Pagbibigay ng emergency powers kay PBBM para suspendihin ang excise tax sa langis, kinondena
- Published on March 5, 2026
- by @peoplesbalita
ISA lamang band aid solution ang kahilingan na pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Bongbong Marcos para suspendihin ang excise tax sa langis.
Kinondena din nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Ganriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co ang kahilingan ng presidente na mabigyan ng emergency powers habang hindi pinapansin ang iba pang panukalang magbibigay solusyon na nakahain na sa Kamara.
Kabilang na rito ang panukalang permanenteng pagtanggal ng excise tax at VAT sa petroleum products na naka-pending na sa Kamara.
Wala na anilang pangangailangan pa na panibagong discretionary presidential powers kundi political will para maaksyunan ang mga nasabing mga panukala.
Naniniwala pa ang mga ito na ang kahilingan para sa flexibility ay isa umanong smokescreen upang mapanatili ang paghingi ng publiko ng tulong mula sa pangulo sa halip na isabatas ang mga panukalang mag-aalis sa mga nasabing pabigat sa publiko.
Sinabi pa ng mga mambabatas na ang sagot sa problema ay hindi karagdagang kapangyarihan para sa isang personalidad.
Nanawagan ang mga ito para sa agarang pagpasa ng mga panukala ukol oil industry reform bills kabilang na ang pagbasura sa excise tax at VAT sa oil products, renationalization of Petron, centralized oil procurement, regulation ng downstream industry, at unbundling of oil prices.
“Huwag nating hayaang lokohin tayo. Ang sagot ay hindi flexibility para sa iisa, kundi kongkretong hakbang para sa kapakanan ng nakararami,” pahayag ng mga mambabatas.
(Vina de Guzman)