• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Katotohanan ang sandata laban sa kasinungalingan ng Tsina -Goitia

ANG usapin sa West Philippine Sea ay usapin hindi lamang sa labanan ng barko kundi labanan din ito ng naratibo at sa digmaang ito ng mga salita, nagsasagawa ang Tsina ng agresibo at may pondo na propaganda laban sa sambayanang Pilipino.

Binigyan diin ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus na ang bansa ay inaatake sa dalawang larangan: Una, ang pisikal na panlulusob ng mga barko ng Tsina sa loob ng ating 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone; at ikalawa, ang walang humpay na pagbaha ng maling impormasyon na layong hatiin ang mga Pilipino at sirain ang tiwala sa pamahalaan.

“Nais ng Tsina na magtanim ng pagdududa sa isipan ng ating mga kababayan. Gusto nilang maramdaman ng mga Pilipino na tayo’y maliit, mahina, at walang magawa upang tayo’y sumuko—hindi sa dahas ng armas, kundi sa pagsuko ng diwa,” diin ni Goitia.

Tinukoy niya ang mga ulat na may humigit-kumulang 12,000 Chinese maritime militia, mga bangkang pangingisda, coast guard, at barkong pandigma ng hukbong dagat ng Tsina na pumapasok sa karagatang sakop ng Pilipinas, kabilang ang lantad na pagpapatrolya na umaabot sa 35 nautical miles mula sa Pangasinan at ito ay hindi ito normal kundi pananakot.

Papel ni Goitia at mga makabayang kasama na tulungan ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr na puksain ang propaganda na bahagi ng agresyon ng Tsina.

Kailangan umano dito ang tuloy-tuloy at magkakaugnay na naratibo na magbubunyag sa mga ginagawa ng Tsina para sa kaalaman ng sambayanang Pilipino at pandaigdigang komunidad.

Gusto rin niya ng suporta mula sa Department of National Defense sa pamumuno ni Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro, kay National Security Adviser Eduardo Año, hanggang sa miyembro ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines.

Ayon pa kay Goitia kailangan umanong lunurin ang kasinungalingan gamit ang katotohanan, at bawat mangingisdang inaabuso, bawat patrol na sinusundan, bawat bakurang inaagaw ay dapat itong idokumento, ipaalam sa publiko, at kondenahin sa pinakamalakas na paraan.

Dagdag pa ni Goitia na hindi lamang pamahalaan ang may tungkulin sa paglaban sa maling impormasyom kundi ang sambayanang Pilipino, mula sa karaniwang mamamayan hanggang sa mga influencer at mamamahayag, na makibahagi sa pambansang depensa ng impormasyon.

Nang tanungin kung paano niya nakikitang makikipagtulungan kay Pangulong Marcos sa larangang ito, malinaw ang kanyang tugon.

“Mayroon nang diplomatic at military machinery ang Pangulo upang igiit ang ating karapatan sa karagatan. Ang misyon ko ay patatagin ang kumpiyansa ng publiko, tiyakin na walang Pilipinong mabibighani sa maling naratibo ng Tsina, at panatilihing mapagmatyag ang ating mamamayan. Isa itong digmaan ng salita, at dapat natin itong labanan nang kasing-tindi ng pagbabantay natin sa ating karagatan.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayan at pang sibikong organisaeyon na kinabibilangan ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (Gene Adsuara)