• October 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 24th, 2026

Deployment ng mobile water treatment, pinabibilisan ng mambabatas 

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan sa gobyerno na bilisan ang deployment ng mobile water treatment at community-scale desalination systems sa mga lugar sa bansa na nakakaranas ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.

“Ang kakulangan sa malinis na inuming tubig ay problema ng buong komunidad. Bata man o matanda, lahat ay nangangailangan ng ligtas na tubig, lalo na ngayong tumitindi ang epekto ng El Niño,” sinabi ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes.

Nanawagan si Ordanes sa Department of the Interior and Local Government, Department of Environment and Natural Resources, Office of Civil Defense at mga local government na pag-ibayuhin ang desalination process sa mga lugar na peligrong mawalan ng tubig inumin.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mga 109 localities ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño. 

“Hindi lahat ng solusyon sa kakulangan ng tubig ay nangangailangan ng malalaking planta na maaaring umabot sa bilyun-bilyong piso ang puhunan. May mas maliliit at commercially available na sistema na maaaring dalhin mismo sa mga komunidad,” ani Ordones.

Ayon kay Ordones, may mga teknolohiya nang maaaring gamitin at may mga LGU nang nagsisimula ng kanilang sistema ng desalination.

“Ang kailangan ngayon ay palawakin ang mga ganitong solusyon upang mas maraming komunidad ang magkaroon ng ligtas na inuming tubig sa panahon ng matinding tagtuyot,” sabi ng kongresista. (VINA de GUZMAN)

Solar irrigation projects sa Leyte, pinasinayaan ni PBBM para mapababa ang gastos sa pagsasaka

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang isa sa dalawang solar-powered irrigation project sa Leyte upang mapababa ang gastos sa patubig, mapataas ang ani at matulungan ang mga magsasaka na makapaghanda sa inaasahang epekto ng El Niño.

Sa inagurasyon ng Tugbong Solar Pump Irrigation Project (SPIP) sa Barangay Tugbong, Kananga, Leyte, sinabi ng Pangulo na pinabibilis ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga pasilidad sa irigasyong pinapagana ng solar upang matiyak ang maaasahan at abot-kayang suplay ng tubig sa gitna ng banta ng matinding tagtuyot at pagtaas ng presyo ng langis.

“Kaya’t patuloy po ang inyong pamahalaan at nakakatiyak po kayo na lahat ng maaari nating gawin para makapaghanda sa Super El Niño kung tawagin, ay para makapaghanda diyan sa tagtuyot na parating,” ayon sa Pangulo.

Sasaklawin ng Tugbong SPIP ang 115 ektaryang palayan sa Barangay Tugbong at Barangay Sto. Niño sa Kananga. Samantala, magbibigay naman ng patubig sa 70 ektaryang sakahan at makikinabang dito ang 87 magsasaka sa pamamagitan ng Guintigui-an SPIP sa Ormoc City.

Ayon kay Pangulong Marcos, maaaring makatipid ang mga magsasaka ng humigit-kumulang PhP20,000 sa gastos sa diesel sa paggamit ng solar-powered irrigation.

Sa mas maaasahang suplay ng tubig, maaari ring madagdagan mula dalawa hanggang tatlo kada taon ang kanilang taniman, na posibleng magpataas ng ani at kita.

Namamahagi rin ang Department of Agriculture ng mas maliliit na mga solar-powered water pump upang lalo pang mapababa ang gastos sa patubig.

Sinabi ng Pangulo na nakapagtayo na ang pamahalaan ng humigit-kumulang 3,000 solar pump irrigation systems sa buong bansa bilang bahagi ng pagsisikap nitong palawakin ang irigasyon at palakasin ang produksyon sa agrikultura.

Tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na tutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga magsasaka at palalakasin ang mga hakbang upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan laban sa inaasahang epekto ng El Niño.

“Huwag ninyong iniisip na napapabayaan kayo, hindi po namin kayo pinababayaan. Araw-araw, gabi-gabi ay iniisip po namin kung papaano pagandahin ang inyong mga buhay,” ayon sa Pangulo. 

Ang TONAY Solar Irrigators Association Inc., na may 66 na miyembrong magsasaka, ang mamamahala sa operasyon at pagpapanatili ng Tugbong SPIP.

Dumalo rin sa inagurasyon sina National Irrigation Administration Administrator Eduardo Guillen, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III at mga opisyal ng lokal na pamahalaan. ( DARIS JOSE)

PCO sa mga kritiko at bashers ng administrasyong PBBM, “debate is healthy”- Sec. Lino

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

“DEBATE is healthy.”

Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Sec. Lino Cayetano nang hingan ng mensahe patungkol sa mga kritiko at bashers ng administrasyong Marcos.

“Maganda ho ang debate. Mabuti ho iyan sa ating demokrasya. Nakabubuti po ‘yan sa polisiya. ang Pangulo ho natin is never shied-away from critics. Ang Pangulo ho natin, gusto itinatanong sa kanya kung ang programang ito ay makatutulong ba sa mga kababayan natin. Ang our President is focus on long-lasting change sa mga programa para mas mabilis makarating sa mga kababayan natin ang mga benepisyo na dapat na natatamasa nito. So, wala po tayong problema engaging with critics, engaging with bashers,” ang litaniya ni Cayetano.

Sinabi pa niya na mas gusto pa nga nila na i-challenge sila.

Kaya nga ang pakiusap ni Cayetano sa mga mamamahayag lalo na sa Malacanang Press Corps (MPC) ay itanong sa kanila kung paano nakabubuti sa sambayanang Filipino ang ginagawa nila sa gobyerno.

Tiniyak ni Cayetano na magbababa aniya sila ng isa hanggang tatlong balita sa kung ano ang ginagawa ng Pangulo ngayon ukol sa programa at polisiya.

“At kung sa tingin ninyo ay importante sa sambayanang Filipino, itanong ninyo at pag-usapan natin. Pero sana, it’s two ways, pakinggan nyo rin iyong mga pinaniniwalaan namin at ng ating Pangulo na mahalaga sa sambayanang Filipino,” anito.

” Sana ho ay himayin natin, doon ho ninyo ipasok ang pagiging kritiko ninyo pagdating sa mga tanong natin patungkol sa gamot program natin at kung gusto nating magtanong tungkol sa politika tulad ng impeachment at iba pa.. puwede..kung tingin namin relevant ang sagot namin, sasagutin namin pero ang pakiusap ho namin at ng bagong administrasyon ng PCO is please help us na mahimay ang mga istorya at mga kuwento na tingin ay mahalaga sa sambayanang Filipino,” ang pahayag nito. ( DARIS JOSE)

PBBM, tututok sa pangmatagalang solusyon para sa pagbabago ng buhay ng mga Pilipino – Cayetano

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PRAYORIDAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa mga problema ng bansa upang makapaghatid ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

Ito ang tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano sa panayam ng mga myembro ng Malacañang Press Corps nitong Biyernes.

“Madali ho yung pangmadalian na solusyon. Madali maglabas ng quote. Ang PCO pwede maglabas ng quote card every day mula sa ating Pangulo. But our President wants to see results,” ani Cayetano.

Ayon kay Cayetano, nais ng Pangulo na ayusin ang mga sistema sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, kabilang ang kalusugan, pabahay, ekonomiya, at presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Gusto niya (Pangulong Marcos) magbaba ng pangmatagalang solusyon sa mga problema. Across different agencies. Doon sa mga pinaka-kinakailangan ng ating mga kababayan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Cayetano na mahalaga ang malinaw na pagpapaliwanag sa publiko tungkol sa mga programa ng pamahalaan upang mas maunawaan ng mga mamamayan ang mga ginagawa nito.

Gayunman, higit sa pagpapaliwanag, layunin ng Pangulo na makamit ang mga konkretong resulta at pangmatagalang solusyon na magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino. ( DARIS JOSE)

Mananatili sa puwesto kahit nagsumite na ng courtesy resignation:”Usec. Claire is a treasure in this gov’t”- Sec. Lino

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MANANATILI sa puwesto si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Sec. Lino Cayetano na “Usec. Claire is a treasure” kaya’t tahasan niyang sinasabi na hindi niya tinanggap ang isinumite nitong courtesy resignation.

Sinabi ni Sec. Lino na ayaw naman niyang sabihin na package deal sila ni Usec. Claire subalit para sa kabatiran ng publiko ay “is a treasure” sa gobyernong ito.

Wala pa aniya siyang nakikitang katulad ni Usec. Claire na ‘articulate’ sa mga ginagawa ng gobyerno.

“We will working closely together so we can translate the issues, a lot of programs, s lot of the policies of this government. and I need Usec. Claire help translate that noh. Para sa mga kababayan po natin, Usec. Claire is a treasure,” aniya pa rin.

Kaya nga aniya, excited siya na patuloy na makatrabaho si Usec. Claire. (DARIS JOSE)

Panukalang bigyan ng special insurance protection ang bawat mangingisda, hiling ng mambabatas 

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nagpanukala na bigyan ng special insurance protection ang bawat mangingisda na masasangkot sa panghihimasok ng mga dayuhan sa West Philippine Sea.

Sa inihaing House Bill No. 11752 ni Pinoy Workers party-list Rep. Karl Fernandez Legazpi, nais nitong bigyan ng seguridad ang mga mangingisda na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pakikialam ng mga dayuhan na gustong angkinin ang karagatan na sinasakupan ng ating bansa.

“Going out to sea has become increasingly difficult and dangerous. Filipino fisherfolk continue to face water cannoning, blocking, dangerous maneuvers, and other forms of interference by foreign vessels in the West Philippine Sea,” sabi ni Legazpi.

Ayon kay Legazpi, ang mga kasalukuyang insurance policies tulad ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay hindi saklaw ang anumang kawalan dahil sa pananakop, pagkilos at pakikibaka sa mga kaaway ng bansa. 

“A fisherfolk may therefore have insurance and still find that damage caused by foreign maritime interference is not covered,” sabi ni Legazpi. 

Nais ni Legazpi na palawakin ang coverage ng PCIC at mag develop ng special insurance and indemnity coverage sa mga kwalipikadong mamamalakaya at kanilang mga banka o fishing vessels na na nasa loob ng maritime zones ng bansa. 

“Rather than create another government agency or a separate compensation fund, the measure builds on the government’s existing insurance system. The Philippine Coast Guard (PCG) and the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) will assist in verifying incidents, while the PCIC will administer the coverage and process claims,” paliwanag ni Legazpi.

Aniya, ang insurance coverage ay para sa actual and verifiable losses. “Kasama ang damage to fishing boats, engines, gear and equipment, loss of catch already obtained, and reasonable rescue and recovery expenses. Projected catch, expected profits, and other speculative losses are not covered,” dagdag ng kongresista. 

(VINA de GUZMAN)

Armadong kelot na nagwawala at nanutok ng baril sa umawat na pulis, timbog

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINALIBAG sa selda ang 48-anyos na kelot nang tutukan ng baril ang mga ng tauhan ng Northern Police District (NPD) na nagtangkang umawat sa kanyang pagwawala sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Sa inilabas na ulat ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, sakay ng kanilang motorsiklo ang dalawa niyang tauhan patungo sa punong himpilan nang mapadaan sa kanto ng Quezon at Herbosa Streets sa Tondo at mapuna ang pagwawala ng suspek dakong ala-1:00 ng hapon habang armado ng baril at patalim

Bilang mga alagad ng batas, tinangkang payapain ng dalawa ang suspek subalit, lalu itong nagwala at tinulak ang kamay ng pulis sabay tutok ng hawak niyang baril sa dalawa.

Nagkataon namang sa naturan ding lugar nakatira ang isa pang tauhan ng NPD at nang masaksihan ang pangyayari, dinamba niya mula sa likuran ang suspek kaya nabitawan ang hawak na baril hanggang tuluyan siyang madakip.

Dinala ng mga tauhan ng NPD ang suspek sa Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District (MPD) pati na ang nakumpiska sa kanyang kalibre .38 revolver na kargado ng anim na bala at isang balisong.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na mga kasong Alarms and Scandals, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Regional Ordinance No. 864-C o concealment of bladed weapon.

“Pinupuri ko ang agarang pagtugon ng ating pulis sa insidente. Inaasahan ko sa bawat pulis ang kahandaang tumulong at kumilos agad sa oras ng pangangailangan, habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko at ng kanilang sarili sa pagtupad sa tungkulin,” pahayag ni BGen. Capili. (Richard Mesa)

Koordinasyon, paghahanda sa Super El Niño, pinalakas ni Mayor Jeannie 

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINALAKAS ni Mayor Jeannie Sandoval ang koordinasyon sa pagitan ng mga departamento ng lungsod, mga opisyal ng barangay, utility providers, at mga katuwang na ahensya, habang pinaiigting ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang paghahanda para sa mga posibleng epekto ng El Niño phenomenon.

Kabilang sa mga ito ang kakulangan sa tubig, matinding init, mas mataas na panganib ng sunog, at posibleng pagkagambala sa suplay ng pagkain at mga kabuhayan.

Ani Mayor Jeannie, ang paghahanda sa El Niño ay nangangailangan ng maayos na koordinasyon sa mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, partner agencies, at mga barangay. Mahalaga ang aktibong pakikiisa ng bawat isa sa pagtitipid ng tubig, pag-iingat sa matinding init, at pag-iwas sa sunog upang mapangalagaan ang kalusugan, kaligtasan, at kabuhayan ng bawat Malabueño.

“Hinihikayat ko rin ang ating mga kababayan na maging responsable sa paggamit ng tubig at sumunod sa mga abiso ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at maagang paghahanda, mas magiging handa ang ating lungsod na harapin ang mga posibleng hamon na dulot ng El Niño,” dagdag niya.

Sa pulong ng Task Force El Niño, sa pangunguna ng MDRRMO, tinalakay ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng lungsod, mga opisyal ng barangay, at mga ahensyang katuwang, kabilang ang Meralco, PNP, BFP, at Maynilad Water Services, ang kani-kanilang mga tungkulin, mga alalahanin, at mga rekomendasyon upang palakasin ang koordinasyon at mga hakbang sa pagtugon.

“Mahalaga na malinaw ang tungkulin ng bawat tanggapan at katuwang na ahensya upang maging maayos at mabilis ang ating pagtugon sa mga posibleng epekto ng El Niño. Ang mga isyung naibahagi at mga rekomendasyong inilatag sa pulong ay dapat magsilbing gabay sa pagpaplano at koordinasyon, upang matiyak na ang ating mga hakbang ay tumutugon sa pangangailangan ng mga barangay at ng ating mga mamamayan,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete. (Richard Mesa)

2 TAUHAN NG PCG, PATAY SA AMBUSH SA COTABATO CITY

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) na dalawang enlisted personnel nito ang nasawi sa pananambang sa Roman Vilo Street, Cotabato City nitong Oktubre 22, 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, tatlong tauhan ng Coast Guard Station (CGS) Maguindanao ang sakay ng sasakyan nang tambangan bandang alas-12:40 ng tanghali.

Dead on arrival sa Cotabato Regional Medical Center ang isang Seaman Second Class (SN2), habang nasawi naman bandang 2:04 ng hapon ang isa pang Apprentice Seaman (ASN) matapos lapatan ng lunas.

Ligtas naman ang ikatlong sakay — ang Commander ng CGS Maguindanao na may ranggong Commander — at tumungo sa Police Station 1 sa Cotabato City para tumulong sa imbestigasyon.

Ayon sa PCG, nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng mga nasawing tauhan para sa kaukulang suporta.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (Gene Adsuara)

Valenzuela City, nasungkit ang 2026 Galing Pook Award

Posted on: October 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAGI ang Lungsod ng Valenzuela, sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ng isa pang Galing Pook Award bilang isa sa “Ten Outstanding Local Governance Programs” para sa taong 2026, sa pamamagitan ng programang “Building Spaces in a Spaceless City.”

Ginanap ang Awarding Ceremony ng 2026 Galing Pook Awards sa Palasyo ng Malacañang.

Ang Galing Pook Awards, isang prestihiyosong institusyon na kumikilala sa mga pinakamahusay na gawain at natatanging programa sa pamamahalang lokal ng Local Government Unit (LGUs) sa Pilipinas kung saan kinilala ang Lungsod ng Valenzuela bilang isa sa mga nagwagi sa kategoryang “Ten Outstanding Local Governance Programs.” Ang programang pinarangalan ngayong taon ay pinamagatang “Building Spaces in a Spaceless City,” na nagtatampok sa mga parke at bukas na espasyo ng lungsod na umani na ng iba’t ibang parangal.

Binibigyang-diin ng konseptong “Building Spaces in a Spaceless City” ang kahalagahan ng paglikha ng mga oportunidad sa kabila ng limitadong espasyo sa lungsod. Upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng industriya at kalidad ng pamumuhay, binabago ng lungsod ang mga bakante o magagamit na espasyo upang maging masiglang sentro para sa pagbuo ng komunidad, libangan, at pisikal na kagalingan.

Ang lungsod ay mayroong 31 parke at bukas na espasyo na maaaring gamitin ng publiko kabilang ang Valenzuela City People’s Park, Valenzuela City Family Park, Pamilyang Valenzuelano Park, at Polo Park, na pinagsasama ang kasariwaan ng kalikasan at malawak na lugar para sa pagpapahinga.

Sa halip na hayaang mapabayaan at maging tambakan lamang ng dumi at kalat, ginamit ng Valenzuela ang mga bakanteng espasyo sa ilalim ng NLEX Harbor Link sa pakikipagtulungan sa NLEX Corporation na ginawang Skate Park para sa skateboarding, at pisikal na mga aktibidad at Paw Park na maaaring magpalipas ng oras ang mga pamilya kasama ang kanilang mga alagang hayop.

Habang ang mga espasyo sa ibabaw ng flood dikes at river wall ay ginawa ring Valenzuela Boardwalk at Polo Riverwalk para sa ehersisyo at pagbibisikleta. 

(Richard Mesa)