Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
MAGHAHARAP ang Gilas Pilipinas at Saudi Arabia sa isang matinding sagupaan sa Jeddah upang makuha ang huling puwesto sa quarterfinals ng 2025 FIBA Asia Cup.
Matapos ang mabagal na simula laban sa Chinese Taipei at New Zealand, nakabawi ang Gilas sa panalo kontra Iraq, 66-57, upang manatiling buhay sa torneo.
Aminado si Coach Tim Cone na mahirap ang landas na tinatahak ng koponan, ngunit handa silang harapin ang hamon.
Inaasahang muling mangunguna si Justin Brownlee, habang sina Dwight Ramos, June Mar Fajardo, AJ Edu, at Scottie Thompson ay inaasahang magbibigay ng suporta.
Posibleng hindi makalaro si Calvin Oftana dahil sa injury sa kanyang bukong-bukong.
Bagamat tinalo na ng Gilas ang Saudi Arabia sa kanilang huling tatlong pagtatagpo, hindi nila ito binibigyang bigat at mas pinipiling tumutok sa kasalukuyang laban.
Ang mananalo sa sagupaan ay makakaharap ang defending champion na Australia sa susunod na yugto ng kompetisyon.
NAKAMIT ni Kaila Napolis ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa 2025 World Games matapos siyang umabante sa finals ng women’s jiu-jitsu -52kg ne-waza na ginanap sa Jianyang Cultural and Sports Centre Gymnasium sa Chengdu, China, ngayong Linggo.
Tinalo ni Napolis ang kinatawan ng Israel na si Pnina Aronov sa overtime sa pamamagitan ng advantage point, matapos magtabla sa 3-3 ang iskor sa regular na round.
Sa kabila nito bigo naman masungkit ng dalaga ang gold medal kontra sa Koreanang si Eon Ju Im, via advantage point.
Samantala, bigo din si Annie Ramirez, na reigning Asian Games champion sa dalawang laban sa women’s -57kg class at hindi muling nakausad pa.
ISINAPUBLIKO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kabuuang halaga ng flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang May 2025 na nagkakahalaga nang mahigit sa P500 billion.
”The total cost of all of the projects since July 2022 until today is P545 billion. I don’t know about you but that is a very big number, by any measure that is an enormous number,” ang sinabi ng Pangulo.
Sa press conference, inanunsyo ng Pangulo ang paglulunsad ng website na www.sumbongsapangulo.ph ukol sa flood control projects.
Sinabi ng Pangulo na ang kabuuang bilang ng flood control projects ay 9,855.
Aniya, ang kabuuang 6,021 projects ay nagkakahalaga ng mahigit sa P350 billion.
Hindi naman tinukoy ang eksaktong uri ng ‘flood control structures built, repaired o rehabilitated.’
Bilang bahagi ng initial findings, winika ng Pangulo na may ilang proyekto sa iba’t ibang lokasyon ang mayroong eksaktong kaparehong contract cost, na maaaring ipakahulugan na parehong mga disenyo, materyales at haba ang ginamit sa kabila ng iba’t ibang lokasyon o terrain.
Ang rehiyon na mayroong ‘most projects at highest spending’ ay ang National Capital Region (1,058 projects nagkakahalaga ng P52.57 billion), Region III (1,617 projects nagkakahalaga ng P98.01 billion), at Region V (866 projects nagkakahalaga ng P49.61 billion).
Isiniwalat ng Pangulo ang mga piraso ng impormasyon matapos na makatanggap ng listahan mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa flood control projects.
At bilang pangako ng Pangulo sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, sinabi ng Chief Executive na ang audit ng mga proyekto ay gagawing accessible sa public.
”And most importantly, it is in a form that the public can use so that they can first, identify the projects that — the flood control projects that are within their area, within their barangay so that they can actually go and look at it,” ayo kay Pangulong Marcos.
”Or if they already have information, they can tell us about it kung maganda ‘yung naging project, kung hindi maganda ‘yung naging project, bakit hindi maganda ‘yung naging project, ano naging problema, et cetera, et cetera,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)
IBINAHAGI ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ang lumalagong tungkulin ng lungsod bilang pambansang hub para sa smart cold chain logistics at Blue Economy sa 2025 Metro Manila Business Conference na ginanap noong Huwebes sa Quezon City.
Sa pagsasalita niya sa harap ng mga lider ng negosyo, mga grupo ng kalakalan, at mga opisyal ng gobyerno, sinabi ni Tiangco na ang Navotas ay hindi lamang nakikilahok sa industriya ng cold chain ngunit “shaping it,” idinagdag na ang imprastraktura at sektoral na pamunuan ng lungsod ay pumuwesto dito bilang Cold Chain Capital ng Rehiyon.
“Cold storage is more than just a facility — it is a foundation,” ani Tiangco. “It protects our food, supports our workers, and builds a stronger economy.”
Binanggit ni Tiangco na mahigit 70 porsiyento ng lokal na ekonomiya ng Navotas ay direktang nakatali sa pangingisda at mga kaugnay na serbisyo, kabilang ang pagpoproseso ng seafood, produksyon ng yelo, at transportasyon.
Nagbabala siya na ang pambansang pagkalugi pagkatapos ng ani sa mga pangisdaan ay nananatiling mataas, na umaabot ng hanggang 40 porsiyento, higit sa lahat dahil sa hindi sapat na cold storage at hindi mahusay na paghawak.
“For Navotas, cold storage and logistics are economic lifelines. Strengthening them means preserving value, dignity, and opportunity, not just for our city, but for the broader supply chain that depends on us.” aniya.
Upang matugunan ito, sinabi ni Tiangco na ang lungsod ay namuhunan nang malaki sa imprastraktura ng cold chain, na ngayon ay may 37 rehistradong cold storage facility na nagsisilbi ng mga nabubulok na kalakal, kabilang ang pagkaing-dagat, karne, manok, at prutas.
Navotas din aniya ang 27 sa 74 BFAR-accredited cold storage facility ng Metro Manila o 36 porsiyento ng kabuuan ng rehiyon. Ang mga pasilidad na ito ay nag-aambag ng higit sa 26,700 metriko tonelada o 38.26 porsiyento ng kabuuang dami ng cold storage ng rehiyon.
“Navotas is home to the country’s largest fish port and a growing network of smart cold storage systems,” sabi ni Tiangco. “This makes us a crucial link in the nation’s food value chain.”
Kabilang sa key players na tumatakbo sa Navotas ay ang Sigma Cold Storage Inc., Polaris Cold Chain Solutions, Frabelle Cold Storage, Crystal Cold Storage, at Belen & Sons Commodities Inc. Tumutulong ang mga kumpanyang ito na matiyak ang kaligtasan ng pagkain at kalidad ng produkto mula sa huli hanggang sa mamimili.
Kinilala rin ni Tiangco ang kritikal na papel ng mga seafood processor tulad ng Maunlad Canning Corporation, Kai Anya Foods International, at ATR Quality Patis sa paggawa ng sariwang marine catch sa mga shelf-stable na produkto sa pamamagitan ng canning, bottling, fermenting, at freezing.
Ipinaliwanag niya na maraming cold storage facility sa Navotas ang gumagana gamit ang mga smart feature, kabilang ang mga automated temperature controls, GPS tracking, real-time monitoring, at digital inventory system.
Ang ilan ay nag-aalok din ng dockside weighing at 24/7 na serbisyo, na ginagawang mahusay at tumutugon sa mga hinihingi sa kalakalan.
“These facilities must be inclusive and accessible to micro and small enterprises,” aniya. “Cold storage should not be seen as just infrastructure, but as a strategic pillar of food security.”. (Richard Mesa)
OPISYAL na inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang sumbongsapangulo.phhttps://sumbongsapangulo.ph/, isang online platform na dinisenyo para magbigay sa publiko ng ‘access to information’ ukol sa flood control projects sa buong bansa habang pinapayagan ang mga mamamayan na magsumbong ng anumang iregularidad.
“(We) put it into a form that is accessible to the public, and most importantly, it is in a form that the public can use so that they can first identify the flood control projects that are within their area,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“If they already have information, they can tell us about it. Kung maganda ang naging project, kung hindi naging maganda yung project, anong naging problema,” aniya pa rin.
Sinabi ng Pangulo na mahalaga ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagmamatyag at paghuli ng mga maanomalya at tiyakin ang transparency sa implementasyon ng P545-billion flood control program simula mid-July 2022 nang magsimula ang kanyang termino.
“Of course, we want the people who have taken advantage of the system to pay. And if there is evidence of corruption, of embezzlement, of any kind of wrongdoing, that’s when we will move,” ang winika ng Pangulo.
“We cannot do all of this without the help of the ordinary citizen,” aniya pa rin, binigyang diin ni Pangulong Marcos na mas maraming mata, mas mabuti sa pagsusuri ng mga proyekto.
Kaya nga, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga mamamayang Filipino na maghain ng kanilang reklamo, feedback, at obserbasyon sa pamamagitan ng website, at tiniyak nito na “ako mismo… babasahin ko bawat isa.”
Samantala, ang paglulunsad ng reporting platform ay kasunod direktiba ng Pangulo sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address para i-audit ang flood control projects habang nangako naman ang gobyerno na paghuhusayin ang transparency at siguraduhin ang accountability sa infrastructure spending. (Daris Jose)
ANG usapin sa West Philippine Sea ay usapin hindi lamang sa labanan ng barko kundi labanan din ito ng naratibo at sa digmaang ito ng mga salita, nagsasagawa ang Tsina ng agresibo at may pondo na propaganda laban sa sambayanang Pilipino.
Binigyan diin ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus na ang bansa ay inaatake sa dalawang larangan: Una, ang pisikal na panlulusob ng mga barko ng Tsina sa loob ng ating 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone; at ikalawa, ang walang humpay na pagbaha ng maling impormasyon na layong hatiin ang mga Pilipino at sirain ang tiwala sa pamahalaan.
“Nais ng Tsina na magtanim ng pagdududa sa isipan ng ating mga kababayan. Gusto nilang maramdaman ng mga Pilipino na tayo’y maliit, mahina, at walang magawa upang tayo’y sumuko—hindi sa dahas ng armas, kundi sa pagsuko ng diwa,” diin ni Goitia.
Tinukoy niya ang mga ulat na may humigit-kumulang 12,000 Chinese maritime militia, mga bangkang pangingisda, coast guard, at barkong pandigma ng hukbong dagat ng Tsina na pumapasok sa karagatang sakop ng Pilipinas, kabilang ang lantad na pagpapatrolya na umaabot sa 35 nautical miles mula sa Pangasinan at ito ay hindi ito normal kundi pananakot.
Papel ni Goitia at mga makabayang kasama na tulungan ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr na puksain ang propaganda na bahagi ng agresyon ng Tsina.
Kailangan umano dito ang tuloy-tuloy at magkakaugnay na naratibo na magbubunyag sa mga ginagawa ng Tsina para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino at pandaigdigang komunidad.
Gusto rin niya ng suporta mula sa Department of National Defense sa pamumuno ni Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro, kay National Security Adviser Eduardo Año, hanggang sa miyembro ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines.
Ayon pa kay Goitia kailangan umanong lunurin ang kasinungalingan gamit ang katotohanan, at bawat mangingisdang inaabuso, bawat patrol na sinusundan, bawat bakurang inaagaw ay dapat itong idokumento, ipaalam sa publiko, at kondenahin sa pinakamalakas na paraan.
Dagdag pa ni Goitia na hindi lamang pamahalaan ang may tungkulin sa paglaban sa maling impormasyom kundi ang sambayanang Pilipino, mula sa karaniwang mamamayan hanggang sa mga influencer at mamamahayag, na makibahagi sa pambansang depensa ng impormasyon.
Nang tanungin kung paano niya nakikitang makikipagtulungan kay Pangulong Marcos sa larangang ito, malinaw ang kanyang tugon.
“Mayroon nang diplomatic at military machinery ang Pangulo upang igiit ang ating karapatan sa karagatan. Ang misyon ko ay patatagin ang kumpiyansa ng publiko, tiyakin na walang Pilipinong mabibighani sa maling naratibo ng Tsina, at panatilihing mapagmatyag ang ating mamamayan. Isa itong digmaan ng salita, at dapat natin itong labanan nang kasing-tindi ng pagbabantay natin sa ating karagatan.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayan at pang sibikong organisaeyon na kinabibilangan ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (Gene Adsuara)