• October 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB binalaan mga taxi driver vs overcharging sa Undas exodus

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB} laban sa mga operator ng taxi na magsasagawa ng overcharging sa pasahe habang milyun-milyong Pilipino ang nagsisimulang bumiyahe patungo sa kanilang mga lalawigan para sa taunang paggunita sa All Saints Day at All Souls day.

Sinabi ni Acting LTFRB Chairman Greg Pua, na ang mga paglabag sa mga umiiral na tuntunin at regulasyon tulad ng labis na paniningil ng pasahe, pang-iisnab, at kawalan ng galang sa mga pasahero ay maaaring mag­resulta sa suspensiyon o kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) at iba pang mga parusa.

Aniya ang hakbang ay alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyaking komportable at walang aberya ang pagbiyahe ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa pampublikong transportasyon.

Ayon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), inaasahan nilang aabot sa 1.9 milyong pasahero ang dadagsa sa kanilang establisyimento para sa buong bakasyon ng “Undas” habang ang Philippine Ports Authority naman ay nag-aabang din ng halos kaparehong bilang ng mga pasahero sa iba’t ibang daungan sa buong bansa.