• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para pangalanan ang mga personalidad na sangkot sa maanomalyang flood control projects, masyado pang ‘premature’- PBBM

PREMATURE pa kung ituring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalanan ang mga personalidad na di umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“It will be premature for me to name names,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa press conference sa Kalayaan Hall, sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes.
Sa kabilang dako, humingi naman ng saklolo si Pangulong Marcos sa publiko na gamitin ang website, www.sumbongsapangulo.ph, na inlunsad para sa mga ito para magsumbong sa maanomalyang flood control projects sa kanilang lugar.
“Pertinent information will be presented in a website about the flood control projects,” aniya pa rin.
“And we are very much open to suggestions if the people want us to put more info or other info onto the website, we will certainly do that.”
“So, we transmitted a map coordinates down to the barangay level. So, ang kailangan lang ipasok ng kahit sino, buksan ‘yung website para makita, tiga-barangay 1, 2, 3 ako, tama. Iyon ilagay lang – ayan Barangay Tabaco. And they can search – they can search all of the – they can search all of the projects that are in their area.”
“So, kung alam na nila, puwede na silang magsabi, maganda naman. Puwede silang magsabi hindi maganda ang naging project. And so, those are – we’re just trying to keep it as simple as possible so that people can just put… Iyan lang naman eh. Basta barangay lang tama na ‘yun. Kasi ‘yung isa may listahan pa eh where, when, that’s not necessary.”
“If alam ninyo, eh ‘di gamitin niyo. Pero kung hindi necessary na ganoon, ito na lang. Basta ilagay ninyo ‘yung barangay ninyo at lalabas na lahat ng flood control project,” ang litanya ng Pangulo
Kung matatandaan, binanatan ni Pangulong Marcos ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na nagnakaw ng pondo ng flood control projects, sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Complex.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na masgumite ng listahan ng mga flood control projects kada region na sinimulan na o nakumpleto na sa nakalipas na tatlong taon.
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa regional project monitoring committee ang pag-eksamin ng listahan ng mga proyekto at magbibibgay din ng report sa mga hindi natuloy o natapos na proyekto at maging ng mga alegasyon ng ghost projects.
Ipa-publish na rin ang mga listahan at isasa­publiko ito para masaksihan ang mga proyektong ito at malayang masuri ang listahan at magbahagi ng kanilang nilalaman para makatulong sa imbestigasyon.
Kasabay nito, magkakaroon din ng audit performance review kaugnay sa mga proyekto para masuri at masiguro kung paano ginastos ang pera rito.
Siniguro naman ni Marcos na sa mga susunod na buwan ay makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon maging ang mga kasabwat na mga kontratista sa bansa, para malaman ng taumbayan ang buong katotohanan at kailangang may managot sa naging pinsala at katiwalian. ( Daris Jose)