• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2025

Mahigit 20 na dawit sa flood control anomalies, pinakakasuhan na ng NBI

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INILABAS na araw ng Biyernes ng Department of Justice ang opisyal na listahan ng mga inirerekomendang makasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon sa DOJ, alinsunod at base anila ito sa matibay na ‘sinumpaang salaysay’ na mula sa mga nakalap at ipinadala sa kagawaran.

Nangunguna rito si Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, Sen. Chiz Escudero, Sen. Joel Villanueva at iba pa.

Sa kabuuan, umabot ito sa bilang na 21 ang mga pinakakasuhan ng National Bureau of Investigation ukol sa maanomalyang flood control projects.

Dito binigyang diin ng DOJ na ang rekomendasyon ito ay nagpapakita na walang sisinuhin o ‘no one is above the law’. ( Daris Jose)

INTERPOL BLUE NOTICE VS. REP. ZALDY CO, INIHAHANDA NA

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HIHILINGIN ng Department of Justice (DOJ) sa Interpol na mag-isyu ng ‘blue notice’ laban kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inihahanda na nila ang blue notice pero pagtitiyak ng Kalihim na kasalukuyan na nilang pinoproseso.

Ito ay kaugnay pa rin sa pagkakasangkot ng mambabatas sa maanomalyang flood control projects.

“Yes we’re working on it. Yes, I’m asking Assistant Secretary Eli Cruz to help us with the blue notice,” pahayag ni SOJ Remulla.

Sinabi ng Kalihim na maraming mga impormasyon na bumungad sa kagawaran nitong nakaraan lamang kaya naman hindi agad maaaring madalian.

“Ano yan, we’re still digesting all of it kasi nga massive yung information na dumating the past two days. And it’s not that easy to digest everything,” ayon kay Remulla. (Gene Adsuara)

Lahat ng alegasyon handang harapin ni Rep. Zaldy Co

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HANDANG bumalik ng Pilipinas si Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co upang harapin at pabulaanan ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sa liham na ipinadala ay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, nanindigan si Co na determinado siyang umuwi sa bansa dahil wala siyang itinatago at handa siyang harapin ang mga kritiko sa tamang lugar at panahon.

Mariing itinanggi ni Co na nagkaroon ng budget insertions at ikinagulat din niya ang biglang pagbawi sa kanyang aprubadong travel clearance habang ito ay nasa ibang bansa upang magpagamot.

Si Co ay nahaharap sa alegasyon ng insertion sa ilang probisyon sa bicameral report at 2025 budget na mariing pinabulaanan nito.

Ang budget aniya ay inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa plenaryo at sumunod sa itinatakdang proseso.

Gayundin, itinanggi nito ang alegasyon na may pag-aaring eroplano ang kanyang pamilya na siyang naglipad umano kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.

Sa kanyang liham, sinabi nito na walang basehan, kasinungalingan at pamumulitika lamang ang akusasyon sa kanya.

Umaasa naman ito na sa kanyang pagbabalik sa bansa ay bibigyan siya ng tamang proseso at masiguro ang kaligtasan ng kanyang pamilya at siya.
(Vina de Guzman)

Ultimatum kay Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co hanggang Lunes para bumalik ng bansa

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYAN ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ng hanggang Lunes, September 29, 2025 para bumalik ng bansa at harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Nagbabala ito na ang kabiguan na sumunod ay “shall be construed as a refusal to subject yourself to the lawful processes of the House and will result in the initiation of appropriate disciplinary and legal actions.”

Ang ultimatum ni Speaker ay nakasaad sa isang liham nitong Boyernes bilang tugon sa pahayag ni Co na bawiin ang kanyang travel clearance.

Sinabi pa ng Isabela solon na ang hiling ni Co ay inirefer sa House Committee on Ethics, kung saan nakapending ang reklamo.

Siniguro ng Speaker kay Co na “should you choose to return home, the House will coordinate with the proper authorities to secure your safety and that of your family.”

Paliwanag nito na ang kanselasyon ng travel clearance ni Co ay isang oportunidad upang masagot nito ang mga alegasyon laban sa kanya sa tamang forum.

“Coming home will allow you to respond to this complaint, as well as to fully present and elaborate on the defenses you outlined in your letter. The only proper way to address these matters is not through correspondence from abroad, but by returning, appearing at the proper forum, and answering the charges directly.” pagtatapos ni speaker.
(Vina de Guzman)

6 huli sa sugal, droga sa Valenzuela

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ANIM na indibidwal, kabilang ang tatlong hinihinalang drug personalities ang arestado sa magkahiwalay na anti-gambling operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento na may nagaganap umanong illegal gambling activities sa Mercado St., Brgy. Gen T De Leon.

Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang kelot nang maaktuhang nagsusugal ng ‘cara y cruz’ dakong alas-12:45 ng tanghali.

Nasamsam sa kanila ang tatlong peso coins ‘pangara’ at bet money habang nakuha kay alyas “Roel” ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Nauna rito, naaktuhan din ng mga tauhan ng Karuhatan Police Sub-Station 9 ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Industrial St., Brgy. Karuhatan bandang alas-8:50 ng gabi at nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso coins ‘pangara’ at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Mando”, 56.

Sa Brgy. Malinta, alas-3:40 ng hapon nang maaktuha naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang dalawang lalaki nag naglalaro din umano ng sugal na ‘cara y cruz’ sa isang abandonadong bahay sa Makipot Street.

Nakumpiska sa kanila ang bet money at tatlong peso coins ‘pangara’ habang ang isang plastic sachet ng pinaghihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Marlon”, 45.

Ayon kay P/MSgt. Carlito Nerit Jr., nahaharap ang mga suspek sa kasong PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Law habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng tatlo sa kanila. (Richard Mesa)

Karnaper na wanted sa Batangas, timbog sa Valenzuela Police

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TIKLO ang isang 41-anyos na lalaki na wanted sa kaso ng carnnaping sa Batangas nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguang lugar sa Valenzuela City.

Pansamantalang nakapiit ngayon ang akusado sa Custodial Section Facility Unit ng Valenzuela City police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento na nagtatago umano sa lungsid ang akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person sa Batangas.

Nang makakuha ng kopya ng warrant of arrest na inisyu noong January 25, 2023, ng Regional Trial Court (RTC), Branch 87, Rosario, Batangas ang mga tauhan ni Col. Talento, ay agad nilang ikinasa ang pagtugis sa akusado.

Dakong alas-9:40 ng gabi nang madakip ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela Police ang akusado sa Sto. Niño Street, Barangay Mapulang Lupa, sa bisa ng arrest warrant para sa kasong New Anti-Carnapping Act of 2016 (R.A. 10883).

Ayon kay Col. Talento, may inirekomenda namang piyansa ang korte na halagang P300,000.00 para sa pansamantalang paglAya ng akusado. (Richard Mesa)

Mister na wanted sa murder sa Valenzuela, nasilo sa Caloocan

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang lalaki na wanted sa kaso ng pagpatay sa Lungsod ng Valenzuela matapos matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Northern Police District (NPD) hinggil sa pinagtataguang lugar sa Caloocan ng 40-anyos na akusado.

Nabatid na ang akusado ay nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Valenzuela City Police kung saan. kabilang umano ito sa mga suspek sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa lungsod noong 2022.

Dakong alas-4:30 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng DMFB ang akusado sa Zabarte Road, Phase 1, Barangay 176-A, Caloocan City.

Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Article 248 of the Revised Penal Code (Murder) na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 284, noong December 2, 2022 na walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)

Commitment ng Kamara na punan ang kakulangan sa pondo para sa implementasyon ng free higher education, pinapurihan

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAPURIHAN ni ACT Teachers Partylist Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio commitment ng Kamara na punan ang kakulangan sa pondo para sa implementasyon ng free higher education, na isang tagumpay sa mga state universities and colleges sa buong bansa.

“Matagumpay na naitulak natin ang pagbayad nang buo sa P12.3 billion Free Higher Education deficiency from 2022-2025!” pahayag ni Tinio matapos ang deliberasyon ng Kamara sa panukalang budget ng Commission on Higher Education and State Universities and Colleges.

Nakakuha ng pondo ang Kamara para tugunan ang utang sa nasa 124 state universities and colleges sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Law.

“Kailangan talagang suportahan nang buo ng national government ang pangako ng libreng edukasyon sa kolehiyo, unang-una sa mga state universities and colleges,” pahayag pa ni Tinio.

Ang nasabing kakulangan ay naipon mula 2022 at kailangang mabayaran upang magpatuloy ang free higher education.

Nagawa ng Kamara na mare-allocate ang pondo mula sa DPWH flood control budget, na ₱255 billion at ilang bahagi nito ang na redirect sa education at health programs.

“We seized this unique opportunity in the 2026 budget deliberations to finally address this persistent funding gap that has burdened our SUCs for years,” paliwanag ni Tinio. (Vina de Guzman)

NHA, KINILALA BILANG ISA SA MGA NANGUNGUNANG AHENSYA SA GENDER AND DEVELOPMENT

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IPINAGMAMALAKI ng National Housing Authority (NHA) na ipahayag ang pagkilala ng Philippine Commission on Women (PCW) sa kanilang natatanging pagsisikap na isulong ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at kapangyarihan ng kababaihan sa pamamagitan ng maayos at epektibong paggamit ng 2024 Gender and Development (GAD) Budget.

Sa taunang pagsusuri ng PCW sa paggamit ng GAD Budget, kabilang ang NHA sa mga nangungunang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) sa iba’t ibang kategorya, kabilang ang mga sumusunod:

• Ika-4 na pwesto: GOCC na may Pinakamataas na Attributed GAD Allocation

• Ika-6 na pwesto: GOCC na may Pinakamataas na Organization-Focused GAD Budget Allocation

• Ika-4 na pwesto: GOCC na may Pinakamataas na Kabuuang GAD Budget Allocation

• Ika-3 na pwesto: GOCC na may Pinakamataas na Kabuuang GAD Budget Expenditure

• Ika-3 na pwesto: GOCC na may Pinakamataas na Organization-Focused GAD Budget Expenditure

Ang pagkilalang ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng NHA na isama ang pananaw ng kasarian sa lahat ng mga programa, polisiya at serbisyo nito lalo na sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto sa pabahay at resettlement na naglalayong maprotektahan ang mga karapatan, dignidad at kapakanan ng kababaihan at iba pang mahihinang sektor.

“Lubos naming ikinararangal ang pagkilalang ito mula sa PCW,” ani ni NHA General Manager Joeben Tai.

“Isang hamon at biyaya ang gantimpalang ito upang lalo pa naming paigtingin ang mga programang nakatuon sa pagkakapantay-pantay ng kasarian sa buong ahensya. Ang aming misyon ay hindi lamang magtayo ng mga bahay, kundi magtaguyod ng mga makatarungan, inklusibo at empowered na komunidad,” dagdag pa ni GM Tai.

Ipagpapatuloy ng NHA ang pagsisikap na maging modelo ng gender-responsive governance sa ilalim ng mga alituntunin ng Republic Act No. 12216 at Section 24 ng Magna Carta of Women (RA 9710) na nagtatakda ng mga serbisyong pabahay na accessible, ligtas at inklusibo para sa kababaihan at iba pang marginalized na sektor.

Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon at hamon upang patuloy na paigtingin ng NHA ang mga inisyatibo para sa gender equality at inclusivity sa sektor ng pabahay sa mga susunod pang mga taon. (PAUL JOHN REYES)

Mahigit 5-K katao, stranded sa mga pantalan sa PH sa gitna ng hagupit ng bagyong Opong

Posted on: September 27th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

APEKTADO ang biyahe sa dagat ng kabuuang 5,845 pasahero at drivers sa mga pantalan sa bansa sa gitna ng patuloy na hagupit ng bagyong Opong ngayong Biyernes, Setyembre 26.

Base sa monitoring ng Philippine Coast Guard (PCG) hanggang kaninang alas-12:00 ng tanghali, iniulat ng ahensiya na stranded din ang nasa 2,840 rolling cargoes, 110 barko at 53 motorbancas.

Habang naantala din ang biyahe at pansamantalang nakikisilong ang nasa 410 barko at 116 motorbancas hanggang sa bumuti na ang kondisyon sa dagat.

Naitala ang mga stranded na pasahero, cargoes at barko sa may National Capital Region – Central Luzon, Southern Tagalog, Northwestern Luzon, Eastern Visayas, Bicol, Northeastern Mindanao, Central Visayas at sa Southern Visayas.

Samantala, nakaalerto naman ang deployable response groups ng PCG sa iba’t ibang probinsiya sa Luzon para sa agarang pagresponde at makatulong sa mga apektadong residente.