Pag- release nang hindi pa nababayarang benepisyo ng mga health workers pinamamadali ng mambabatas
- Published on August 12, 2025
- by @peoplesbalita
NANAWAGAN ang isang mambabatas para sa agarang pagre-release nang hindi pa nababayarang benepisyo ng mga health workers sa pamamagitan ng affidavit.
Apela ni House Special Committee on Food Security Chair at Albay Rep. Raymond Adrian Salceda sa Department of Budget and Management at Department of Health na makipagtulungan sa Kamara upang agad na maipa-release ang naka-pending na Health Emergency Allowance claims ng mga health workers sa pamamagitan ng individual sworn affidavits.
Bunsod na rin ito sa libong claims ng unpaid HEA dahil sa record keeping issues sa DOH.
Ang Health Emergency Allowance na nasa ilalim ng Republic Act No. 11712 ay ibinibigay na buwanang allowance sa mga health workers sa panahon ng deklarasyon ng public health emergency, na ang rates ay base sa kanilang level ng exposure sa panganib.
Ito ay ginamit noong panahon ng COVID-19 pandemic, bilang pagkilala sa serbisyo at sakripisyo ng mga medical frontliners.
Sa House Resolution No. 127 na inihain ni Salceda, inaatasan ang Department of Budget and Management at Department of Health na idetermina ang eksaktong halaga ng unpaid benefits, isama sa kasalukuyang budget, at mag-sumite ng detailed report sa loob ng 30 araw.
Nakasaad pa sa resolution na dapat siguruhin ng House Committee on Appropriations na may nakalaang pondo para sa mga hindi naibigay na allowance.
“Nakakahiya na po kasi. Buwis buhay po ang trabaho ng frontliners noong COVID-19. Utang po ito, literal, ng gobyerno,” ani Salceda.
Kung magulo umano ang records, ang bawat frontliner na lang ang gumawa ng sariling affidavit para patunayan ang kanilang serbisyo.
“Sa confidential funds nga po pwede ang papel lang na pipirmahan, sa health workers pa kaya,” pahayag nito.
Sa ilalim ng panukala ni Salceda, ang bawat unpaid health worker ay gagawa ng sworn affidavit para sa kanilang eligibility, panahon at naging papel ng serbisyo at iba pang importanteng detalye.
Ang nasabing affidavits ay isusumite sa Department of Health at ikukumpirma sa records habang ang Department of Budget and Management naman ang magpoproseso sa payments samantalang ang Commission on Audit naman ang magsasagawa ng post-audit verification.
Ang Department of Budget and Management ay nagpalabas na ng ₱121.325 billion mula 2020 hanggang 2025 para sa Public Health Emergency Benefits.
Kabilang na dito ang ₱27.453 billion noong July 2024 para sa mahigit na 5m Health Emergency Allowance claims at 4,283 sickness and death compensation cases.
Ngunit sa kabila nito ay maraming claims ang nakapending dahil sa missing o inconsistent facility documentation.
layon aniya ng affidavit solution na matapos ang ganitong cycle of delay. “Hindi po ito simpleng papeles lang. Kabuhayan at karapatan po ito ng mga naglingkod sa pinakadelikadong panahon ng pandemya. Kung may utang tayo sa kanila, dapat ayusin agad at magtulungan tayo.” (Vina de Guzman)