• November 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DRIVER NA NAKABANGGA NG PEDESTRIAN INISYUHAN NG SCO NG LTO; LISENSYA SUSPENDIDO, SASAKYAN INALARMA

AGAD na nagsagawa ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, upang matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver ng isang pribadong sasakyan na nasangkot sa insidente ng mapanganib na pagmamaneho sa Hacienda Superclub, Angeles City, Pampanga noong Nobyembre 1, 2026, kung saan isang indibidwal ang nabangga at ilang iba pa ang nalagay sa panganib.

Matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver, nag-isyu ang LTO ng Show Cause Order (SCO) upang hingin ang kanilang paliwanag kaugnay ng insidente. Inatasan silang humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Nobyembre 6, 2026, upang dumalo sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang paliwanag, kalakip ang mga kaugnay na dokumentong susuporta sa kanilang panig. Kabilang sa mga paglabag na nakasaad sa SCO ang Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring maging batayan ng pagsuspinde o pagbawi sa lisensya ng driver.

Bilang bahagi ng mga pansamantalang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inilagay na sa alarm status ang nasabing sasakyan. Inatasan din ang itinalagang driver na agad na isuko ang kaniyang lisensya sa IID, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.

“Lagi kong sinasabi na makararating at makararating sa LTO ang bawat paglabag, lalo na ang mga insidenteng nagdudulot ng panganib sa publiko. Hindi namin ito palalampasin, at inaasahan naming haharap sa aming tanggapan ang mga sangkot upang ipaliwanag ang kanilang panig at sumunod sa itinakdang proseso,” saad ni Asec. Lacanilao.

Muling ipinapaalala ng LTO na ang pagkakaroon ng lisensya ay hindi lamang patunay na kwalipikado ang isang tao na magmaneho, kundi kaakibat din nito ang responsibilidad na maging maingat at tiyaking hindi nalalagay sa panganib ang ibang tao. Inaasahan sa bawat motorista ang pagsunod sa batas trapiko at paggamit ng kalsada nang may disiplina, pag-iingat at paggalang sa kapwa sa lahat ng pagkakataon. (PAUL JOHN REYES)