• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

E-trike driver na akusado sa statutory rape sa Malabon, kulong

MAKALIPAS ang halos pitong taon, nadakip na ang 57-anyos na e-trike driver na wanted sa kaso ng statutory rape sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Malabon Police Acting Chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong akusado na si alyas “Cardo”, 57, ng Jacinto St., Brgy., Concepcion.

Ayon kay Col. Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya sa kanilang lugar ng akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) sa Malabon City Police.

Kaagad bumuo ng team ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa kanyang tinutuluyang bahay dakong ala-1:00 ng hapon.

Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trail Court (RTC) Branch 73 (FC-4) noong November 22, 2018 para sa kasong Statutory Rape.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (Richard Mesa)