• November 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 4th, 2026

Brooklyn Nets, ibinulsa ang unang panalo ngayong season matapos payukuin ang Pacers

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAPAGBULSA na ng isang panalo ang kulelat na team na Brooklyn Nets matapos nitong itumba ngayong November 2 ang dating eastern conference powerhouse team na Indiana Pacers. 

Dominado ng Nets ang laban mula simula hanggang sa huli, sa kabila ng pagpupumilit ng Pacers na habulin ang winning team.

Bagaman hindi nagkakalayo ang score ng dalawa, hawak ng Nets ang single-digit lead sa tuwing matapos ang bawat quarter hanggang sa tuluyang iposte ang 8-point win sa pagtatapos ng match, 98-90.

Sumentro ang opensa ng Nets sa 23 points ni Michael Porter Jr. habang 15 points at 13 rebounds naman ang idinagdag ng sentrong si Day’Ron Sharpe.

Muling ring nagpakita ng all-around performance ang forward na si Juluis Randle na gumawa ng 20 points, 5 rebounds, 6 assists, at dalawang steal.

Sa panig ng Pacers, nagbulsa ng 23 points at apat na assists ang point guard na si Andrew Nembhard, kasama ang tig-isang steal at block.

Ang pagkatalo ng Pacers sa naturang match ay ang ikalimang loss nito ngayong season, tangan ang dalawang panalo.

Limang pagkatalo na rin ang nairehistro ng winning team na Brooklyn, sa loob ng anim na match.

Coleman, nagtapos sa ika-7 puwesto sa women’s 200m breakstroke final

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAPOS sa ika-pitong puwesto si Riannah Chantelle Coleman sa Women’s 200m Breaststroke Final ng Dakar 2026 Youth Olympic Games, matapos makapagtala ng 2:45.70, na mas mabilis ng halos dalawang segundo kumpara sa kanyang qualifying time na 2:47.64.

Sa kabila ng matinding init ng panahon habang isinasagawa ang kompetisyon, ipinakita ni Coleman ang kanyang determinasyon na tapusin ang karera. Agad din siyang nabigyan ng atensiyong medikal matapos ang kanyang paglangoy at naging maayos ang kanyang kondisyon.

Hindi pa rito nagtatapos ang kanyang kampanya dahil nakatakda pa siyang sumabak sa Women’s 100m Breaststroke sa Nobyembre 3 at Women’s 50m Breaststroke sa Nobyembre 5.

Eala, nasa panibagong career-high Rank No. 17 bago ang WTA 250 HK Open

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAKYAT ang Philippine tennis pride na si Alex Eala sa panibagong career-high rank na No. 17 sa pangkalahatang standing ng Women’s Tennis Association (WTA) bago ang kanyang pagsabak sa WTA 250 Hong Kong Open.

Batay sa opisyal na rankings na inilabas nitong Lunes, umangat si Eala mula sa No. 19 patungong No. 17 dala ang kabuuang 2,289 points.

Nalagpasan ng Filipina netter ang kanyang dating career-best na No. 18 matapos makatuntong sa quarterfinal finish ng katatapos lamang na 500 Tokyo Open.

Sa simula ng kanyang kampanya sa Hong Kong, nakatakdang harapin ni Eala si world No. 59 Alycia Parks ngayong Martes.

Matatandaang unang naabot ni Eala ang No. 18 spot noong Agosto 24 kasunod ng Cincinnati Open, ngunit bahagyang bumaba sa No. 20 noong Oktubre 19 matapos magtamo ng upset losses sa Singapore at Wuhan.

Mabilis namang nakabawi sa kanyang porma ang left-handed star sa Tokyo Open upang maitala ang isang breakthrough appearance ngayong Asian Swing.

PBBM, nagpalabas ng EO na naglalatag ng malinaw na patakaran para sa suspensyon at pagbabalik ng klase – Malakanyang

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng Executive Order (EO) na naglalatag ng malinaw na patakaran kung kilan sususpendihin at kailan ibabalik ang klase.

Ito’y dahil batid ni Pangulong Marcos ang mga hamon sa kabataan dulot ng class suspension.

Ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malaking kawalan ang bawat araw na pagliban sa eskuwela.

Layunin ng bagong EO na tiyaking ligtas ang mga estudyante at patuloy lang ang kanilang pag-aaral.

Ani Castro, binibigyan nito ng dagdag na kapasidad ang mga lokal na pamahalaan para magpasya kung saang mga lugar o mga paaralan lang ang magkakansela ng klase. depende sa aktuwal na kalagayan dito. 

“Mas direkta ang aksyon, mas angkop ang tugon ng mga LGUs,” ayon kay Castro.

Magkakaroon din aniya ng kakayahan ang mga paaralan na magsuspinde ng klase kung talagang kinakailangan para sa mga estudyante dahil kaligtasan ng mga bata ang una.

Maliban dito, makatutulong din aniya ang EO para siguruhin na patuloy lang ang pagkatuto ng mga bata sa tulong ng alternative learning arrangment.

“Suspended man ang klase, tinitiyak ng EO na tuloy-tuloy pa rin ang pagkatuto,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Sa ilalim ng bagong Executive Order, inaatasan ng Pangulo ang Department of Education (DepEd) na gabayan ang mga paaralan sa pagsunod sa guideline upang maging maayos ang implementasyon nito sa buong bansa. ( DARIS JOSE)

Malakanyang, bukas sa pakikipagtulungan sa budget watchdogs sa pagsusuri ng 2027 GAA

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANDA ang Malakanyang na makipagtulungan sa mga budget watchdogs at civil society groups para suriin ang panukalang 2027 national budget, at hinimok ang mga ito na direktang magsumite sa Palasyo ang mga dokumentong naglalaman ng posibleng iregularidad.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press brefing sa Malakanyang na mahalaga ang mga natuklasan ng mga grupong nagbabantay sa paggamit ng pondo ng bayan upang maiparating sa Pangulo ang mga posibleng red flags sa panukalang budget.

“Sa mga nagbabantay ng budget, kung mayroon po kayong mismong kopya na inyong nakita at napansin na red flag ay ipagbigay-alam lang po ninyo sa amin, bigyan po ninyo kami ng kopya, mismo ang PCO dahil kakailanganin din po ito ng Pangulo,” ani Castro.

Binigyang-diin ni Castro na mahalaga ang papel ng mga budget watchdogs sa pagtulong sa pamahalalan upang marinig ng Pangulo ang kanilang mga natuklasan at rekomendasyon.

“Ang mga tagabantay ng budget ay kailangan ng gobyerno. Kailangan po kayo para po madinig kayo ng Pangulo,” dagdag ni Castro.

Tiniyak ni Castro na hindi papayagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga budget amendment na walang sapat na dokumentasyon, malinaw na paglalarawan at konkretong proyektong pagbabatayan.

Dadaan pa aniya sa pagsusuri ng bicameral conference committee at ng economic team ng Pangulo ang panukalang 2027 budget bago isumite sa Punong Ehekutibo para sa kaniyang lagda. ( DARIS JOSE)

Malakanyang, kumpiyansa na ang anumang pahayag ng Tsina ay hindi makaaapekto sa ASEAN meeting ngayong buwan

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUMPIYANSA ang Malakanyang na hindi makaaapekto ang kamakailan lamang na pahayag ng Tsina sa magiging pagdalo ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa nalalapit na summit sa Pilipinas ngayong Nobyembre.

“Nakikipag-ugnayan po ang bansang Pilipinas sa lahat ng miyembro ng ASEAN at sa ibang bansa na maaaring makilahok dito sa ASEAN Summit. So, mararamdaman naman ng ibang mga liderato kung paano ba nakikipag-ugnayan ang ating bansa sa kanila,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“So, sa ating pagkakaalam ay hindi naman ito maaapektuhan sa darating na ASEAN Summit,” aniya pa rin.

Nauna rito, inakusahan ni Chinese Defense Ministry Spokesperson Zhang Xiaogang ang Pilipinas na nilabag umano ang prinsipyo ng ASEAN na nakabatay sa consensus at hindi iginalang ang karapatan ng China bilang dialogue partner.

Ito ay matapos na defense attaché ng China, sa halip na defense minister nito, ang dumalo sa ADMM-Plus.

“The Philippine side has allowed a certain self-serving politician to act recklessly and abuse its chairmanship to put up obstacles to China’s participation,” pahayag ni Zhang sa statement na ibinahagi ng Chinese Embassy Manila nitong Huwebes.

Iginiit din ni Zhang na may ilang bansang kasapi ng ASEAN na kumuwestiyon at tumutol umano sa naging hakbang ng Pilipinas.

Para kay Castro, mas makabubuti kung dadalo si Chinese President Xi Jinping sa ASEAN Summit para pag-usapan ang mga bagay sa pagitan ng mga karatig bansa.

“Mas maganda po na dumating po talaga ang liderato ng China dahil mas magandang pagkakataon ito para mapag-usapan kung ano man ‘yung maaaring may gusot at doon magkaroon na pagkakataong maresolba,” ayon kay Castro.

“Kasi kaya nga po ito summit, para kung ano man ‘yung mga issues among the region ay mapag-usapan at maayos,” anito.

At nang tanungin si Castro kung inimbitahan ba ng Pangulo ang kanyang Chinese counterpart na si Xi Jinping na dumalo sa ASEAN Summit, sinabi ni Castro na ibabahagi niya ang detalye ukol dito sa oras na makakuha na siya ng detalye mula sa Department of Foreign Affairs (DFA). 

( DARIS JOSE)

Pag-aresto kay Bato na dating hepe ng PNP at alumnus ng PMA:Isang malaking hamon sa DILG, PNP at buong kapulisan- Malakanyang

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG malaking hamon para sa liderato ng Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at sa buong kapulisan sa buong bansa ang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na dating hepe ng PNP at isang alumnus ng PMA.

Si Sen. Bato ay nahaharap sa kasong Crimes Against Humanity sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi kasi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na ang pagiging dating hepe ng PNP at alumnus ng PMA ni Senador Bato ang dahilan kung bakit “It makes it more difficult” para arestuhin ito.

“Ang inyong mandato ay magpatupad ng batas, magpapatupad ng ibinibigay sa inyong order nang naaayon naman sa Konstitusyon. May valid warrant of arrest, so, hindi puwede na kayo ang magdesisyon kung huhulihin ninyo o hindi ninyo huhulihin si Senator Bato dela Rosa hindi dahil siya ay dati ninyong naging chief,” ang litaniya ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Bukod pa sa umaasa rin ang Malakanyang na hindi ito maging panawagan para hindi kumilos ang kapulisan gaya ng kanyang narinig sa ilang abogado mismo ni Senator Bato na ipinanawagan na si Senator Bato ay dating hepe ng PNP.

Dahil dito, giit ni Castro na isa itong malaking hamon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr, ayon kay Castro.

“Kilala po natin mismo si General Nartatez Jr. at alam natin na ang nangunguna sa kaniya ay ang kaniyang obligasyon hindi ang kaniyang pakikipagkaibigan o pakikipag-alyado sa sinuman dapat na arestuhin,” ang diing pahayag ni Castro.

“So, again, naniniwala tayo sa kagalingan ng ating kapulisan at alam po natin na tutuparin nila kung ano ang mandato na inihahain sa kanila. At sa pamamagitan ni General Nartatez Jr. ganiyan po ang nagiging impresyon sa ngayon, so, huwag ninyong patunayan at huwag nating patunayan na tama sila,” ang winika ni Castro. 

(DARIS JOSE)

Ads November 4, 2026

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Ranked No. 6 most wanted person ng NCRPO, nasilo ng Valenzuela CPS sa Rizal

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAKALIPAS ang halos limang taon pagtatago, naaresto na ang 43-anyos na construction worker na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Valenzuela City nang matunton ng pulisya sa San Mateo, Rizal.

Matagal nang tinutugis ng pulisya ang akusado dahil sa nakabinbing nitong arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 270, Valenzuela City, noong December 16, 2021, para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na naninirahan sa San Mateo, Rizal ang akusado na nakatala bilang ranked No. 6 Top Most Wanted Person sa NCRPO.

Bitbit ang nasabing warrant, agad nagkasa ng manhunt operation ang pinagsamang mga operatiba Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section at Women and Children Protection Desk (WCPD) na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-12:15 ng tanghali sa harap ng San Mateo Medical Center, sa Barangay Ampid II, San Mateo, Rizal.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.

Binigyang-diin ni P/BGen. Capili na ang patuloy na pag-aresto sa mga wanted person kabilang ang mga Top Most Wanted ay nagpapakita ng matibay na paninindigan ng NPD na panagutin ang lumalabag sa batas at tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat komunidad.

 (Richard Mesa)

150 BLACK BAGS NG PLASTIC WASTE MATERIALS NA NAKOLEKTA NOONG UNDAS, IRERESIKLO NG CEMD

Posted on: November 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAKOLEKTA ang Caloocan City Environmental Management Department (CEMD) ng kabuuang 150 black bags ng plastic waste materials mula sa iba’t ibang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod nitong nagdaang Undas 2026. 

Ang mga naturang bulto ng plastic waste materials ay ireresiklo ng CEMD upang bigyang-buhay at gawing kapaki-pakinabang na mga kagamitan tulad ng upuan, lamesa, bag, at iba pa. 

Naging epektibo at episyente ang koleksyon ng basura sa kabila ng pagdagsa ng mga bumibisita sa mga sementeryo dahil sa pagpapatupad ng CEMD ng biodegradable at non-biodegradable trashbins, paglalagay ng mga “Shoot Your Empty Plastic Bottle” bins, pagpapatupad ng kampanyang “Basura Ko, Responsibilidad Ko” na may angkop na kaparusahan o multa para sa mga mahuhuling lalabag.

Patuloy din ang pagpapatrol ng environmental police upang regular na magpaalala at tiyakin ang kalinisan sa lahat ng mga sementeryo sa lungsod. 

Taos pusong nagpasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa libo-libong indibidwal na nakiisa, naging responsable, at nagpakita ng disiplina sa kalinisan.

“Maraming salamat po sa mga kababayan natin na nagpakita ng kanilang paggalang hindi lamang sa ating kalikasan, kundi maging sa mga namayapa at mga kapwa nila na bumibisita rin sa mga sementeryo,” ani Mayor Along.

Kinilala rin ng alkalde ang walang humpay na pagsisikap ng mga kawani ng CEMD na nanatiling nakaantabay upang matiyak na malinis, payapa, at ligtas ang mga sementeryo. 

“Pinupuri ko ang CEMD sa inyong mga inisyatiba at epektibong pamamaraan upang mahiyakat ang pakikiisa ng ating mga kababayan. Dahil sa tulong niyo hindi lamang mas naging malinis ang ating kapaligiran, napigilan din ang bulto ng mga plastik na mapunta sa landfill,” dagdag ng alkalde. (Richard Mesa)