PBBM, tinitingnan ang mabilis na pagpapasa ng ‘best’ anti-political dynasty bill- Malakanyang
- Published on March 5, 2026
- by @peoplesbalita
HANGAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagpasa ng “best” version ng panukalang batas na nagbabawal sa political dynasty sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na welcome kay Pangulong Marcos ang mahalagang progreso sa deliberasyon ng anti-political dynasty bill at umaasa na ang panukalang batas ay hindi mahahadlangan sa Kongreso.
“Gusto niya po itong maipasa at natuwa nga po siya na umaandar po ito,” ang sinabi ni Castro.
“Ang nais lang po talaga ng Pangulo ay mapabilis at kung ano ang pinakamagandang batas para sa anti-political dynasty law. Iyan po ang nais ng Pangulo,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Castro na wala pang posisyon si Pangulong Marcos sa anumang bersyon ng panukalang batas.
Aniya pa, ang pinal na bersyon ng panukalang batas ay isasailalim sa pamamagitan ng masusing pagrebisa, sa oras na umabot na ito kay Pangulong Marcos.
“Pinag-aaralan kung second or fourth o depende po iyan sa magiging version,” aniya pa rin.
“Ang Pangulo naman po ay pag-aaralan kung ano ang pinakamainam na version at tutal naman po ay manggagaling ito sa Kongreso,” ang winika ni Castro.
Idinepensa rin ni Castro si Pangulong Marcos kasunod ng sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na wala di umano talagang plano si Pangulong Marcos na maging batas ang Dynasty Bill.
Binigyang diin ni Castro na seryoso si Pangulong Marcos sa pagdeklara sa anti-political bill bilang priority measure.
“Ang nakakapagtaka po dito kay Congressman Erice parang lahat na lang ng kasalanan sa mundo isinisisi niya sa Pangulo. Trabaho po nilang gumawa ng batas kaya trabahuhin niya po iyan kung anong gusto niyang version,” ang tinuran ni Castro.
Sa ulat, bagama’t inaprubahan na sa committee level ang Anti-Political Dynasty Bill at posibleng ipasa ito sa plenaryo ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay patutulugin umano ito sa bicameral conference upang hindi maging ganap na batas.
Ito ang paniniwala ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na inatras ang kanyang bersiyon sa nasabing panukala matapos gamitin ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform bilang working draft ang House Bill 6771 na inakda nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos.
Sa ilalim ng panukala ni Erice, isa sa bawat pamilya ang puwedeng tumakbo at humawak sa national position at isa naman sa local level taliwas sa bersiyon nina Dy at Marcos na payagan ang ang mga miyembro ng pamilya ng mga politiko na tumakbo sa iba’t ibang lugar sa isang probinsiya.
Ang tanging ipinagbabawal sa Dy-Marcos version ay hindi puwedeng tumakbo sa magkaibang posisyon nang sabay sa isang probinsiya, bayan at lungsod ang miyembro ng pamilya bagay na tinutulan ni Erice dahil mas dadami aniya ang lugar na hahawakan ng poltical families kaya bubundat umano ang mga ito.
Gayunpaman, nang tanungin sa ambush interview kung magiging batas ang panukalang ito, sinabi ni Erice na posibleng matrapik sa Bicam dahil wala umano talagang plano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na maging batas ito.
“Palagay ko yun mangyayari (ipapasa sa plenary). Magkakaroon na lang iyan ng…mastall yan sa Bicam at kapag naistall yan sa Bicam eh hindi na maaaprubahan. Parang nagpasa lang dito (Kamara), nagpasa ang Senate (at) mainstall sa Bicam para hindi ito maimplement sa 2028 election. Iyan ang aking…tingin ko moro-moro lang,” ani Erice.
Mas lalong wala umanong plano ang gobyernong Marcos na maipasa ang nasabing panukala dahil lumabas umano sa pulong party-list congressmen na uunahin umanong ipasa at maipatupad sa 2028 election ang Party-list reform law.
“Ang President kasi is compromised. Kailangan niya ang Congress pero binola niya yung civil society, binola ang simbahan, mga nagrarally di ba? Sinabi niya na ipapaaprubahan niya ang anti-political dynasty kaya tingin ko bola-bola lang. Lahat ng ginagawa, kunwari lang yung reform just o appease the people, para mapatakpan yung trilyong pisong anomalya,” paliwanag pa nI Erice. ( DARIS JOSE)