RIDER NA NAKABUNDOL NG PEDESTRIAN SA PASIG CITY; NI-REVOKE ANG LISENSYA, MOTORSIKLO INALARMA
- Published on November 7, 2026
- by Francis Paolo Torres
IPINATAW ng Land Transportation Office (LTO), ang pagbawi sa driver’s license at dalawang taong diskwalipikasyon sa muling pagkuha ng anumang uri ng lisensya laban sa rider ng motorsiklong nakabundol sa isang babaeng tumatawid sa pedestrian lane sa Pasig City.
Batay sa CCTV footage na naging batayan ng pag-isyu ng Show Cause Order (SCO) noong Oktubre 19, dakong alas-5 ng umaga, nabundol ng isang motorcycle rider ang babaeng tumatawid sa pedestrian lane sa C. Raymundo Avenue corner Kalaningan Street, Barangay Caniogan, Pasig City. Dahil sa insidente, isinugod ang biktima sa Pasig City General Hospital upang malapatan ng lunas matapos magtamo ng malubhang pinsala.
Matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng rider at ng rehistradong may-ari ng motorsiklo, agad na naglabas ng SCO ang ahensya at isinailalim sa imbestigasyon ang insidente. Agad namang isinuko ng sangkot na rider ang kanyang lisensya sa LTO.
Inatasan din siyang humarap sa itinakdang pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng mga kaukulang dokumentong susuporta sa kaniyang panig upang maipaliwanag ang insidente kaugnay ng reklamong Reckless Driving.
Matapos ang masusing imbestigasyon at pagdinig, natukoy ng IID na may sapat na batayan upang panagutin ang rider sa kasong Reckless Driving kaugnay ng pagkakabundol nito sa isang pedestrian. Batay din sa mga resulta ng imbestigasyon, idineklara siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Dahil dito, ipinataw ng LTO ang revocation ng kanyang lisensya at diskwalipikasyon sa pagkuha ng anumang uri ng driver’s license sa loob ng dalawang taon.
Samantala, nananatiling nasa alarm status ang motorsiklo bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng kaukulang aksyong administratibo ng ahensya.
“Ipinapatupad natin ang mas mahigpit na aksyon laban sa mga motoristang naglalagay sa panganib sa buhay ng mga pedestrian, kabilang ang pagbawi sa kanilang lisensya at diskwalipikasyon sa muling pagkuha nito. Malinaw ang ating aksyon, hindi natin hahayaang malagay sa peligro ang buhay ng mga tumatawid dahil sa kapabayaan sa pagmamaneho,” pahayag ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Binigyang-diin ng LTO na patuloy nitong paiigtingin ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas-trapiko upang matiyak ang kaligtasan ng mga pedestrian at iba pang gumagamit ng kalsada. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na iulat ang mga insidente ng iresponsable at mapanganib na pagmamaneho, lalo na ang mga paglabag na naglalagay sa buhay ng mga tumatawid sa panganib, upang agad na maaksyunan at mapanagot ang mga sangkot.
(PAUL JOHN REYES)