• September 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 4th, 2020

Sec. Cimatu, sinuspinde ang quarry operations sa Guinobatan, Albay

Posted on: November 4th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

SINUSPINDE ni Environment Secretary Roy Cimatu ang quarry operations sa Guinobatan, Albay makaraan ang pinsala na dulot ng Bagyong Rolly.

 

Sa press briefing, sinabi ni Cimatu na may apat na katao ang namatay at tatlo naman ang nailibing ng rumagasang lahar mula Mayon Volcano.

 

Ani Cimatu, malakas kasi ang agos ng tubig- baha na nagmula sa bulkan at bumagsak sa tatlong ilog kung saan nag-o-operate ang 11 quarry o tibagan.

 

“Some of these operators left their stockpiles in the middle of these rivers kaya no’ng bumaba ‘yung tubig, malakas, dala-dala ‘yung lahar, pati ‘yung stockpiles nila boulders ay kasama na,” ayon kay Cimatu.

 

Aniya pa, ang 11 operators ay binigyan ng permit ng provincial government.

 

Dahil dito, ipinag-utos niya ang suspensyon ng mga ito kabilang na ang quarry operation sa palibot ng Mayon.

 

Nauna rito, sinabi ni Senador Bong Go na nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang imbestigasyon ng quarrying operations matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente.

 

Samantala, binisita naman ni Pangulong Duterte ang Albay isang araw matapos manalasa ang bagyong rolly sa Bicol.

 

Nagsagawa rin ang Punong Ehekutibo ng aerial inspection sa Catanduanes, unang lalawigan na binayo ng bagyong rolly. (Daris Jose)

World champ na Japanese boxer positibo sa COVID-19

Posted on: November 4th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NALUNGKOT ang kampo ni Japanese WBA light flyweight super champion Hiroto Kyoguchi matapos itong makumpirmang nagpositibo sa coronavirus isang araw bago ang nakatakdang laban nito.

 

Sasagupain sana ni Kyoguchi si Thanongsak Simsri ng Thailand sa Osaka, Japan pero tuluyan nang kinansela ang laban dahil sa pagpositibo ng Japanese boxer sa nakamamatay na coronavirus.

 

Aminado ang kampo ni Kyoguchi na wala silang nakikitang anomang sintomas sa 26-anyos na boksingero.

 

Sinabi ng WBA na muli nilang itatakda ang laban kapag gumaling na ang Japanese boxer sa coronavirus disease.

PDu30, maayos ang kalusugan-Malakanyang

Posted on: November 4th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

“HE is as good as anyone of his age.”

 

Ito ang tugon ng Malakanyang sa mga nagtatanong at naghahanap kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga araw na nananalasa at bumabayo ang super typhoon rolly sa bansa.

 

Ang hindi pagdalo ni Pangulong Duterte sa kauna-unang public briefing habang nananalasa ang bagyong rolly ay ginamit ng mga kritiko ni Pangulong Duterte para ungkatin ang kanyang kalusugan.

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kung nasa masamang kondisyon ang kalusugan ng Pangulo, 75, ay hindi nito magagawang bisitahin ang typhoon-battered Guinobatan, Albay.

 

Nauna rito, habang pabalik sa Maynila mula sa Davao ay nagsagawa kahapon ng aerial inspection si Pangulong Duterte sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly sa Bicol at CALABARZON.

 

Wala namang ideya si Sec. Roque kung aksidenteng inalis o kusang tinanggal ni Pangulong Duterte ang suot nitong face mask.

 

“Ang importante po, nakarating po doon sa Guinobatan… Kung natanggal man ang mask niya, iyong danger ay na kay Presidente. Pero hindi po niya natiis ang mga Bicolano, pinuntahan niya. He exposed himself to the threat of COVID-19,” aniya pa rin.

2 tulak nasakote sa Caloocan buy-bust

Posted on: November 4th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

WALANG kawala ang dalawang hinihinalang drug pushers matapos bentahan ng marijuana ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy- bust operation sa Caloocan City.

 

Kinilala ni Caloocan police deputy chief for administration PLTCOL Ilustre Mendoza naarestong mga suspek na si Ian Lester Catalan, 24 ng Misamis St. brgy. 153 at Norman Sta. Ana, 40, ng Malolos Ave. Brgy. 154.

 

Ayon kay PLTCOL Mendoza, dakong 1 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Caloocanb Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) warriors sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo at P/Capt. Jeraldson Rivera ng Bagong Barrio SS5 ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Miraclre st. Brgy. 153, Bagong Barrio.

 

Nang tanggapin ng mga suspek ang P1,000 marked money mula kay PCpl Mark Christian Cabanilla na nagpanggap buyer kapalit ng isang medium size brick cling plastic ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops at agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

 

Narekober sa mga suspek ang 4 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P27,000 ang halaga, 500 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na nasa P60,000 ang halaga at buy- bust money.

 

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)