• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2025

PBBM walang pagsisisi na manungkulan bilang Pangulo ng bansa, tinawag itong ‘greatest privilege’

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINDI nagsisisi si Pangulong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naging Pangulo siya ng Pilipinas.

Sa katunayan, tinawag niya itong “greatest privilege” upang magawang aksyunan ang mga usapin at bunutin ang para sa kanya’y lantaran at malalim na pagkakaugat ng korapsyon sa bansa.

“No, not for one moment,” ang tugon ni Pangulong Marcos nang tanungin kung pinagsisisihan ba niya na maging Pangulo ng bansa sa isang exclusive interview ni Vicky Morales na inere sa “24 Oras Weekend” ng GMA, araw ng Linggo.

“I am given the opportunity to actually—the privilege, the opportunity, and the chance to actually do something. All of the things that I complained about all my life, now I can do something about it. And that is the greatest privilege that anyone can be granted, so no, I don’t regret it,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Inamin ng Pangulo na nagulat siya na ang korapsyon ay tila nagiging normal na, may ilang nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects na iniuugnay sa ilang mambabatas.

“Nung ako ay governor, hindi ganito. At bukod pa sa laki ng halaga ng nakukuha ng kung sino-sino na tao na wala namang karapatan na bulsahin ang pera na ‘yan, bukod pa roon, ay hindi nila tinatago. Garapal na po,” ayon sa Pangulo.

Nauna rito, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Budget ang Management (DBM) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng sweeping review sa budget ng ahensiya para sa fiscal year 2026.

Ang direktiba ng pangulo ay bunsod sa isinawalat nina Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Representative Marcelino Teodoro na mayroong mga kwestiyonableng programa ang naisingit sa 2026 national budget.

Matatandaang sa pang-apat na State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong MArcos, sinabi nito na “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”

Ipinamukha ito ng Pangulo sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo na nakalaan para sa infrastructure projects, gaya ng flood control projects.

Nauna rito, inilunsad naman ni Pangulong Marcos ang “Sumbong sa Pangulo” website na maaaring magamit ng taumbayan upang direktang maiparating sa Pangulo ang sumbong sa mapapansin nilang kapalpakan sa nasabing proyekto.

“There’s hope. Have hope. We’ve seen all of what people are complaining about or having to live with,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Yung kailangan ninyong pagtiyagaan, pagtiisan na araw-araw niyong mga buhay, alam namin ‘yun. At lahat ng aming gawin na kayang gawin, ginagawa namin pero ‘yun na nga ‘yung na—babalik na naman ako doon sa nasabi ko kanina na ang lalim ng kalawang. Ang lalim ng bulok,” ang winika nito.

Nagpahayag ng buong suporta si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa patuloy na implementation ng zero-balance billing initiative ni Pangulong Bongbong Marcos.

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

Ikinatuwa din nito ang ulat ng Department of Health (DOH) na ang bilang ng nakinabang sa nasabing polisiya ay nasa 298,221 pasyente na katumbas sa P26.4 bilyong combined hospital charges para sa pasyenteng na-admit sa ilalim ng basic accommodation ng DOH-run hospitals.

Matapos mabanggit ng pangulo ang inisyatibo sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, pinalawig ng DOH ang coverage mula 22 sa mahigit na 80 ospital sa buong bansa,

“The impressive amplification of the zero-balance billing policy is further proof of the President’s tireless commitment to ensure that all Filipinos have access to health care services and treatment without having to spend a single peso. The House of the People fully supports this laudable initiative, and we are committed to allocating the resources necessary to guarantee its continued implementation and wider access,” anang speaker.

Sa patuloy aniya na pagpapatupad ng zero-balance billing sa mga DOH hospitals sa mga susunod pang taon, tiwala ito na makakahinga nang mas maluwag ang ating mga pasyente at kanilang pamilya.

“Hindi na sila mag-aatubiling magpatingin at magpagamot dahil sa takot sa gastusin,” pahayag nito.

Ang inisyatibo ay pinondohan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients program, Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corporation at direct allocations sa DOH hospitals, bukod pa sa the Philippine Health Insurance Corporation.

(vina de guzman)

Gabriela Women’s Party list, kinondena ang “parliamentary courtesy” na ibinigay sa Office of the President (OP)  

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KINONDENA ng Gabriela Women’s Party list ang “parliamentary courtesy” na ibinigay sa Office of the President (OP), na nauwi sa pagtatapos ng budget hearing para sa panukalang 2026 budget allocation nito.

“Habang maluha-luha kuno si President Marcos Jr. sa kanyang recent interview, ang totoo’y diversion lang ito dahil hindi siya sisipot sa budget deliberations. All cry, no show. ‘Parliamentary courtesy’ sa Presidente, pero ang taumbayan puwede bastusin,” pahayag ni dating Representative Arlene Brosas.

Sinabi ni Brosas na sa ilalim ng Office of the President, nakalaan dito ng pinakamataas na Confidential and Intelligence Funds (CIF) na umabot sa P13.5 billion mula 2023 hanggang 2025. Para sa 2026, ang OP ay humihingi ng karagdagang P4.5 billion na CIF.

“Acting sa harap ng camera, absent sa harap ng taumbayan. Walang malinaw na paliwanag kung saan napupunta ang pondong ito, at sa halip na sagutin ng Malacañang ang tanong ng taumbayan, Congress itself is shielding the President from accountability. Ito ay malinaw na pag-iwas sa accountability lalo na sa panahong galit na galit na ang mamamayan sa korapsyon sa gobyerno,” dagdag ni Brosas.

Kinuwestiyon din nito ang selective silence ng palasyo sa corruption scandals.

“Usapin ng flood control project issue—malinaw na pagkakurakot, pero walang aksyon ang Palasyo. Kaya ba ayaw ring ipanagot si Sara Duterte sa confidential funds niya, kasi siya rin ang may pinakamalaki? Pare-pareho lang na binabalutan ng parliamentary courtesy at kawalan ng transparency,” dagdag ni Brosas.

Muli rin nanawagan ang Gabriela Women’s Party na alisin na ang lahat ng uri ng CIF, partikular na ang lumolobong alokasyon sa Office of the President, at ilipat ang pondo sa iba tulad ng education, health, at subsidies sa mga kababaihan at mahihirap.

“Hindi dapat gawing gatasan ang kaban ng bayan habang nagugutom ang taumbayan. Enough with the secrecy, enough with the corruption. Let the people’s money serve the people,” ani Brosas.

Ang pahayag ni Brosas ay kasunod na rin sa agad na pagpapalabas ng House Committee on Appropriations sa panukalang badyet ng OP dahil sa courtesy kahit na tumutol ang ilang oposisyon. (Vina de Guzman)

17-anyos, 4 pa timbog sa sugal, droga sa Valenzuela

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LIMA, kabilang ang 17-anyos na binatilyo na sangkot umano sa droga ang arestado sa magkahiwalay na anti-illegal gambling at drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa ulat, alas-7:15 ng gabi nang respondehan ng mga tauhan ni Valenzuela police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang tawag mula sa isang concerned citizen na may nagaganap na illegal drug transaksyon sa Batimana Compound, Brgy. Marulas.

Naabutan ng mga tauhan ng Marulas Police Sub-Station 3 ang dalawang lalaki na nagta-transaksyon umano ng ilegal na droga subalit, nagawang makatakas ang isa habang naaresto nila si alyas “Jay”, 26, at nakuha sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at P200 cash.

Dakong alas-7:50 naman ng gabi nang maaktuhan ng mga tauhan ng Dalandanan Police Sub-Station 6 ang tatlong kelot kabilang ang isang binatilyo na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Pantaleon St., Brgy., Malanday.

Nasamsam sa mga suspek ang bet money, tatlong peso coins ‘pangara’ at dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha sa binatilyo.

Sa Brgy. Karuhatan, naaktuhan naman ng mga tauhan ng SS9 ang dalawang lalaki na nag-aabutan umano ng droga sa Pagrigal Extention dakong alas-8:20 ng gabi.

Gayunman, nakatakas umanop ang isa habang nagawang maaresto si alyas “Cris”, 26, at nakuha sa kanya ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana. (Richard Mesa)

E-trike driver na akusado sa statutory rape sa Malabon, kulong

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MAKALIPAS ang halos pitong taon, nadakip na ang 57-anyos na e-trike driver na wanted sa kaso ng statutory rape sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Malabon Police Acting Chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong akusado na si alyas “Cardo”, 57, ng Jacinto St., Brgy., Concepcion.

Ayon kay Col. Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya sa kanilang lugar ng akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) sa Malabon City Police.

Kaagad bumuo ng team ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa kanyang tinutuluyang bahay dakong ala-1:00 ng hapon.

Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trail Court (RTC) Branch 73 (FC-4) noong November 22, 2018 para sa kasong Statutory Rape.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (Richard Mesa)

ROYINA GARMA, UMALIS NG BANSA   

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) sa Department of Justice (DOJ) na umalis na ng bansa si Royina Marzan Garma September 07 kamakalawa ng gabi.

Umalis siya bilang turista sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Kabilang siya sa  Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na may petsang November 15, 2024 dahil isa siya sa person of interest sa isang kaso noong 2020 at 2016.

Ang BI ay sumusunod sa patakaran na itinakda ng ILBO at ipinapaalam ito sa DOJ.

Sa ginawang pagbeberika, walang hold departure order o warrant of arrest na inisyu sa kanya.

Sumakay siya sa flight at umalis bandang alas-10:43 ng gabi. (Gene Adsuara)

Sekyu na sinibak sa trabaho, nang hostage ng 3 kapitbahay sa Caloocan

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang security guard matapos i-hostage ang tatlo katao, kabilang ang 11-anyos na batang lalaki, kanyang yaya, at 19-anyos na dalaga sa Caloocan City, Lunes ng umaga.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Directo P/BGen. Jerry Protacio kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Anthony Aberin, pinasok ng sekyu na si alyas “Jessie” ang bahay ng mga biktima na kanyang kapitbahay sa Alibangbang St., Brgy 179, Amparo, dakong alas-7:00 ng umaga habang armado ng kalibre .38 revolver at ginawang hostage ang tatlo.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa pangunguna ni P/Col. Joey Goforth kung saan hiniling ng suspek na ibalik siya sa trabaho at payagan ding makauwi sa kanilang lalawigan sa Mindanao.

Tumagal ang pangho-hostage ng suspek sa mga biktima ng ala-1 ng hapon bago nakumbinsi ni Col. Goforth na pakawalan na ang mga biktima at siya na lamang ang ipalit na bihag.

Sumang-ayon naman umano ang suspek matapos pangakuan na ibibigay din ang kanyang kahilingan na get-away vehicle at isang armalite rifle.

Gayunman, nang papalabas na ang suspek para sumakay sa kanyang get-away vehicle, nakakuha ng tiyempo ang mga naka-civilian na miyembro ng SWAT team at kaagad siyang dinamba hanggang maagaw ang hawak na baril.

Ang hindi alam ng mga pulis, may patalim ring dala ang suspek kaya nagawang saksakin sa kamay ang pulis na umagaw ng baril na dahilan para siya barilin ng mga otoridad na tumama sa kanyang paa at likod.

Isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang sekyu, pati na ang yaya na nagkaroon ng pinsala sa katawan matapos sipain ng suspek pababa ng hagdan bago pawalan at pulis na nasaksak sa kamay.  Dinala rin sa pagamutan si Col. Goforth na nakaramdam naman ng paninikip ng dibdib.

Inamin naman ng ina ng suspek sa pulisya na desperado ang kanyang anak dahil sinibak sa trabaho makaraang matuklasan na nagdadala siya ng ilegal na droga. (Richard Mesa)

Cardiovascular Lab, binuksan na sa Maynila

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINASINAYAAN na ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang kauna-unahan at bagong Cardiovascular Catheterization laboratory o CATH Lab sa Ospital ng Maynila Medical Center.

Ayon kay Mayor Isko, na simple lang ang layon ng bagong public health facility .

Ang nasabing pasilidad na magbibigay ng life-saving heart procedures ay libre para sa mga residente ng lungsod .

Ito ay binigyan ng lisensya ng Department of Health (DOH) noong January 7, kung saan maaring suriin at gamutin ang isang pasyente  na may cardiovascular disease na walang surgery.

Ang Angiograms sa pribadong hospital ay nagkakahalaga ng P58,000 habang aabot naman sa mahigit P300,000 ang angioplasty .

Makakatuwang ng lungsod ang mga eksperto mula sa PGH at Philippine Heart Center sa operasyon ng pasilidad.

Ayon sa pamahalaang lungsod, ito ay isang makabuluhang hakbang para sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.

“Today is the start of a long journey, because we are going to deliver angiogram, and hopefully later on, magkaroon tayo ng angioplasty,” sabi ni Domagoso .

Dagdag pa na ang laboratory ay bahagi ng mas malaking vision na kabilang sa pag-convert sa lumang Ospital ng Maynila sa bagong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) Academic Building for Health Sciences. (Gene Adsuara)

5 drug suspects, tiklo sa anti-drug ops sa Caloocan, Malabon, Navotas  

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG halos P.3 milyong halaga ng droga ang nasamsam sa limang drug suspects, kabilang ang isang bebot matapos malambat ng pulisya sa pinaigting na anti-illegal drugs operations sa Caloocan, Malabon at Navotas Cities.

Dakong alas-11:44 ng gabi nang magsagawa ang mga tauhan ni Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth ng buy bust operation sa Phase 4, Palmera Spring, Brgy., 175, sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas “Boy”, 28, alyas “Jay”, 45, at sa babaeng si alyas “Roc”, 29.

Nakumpiska ng mga Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa mga suspek ang nasa 32 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P217,600.00, kasama ang ginamit na marked at boodle money.

Sa Malabon, nasamsam ng mga tauhan ni Malabon Police Acting Chief P/Col. Allan Umipig si alyas “Ungas”, 46, ang humigi’t kumulang 5.2 grams ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P35,360.00 at buy bust money.

Naaresto ang suspek nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa koordiansyon sa PDEA sa Borromeo St., Brgy. Longos.

Alas-11:25 ng gabi nang matiklo naman ng mga tauhan ni Navotas Police Acting Chief P/Col. Renante Pinuela sa buy bust operation din sa Gov. Pascual St., Brgy., Daanghari si alyas “Kanor”, 57. Nakuha sa kanya ng mga operatiba ng SDEU ang aabot 5.35 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P36,380.00, at buy-bust money.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang mga operatiba sa kanilang pagsisikap at propesyonalismo na nagbibigay-diin ang matatag na dedikasyon sa kaligtasan ng publiko laban sa illegal na droga. (Richard Mesa)

LTO nakalikom nang mahigit ₱22.5-B mula Enero hanggang Agosto 2025

Posted on: September 9th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INIULAT ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, na nakalikom ito ng mahigit ₱22.5-B mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bunga ito ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga reporma, partikular sa proseso ng pagpaparehistro ng mga sasakyan at sa mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon para sa kaligtasan sa kalsada.

“Sa bilis ng ating buwanang koleksyon, nasa tamang direksyon tayo upang maabot ang ₱34-B na target para sa taong ito,” pahayag ni Asec. Mendoza.

Noong nakaraang taon, itinaas ni Asec. Mendoza ang target ng koleksyon kasunod ng pagpapatupad ng mga reporma upang mapabuti ang serbisyo at mapalaki pa ang kita ng ahensya.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas mataas na koleksyon dahil ang pondong naipapasok sa National Treasury ay ginagamit sa iba’t ibang programa at proyekto ng pamahalaan, lalo na sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga kapus-palad.

Pinuri rin ni Asec. Mendoza ang masigasig na pagtatrabaho ng mga kawani ng LTO sa iba’t ibang frontline services ng ahensya, na aniya ay malaking bahagi ng matagumpay na koleksyon.

“Ito ay dahil din sa ating masisipag na kawani sa frontline. Lubos akong nagpapasalamat sa kanilang serbisyo para sa LTO at para sa sambayanang Pilipino,” dagdag niya.

Mula nang maupo siya bilang pinuno ng LTO, agad na tinutukan ni Asec. Mendoza ang usapin ng contractualization sa ahensya. Dahil dito, mas marami nang matagal nang naglilingkod sa LTO ang nabigyan ng regular na posisyon o plantilla.

Aniya, ang regularisasyon ay pagkilala at pasasalamat sa dedikasyon at kasipagan ng mga kawani ng LTO na nananatili sa job order scheme. Dagdag pa rito, layon din ng regularisasyon na itaas ang morale at kapakanan ng mga empleyado ng LTO.

Hinimok din ni Asec. Mendoza ang lahat ng kawani ng LTO na ipagpatuloy ang kanilang sipag at tiyaga upang makamit ang target na koleksyon sa 2025. (PAUL JOHN REYES)