• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 5th, 2026

Notice naipadala na kay VP Sara Duterte ng House Committee on Justice para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PORMAL nang ipinadala ng House Committee on Justice nitong Huwebes ang notice kay Vice President Sara Duterte upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya na nakapaloob sa dalawang impeachment complaint.
Ito ay matapos na idineklara ng komite na may sapat na sustansiya at batayan sa Konstitusyon ang dalawang reklamo laban sa Bise Presidente.
Ang nasabing “Notice to Respondent,” na may petsang March 4, 2026 ay naka-address sa Office of the Vice President sa Cybergate Plaza, Mandaluyong City.
Inatasan ng komite si Duterte na magsumite ng kanyang kasagutan “within a non-extendible period of 10 calendar days” mula sa receipt ng notice at bigyan ng kopya ang mga complainants, ayon sa Section 6 ng House rules.
Ang nasabing dokumento ay pirmado ni House committee on justice chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro.
(Vina de Guzman)

Pilot implementation ng PhilHealth YAKAP sa Navotas

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DUMALO si Navotas Mayor John Rey Tiangco sa pilot implementation ng PhilHealth YAKAP Optometry Benefit Package na nagbibigay ng libreng eye check-up at salamin para sa mga batang 0-15 years old. Layon ng programang ito na isulong ang eye health ng mga kabataan dahil mahalaga ang malinaw na paningin sa pagkatuto ng bawat bata. Inaanyayahan ng alkalde ang lahat ng magulang na ipasuri ang mata ng kanilang mga anak. Maliit aniyang hakbang ito, pero malaking tulong para sa kalusugan at kinabukasan ng mga bata. (Richard Mesa)

First Family, magkakasamang nag- inspeksiyon sa bagong Kamuning footbridge at bus station

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAGKAKASAMANG inakyat ng First Family ang lumang foot bridge na una ng binansagang Mount Kamuning foot bridge sa lunsod ng Quezon.
Inakyat mismo nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr kundi pati na nina First Lady Liza Marcos at Presidential son Vinny Marcos ang nasabing foot bridge .
Sa naging pahayag ng Chief Executive matapos ang inspeksyon, sinabi nitong ramdam na ramdam ang paggalaw ng lumang footbridge na aniya’y ipatatanggal na sa mga susunod na araw.
Sa kabilang dako, in-inspeksyon din ng Pangulo ang bagong Kamuning bus station na maliban sa hagdan ay mayroon ding elevator na maaaring magsilbi sa mga Persons With Disability (PWD).

Kaya nga, nasabi ng Pangulo na masaya siya sa pagkakaroon ng bagong Kamuning footbridge at bus station na una ng target na tapusin sana sa loob ng anim na buwan subalit kinayang tapusin ng apat na buwan.

Samantala, nasa kabuuang P87 milyong piso ang ginugol na halaga para sa naturang proyekto. (Daris Jose)

Mula sa tumitinding gulo sa Middle East… UNANG BATCH NG MGA PILIPINONG INILIKAS MULA DUBAI, DUMATING NA

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKAUWI na sa Pilipinas ang unang batch ng mga Pilipino na naiipit at inilikas sa tumitinding gulo sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Dave Gomez, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang Emirates EK336 mula Dubai (DXB) kaninang 6:45 am sakay ang mga Pinoy at ang iba pang pasaherong naapektuhan ng gulo.
Kasama aniya sa manipesto ng mga pasahero ang mga Overseas Filipino Workers (OFW), mga turista at iba pang na-stranded na biyahero doon.
Sinalubong ang 299 na mga Pinoy kabilang ang mga sanggol at bata ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Secretary Gomez, ang flight na umalis ng 9:55 p.m., oras sa Pilipinas, ay bahagi ng agarang hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa rehiyon. (Daris Jose)

875 mag-aaral nagtapos sa Oplan: Talk Read ni Cong. Egay Erice sa Caloocan

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa 875 mag-aaral mula Grade 1 hanggang 3 ng 17 pampublikong elementarya at tatlong barangay sa Ikalawang Distrito ng Caloocan City ang matagumpay na nagtapos sa Oplan: Talk Read – Pagpupugay sa Tagumpay ng Pagbasa Graduation Ceremony, na ginanap sa Caloocan High School.

Ang programa na pangunahing inisyatiba ni Congressman Egay Erice sa pakikipagtulungan ng DepEd – Schools Division Office Caloocan City, ay nakatuon sa reading-with-comprehension tutorial sessions upang palakasin ang kakayahan ng mga batang bumasa at umunawa sa kanilang binabasa.

Dumalo at nagbigay-suporta sa okasyon si Senadora Loren Legarda, na personal na nakisaya sa tagumpay ng mga bata at binigyang-diin ang kahalagahan ng literacy at maagang interbensyon sa edukasyon.

Kasama rin sa mga panauhin sina Assistant Secretary Janir Datukan ng DepEd, Regional Director Rita Riddle ng DepEd-NCR, Schools Division Superintendent Dr. Cecille G. Carandang, Atty. Jonas Lardino, OIC-Director ng DOLE CAMANAVA Field Office, dating Ambassador Alfredo Yao, Ms. Debbie Guo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Konsehal Atty. Charm Quimpo.

Mahalagang bahagi ng tagumpay ng programa ang suporta ng Department of Labor and Employment (DOLE) CAMANAVA Field Office sa pamamagitan ng TUPAD program, na naglaan ng allowances para sa 100 tutors na nagsilbing gabay at inspirasyon ng mga bata sa buong implementasyon ng proyekto.

Nakibahagi rin sa pagdiriwang ang mga magulang ng mga mag-aaral, mga opisyal ng Schools Division Office Caloocan, mga punong-guro at kanilang mga focal persons, at mga kinatawan mula sa Barangay Learning Centers ng Barangay 8, 12, at 120.

Ayon kay Congressman Erice, ang Oplan: Talk Read ay patunay ng matibay na pagkakaisa ng pamahalaan, paaralan, at komunidad sa pagtataguyod ng edukasyon, at patuloy na layunin ng programa na maabot at matulungan ang mas marami pang batang handang bumasa at mangarap.
(Richard Mesa)

NHA, NAMAHAGI NG ₱15.96-M TULONG-PINANSYAL SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA MAYNILA

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito, ng ₱15.96 milyong halaga ng tulong pinansyal sa mga biktima ng sunog sa isang seremonya na ginanap sa Delpan Sports Complex, Tondo, Manila, ngayong araw, Marso 04, 2026.

Personal na pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, kasama si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang pamamahagi ng ayuda para sa 532 apektadong pamilya sa Brgy. 655, Zone 69, Cabido St., Intramuros, Manila, noong nakaraang Pebrero 25, 2026.

Sa kanyang mensahe, umaasa si GM Tai na makakatulong kahit papano ang ayuda sa mga benepisyaryo.

“Sa lahat po ng mga benepisyaryo ng ating EHAP, hangad po namin na makatulong ang munting halaga na ito sa inyong unti-unting pagbangon at pagsisimulang muli,” ani GM.

Ayon sa mga alituntunin ng programa, nakatanggap ang bawat pamilya ng P30,000 bilang paunang pondo para sa pagkukumpuni at pagsasaayos ng kanilang mga tirahan. Bukod dito, ang mga pamilya ay na-screen at na-validate, sa koordinasyon at pakikipagtulungan sa Manila social welfare and development office para sa recipient certification at verification.

Bilang tugon, nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Moreno para sa agarang tulong ng NHA sa mga Manileño na naapektuhan ng sunog.

“Maraming salamat sa NHA at kay GM Tai sa paghahatid ng EHAP sa mga taga-Maynila at sa pagbibigay ng mabilisang tulong at serbisyo sa ating mga kababayan,” wika ng local chief executive.

Nakasama rin sa okasyon sina NHA NCR-West Sector Cromwell C. Teves, Manila Urban Settlements Head Jay Dela Fuente, at iba pang lokal na opisyal.

Ang EHAP ay isa sa mga kasalukuyang programa ng NHA na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga pamilyang nasalanta ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo, sunog, pagbaha, pagguho ng lupa, at lindol. Layunin ng programang ito na makapaghatid ng suporta sa mga pamilyang nawalan ng tahanan o kabuhayan, bilang tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
(PAUL JOHN REYES)

PCO, major newspapers sanib puwersa vs fake news

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

LUMAGDA sa isang kasunduan ang Presidential Communications Office (PCO) at malalaking organisasyon ng pahayagan sa Pilipinas.

Ito ay para labanan ang fake news, misinformation at disinformation sa digital at social platforms, gayundin para protektahan ang publiko sa masamang epekto ng maling impormasyon.
Kasama ni PCO Secretary Dave Gomez na lumagda sa kasunduan ang mga kinatawan mula sa The Philippine Star, Business World, Business Mirror, Daily Tri­bune, Malaya, Business Insight, Manila Bulletin, Manila Standard, Philippine Daily Inquirer, at The Manila Times.

Layon din ng kasunduan ang pagpapalakas sa kooperasyon laban sa mga banta at pagprotekta sa seguridad ng publiko, sa pamamagitan ng pagsusulong ng kultura ng transparency, media literacy, fact-based report, at responsableng information sharing.
Ang Memorandum of Understanding (MOU) ay bahagi ng hakbang ng PCO na “Oplan Fake News”.

Pinagtibay rin ang commitment ng bawat panig sa pagsusulong ng tama, verified at res­ponsableng pag-uulat, habang pinananatili ang kalayaan sa pamamahayag.
“Disinformation thrives in darkness- in confusion, in distortion, in deliberate deciet. But the truth has always been like daylight. And just as magnifying glass focuses sundligh to reveal what is hidden, this collaboration concentrates the light of verified information, sharpening clarify and exposing falshoods. In shining that light, we dispel the shadows where fake news attempts to hide,” pahayag pa ni Gomez.

WALANG BATAS NA BAWAL ANG MAKIPAG-UGNAYAN SA ICC- DOJ

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG DIIN ng Department of Justice na walang batas na nagbabawal sa gobyerno ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) kahit matapos ang pagkalas ng bansa sa Rome Statute.
Ang pahayag ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez ay matapos kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakipagpulong siya sa mga imbestigador ng ICC upang talakayin ang proteksyon ng mga saksi sa kaso laban sa dating pangulo na si Rodrigo R. Duterte.
Ayon kay Martinez, walang legal na pagbabawal sa ating mga batas na nagsasabing hindi maaaring makipag-ugnayan sa anumang internasyonal na ahensya o tribunal, at ang paggawa nito ay paglabag sa Konstitusyon.

Nang tanungin kung nakipagpulong ang kasalukuyang pamunuan ng DOJ sa ICC, sinabi ni Martinez, “Wala pang ganitong mga pagpupulong.”

Dagdag pa niya, hinihintay ng DOJ ang resolusyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga nakabinbing petisyon para sa certiorari at prohibition na kumukwestyon sa legalidad ng pag-aresto kay Duterte at posibleng pakikipagtulungan sa ICC.

“Dahil sa mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema, nararapat na hintayin namin ang resolusyon. Ngunit ang aming posisyon ay, kung makikipag-ugnayan kami sa ICC ngayon, walang legal na pagbabawal,” ani Martinez. (Gene Adsuara)

Mayor JRT, namahagi ng fuel subsidy

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco ng fuel subsidy mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sa mga Navoteño na nagmamay-ari ng bangka. Ayon sa alkalde, umabot sa 68 Navoteño ang nakatanggap ng fuel subsidy na kanilang makukuha sa mga piling gasoline stations. (Richard Mesa)

LTFRB NAGLABAS NG SCO VS OPERATOR NG TAXI, BUS DAHIL SA ‘UNSANITARY’, ‘UNSIGHTLY’ NA KONDISYON NG KANILANG MGA PUVs

Posted on: March 5th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa operator ng isang taxi at isang pampasaherong bus dahil sa umano’y “hindi malinis” at “hindi kaaya-ayang” kondisyon ng kanilang mga pampublikong sasakyan (PUVs).

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan ang mga operator na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) dahil sa kalagayan ng kanilang mga unit.

“Ang kondisyon ng taxi at bus na ito ay nagdudulot ng pagdududa sa pagiging ligtas ng mga sasakyan. Ang ganitong uri ng mga unit ay hindi dapat pinapabiyahe, lalo na’t ginagamit para sa pampublikong transportasyon,” ani Chairperson Mendoza.

Ang pagpapalabas ng SCO sa taxi ay nag-ugat matapos personal na makita ni Chairperson Mendoza ang naturang unit sa kalsada. Sa kanyang pagsusuri, napansin na sira na ang mga upuan na tinakpan lamang ng basahan at marumi na ang loob ng sasakyan. Bukod dito, ang drayber ay nakasuot lamang ng short pants.

Samantala, ang pampasaherong bus ay namataan noong Pebrero 26 malapit sa Quezon Memorial Circle. Isang larawan ng naturang bus na nasa bulok at hindi kaaya-ayang kondisyon ang ipinadala sa LTFRB bilang patunay. Inatasan ang operator na iprisinta ang lahat ng kanilang unit para sa inspeksyon.

Dagdag pa rito, inatasan din ang operator ng taxi na ipaliwanag kung bakit pinayagang magmaneho ang kanyang drayber nang walang tamang uniporme.

Binalaan ang dalawang operator na may kaakibat na parusa kung hindi nila susundin ang utos ng LTFRB.

“Ito ay isang matibay na mensahe sa lahat ng operator na ayusin ang kanilang serbisyo. Kung hindi, pasensyahan na lang tayo dahil bibigyan ko kayo ng problema dahil sa hindi ninyo pagtrato ng maayos sa mga pasahero,” ani Chairperson Mendoza.
“Malinaw sa pag-aapply ng CPC na dapat ninyong igalang at pangalagaan ang inyong mga pasahero. Ngunit sa kasong ito, malinaw na hindi sila nirerespeto dahil sa kalagayan ng mga PUVs,” dagdag pa niya.

Ayon kay Chairperson Mendoza, ang pagpapalabas ng SCO ay patunay ng pagtutok ng LTFRB sa kapakanan ng mga mananakay, sa pamamagitan ng pagtugis sa mga drayber at operator na lumalabag sa mga kondisyon ng kanilang CPC.

Patuloy ang operasyon at nananawagan ang LTFRB sa publiko na iulat hindi lamang ang mga bulok na PUVs kundi pati na rin ang mga terminal ng bus at PUV na nasa hindi maayos na kalagayan.

Higit sa 120 SCOs at notices of violation na ang naipamahagi ng LTFRB laban sa mga operator ng mga terminal na may sira at luma nang pasilidad. (PAUL JOHN REYES)