PERSONAL na nakibahagi si National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai kasama ang mga pinuno ng Key Shelter Agencies (KSA) sa paggawad ng Certificates of Unit Allocation (CUA) sa limang (5) pamilyang benepisyaryo ng NHA units sa pagbubukas ng Ikalawang National Housing Expo sa SMX Convention Center, Pasay City.
Kinatawan ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa nasabing okasyon. Kasama rin ni NHA GM Tai ang iba pang mga pinuno ng key shelter agencies, kabilang sina Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) CEO Marilene C. Acosta; Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) Executive Commissioner Atty. Avelino D. Tolentino III; Social Housing Finance Corporation (SHFC) President at CEO Federico A. Laxa; at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) President at CEO Renato L. Tobias.
Ang limang pamilyang tumanggap ng CUA ay mga residente ng NHA Navotaas Homes 3 sa Brgy. NBBS-Kaunlaran, Navotas City, isang proyektong nakalaan para sa mga informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga delikadong lugar at mataas na panganib na daluyan ng tubig.
Ang paggawad ng mga CUA ay bahagi ng two-day expo na inorganisa ng DHSUD at Pag-IBIG Fund na parte ng pagdiriwang ng National Shelter Month ngayong buwan ng Oktubre. Layon nito na ipakita ang whole-of-nation approach ng pamahalaan sa usaping pabahay—na pinapakita na ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) program.
“Sapagkat batid natin na ang tunay na halaga ng sariling tahanan ay nasusukat sa kaligtasan, kapayapaan at kalidad na nadudulot nito sa bawat pamilyang Pilipino,” wika ni Pangulong Marcos Jr.
Bukod sa pamamahagi ng mga titulo, naglagay din ang NHA ng isang information booth upang tugunan ang mga katanungan ng publiko kaugnay sa pabahay. Tampok din ang exhibit ng mga scale model ng kasalukuyang nakatayong proyektong pabahay ng ahensya.
“Sa pamamagitan ng housing expo na ito, nagkakaisa ang mga pangunahing ahensya sa pabahay at mahigit 80 kilalang pribadong developers upang tugunan ang lumalaking kakulangan sa pabahay at magbigay ng mga oportunidad sa pabahay para sa mga Pilipino. Kaya naman, inaanyayahan ko ang mga indibidwal at pamilya na samantalahin ang pagkakataong ito upang magtanong at alamin ang mga abot-kayang programa sa pabahay,” pahayag naman ni GM Tai.
Naka-angkla sa temang, “Tahanan. Pamayanan. Kinabukasan.,” binibigyang-diin ng kaganapang ito ang pagsisikap ng pamahalaan na magkaloob ng disente, ligtas, at murang pabahay, tungo sa pagbuo ng mga matatag at sustenableng komunidad para sa mas magandang kinabukasan.
(PAUL JOHN REYES)