• November 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 4th, 2026

Wanted na pusakal na kriminal, nabitag ng NPD sa Pasig

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang pusakal na kriminal na wanted sa isang katerbang kaso sa iba’t ibang lalawigan sa Central Luzon, Ilocos Region, at Metro Manila makaraang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Pasig City, Lunes ng gabi.

Masyado umanong madulas sa kamay ng batas ang 43-anyos na pugante kaya binuo ng pulisya ang Case Operation Plan (COPLAN) Dacallos Criminal Group na pinangunahan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kasama ang kapulisan mula sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Tarlac, Bataan, at Pangasinan para sa pagtugis sa kanya.

Pasado alas-7:30 ng gabi nang tuluyang masukol ng pulisya ang pugante sa Ortigas Avenue Ext. malapit sa Oasis Residences, Brgy. Santa Lucia, Pasig City.

Sa ulat ni BGen. Capili kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano, wanted sa maramihang bilang na kasong Robbery, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition and Regulation Act, Illegal and Unlawful Possession, Manufacture, and Dealing of Firearms, at New Anti-Carnapping Law sa iba’t ibang hukuman ang naarestong miyembro ng kilabot na grupong kriminal. 

Kabilang sa mga warrant of arrest na bitbit ng kapulisan na isinilbi sa akusado ang mula sa Regional Trial Court (RTC) Branches 19, 12, at 15 ng Malolos, Bulacan, Branch 68 ng Camiling Tarlac, Branch 175 ng San Mateo, Rizal, Branch 306 ng Quezon City, Branch 93 ng Balanga, Bataan, at Branch 43 ng Dagupan City Pangasinan para sa nabanggit na mga kaso.

Ayon kay BGen. Capili, ilang mga kasong kinakaharap ng akusado ay may nakalaang piyansa na mula P48,000 hanggang P300,000 kada bilang, maliban pa sa kinakaharap niyang kasong anti-carnapping.

Pansamantala namang ipiniit muna sa Custodial Facility ng Caloocan Police Station ang akusado habang pinoproseso ang pagbabalik sa mga hukuman sa iba’t ibang lalawigan ng mga warrant of arrest. (Richard Mesa)

Mabigyan ng health insurance coverage ang lahat ng manggagawa sa informal sector, isinusulong ng mambabatas

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ng isang mambabatas na bigyan ng health insurance coverage ang lahat ng manggagawa sa informal sector kabilang ang mga public utility drivers, delivery riders at street vendors.

“Maraming Pilipino ang pinipiling pumasok sa informal sector tulad ng mga tsuper, delivery riders, at food vendors. Pero sa ngayon, kulang ang mga benepisyo at proteksyon na natatangap nila mula sa pamahalaan,” sabi ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas.

Batay sa House Bill No. 11028 na inihain ni Vargas, ang gobyerno ang magtataguyod ng National Informal Workers Health Insurance Program na pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sa tulong ng Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at local government units (LGUs). 

Kabilang sa insurance coverage ang mga transport workers, platform-based riders, vendors, at self-employed individuals. Mabibigyan sila ng preventive, primary, emergency, at hospital care, medicines, laboratory diagnostics, occupational injury care, rehabilitation, kasama ng mental health services.

“Layunin ng panukalang ito na pangalagaan din ang kanilang kapakanan,” dagdag ng kongresista.

“Anumang panahon, maaaring mawalan ng kita o magkasakit ang mga informal workers. Tungkulin ng pamahalaan na siguraduhing protektado pa rin sila sa medical emergencies sa mga ganitong pagkakataon.” (VINA de GUZMAN)

Babala ng Meralco ng posibleng pagtaas ng singgil sa kuryente, tinuligsa ng mambabatas 

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINULIGSA ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago ang naging huling babala ng Meralco ng posibleng pagtaas ng singgil sa kuryente.

Kasunod na rin ito sa patuloy na depresasyon ng piso na makakaapekto sa pagtaas ng power generation costs.

Bumaba ang halaga ng piso kontra dolyar na ₱64.17 ngayong Martes, November 3.

Pinaalalahan ng Meralco ang customers sa pagbaba ng piso na katumbas sa mas mataas na electricity bills.

“Lahat na lang hahanapan ng rason para magtaas ng singil sa kuryente. Kapag tumaas ang presyo ng langis, may dagdag-singil. Kapag humina ang piso, may dagdag-singil na naman. Pero kapag bumaba ang mga gastusin o gumanda ang kita ng mga kumpanya, nasaan ang katumbas na ginhawa para sa mga konsyumer?” ani Elago.

“Hindi dapat awtomatikong ipinapasa sa mga konsyumer ang bawat paggalaw ng presyo sa merkado. Hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa sa tuwing may dagdag-singil ang Meralco. Sa huli, ordinaryong pamilya na kapos na nga sa pambayad sa pagkain at iba pang pangangailangan ang muling pinagbabayad ng mas mahal na kuryente,” dagdag ng mambabatas.

Nanawagan pa ang mambabatas sa Meralco na itigil ang pagpaalala sa consumers sa automatic shock absorbers na dala ng pagtaas sa generation costs.

Gayundin, hinikayat niya ang Energy Regulatory Commission (ERC) na mahigpit na busisiin ang proposed rate adjustments at siguruhin na tanging justified at properly documented costs ang maipapasa sa consumers.

“Panagutin ang mga kumpanyang patuloy na nagpapabigat sa bayarin ng taumbayan. Kailangan nang mahigpit na regulasyon at tunay na proteksyon sa mga konsyumer, hindi puro pag-apruba sa dagdag-singil. Dapat unahin ang abot-kaya at maaasahang serbisyo ng kuryente kaysa tubo ng mga pribadong kumpanya,” aniya.

Nanawagan din ang Gabriela Partylist sa gobyerno at regulatory agencies na ipatigil ang unjustified electricity rate increases, alisin ang unnecessary fees tulad ng VAT at systems loss tax, at magpasa ng mga batas para masiguro na gawing abot kaya ang kuryente.

(VINA de GUZMAN)

3 tiklo sa buy bust sa Valenzuela, higit P.1M shabu, nasamsam

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa mahigit P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspects kabilang ang isang bebot matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nagsagawa ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA sa Dulong Tangke, Brgy., Malinta.

Dakong alas-10:48 ng umaga nang maaresto ng mga operatiba sa loob ng isang bahay ang tatlong drug personalities kabilang ang 26-anyos na lalaki, 22-anyos na kelot at 33-anyos na bebot matapos umanong magbenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 15.87 grams ng hinihinalang shabu na mayestimated Standard Drug Price na ₱107,916.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Ayon kay BGen. Capili, patuloy na pinaiigting ng NPD ang kampanya nito laban sa iligal na droga upang maprotektahan ang komunidad. Inaasahan din aniya niya sa kanyang mga tauhan ang tuloy-tuloy na operasyon, maayos na paghawak sa mga ebidensya at tapat na pagpapatupad ng batas. (Richard Mesa)

DRIVER NA NAKABANGGA NG PEDESTRIAN INISYUHAN NG SCO NG LTO; LISENSYA SUSPENDIDO, SASAKYAN INALARMA

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AGAD na nagsagawa ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, upang matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver ng isang pribadong sasakyan na nasangkot sa insidente ng mapanganib na pagmamaneho sa Hacienda Superclub, Angeles City, Pampanga noong Nobyembre 1, 2026, kung saan isang indibidwal ang nabangga at ilang iba pa ang nalagay sa panganib.

Matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver, nag-isyu ang LTO ng Show Cause Order (SCO) upang hingin ang kanilang paliwanag kaugnay ng insidente. Inatasan silang humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Nobyembre 6, 2026, upang dumalo sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang paliwanag, kalakip ang mga kaugnay na dokumentong susuporta sa kanilang panig. Kabilang sa mga paglabag na nakasaad sa SCO ang Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan ng pagsuspinde o pagbawi sa lisensya ng driver.

Bilang bahagi ng mga pansamantalang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inilagay na sa alarm status ang nasabing sasakyan. Inatasan din ang itinalagang driver na agad na isuko ang kaniyang lisensya sa IID, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.

“Lagi kong sinasabi na makararating at makararating sa LTO ang bawat paglabag, lalo na ang mga insidenteng nagdudulot ng panganib sa publiko. Hindi namin ito palalampasin, at inaasahan naming haharap sa aming tanggapan ang mga sangkot upang ipaliwanag ang kanilang panig at sumunod sa itinakdang proseso,” saad ni Asec. Lacanilao.

Muling ipinapaalala ng LTO na ang pagkakaroon ng lisensya ay hindi lamang patunay na kwalipikado ang isang tao na magmaneho, kundi kaakibat din nito ang responsibilidad na maging maingat at tiyaking hindi nalalagay sa panganib ang ibang tao. Inaasahan sa bawat motorista ang pagsunod sa batas trapiko at paggamit ng kalsada nang may disiplina, pag-iingat at paggalang sa kapwa sa lahat ng pagkakataon. (PAUL JOHN REYES)

PNP ikinakasa kaso vs pet crematorium

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IKINAKASA na ng Philippine National Police-Bacoor City Police ang mga kasong kriminal laban sa pet crematorium na sangkot umano sa pagtatapon ng mga labi ng 25 aso at pusa sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Ayon sa pulisya, kinakalap na ang mga ebidensya at dokumento upang maisampa ang kaukulang reklamo laban sa mga responsable sa insidente.

Natagpuan ang mga labi ng 26 aso at tatlong pusa na nakasilid sa mga plastic bag at itinapon sa gilid ng kalsada. Lumitaw sa imbestigasyon na ang mga may-ari ng mga hayop ay kumuha ng cremation services mula sa AhJhay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City.

Nagsimula ang imbestigasyon noong Oktubre 31 matapos magsumbong ang ilang pet owners. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya habang hinihikayat ang iba pang posibleng biktima na magsampa ng reklamo at magsumite ng ebidensya.

Sa isang pulong kasama ang mga pet owner, sinabi ng City Legal Office na nabigo ang crematorium na magpakita ng CCTV footage at mga dokumentong magpapatunay na naisagawa ang cremation. Napag-alaman din na hindi saklaw ng business permit nito ang animal cremation.

Samantala, hinimok ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang mga apektadong pet owners na magsampa ng kasong estafa laban sa crematorium dahil sa umano’y kabiguang maibigay nang maayos ang serbisyong kanilang binayaran. Kabilang sa mga natukoy na labi ang asong si Ivy, na muling ipina-cremate ng pamilya sa ibang establisimyento.