• November 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 7th, 2026

6 PANG PILIPINO MULA MALAYSIA PINAUWI, NABIKTIMA UMANO NG PEKENG TRABAHO AT ONLINE SCAM HUBS

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating ng anim pang Pilipino na pinauwi mula Malaysia nitong Sabado, Oktubre 24, kasunod ng pagsalakay ng mga pulis sa kanilang pinagtatrabahuhan na umano’y nagpapatakbo ng online investment at customer service centers ngunit sangkot pala sa mga online scam.

Agad na ininterbyu ng mga opisyal ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang anim na repatriate na binubuo ng limang lalaki, edad 28 hanggang 33, at isang 37-anyos na babae na nagtrabaho sa Kuantan at Kota Kinabalu, Malaysia.

Ayon sa kanilang mga salaysay, ni-recruit sila bilang customer service representative o call center agent na may pangakong buwanang sahod na US$1,000 hanggang US$1,200. Gayunman, sa halip na lehitimong serbisyo sa customer ang kanilang gawin, pinagawa umano sila ng mga online gambling scam na naglalayong manloko ng mga hindi pinaghihinalaang indibidwal.

Ilan sa kanila ang hindi umano nakatanggap ng ipinangakong sahod, habang ang iba naman ay nagsabing kinumpiska ang kanilang mga pasaporte.

Nagsimula umano ang kanilang recruitment sa mga advertisement ng trabaho sa Facebook at Telegram job-hunting groups. Kalaunan, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga indibidwal na nag-ayos ng kanilang pag-alis sa Pilipinas at pagdating sa Malaysia.

Nabatid din sa imbestigasyon na lima sa anim na repatriate ang umano’y nakalabas ng bansa sa pamamagitan ng tinatawag na “backdoor” route mula Zamboanga at Tawi-Tawi patungong Sabah, Malaysia, upang makaiwas sa regular na proseso ng immigration inspection.

Sa pagsusuri naman ng BI Anti-Fraud Section (AFS), natukoy na apat sa mga repatriate ang may hawak na tunay na pasaporte ng Pilipinas ngunit may pekeng departure stamps.

Nagbabala ang BI laban sa paggamit ng mga ilegal na ruta at pekeng dokumento sa paglalakbay, na maaaring magamit ng mga human trafficker upang makapagsagawa ng ilegal na recruitment at magdala ng mga Pilipino sa mapanganib na trabaho sa ibang bansa.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na dapat maging mapanuri ang publiko sa mga alok na trabahong nangangako ng mataas na sahod ngunit maaaring maglagay sa kanilang buhay at kalayaan sa panganib.

Ipinasa ang anim na repatriate sa NAIA Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) para sa kaukulang tulong at karagdagang imbestigasyon laban sa mga umano’y responsable sa kanilang recruitment at paglalakbay.

Muling iginiit ng BI ang pagpapatibay ng border control at pakikipagtulungan sa mga kaukulang ahensya upang maiwasan ang human trafficking at maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mapanlinlang na alok ng trabaho sa ibang bansa. (Gene Adsuara)

Recto pinakikilos ang mga ahensya, LGUs laban sa banta ng El Niño

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAGHAHANDA na ng Malakanyang ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan (LGUs) laban sa El Niño upang matiyak na may sapat na tubig, pagkain at kuryente, at maprotektahan ang kabuhayan at kalusugan ng mga Pilipino.

Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang pagpupulong ng mga pangunahing ahensya at lokal na opisyal noong Nobyembre 4 upang tiyaking handa ang bansa bago maramdaman ang inaasahang mas matinding epekto ng El Niño sa Enero 2027.

Binigyang-diin ni Recto na kailangang unahin ang mga komunidad na pinakananganganib sa kakulangan ng tubig, matinding init, pagkasira ng pananim at posibleng problema sa suplay ng kuryente.

“Mararamdaman ang El Niño sa buong bansa, pero iba-iba ang magiging epekto nito sa bawat lugar. May komunidad na tubig ang pangunahing problema. Sa iba, kuryente o matinding init. Kaya dapat alam natin kung sino ang pinakananganganib at anong tulong ang kailangan nila,” ani Recto.

Inatasan niya ang mga ahensya na gumawa ng mga mapa ng mga lugar na posibleng makaranas ng kakulangan sa tubig at matinding init upang matukoy kung saan dapat unahing maghatid ng tulong at kagamitan.

Kabilang sa mga lugar na binabantayan ang Pampanga at Cavite dahil sa posibleng problema sa suplay ng tubig.

Hiniling din ni Recto sa mga samahan ng LGUs na alamin ang pangangailangan ng kanilang mga miyembro, kabilang ang mga generator, solar power system, imbakan ng tubig at iba pa.

Bukas din si Recto sa pagrepaso sa mga prayoridad ng Local Government Support Fund (LGSF) upang matulungan ang mga LGU na pondohan ang kanilang paghahanda laban sa El Niño.

Samantala, tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat pa ang suplay ng tubig. Noong Nobyembre 3, nasa 208.70 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mas mataas sa minimum operating level na 180 metro.

Gayunman, patuloy ang paghahanda para maiwasan ang kakulangan sa tubig, kabilang ang maingat na pamamahala sa suplay mula sa mga dam, paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng tubig at pagpapalakas ng mga programa sa pagtitipid.

Hinihikayat din ang mga pribadong kumpanya na tumulong sa pagpapaunlad ng mga sistema ng suplay ng tubig sa mga komunidad na malapit sa kanilang operasyon.

Nag-alok naman ang Department of Health (DOH) ng tulong sa mga LGU sa pagsusuri ng mga bagong pinagkukunan ng tubig upang matiyak na ligtas itong inumin.

Para sa kuryente, sinabi ng Department of Energy (DOE) na pinaiigting nito ang maintenance ng mga planta, pinabibilis ang pagproseso ng mga permit, at tinitiyak ang sapat na reserba ng gasolina at iba pang panggatong.

Pinalalawak din ang paggamit ng battery storage at mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya.

Binibigyang-pansin din ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga ospital, paaralan at pasilidad ng tubig, lalo na sa panahon ng matinding init.

Tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa at patuloy nitong binabantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ang bigas.

Kasama sa paghahanda ang pagpapalawak ng solar-powered irrigation systems sa pakikipagtulungan ng National Irrigation Administration (NIA) upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon kahit kulang ang ulan.

Ipinag-utos din ng Presidente na gawing mas mabilis at simple ang proseso ng pagbibigay ng fuel subsidies sa mga magsasaka at mangingisda upang agad nilang mapakinabangan ang tulong.

Para naman sa mga manggagawa at pamilyang maaaring mawalan ng pagkakakitaan dahil sa El Niño, nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng pansamantalang trabaho at iba pang tulong.

Mayroon ding Emergency Cash Transfer program ang DSWD na maaaring magbigay ng direktang ayuda sa mga indibidwal at pamilyang maaapektuhan ng kalamidad at iba pang krisis.

Sa kabilang dako, kasama rin sa paghahanda ang pagprotekta sa mga mag-aaral, manggagawa at iba pang mamamayan laban sa matinding init.

Ayon sa Department of Education (DepEd), makatutulong ang bagong Executive Order No. 130 sa mas malinaw na pagpapasya kung kailan dapat suspindihin o ibalik ang mga klase batay sa aktuwal na kondisyon sa bawat lugar.

Patuloy din ang mga programa para magkaroon ng solar power ang mga paaralan at mapabuti ang bentilasyon at pagpapalamig sa mga silid-aralan.

Makikipagtulungan naman ang DOH sa mga LGU upang matukoy ang mga residenteng higit na nanganganib sa matinding init, kabilang ang mga nakatatanda, bata at may karamdaman.

Tutulong ang mga barangay health worker sa regular na pagbisita at pagmonitor sa mga residenteng nangangailangan ng espesyal na pangangalaga.

Samantala, binigyang-diin sa pulong na hindi sapat ang iisang plano para sa buong bansa dahil magkakaiba ang hamon na kinakaharap ng bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad.

Kaya mahalagang direktang makilahok ang mga lokal na opisyal sa pagtukoy ng mga problemang dapat unahin at mga kagamitang kailangang ihanda.

Dumalo sa pulong sina Quezon City Mayor Joy Belmonte ng ULAP, San Juan City Mayor Francisco Zamora ng LCP, LMP National President Mayor Faustino “Inno” Dy V, Vice Governor Francis Faustino “Kiko” A. Dy, at LnB National President Jessica Dy.

Kasama rin sina DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla, DSWD Secretary Rexlon Gatchalian, DOH Secretary Edwin Mercado, DOTR Secretary Vince Dizon, DPWH Secretary Giovanni Lopez, DOLE Secretary Francis Tolentino at PCO Secretary Lino Cayetano.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng DA, DepEd, DOE, DOST, DENR, OCD, LWUA, NIA, NWRB at MWSS. (DARIS JOSE)

Habang patuloy na naghahanda ang gobyerno sa Super El Niño:Panatilihing simple lang ang Christmas party- Malakanyang

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na panatilihing simple lang ang mga holiday celebrations lalo na ang Christmas party habang patuloy ang paghahanda ng gobyerno sa Super El Niño.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi man ipag-utos ng Malakanyang na gawing simple ang Christmas party subalit magsisilbi itong paalala na dahil mayroon pa ring austerity measures ay makabubuti na gawing simple ang christmas party.

“Hanggang ngayon po nandoon pa rin ang austerity measures na dapat ipinatutupad. Kaya ang dapat ng mga Christmas parties ay hindi man natin ipag-utos, pero ang reminder is dapat na maging simple dahil mas maraming pa tayong kakaharapin na mga issues na dapat na matugunan,” ang winika ni Castro.

Binigyang diin ni Castro ang patuloy na paghahanda ng mga ahensiya ng gobyerno sa epekto ng Super El Niño, kabilang na rito ang tag-tuyot at ang posibleng water supply interruptions.

Sa kabilang dako, inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nananatiling malakas ang presensya ng Super El Niño sa Tropical Pacific.

Sa pahayag ng PAGASA noong Huwebes, Nobyembre 4, binanggit ding inaasahan pang umigting ang nararamdamang Super El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027. 

Kinilala rin ng ahensya na mababa ang tiyansa ng pag-ulan sa kasagsagan ng El Niño.

Kaya posible itong magresulta sa dry spells at drought sa iba’t ibang parte ng bansa. 

Ngunit nilinaw din ng PAGASA na posible pa rin ang mabigat na daloy ng pag-ulan dahil sa pagtama ng tropical cyclones at iba pang pag-ulan sa bansa. 

Matatandaang, inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga paghahanda ng pamahalaan laban sa matinding El Niño, kabilang ang pagtiyak sa suplay ng gamot sa mga ospital, pagkain at tubig, tulong sa mga magsasaka, at pagpapatuloy ng klase sa kabila ng matinding init.

Sinabi ng Pangulo na unang tinututukan ang kahandaan ng mga ospital upang matiyak na may sapat na kuryente, gamot at kagamitang medikal.

Tiniyak din ng Pangulo na sapat ang suplay ng bigas sa kasalukuyang panahon ng anihan, ngunit kailangang paghandaan ang susunod na panahon ng pagtatanim.

Ayon sa Pangulo, tuturuan ang publiko kung paano mag-ipon at maglinis ng tubig upang maiwasan ang mga sakit. Magsasagawa rin ng cloud seeding upang makatulong na magdulot ng ulan. (DARIS JOSE)

Isyu ukol sa diumano’y 24/7 personal staff member ni dating Speaker Romualdez sa loob ng QC jail, pinaiimbestigahan

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PARA sa Malakanyang, kailangan ang mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa kung bakit pinayagan na magkaroon ng 24/7 na personal staff member si dating Speaker Martin Romualdez para asistihan siya sa loob ng Quezon City Jail.

Nauna rito, kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may personal staff si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na nananatili sa loob ng kaniyang selda sa New Quezon City Jail upang tumulong sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan nitong Huwebes, sinabi ni Jail Warden Lourdes Pacion na pinayagan niya ang presensya ng personal staff dahil, batay sa kanyang pagtatasa, hindi pa umano matatag ang mental state ni Romualdez. Dagdag niya, bahagi ito ng humanitarian consideration dahil hindi kayang tugunan ng jail personnel ang lahat ng personal na pangangailangan ng kongresista.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pagtrato kung mapatutunayan ay masasabing “extravagance,” at dapat na hindi pinapayagan.

“Ayaw ko kasi mag-speculate dahil hindi po natin batid kung ano ang pinagmulan, hindi din natin alam kung ano ba ang kondisyon ng kalusugan ni former Speaker Martin Romualdez kung bakit may kailangan siya na dapat nakatutok sa kanya 24/7,” ang winika ni Castro.

“So, sa ngayon kailangan pong mas malalim na pag-iimbestiga bakit kailangan na may 24/7 na naka-assign na special aide si former Speaker Martin Romualdez,” aniya pa rin.

Samantala, pinuri naman ni Castro ang retiradong kolumnista na si Ramon Tulfo sa naging pag-amin nito sa pagpapakalat niya ng false information ukol sa sinasabing nakalalabas siya sa kulungan.

Sa Facebook post, humingi ng paumanhin si Tulfo at sinabing ikinahihiya niya ang pagpapakalat ng impormasyong kalaunan ay napatunayang hindi totoo.

Ayon kay Tulfo, nakatanggap siya ng maling impormasyon mula sa kanyang “tweety bird” o impormante, kabilang ang alegasyong ­gumagamit umano ng ambulansya si Romualdez at sinasamantala ang mga brownout upang makalabas at makabalik sa kulungan nang hindi namamalayan.

“Worse, I passed it on to my readers. Embarrassing and humiliating because my readers trust me and took me on my word,” ani Tulfo.

Para kay Castro, ang pag-amin ni TUlfo ay kapuri-puri at magsilbing halimbawa sa iba.

“Sa ipinakitang gesture ni Mr. Ramon Tulfo masasabi nating napaka-professional niya dahil ito namang ibinahagi niya ay hindi naman din nanggaling sa kaniya, nagkataon na siya lang iyong nag-release pero mayroon siyang ‘tweety bird’ mayroong siyang ‘bubwit’ mayroon siyang tagakuwento,” ang tinuran ni Castro.

Ang ginawa aniya ni Tulfo ay “very professional” at umaasa na ang ibang tao na nagpapakalat ng maling balita o fake news ukol sa gobyerno at mga lider ng bansa ay aamin din ng kanilang pagkakamali.

“Minsan kasi sila pa iyong matapang kapag pinupunan mo na mali. So, sana maging modelo si Mr. Ramon Tulfo ng iba pa na sanay na sanay mag-fake news,” diing pahayag ni Castro. ( DARIS JOSE)

Warriors, hawak na ang 6 consecutive wins matapos ang unang tatlong magkakasunod na pagkatalo

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HAWAK na ng Golden State Warriors ang 6 consecutive wins matapos ang tatlong magkakasunod na pagkatalo sa pagsisimula ng 2026-2027 regular season.

Ngayong araw (Nov. 6), itinumba ng GS ang Miami Heat sa pamamagitan ng dominanteng 2nd half na pinangunahan ni NBA superstar Stephen Curry.

Natapos pa ang 1st half ng naturang laban sa all-53 ngunit pagpasok ng 3rd quarter, agad gumawa ang Warriors ng 38-23 run upang tuluyang iposte ang 15-point lead sa pagsisimula ng 4th quarter.

Bagaman pinilit ng Miami na habuli ang deficit, hindi na ito nakapalag sa mahigpit na depensa ng 2022 NBA champion kung saan limang minuto bago matapos ang laban, umabot na sa 20 points ang kalamangan at tuluyan nang pinagpahinga ang mga Warriors star tulad nina Curry at Draymond Green.

Nagtapos si Curry sa 29 points at nagpasok ng anim na 3-pointers sa loob lamang 28 mins na pananatili niya sa hardcourt. 22 points dito ay pawang naipasok sa 2nd half ng laban.

Bagaman nahirapan sa una ang rookie ng GS na si Yaxel Lendeborg, humabol din siya ng 17 points, walong rebounds, anim na assists, tatlong steal, at isang block.

Dominado ng GS ang halos lahat ng defensive stat tulad ng blocs, rebounds, steal, at paint points na umabot pa ng 50 habang 32 lamang ang naisagot ng Miami.

Matapos ang 0-3 na kartada ng GS sa pagsisimula ng season, umangat na ito sa 6-3 kasunod ng 6-0 win-loss record sa nakalipas na anim na laban nito. Hawak naman ng Miami ang 3-6 na kartada.

Ajido, nagtapos sa ika-7 puwesto sa Men’s 50m Butterfly Final sa Dakar 2026 Youth Olympic Games

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS sa ikapitong puwesto ang Filipino swimmer na si Jamesray Mishael Ajido sa Men’s 50m Butterfly Final sa Dakar 2026 Youth Olympic Games matapos magtala ng oras na 25.49 segundo.

Nasungkit ni Zain Ali ng Egypt ang gintong medalya sa oras na 24.06 segundo, habang pumangalawa si Aleksej Kalanj ng Serbia sa 24.54 segundo.

Nakuha naman ni Andrew Marcus Laghoutis ng Cyprus ang bronze medal matapos magtala ng 24.57 segundo.

Pinay tennis star Alex Eala tinalo si Valentova sa Hong Kong Open

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PASOK na sa quarterfinals ng Hong Kong WTA250 si Pinay tennis star Alex Eala matapos na talunin si Tereza Valentova ng Czech Republic.

Hindi hinayaan ni Eala na makalamang pa ang 19-anyos na Czech player at nakuha ang 6-4, 7-6 (9-7). na panalo.

Tila nakabawi si Eala dahil dalawang beses na siyang tinalo ng Czech player.

Una ay sa Osaka noong 2025 at sa Doha Open noong nakaraang mga buwan.

Itinuring ni Eala na isang inspirasyon ang pagkatalo niya noon kay Valentova para tuluyang makamit ang panalo ngayon.

Inamin nito na hindi naging madali sa kaniya ang panalo lalo na at muntik ng umabot sa ikatlong set ang laro.

Pinasalamatan ni Eala ang mga Filipino community na nagbigay ng suporta sa kaniya para maipanalo lalo ang laban.

Susunod na makakaharap ng Pinay tennis star si world number 81 na si Antonia Ruzic ng Croatia.

MAKABAGONG BAYANI NG 2026, KINILALA SA ASIA’S MODERN HERO AWARDS

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGING matagumpay ang pagdaraos ng Asia’s Modern Hero Awards 2026 sa ginanap na grand awards night sa Okada Manila, Lungsod ng Parañaque. Ang nasabing kaganapan ay inorganisa ng Golden Icons Foundation sa pangunguna ng Founder at Chairman nitong si Dr. Ronnel Ybañez.

Layunin ng nasabing taunang parangal na bigyang-diin at kilalanin ang mga indibidwal at organisasyong nag-iiwan ng tahimik ngunit makabuluhang ambag sa lipunan—mga taong patuloy na naglilingkod, nagtataguyod ng pamilya at komunidad, at gumagawa ng mabuti kahit malayo sa ingay ng madla at ilaw ng media.

MGA KATANGI-TANGING PARANGAL NOONG 2026

Ilan sa mga kilalang personalidad, pampublikong lingkod, at lider na pinarangalan ngayong taon dahil sa kanilang tapat na paglilingkod at natatanging ambag sa bansa:

Mayor Third Barzaga (Alkalde ng Lungsod ng Dasmariñas, Cavite): Pinarangalan sa kanyang epektibo at tapat na pamumuno sa lokal na pamahalaan. Mula sa kanyang dedikasyong ipinamalas bilang dating Bise Alkalde ng lungsod, patuloy niyang itinaguyod ang mga programang pampubliko na naglalayong maiangat ang antas ng pamumuhay at kapakanan ng bawat Dasmariñeño.

Dr. Manuel M. Muhi (Pangulo, Polytechnic University of the Philippines): Pinarangalan sa kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng inklusibo at de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng PUP Open University System para sa mga out-of-school youth at Persons Deprived of Liberty (PDL).

Dante Francis “Klink” Ang II (Tagapangulo, Commission on Filipinos Overseas): Kinilala sa kanyang natatanging pamumuno at patuloy na pagtataguyod sa kapakanan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.

Joel Reyes Zobel (Broadcaster, Super Radyo DZBB / GMA Network): Pinarangalan dahil sa kanyang tapat at epektibong pamamahayag sa radyo at telebisyon.

Conrado Estrella III (Kalihim, Department of Agrarian Reform): Kinilala sa kanyang mahusay na pamumuno at mga programang naglilingkod sa mga magsasakang Pilipino.

George Erwin Garcia (Tagapangulo, Commission on Elections): Pinarangalan para sa katangi-tanging pamamahala at tapat na paglilingkod sa pamahalaan.

PAHAYAG NG PASASALAMAT AT INSPIRASYON

Sa opisyal na pahayag ng pamunuan ng Golden Icons, buong-pusong pinasalamatan ang Panginoon sa tagumpay ng kaganapan, pati na rin ang Executive Board, Awards Council, mga sponsor, at katuwang sa media tulad ng People’s Balita.

“Sa ating panahon ngayon, madalas na sinusukat ang tagumpay sa katanyagan at dami ng nakakakita. Subalit napakaraming tao ang patuloy na nagpapagal sa likod ng entablado—nagpapatakbo ng negosyo, nagpapatatag ng pamilya, at nagpapabuti sa buhay ng iba nang walang hinihinging kapalit,” ayon sa pahayag.

“Ang Asia’s Modern Hero Awards ay idinisenyo upang ibahagi ang kanilang kuwento. Ipinapaalala ng ating mga awardee na ang kabayanihan ay matatagpuan sa pagsusumikap, responsibilidad, malasakit, at sa araw-araw na pagpiling gumawa ng tama.”

Nagtapos ang kaganapan sa isang hamon at panawagan na ipagpatuloy ang paggamit sa platapormang ito hindi lamang upang magbigay ng parangal, kundi upang maghatid ng tunay na pagbabago at maging inspirasyon sa mga susunod na henerasyon. 

(Yvonne Bagang/ Kim Bornella/ Jeremiah Solomon/ Boy Morales/ Francis Angeles)

Kelot, pinagbabaril ng rider sa Malabon, kritikal

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA kritikal na kalagayan ang 23-anyos na kelot nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang naglalakad sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ang biktimang si alyas “Ralph” sa harap ng Northshore Subdivision sa kanto ng Victoneta Avenue at Magsaysay St., Brgy. Potrero dakong alas-7:20 ng gabi nang sumulpot ang naka-motorsiklong salarin sa kanyang harapan at agad naglabas ng baril saka sunod-sunod siyang pinaputukan.

Sa kabila ng tinamong mga tama ng bala, nagawang makatakbo ng biktima at makahingi ng tulong sa mga tao sa naturang lugar na dahilan para mabilis na tumakas ang suspek, sakay ng asul na Suzuki Skydrive, patungo sa hindi nabatid na direksiyon.

Isinugod naman ng mga nagmalasakit ang biktima sa Manila Central University (MCU) Hospital kung saan patuloy siyang ino-obserbahan ng mga doktor sanhi ng tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.

Nakuha naman ng mga nagrespondeng tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang limang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 pistola.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang patuloy naman ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek na hinihinalang kilala ng biktima.

 (Richard Mesa)

Ginang, pinagtataga ng bading na kapitbahay na bading sa Malabon, malubha

Posted on: November 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MALUBHANG nasugatan ang 34-anyos na ginang matapos pagtatagain ng bading na kapitbahay habang naglalakad ang biktima, kasama ang paslit na anak sa Malabon City, Huwebes ng umaga.

Ginagamot ang biktimang si alyas “Sharmaine”, 34, sa Fatima Medical Center sa Valenzuela City sanhi ng mga tinamong tama ng taga sa batok at kamay matapos isugod ng kanyang mister.

Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naaresto naman ang suspek na si alyas “Melad”, 39, na kilala rin sa alyas “Eh Eh” dakong alas-1:40 ng hapon nang matunton sa Brgy. Potrero sa tulong ng mga residente at barangay tanod sa lugar.

Nabawi rin ng pulisya sa suspek ang ginamit na itak na may bahid pa umano ng dugo.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, naglalakad ang biktima at paslit na anak sa Doña Juana St. Brgy. Potrero alas-10:15 ng umaga nang sumulpot sa likuran ang suspek na armado ng 13-pulgadang itak at bigla na lang pinagtataga ang biktima sa leeg hanggang sa malugmok sa kalsada.

Personal umanong alitan ang dahilan ng tangkang pagpatay ng suspek sa kapitbahay na nagpahayag pa na hindi niya pinagsisisihan ang ginawa at handa siyang panagutan ang kasong frustrated murder na isasampa ng pulisya laban sa kanya. (Richard Mesa)