• November 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 20th, 2026

Ads November 20, 2026

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Kelot na naningil ng pautang, tinodas sa Navotas

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TUMIMBUWANG ang duguan at walang buhay na katawan ng 27-anyos na kelot matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Naganap umano ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw sa Tumana, Dagat-Dagatan ng lungsod habang kausap ng biktima ang isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, nakipagkita umano ang biktima sa suspek para singilin sa utang at habang nag-uusap, naglabas umano ng baril ang salarin at pinaputukan sa ulo ang nasawi.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon habang naiwan ang biktima na naliligo sa kanyang sariling dugo.

Patuloy ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa salarin habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang sa biktima. (Richard Mesa)

Sa impeachment trial ni VP Sara…Mga ipinalabas na video ng depensa, kinuwestiyon

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUWESTIYON ng House prosecution ang kaugnayan ng pagpapalabas ng videos ng depensa ng mga yumaong dating Chief Justice Renato Corona at Sen. Miriam Defensor Santiago sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.

Inihayag pa ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa halip na ipalabas ang mga videos ay dapat na sinagot ng depensa ang alegasyon ng P818 million na unexplained wealth.

“Mukhang desperado na sila, pati ’yung patay ay pinapasalita pa nila,” ani House prosecution spokesperson Alonto Adiong.

Sinabi naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ang ginawang presentasyon ay “unfair,” kasabay ng pagkuwestiyon sa pagtatangka ng depensa na maikumpara ang trial sa nakalipas na impeachment proceedings.

Nabigo aniya ang depensa na sagutin ang tunay na isyu patungkol sa alegasyon ng unexplained wealth sa kabila na nakapagprisinta na ng pitong saksi.

“So hindi naman po natin masasabi na ito ay effective. Kasi parang hindi naman nila sinasagot ’yung main issue, eh,” pahayag ni Chua.

Pahayag naman ni Adiong na “to us, it is unethical to present video clips of those who have already departed, and their supposed statements have nothing to do with the current impeachment trial of Vice President Sara Duterte.”

Idinagdag naman ni Chua na lumilitaw na mas interesado ang depensa na maglaan ng materyales sa social media sa halip na hamunin ang mga ebidensiya ng proseksuyon,.

“Lahat ng mga pinalalabas ng depensa so far puro pang-socmed. Hindi po pang-impeachment trial,” dagdag ni Chua.

(VINA de GUZMAN)

Speaker Dy, nanawagan ng pagkakaisa para sa mapayapa at maunlad na ASEAN

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si House Speaker at AIPA President Faustino “Bojie” Dy III sa mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na patibayin ang pagkakaisa at isalin sa konkretong batas ang mga kasunduan para sa isang mapayapa, maunlad, at people-centered na ASEAN.

Ginawa ni Speaker Dy ang pahayag matapos ang pormal na pagbubukas ng 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) kahapon.

Binigyang-diin ni Dy na hawak ng mga parlamento ang kapangyarihan sa paggawa ng batas at paglalaan ng pondo upang matiyak na mararamdaman ng mga magsasaka, manggagawa, at maliliit na negosyo ang pag-unlad sa ilalim ng ASEAN Community Vision 2045. 

Hinikayat din niya ang mas malapit na pagtutulungan ng rehiyon laban sa cybercrime, disinformation, at mga panganib sa artificial intelligence (AI).

Bilang pangulo ng AIPA, tiniyak ni Dy na palalakasin ng Pilipinas ang ugnayan sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura, sabay giit na tulad ng mga binigkis na tangkay ng palay sa logo ng ASEAN, walang anumang bagyo o hamon ang makabubuwag sa rehiyon kung magkakaisa ang 11 bansang kasapi nito. (VINA de GUZMAN)

Hindi raw palalampasin ng kanyang administrasyon ang ganitong oportunidad…PBBM nasa China para sa APEC Summit

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LUMIPAD patungong China si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang dumalo sa tatlong araw na Asia-Pacific Econo­mic Cooperation (APEC) Summit.

Sa kanyang departure statement, sinabi ng Pangulo na inimbitahan siya ni Chinese President Xi Jinping na makilahok sa APEC meeting na ginaganap sa Shenzhen, China mula Nobyembre 18 hanggang 20.

Ayon kay Marcos, hindi palalampasin ng kanyang administrasyon ang mga oportunidad na dulot ng patuloy na paglago ng mga ekonomiya ng APEC, na inaasahang lalago ng 3.7 porsiyento sa 2026, mas mabilis kumpara sa pandaigdigang ekonomiya.a

“We will engage China constructively on expanding trade, investment, and people-to-people exchanges that benefit our peoples, even as we remain steadfast in upholding our national interest. Our message is clear: the Philippines is open for business. Invest in the Filipino,” ani Marcos.

Sinabi rin ng Pa­ngulo na dadalhin ng delegas­yon ng Pilipinas sa APEC Summit ang mga natamong tagumpay ng bansa sa pagpapalawak ng free trade network, na aniya’y pinakamalawak at pinakaaktibo sa kasaysayan ng bansa.

Dagdag niya, nakahanay sa pambansang development agenda ng gobyerno ang mga pa­ngunahing tema ng APEC ngayong taon na pagiging bukas, inobasyon, at pagkakaisa.

Gagamitin aniya ng Pilipinas ang summit upang higit pang mapalakas ang ugnayang pangkalakalan sa mga kasaping ekonomiya at makahikayat ng mas ma­raming pamumuhunan na lilikha ng dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino. ( DARIS JOSE)

6.3 KILO NG SHABU NASABAT SA NAIA; ROMANIAN NATIONAL ARESTADO

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASABAT ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang mahigit anim na kilo ng hinihinalang shabu sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at inaresto ang isang Romanian national.

Isinagawa ang operasyon pasado alas sais ng umaga noong Nobyembre 16 sa Customs Secondary Inspection Area ng NAIA Terminal 3 sa Pasay City.

Pinangunahan ang operasyon ng NAIA-IADITG katuwang ang PDEA-NCR, Bureau of Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, NBI, Bureau of Immigration at Office for Transportation Security.

Kinilala ang suspek sa alyas na Pavel, 65-anyos na Romanian national at retiradong factory worker na dumating sa Pilipinas mula sa Vietnam.

Sa isinagawang inspeksyon sa bagahe ng suspek, narekober ang isang brown na bagahe na naglalaman ng tatlumpu’t anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 6,364 gramo ng puting kristal na hinihinalang shabu.

Tinatayang aabot sa mahigit 43 milyong piso ang halaga ng nasabat na ilegal na droga.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang naarestong indibidwal at ang nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at laboratory examination.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa Customs Modernization and Tariff Act.

 (PAUL JOHN REYES)

Deployment ng mga pulis balik-normal na; heightened alert nananatili – NCRPO

Posted on: November 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALIK na sa normal ang deployment ng mga pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) subalit mananatili pa ring ang heightened alert upang matiyak ang seguridad at maayos na daloy ng trapiko sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista at commuter matapos ang tatlong araw na special non-working holiday.

Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Christopher Abrahano, inatasan niya ang mga police commander na tiyakin ang sapat na police visibility sa mga pa­ngunahing lansangan, transport terminal, at iba pang mataong lugar kasabay ng pagbabalik sa normal ng mga aktibidad matapos ang 49th ASEAN Summit.

Gayunman, mananatili sa heightened alert ang NCRPO dahil nagpapatuloy pa ang mga operasyong panseguridad kaugnay ng ASEAN Summit. Kabilang dito ang bilateral meeting nina US President Donald Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin ang pagbabantay sa mga posibleng kilos-protesta.

Inatasan din ni Abrahano ang mga police commander na panatilihin ang seguridad sa mga kritikal na lugar at palakasin ang pagpapatrulya at pagbibigay ng tulong-trapiko sa mga pangunahing kalsada at transport hub.