• September 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 21st, 2024

DOJ, susuriin ang rekomendasyon ng QuadComm laban kay Digong Duterte-PBBM

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPINAUBAYA na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) ang masusing pagsusuri sa rekomendasyon ng House Quad Committee (QuadComm) na sampahan ng reklamo o ipagsakdal si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte at iba pa ukol sa ‘war on drugs’ ng dating administrasyon.

 

 

Inirekomenda kasi ng Quad Comm ang pagsasampa ng reklamo laban kina Digong Duterte, Senador Ronald Bato dela Rosa at Senador Bong Go para sa di umano’y paglabag sa Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.

 

“The DOJ will look at it and see if there are— if it is time to file cases, what cases to file, how to produce the evidence, and we will need to actually build the case up,”ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview

 

“So titingnan pa ‘yan. Marami pa. Kailangan pa i-assess nang mabuti kung ano yung maaaring maging kaso, tama ba yung direksyon ng rekomendasyon ng committees from House,” aniya pa rin.

 

Sa kabilang dako, bukod kina Digong Duterte, Senador Dela Rosa at Go, inirekomenda rin ng House Quad Committee ang pagsasampa ng kasong “crimes against humanity” laban kina dating PNP Chiefs ret. Oscar Albayalde at ret. Gen. Debold Sinas; dating P/Colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo at dating Palace aide na si Herminia “Muking” Espino.

 

 

Si Garma, dating PCSO manager, ang nagbulgar sa Quad Comm, ang Davao model o reward sa mga opisyal at tauhan ng pulisya na makakapatay ng mga drug personalities, pag-iral ng Davao Death Squad, pagpatay sa mga tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Penal Colony.

 

Ang rekomendasyon ay nakapaloob sa 43 pahinang QuadCom progress report matapos ang 13 pagdinig mula Agosto 16 hanggang Disyembre 12, 2024 kung saan iprinisinta ang mga nadiskubre, nakalap na ebidensya, naging aksiyon at rekomendasyon sa paggawa ng panukalang batas hinggil sa EJK, illegal na droga gayundin ang illegal na operasyon ng POGOs.

 

Sinabi ni Quad Comm chair Rep. Robert Barbers, nang dumalo si dating Pangulong Duterte sa pagdinig noong Nobyembre 13, kinumpirma nito ang Davao Death Squad, ang Davao template o model sa reward system sa mga police officers na masasangkot sa EJK na pinayuhan ang mga pulis na pilitin ang mga drug personalities na manlaban habang inako rin nito ang buong responsibilidad sa bloody drug war.

 

 

Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na wala pang natatanggap na rekumendasyon ang DoJ.

 

“Formally, hindi pa. Pero ayon sa proseso, lahat naman ng recommendations naman nila sa committee report ng kahit ano mang committee ng ating Senado at Kongreso ay tatanggapin ng ating National Prosecution Service,” ani Vasquez.
“Titingnan, titimbangin, at isasampa ‘yan, at magkakaroon ng mga kaso, at doon na magkakaroon ng preliminary investigation at due process ang bawat tao,” ang sinabi pa rin ni Vasquez.
At nang tanungin kung ang International Criminal Court (ICC), iniimbestigahan din ang droga, maaaring gamitin ang QuadComm report, inulit ni Vasquez na ang international tribunal ay ‘no jurisdiction’ sa bansa.
“Technically hindi dahil hindi na nga tayo saklaw ng ICC, eh. Pero hindi naman sila pinipigilan, hindi naman sila prevented from using the same witnesses, the same people,” anito. (Daris Jose)

Philippine polymer banknote series, inilabas na ng BSP

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPINAGMAMALAKING ipakilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang First Philippine Polymer (FPP) Banknote Series.

 

 

 

Ang FPP Banknote Series ay mayroong apat na denominasyon at nagtatampok ng “smarter, cleaner at stronger features.”

 

 

Kabilang sa mga tampok na bagong uri ng salapi ay P500, P100, at P50 na domination.

 

 

Umani naman ito ng magkakaibang reaksyon mula sa mga grupo at indibidwal.

 

Para sa BSP, naipapakita sa mga banknotes ang mga maipagmamalaking hayop na matatagpuan sa bansa.

 

 

Ngunit sa pahayag naman ng historian na si Prof. Xiao Chua, nakakapanghinayang na dating mga bayani ang makikita sa mga salapi, subalit ngayon ay mga hayop at ibang features na lamang. (Daris Jose)

Jordan Clarkson umaasang makakasama pa rin ng Gilas sa FIBA Asia Cup

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Hindi pa rin nawawala ang kasabikan ni Filipino-American NBA player Jordan Clarkson na mapili muli para makapaglaro sa Gilas Pilipinas.

 

 

Sinabi nito ang isang malaking karangalan ang mapili bilang manlalaro ng sariling bansa.

 

 

Hindi na bago kasi si Clarkson sa Gilas dahil sa sumabak na ito noong 2023 World Cup of Basketball na ginanap sa bansa.

 

 

Naging pamilyar na rin ito sa kasalukuyang Gilas coach na si Tim Cone dahil siya noon ang assistant coach ni Chot Reyes.

 

 

Pinuri ni Clarkson si Cone dahil sa magandang komunikasyon at ang koneksyon nito sa mga manlalaro.

 

 

Giit nito na ang mapili na makapaglaro sa Gilas ay isang napakalaking oportunidad.

 

 

Sa ngayon umaasa pa rin ito na maging isa sa mga naturalized player ng Gilas dahil sa ginagawang paghihigpit ng FIBA.

Pagsasampa ng kasong crimes against humanity laban kay Duterte at ilan iba pa kaugnay madugong war on drugs, inirekomenda

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INIREKOMENDA ng House quad committee ang pagsasampa ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilan iba pa kaugnay sa madugong war on drugs nito na ikinasawi ng libong Pilipino.

 

 

 

Ayon kay Quad committee chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kasama sa rekomendasyon ng quadcom sina Senador Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa, dalawang dating Philippine National Police chiefs at dalawang iba pang mataas na opisyal.

 

Nakapaloob ito sa 43 pahinang report na isinumite ni Barbers mula sa isinagawang 13 hearings mula Agosto 16 hanggang Disyembre 12 na naglalaman ng summary ng kanilang ebidensiya, legislative proposals and recommendations sa mga magkakaugnay na isyu ng extrajudicial killings, offshore gaming at illegal drug trade, sa plenaryo kasabay ng ikahuling araw ng sesyon nitong Miyerkules ng gabi.
Nagsimula ang imbestigasyon ng magkakahiwalay na komite ngunit nadiskubre ang ugnayan sa mga ito na nagbukas sa usapin ng iba’t ibang krimen.

 

 

Ang lima pang ibang opisyal ng pulis na inirekomendang kasuhan dahil sa paglabag sa RA 9861 ay sina dating PNP chiefs Oscar Albayalde at Debold Sinas, dating Cebu police chief Royina Garma, dating National Police Commissioner Edilberto Leonardo, at Herminia “Muking” Espino.

 

Sinabi pa ni Barbers na inirekomenda din ng panel na kasuhan ng conspiracy to murder sina Duterte, Garma, Leonardo, dating PNP officers Arthur Narsolis at Gerardo Padilla ukol sa alegasyon pagkakasangkot umano sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong Aug. 13, 2016. (Vina de Guzman)

Grab drivers umaangal dahil sa cuts sa SC at PWD discounts

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang grupo ng mga drivers ng ride-hailing system upang ang mga kumpanyang nasabi ay ibalik sa kanila ang binabawas sa kanilang kinikita na 20 porsiento diskwento sa senior citizens at persons with disability (PWDs).

 

 

 

Sa isang panayam kay Laban TNVS national director June de Leon na dati ay ang pinapataw lamang sa kanila ay ang 10 porsiyento ng diskwento na binibigay sa mga SCs at PWDs habang ang Grab ay siya naming kumukuha ng 10 porsiento nito. Subalit simula noong March 2024 ay ang mga drivers ng mga ride-hailing system ang siya ng binawasan ng buong 20 porsiento.

 

 

Ayon sa grupo ay noong March pa sila nanawagan sa LTFRB upang pakialaman na ang nasabing usapin dahil labis-labis na ang pagkalugi ng mga drivers sa nasabing situasyon.

 

 

Dagdag pa nila na bukod sa 20 hanggang 25 porsiento na kinakaltas sa kanila na komisyon ng Grab ay pinatong pa ang 20 porsiento diskwento ng SCs at PWDs sa mga drivers kasama pa ang diskwento sa mga estudyante.

 

 

Sinabi ni De Leon na kung ang pasahe ng isang PWDs ay umabot ng P1,000, ang isang Grab driver ay mayron na lamang na P800 na take home pay dahil sa 20 porsientong diskwento.

 

 

Subalit dahil na rin ang Grab ay kinukuha pa commission na 20 hanggang 25 na porsiento kada sakay, ang isang driver ay mayron na lamang kabuohang take home pay na P550. Gusto man nilang bigyan ng diskwento ang SCs at PWDs ito naman ay nangangahulugan ng pagkalugi sa kanilang kinikita.

 

 

“Although we want to serve our PWDs and SCs, sometimes we will not take their bookings because it will mean a loss in our take home pay. We are just trying to make a living and they should understand that we have our family to feed, so we are really sorry for that,” saad ni De Leon.

 

 

Ayon pa kay De Leon na malinaw sa LTFRB guidelines na dapat ang mga kumpanya ng TNVS ang siyang dapat na mag shoulder ng 20 porsiyento diskwento sa mga SCs at PWDs.

 

 

Humihingi din ang grupo sa LTFRB na dapat ay magkaron ng full accounting dito para tama ang maibayad sa mga drivers kung magkakaroon ng refund.

 

 

Nagpahayag naman ang pamunuan ng Grab na patuloy silang nagsa-subsidize ng mga government-mandated discounts para sa mga drivers sa pamamagitan ng mababang commissions para sa mga discounted fares.

 

 

“It does so by subsidizing its drivers-partners for said rides through a reduced commission rates on these discounted fares. This model mitigates the impact of these government-mandated fare discounts on driver earnings,” wika ng Grab.

 

 

Ayon pa rin sa Grab sila rin ang nagbabayad ng kabuohang diskwento sa cost ng mga unverified at fraudulent SCs at PWDs. Dagdag ng Grab na isa sa tatlong SC/PWD/Student bookings ay mga unverified at fraudulent ang transaksyon. LASACMAR

CHAVIT, ‘dark horse’ sa pagka-senador sa 2025 Election

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DAHIL sa pag-akyat ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging “dark horse” ang ngayo’y tumatakbo sa pagka-senador na si Luis “Chavit” Singson, ayon sa pinaka-huling datos na isinagawa ng Tangere, isang online polling body.

 

 

 

Base sa “The 2025 Pre-Election Senatorial Preferential Survey”, 11.29% ang itinaas ng grado ni Chavit kung ikukumpara sa nakaraang buwan, laban sa iba pang 66 na makakatunggali nito sa pagka-senador.

 

 

Batay naman sa isa pang survey provider na Pulso Ng Bayan, 22.75% naman ang itinaas ng kanyang grado, na siyang pinakamataas kumpara sa lahat ng mga senatoriables sa paparating na 2025 midterm elections.

 

 

Ayon sa “Team Chavit Singson”, bagama’t nasa 20-23 na pwesto ang kanilang kandidato, lubos naman nila itong ikinagagalak at itinuturing na isang “positive development” na tanda ng lumalawak na suporta ng bayan sa kanyang pagtakbo.

 

 

Ani pa nila, lubos din nilang ipinagpapasalamat ang higit pang lumalawak na voter reach nito, lalo na sa National Capital Region, Northern, Central at Southern Luzon, at patuloy pang pagiibayuhin ang pag-abot lalong-lalo na sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.

 

 

Tala naman ng mga political at social media analysts, malaki ang naging papel ng mga followers sa social media ni Singson kung saan siya ay pumangatlo sa lahat ng senatorial candidates na may social media following nitong katatapos lamang na buwan ng Nobyembre, na patuloy pang nangunguna at dumarami ngayong buwan ng Disyembre.

 

 

Bukod kay Singson, ang iba pang mga kandidato sa pagka-senador na nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa poll rating ay sina Richard Mata (4.25%), Gringo Honasan (1.29%), Camille Villar (0.54%) at Imee Marcos (0.42%).

 

 

Ayon sa Tangere, ang survey na ito ay isinagawa noong Disyembre 11-13, na may 2,400 na respondents – ang 23% ay nagmula sa Northern Luzon, 23% sa Mega Manila, 20% sa Southern Luzon, 20% sa Visayas, at 23% sa Mindanao. Ito ay may 95% confidence at margin of error na +/- 1.96. ( Rohn Romulo)

20-anyos na wanted sa sexual offenses, nabitag sa Valenzuela

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD), sa pamamagitan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa manhunt operation ang isang kelot na wanted sa kasong sexual offenses sa Valenzuela City.

 

 

Ayon kay NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng DDEU hinggil sa kinaroroonan ng 20-anyos na akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person ng lungsod.

 

 

Agad bumuo ng team si P/Capt. Regie Pobadora, hepe ng DDEU saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado dakong alas-4:40 ng hapon sa Northville 1, Barangay Bignay.

 

 

Ani Capt. Pobadora, ang akusado ay dinakip nila sa bisa ng warrants of arrest were na inisyu ni Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng RTC Branch 172, Valenzuela City, noong December 12, 2024, para sa kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code (RPC) in relation to Section 5(B) of R.A. No. 7610, and Sexual Assault under Article 266-A(2) of the RPC in relation to Section 5(B) of R.A. No. 7610.

 

Pinuri naman ni Col. Ligan ang dedikasyong pagsisikap ng mga opisyal ng DDEU na sangkot sa operasyon kung saan binigyang-diin niya na ang pagtutulungan at propesyonalismo ay nananatiling pundasyon ng misyon ng NPD na maghatid ng hustisya at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa CAMANAVA area.

 

 

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng NPD-DDEU habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)

Pareho naman silang walang karelasyon: SUNSHINE, ayaw pa ring mag-comment sa pag-amin ni ATONG ANG

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MASASABI namin na isa kami sa malalapit at itinuring na kaibigan ng aktres na si Sunshine Cruz.

 

 

Way back “That’s Entertainment“ days kung saan unang exposure ni Sunshine sa showbiz world ay malapit na kami sa isa sa mahal naming aktres.

 

 

Nang ikinasal si Sunshine kay Cesar Montano ay isa kmi sa special na invited guest ni Sunshine sa Coconut Palace.

 

Hindi rin namin makakalimutan ang mga naramdaman noon ni Sunshine at halos araw-araw niyang pag-iiyak nang hiniwalayan na niya ang asawa.

 

At tungkol naman sa pinag-uusapang isyu kina Sunshine at milyonaryong negosyanteng si Atong Ang ay tahimik lang siya at ayaw niyang magbigay ng kahit anumang komento.

 

Walang pag-amin at wala rin namang pagtanggi.

 

Basta ang importante masaya ang takbo ng lovelife ngayon ng premyadong aktres.

 

At 47, napalaki niyang maayos ang tatlong dalaga na malapit na rin makatapos na rin ng pag-aaral.

 

Oozing with sex appeal pa rin ang isang Sunshine Cruz ay kasalanan ba niyang marami pa ring umaaligid sa kanya.

 

After ng hiwalayan nila ng natulungan din naman ni Sunshine para manalong kunsehal sa San Juan na si Macky Mathay ay naging “single” na muli ang aktres.

 

Kaya kung totoo mang sila na nga ni Atong Ang wala naman sigurong masama.

 

Matagal na rin namang hiwalay ang negosyante at sa totoo lang naman wala pa namang inamin si Atong na karelasyon niya ngayon di ba?

 

Heto na nga, lalong pag-uusapan ngayon si Sunshine at hindi maiiwasang kakainggitan na naman siya.

 

Sobrang haba ng hair ng aktres dahil sa pag-amin ng businessman sa relasyon nila.

 

Yes, talk of the town na naman ngayon ang isang Sunshine Cruz dahil kinumpirma na raw mismo ni Atong Ang sa Bilyonaryo News Channel na as in karelasyon daw niya ngayon si Sunshine.

 

Hindi namin napanood pero mismong ang ‘Agenda’ host na si Pinky Webb ang nagbalita hinggil nito last December 17.

 

Kumbaga, pinatotohanan na raw ni Atong na sila na nga ni Sunshjne at matagal na silang hiwalay ni Gretchen Barretto.

 

Well, magkaganunman at kung totoo ngang inamin na ni Atong ay wala pa rin daw balak si Sunshine na magsalita hinggil dito!.

 

Pero sa totoo lang, isa kami sa natutuwa sa ginawang pag-amin ni Atong at happy kami para sa kaibigan naming si Sunshine.

 

At least sa tagal na naging popular ang pangalang Atong Ang ay ngayon lang niya kinumpirma ang karelasyon niyang taga-showbiz.

 

 

 

 

(JIMI C. ESCALA)

Dec. 20 budget signing, naudlot para sa ‘rigorous, exhaustive’ review ni PBBM

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAUDLOT ang target date sana para sa paglagda sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) upang bigyan ng mas maraming oras at panahon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang “rigorous and exhaustive” na pagrerebisa at paghimay sa batas.

 

 

Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na wala pang pinal na petsa para sa paglagda ng GAA na may

 

 

P6.352 trillion national expenditure para sa fiscal year 2025.

 

“The scheduled signing of the General Appropriations Act on December 20 will not push through to allow more time for a rigorous and exhaustive review of a measure that will determine the course of the nation for the next year,” ang sinabi ni Bersamin.

 

 

“The ongoing assessment is being led by the President himself, in consultation with the heads of major departments,” dagdag na wika nito.

 

Kinumpirma naman ni Bersamin na may ilang bagay at probisyon na nakapaloob sa panukalang national budget para sa susunod na taon ang ibe-veto “in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws.”

 

 

Nauna rito sinabi ni Pangulong Marcos na nirerebisa pang mabuti ng Office of the President (OP) ang detalyadong bersyon ng 2025 GAB, lalo na ang probisyon na inilarawan bilang “worrisome elements” sa plano sa paggastos.

 

 

Winika pa ng Pangulo na maghahanap siya ng paraan para ibalik ang P10 billion na tinapyas mula sa Department of Education (DepEd) para sa 2025 ang pagtapyas sa alokasyon para sa edukasyon ay ‘salungat’ sa polisiya ng administrasyon.

 

 

Samantala, binigyang-katwiran naman ni Pangulong Marcos ang ‘zero subsidy’ para sa Philippine Health Insurance Corp. para sa susunod na taon sabay sabing ang PhilHealth ay ‘no budgetary issues’ dahil sa tinatayang reserba nito na P500 billion.

 

Matatandaang noong nakaraang linggo, inaprubahan ng bicameral conference committee ang P6.352 trillion 2025 budget bill. (Daris Jose)

Dating UFC champion Conor McGregor at Logan Paul, maghaharap sa Exhibition match sa 2025

Posted on: December 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAGHAHARAP sa isang exhibition match sina dating two-division UFC champion Conor McGregor at World Wrestling Entertainment (WWE) star Logan Paul sa 2025.

 

 

Nagkasundo ang kampo ng dalawa na ganapin ang naturang match sa bansang India at maglalaban sa ilalim ng boxing rules.

 

 

Mismong si McGregor ang nag-anunsyo sa naturang laban ngunit sa kasalukuyan ay nananatiling limitado pa ang impormasyong inilalabas ukol dito.

 

 

Ang tanging idinagdag ng UFC star ay ang kasalukuyan niyang pakikipag-usap sa pamilya ng bilyonaryong si Mukesh Ambani na siyang nag-sponsor sa naturang laban.

 

 

Sa kasalukuyan, hawak ni McGregor ang record na 22-6-0. Sa 22 laban na kaniyang naipanalo, 19 dito ay pawang mga knockout.

 

 

Si Paul ay isang Youtuber na kamakailan ay pumasok sa boxing. Mula nang pasukin ang naturang sport, apat na beses na siyang lumaban; pinakamalaki rito ay laban kay undefeated champion, Floyd Mayweather Jr.