• November 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 7th, 2026

5 drug personalities, huli sa akto sa ‘Oplan Galugad’ sa Valenzuela

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA kulungan ang bagsak ng limang hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa Anti-Criminality Operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni Police Investigator PSSg Pamela Joy Catalla, alas-10 ng gabi nang maaktuhan nina Pat Dominic Dela Cruz at Pat Julious Cesar B Demition, kapwa ng Valenzuela Police Sub-Station 2 si alyas “Edmon”, 39, na bumabatak umano ng droga sa loob ng isang bahay sa San Gregorio Street, Barangay Gen. T De Leon.

Nauna rito, alas-8:40 ng gabi nang mahuli sa akto nina PSMS Gutierrez at Pat Capiral, kapwa ng Police Sub-Station 5 si alyas “Jayson”, 31, na sumisinghot din umano ng shabu sa loob ng isang bahay sa Sagip St., Brgy. Arkong Bato.

Pasado alas-9:20 ng gabi nang maaresto naman nina Pat Macalla at Pat Teniola, kapwa ng Police Sub-Station 6, si alyas “Dan”, 34, nang maaktuhan gumagamit din umano ng droga sa M.H Del Pilar, Brgy., Malanday.

Habang huli din sa akto nina Pat Verano at Pat Caballero, kapwa ng Police Sub-Station 8, si alyas “Edrick”, 25, na gumagamit din umano ng droga sa M. Bernardino Street, Brgy. Ugong.

Sa Brgy., Karuhatan, naaktuhan naman nina Pat Quiaño at Pat Balisi, kapwa ng Police Sub-Station 9, ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa loob ng Karuhatan Public Cemetery sa Padrigal St. ala-1:45 ng madaling araw.

Ayon kay SDEU investigator PSSg Alfredo Mendoza III, nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha umano kay alyas “Raymond”, 39.

Patuloy na hinihikayat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa mga taong may kahina-hinalang gawain. (Richard Mesa)

RIDER NA NAKABUNDOL NG PEDESTRIAN SA PASIG CITY; NI-REVOKE ANG LISENSYA, MOTORSIKLO INALARMA

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINATAW ng Land Transportation Office (LTO), ang pagbawi sa driver’s license at dalawang taong diskwalipikasyon sa muling pagkuha ng anumang uri ng lisensya laban sa rider ng motorsiklong nakabundol sa isang babaeng tumatawid sa pedestrian lane sa Pasig City.

Batay sa CCTV footage na naging batayan ng pag-isyu ng Show Cause Order (SCO) noong Oktubre 19, dakong alas-5 ng umaga, nabundol ng isang motorcycle rider ang babaeng tumatawid sa pedestrian lane sa C. Raymundo Avenue corner Kalaningan Street, Barangay Caniogan, Pasig City. Dahil sa insidente, isinugod ang biktima sa Pasig City General Hospital upang malapatan ng lunas matapos magtamo ng malubhang pinsala.

Matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng rider at ng rehistradong may-ari ng motorsiklo, agad na naglabas ng SCO ang ahensya at isinailalim sa imbestigasyon ang insidente. Agad namang isinuko ng sangkot na rider ang kanyang lisensya sa LTO.

Inatasan din siyang humarap sa itinakdang pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng mga kaukulang dokumentong susuporta sa kaniyang panig upang maipaliwanag ang insidente kaugnay ng reklamong Reckless Driving.

Matapos ang masusing imbestigasyon at pagdinig, natukoy ng IID na may sapat na batayan upang panagutin ang rider sa kasong Reckless Driving kaugnay ng pagkakabundol nito sa isang pedestrian. Batay din sa mga resulta ng imbestigasyon, idineklara siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Dahil dito, ipinataw ng LTO ang revocation ng kanyang lisensya at diskwalipikasyon sa pagkuha ng anumang uri ng driver’s license sa loob ng dalawang taon.

Samantala, nananatiling nasa alarm status ang motorsiklo bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng kaukulang aksyong administratibo ng ahensya.

“Ipinapatupad natin ang mas mahigpit na aksyon laban sa mga motoristang naglalagay sa panganib sa buhay ng mga pedestrian, kabilang ang pagbawi sa kanilang lisensya at diskwalipikasyon sa muling pagkuha nito. Malinaw ang ating aksyon, hindi natin hahayaang malagay sa peligro ang buhay ng mga tumatawid dahil sa kapabayaan sa pagmamaneho,” pahayag ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao. 

Binigyang-diin ng LTO na patuloy nitong paiigtingin ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas-trapiko upang matiyak ang kaligtasan ng mga pedestrian at iba pang gumagamit ng kalsada. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na iulat ang mga insidente ng iresponsable at mapanganib na pagmamaneho, lalo na ang mga paglabag na naglalagay sa buhay ng mga tumatawid sa panganib, upang agad na maaksyunan at mapanagot ang mga sangkot. 

(PAUL JOHN REYES)

Transport sa LTFRB: Multa sa MC Taxi, ipatupad

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DAPAT na magpakatotoo ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapatupad multang ipinataw sa ride hailing app na Move It dahil sa mga “ghost rider”.

Ito naman ang sinabi ni Ariel Lim, Pangulo ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Associations of the Philippines (NACTODAP) sa isinagawang press conference sa Ka Rene Restaurant sa Quezon City.

Ayon kay Lim, ngayon dapat na ipakita ng LTFRB ang kanilang pangil sa pagpapatupad ng P555.75 milyong multa sa Move It dahil sa umano’y overboarding. Ani Lim, pumalo na sa 73,321 ang Move It riders gayong 17,746 lamang ang awtorisado. Sobra ito ng 55,575 na labag na sa regulasyon.

Kinuwestiyon naman ni Ronald Gustillo, National Campaigner ng Digital Pinoy sang sistema ng Move It sa accreditation, training at regulasyon ng kanilang mga riders. Aniya, hindi lamang dami ng motorcycle taxi ang dapat isaalang-alang, kundi higit sa lahat ang pagi­ging kwalipikado, dokumentado, at ligtas ng bawat rider.

Una nang pinuri nang NACTODAP; Digital Pinoys; National Public Transport Coalition (NPTC); Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP); Kapatiran ng Dalawang Gulong (KAGULONG); Motorcycle Taxi Rider Organization (METRO); Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA); at Pilipino Society and Development Advocates for Commuters and Consumers (PASADA CC) ang desisyon ng LTFRB.