• October 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 TAUHAN NG PCG, PATAY SA AMBUSH SA COTABATO CITY

KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) na dalawang enlisted personnel nito ang nasawi sa pananambang sa Roman Vilo Street, Cotabato City nitong Oktubre 22, 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, tatlong tauhan ng Coast Guard Station (CGS) Maguindanao ang sakay ng sasakyan nang tambangan bandang alas-12:40 ng tanghali.

Dead on arrival sa Cotabato Regional Medical Center ang isang Seaman Second Class (SN2), habang nasawi naman bandang 2:04 ng hapon ang isa pang Apprentice Seaman (ASN) matapos lapatan ng lunas.

Ligtas naman ang ikatlong sakay — ang Commander ng CGS Maguindanao na may ranggong Commander — at tumungo sa Police Station 1 sa Cotabato City para tumulong sa imbestigasyon.

Ayon sa PCG, nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng mga nasawing tauhan para sa kaukulang suporta.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (Gene Adsuara)