayo sa panganib.
Nauna rito, sinabi ng Pangulo na may kabuuang 1,416 Filipino ang nag-request na sila ay mapabalik na sa Pilipinas.
Mayorya aniya ng mga nagnanais na umuwi ng bansa ay mula sa United Arab Emirates (UAE), kung saan halos isang milyon ang nakabase. May 586 mula sa Dubai, at 270 naman mula sa Abu Dhabi.
Ang iba namang naghahangad na mapabalik na ng Pilipinas ay 297 OFWs mula Israel, 231 mula Bahrain, 22 mula Jordan, at 10 mula Iran.
Karamihan sa mga ito ay mga stranded workers na nakatakda nang pauwiin matapos na mapaso ang kanilang kontrata at permanenteng residente na nais nang makalabas mula sa mapanganib na bansa.
Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos, “the problem is no airplanes are flying, and some of the airports are not operating as they were hit by airstrikes.”
“Our assessment is that it is very dangerous to fly over there. Even if we bring in our own airplanes, we still cannot repatriate our countrymen since airports remain closed,” ang sinabi pa rin ng Chief Executive.
Winika pa ng Pangulo kung paano ang fighter jets ng Estados Unidos ay ‘mistakenly shot down’ ang Kuwait sa isang malinaw na ‘friendly fire incident.’
(DARIS JOSE)

Sufficient in substance ang dalawang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKITAAN ng sufficiency in substance ng House Committee on Justice ang natitirang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte sufficient in substance, na daan para maipagpatuloy ang proseso ng impeachment.

Kapwa nakakuha ng magkaparehong botong 54 na yes, isang no at walang abstention ang dalawang reklamo.

Nagsagawa ng botohan ang komite na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro matapos ang dalawang araw na deliberasyon para sa ika-tatlo at ika-apat na verified complaints.

Ang ikatlong complaint ay inihain ni Fr. Jose Saballa at iba pa na inindorso ni ML Party-list Rep. Leila de Lima, kung saan inaakusahan ang VP ng maling paggamit umano ng confidential funds, pagsusumite ng kuwestiyonableng liquidation documents, korupsyon noong siya pa ang Department of Education secretary, at ang pahayag ng asasinasyon kina Presidente Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Habang ang ika-apat na complaint na inihain ni atty. Nathaniel Cabrera at inindorso naman nina Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V ay naglalaman ng alegasyon ng procurement irregularities; omissions and misdeclarations sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth; unexplained wealth; at command responsibility sa umanoy maling paggamit ng public funds.

Pawang mga impeachable offenses ito sa ilalim ng Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, kabilang na ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, bribery at iba pang high crimes.

Si House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang nagmosyon na ideklara ang Saballa complaint na sufficient in substance habang si San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chair ng justice panel ang nagmosyon na ideklara ang Cabrera impeachment complaint na sufficient in substance.

Matapos ang botohan, inaprubahan din ng komite ang mosyon para sa pagpapalabas ng notice kay VP Duterte para sagutin ang dalawang impeachment complaints.

Nakapaloob din sa mosyon na isinulong ni Zamora ang pangangailangang magsumite si Duterte ng kanyang tugon sa loob ng 10 calendar days ng walang extention matapos ntiong matanggap ang notice.
(Vina de Guzman)

PBBM, tinitingnan ang mabilis na pagpapasa ng ‘best’ anti-political dynasty bill- Malakanyang

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HANGAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagpasa ng “best” version ng panukalang batas na nagbabawal sa political dynasty sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na welcome kay Pangulong Marcos ang mahalagang progreso sa deliberasyon ng anti-political dynasty bill at umaasa na ang panukalang batas ay hindi mahahadlangan sa Kongreso.
“Gusto niya po itong maipasa at natuwa nga po siya na umaandar po ito,” ang sinabi ni Castro.
“Ang nais lang po talaga ng Pangulo ay mapabilis at kung ano ang pinakamagandang batas para sa anti-political dynasty law. Iyan po ang nais ng Pangulo,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Castro na wala pang posisyon si Pangulong Marcos sa anumang bersyon ng panukalang batas.

Aniya pa, ang pinal na bersyon ng panukalang batas ay isasailalim sa pamamagitan ng masusing pagrebisa, sa oras na umabot na ito kay Pangulong Marcos.
“Pinag-aaralan kung second or fourth o depende po iyan sa magiging version,” aniya pa rin.
“Ang Pangulo naman po ay pag-aaralan kung ano ang pinakamainam na version at tutal naman po ay manggagaling ito sa Kongreso,” ang winika ni Castro.
Idinepensa rin ni Castro si Pangulong Marcos kasunod ng sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na wala di umano talagang plano si Pangulong Marcos na maging batas ang Dynasty Bill.
Binigyang diin ni Castro na seryoso si Pangulong Marcos sa pagdeklara sa anti-political bill bilang priority measure.
“Ang nakakapagtaka po dito kay Congressman Erice parang lahat na lang ng kasalanan sa mundo isinisisi niya sa Pangulo. Trabaho po nilang gumawa ng batas kaya trabahuhin niya po iyan kung anong gusto niyang version,” ang tinuran ni Castro.
Sa ulat, bagama’t inaprubahan na sa committee level ang Anti-Political Dynasty Bill at posibleng ipasa ito sa plenaryo ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay patutulugin umano ito sa bicameral conference upang hindi maging ganap na batas.
Ito ang paniniwala ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na inatras ang kanyang bersiyon sa nasabing panukala matapos gamitin ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform bilang working draft ang House Bill 6771 na inakda nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos.
Sa ilalim ng panukala ni Erice, isa sa bawat pamilya ang puwedeng tumakbo at humawak sa national position at isa naman sa local level taliwas sa bersiyon nina Dy at Marcos na payagan ang ang mga miyembro ng pamilya ng mga politiko na tumakbo sa iba’t ibang lugar sa isang probinsiya.
Ang tanging ipinagbabawal sa Dy-Marcos version ay hindi puwedeng tumakbo sa magkaibang posisyon nang sabay sa isang probinsiya, bayan at lungsod ang miyembro ng pamilya bagay na tinutulan ni Erice dahil mas dadami aniya ang lugar na hahawakan ng poltical families kaya bubundat umano ang mga ito.
Gayunpaman, nang tanungin sa ambush interview kung magiging batas ang panukalang ito, sinabi ni Erice na posibleng matrapik sa Bicam dahil wala umano talagang plano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na maging batas ito.
“Palagay ko yun mangyayari (ipapasa sa plenary). Magkakaroon na lang iyan ng…mastall yan sa Bicam at kapag naistall yan sa Bicam eh hindi na maaaprubahan. Parang nagpasa lang dito (Kamara), nagpasa ang Senate (at) mainstall sa Bicam para hindi ito maimplement sa 2028 election. Iyan ang aking…tingin ko moro-moro lang,” ani Erice.
Mas lalong wala umanong plano ang gobyernong Marcos na maipasa ang nasabing panukala dahil lumabas umano sa pulong party-list congressmen na uunahin umanong ipasa at maipatupad sa 2028 election ang Party-list reform law.
“Ang President kasi is compromised. Kailangan niya ang Congress pero binola niya yung civil society, binola ang simbahan, mga nagrarally di ba? Sinabi niya na ipapaaprubahan niya ang anti-political dynasty kaya tingin ko bola-bola lang. Lahat ng ginagawa, kunwari lang yung reform just o appease the people, para mapatakpan yung trilyong pisong anomalya,” paliwanag pa nI Erice. ( DARIS JOSE)

Pagbibigay ng emergency powers kay PBBM para suspendihin ang excise tax sa langis, kinondena

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISA lamang band aid solution ang kahilingan na pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Bongbong Marcos para suspendihin ang excise tax sa langis.
Kinondena din nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Ganriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co ang kahilingan ng presidente na mabigyan ng emergency powers habang hindi pinapansin ang iba pang panukalang magbibigay solusyon na nakahain na sa Kamara.
Kabilang na rito ang panukalang permanenteng pagtanggal ng excise tax at VAT sa petroleum products na naka-pending na sa Kamara.

Wala na anilang pangangailangan pa na panibagong discretionary presidential powers kundi political will para maaksyunan ang mga nasabing mga panukala.

Naniniwala pa ang mga ito na ang kahilingan para sa flexibility ay isa umanong smokescreen upang mapanatili ang paghingi ng publiko ng tulong mula sa pangulo sa halip na isabatas ang mga panukalang mag-aalis sa mga nasabing pabigat sa publiko.

Sinabi pa ng mga mambabatas na ang sagot sa problema ay hindi karagdagang kapangyarihan para sa isang personalidad.

Nanawagan ang mga ito para sa agarang pagpasa ng mga panukala ukol oil industry reform bills kabilang na ang pagbasura sa excise tax at VAT sa oil products, renationalization of Petron, centralized oil procurement, regulation ng downstream industry, at unbundling of oil prices.

“Huwag nating hayaang lokohin tayo. Ang sagot ay hindi flexibility para sa iisa, kundi kongkretong hakbang para sa kapakanan ng nakararami,” pahayag ng mga mambabatas.
(Vina de Guzman)

Kapatid ni Cong. Erice, nabiktima ng “basag-kotse” sa Caloocan

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NABIKTIMA ng “basag-kotse” si Lito Erice, kapatid ni Caloocan City 2nd District Congressman Egay Erice, na naganap noong Pebrero 27, sa Barangay 106, Caloocan City.

Sa naturang insidente, natangay ng hindi pa nakikilalang kawatan ang bag ng biktima na naglalaman ng ₱480,000 cash at ilang mahahalagang personal na dokumento.

Gayunman, nilinaw ni Lito Erice na ang nasabing halaga ay personal niyang pondo bilang isang negosyante at walang kaugnayan sa anumang transaksyon o kontrata sa pamahalaan.

Aniya, ang pera ay nakalaan para sa pagbili ng mga materyales para sa isang proyektong kanyang pinangangasiwaan, pambayad sa sahod ng mga manggagawa ngayong katapusan ng buwan, at para sa ilang personal na gastusin.

Ipinaliwanag din niya na maaga pa nang mangyari ang insidente at maliwanag ang paligid, na may presensya rin ng maraming tao kaya inakala niyang ligtas ang kanyang sasakyan habang siya ay may saglit na inaasikaso.

Sa kasamaang-palad, wala umanong CCTV sa mismong lugar na maaaring makatulong sa agarang pagtukoy sa mga suspek.

Ayon kay Erice, patuloy siyang nakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon at umaasa na matutukoy at mapapanagot ang mga responsable.

Binigyang-diin ni Erice na siya ay isang pribadong indibidwal at ang nangyari ay isang krimen kung saan siya mismo ang naging biktima.

Hinihiling din niya sa publiko ang patas na pag-unawa at pag-iwas sa mga haka-hakang walang kinalaman sa insidente.
(Richard Mesa)