• October 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 10th, 2026

Ads October 10, 2026

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sen. Bam, pinuri ang Team PH matapos makapag-uwi ng 29 medalya mula 20th Asian Games

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMANI ng papuri ang 447-kataong delegasyon ng Pilipinas at lahat ng mga atletang Pilipino na nagbigay parangal sa bansa sa katatapos lamang na 20th Asian Games sa Aich-Nagoya, Japan.

Sa Senate Resolution No. 702 ni Senador Bam Aquino, kanyang pinuri ang Team Pilipinas nang iuwi ng mga ito ang pinakamalaking bilang ng mga nakamit na medalya ng bansa sa quadrennial meet sa loob ng anim na dekada.

Nagkapag-uwi kasi ang bansa ng 29 medalya, apat na ginto, siyam na pilak, at 16 na tanso sa iba’t ibang sports ng naturang paligsahan ginanap mula Setyembre hanggang Oktubre.

Kabilang sa mga nakapag-uwi ng gintong medalya ay sina two-time Olympic gold medalist Carlos Edriel Yulo sa men’s vault at floor exercise sa artistic gymnastics; Ernest John “EJ” Obiena sa men’s pole vault; at Jesus Gabriel Derick Yape sa mixed individual virtual taekwondo.

Ayon kay Sen. Bam, ang ipinakitang mahusay na performance ng Pilipinas ay sumasalamin din sa pangangailangan na dapat tuloy-tuloy ang pagsuporta mula sa pagsasanay, coaching, pasilidad at iba pa para sa mga atleta.

Sa patuloy aniyang pagbibigay suporta sa mga ito ay makapagbubukas ng mas maraming pagkakataon sa mga Pilipino na matuklasan, at mapaunlad ang talento mula pambansa hanggang internasyunal.

LeBron James at 76ers, kinapos sa unang pre-season game vs Nets

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

YUMUKOD ang bagong-bihis na Philadelphia 76ers laban sa Brooklyn Nets, 114-108, sa kabila ng magandang ipinakitang laro ng NBA superstar na si LeBron James sa kaniyang unang pre-season game para sa koponan.

Nakatala ang 41-taong-gulang na all-time leading scorer ng 10 puntos, apat na rebounds, limang assists, at isang steal sa loob ng 18 minuto sa unang kalahati ng laro, kung saan naipamalas agad nito ang mahusay na pakikipagtulungan sa mga bagong kakamping sina Tyrese Maxey at Jaylen Brown.

Pumirma si James ng dalawang taong kontrata sa Sixers ngayong Hulyo matapos ang walong taon sa Los Angeles Lakers, sa layuning tulungan ang Philadelphia na makuha ang unang kampeonato ng franchise mula noong 1983.

Sa kabila ng kabiguan sa pre-season, nananatiling positibo si Head Coach Nick Nurse sa nakitang galing ng kaniyang mga starters habang naghahanda ang koponan para sa pagbubukas ng regular season laban sa kampeong New York Knicks sa Oktubre 20.

PRC, hinimok ang ASEAN na magkaroon ng joint disaster response bago ang crisis

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIMOK ni Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon ang mga bansa sa ASEAN na mag-sagawa ng regular na joint disaster-response exercises at scenario planning upang matiyak ang mabilis na pagpapadala ng tulong sa oras ng kalamidad.

Sa kaniyang pananalita sa ASEAN High-Level Meeting ukol sa ASPECT Framework sa Maynila ngayong Huwebes, binigyang-diin ni Gordon na mahalagang magsanay nang sama-sama ang mga bansa bago pa man dumating ang anumang krisis.

Ipinalawanag niya na dapat magkaroon ng malinaw at nakahandang kasunduan ukol sa customs at mabilis na pagpasok ng mga humanitarian personnel, gamot, relief goods, at mga kagamitan sa mga pambansang hangganan.

Binigyang-diin ni Gordon na ang pangunahing layunin ng bawat kasaping bansa ay ang pagkakaroon ng isang organisado, mabilis, at nagkakaisang pagtugon sa panahon ng sakuna.

Inirekomenda rin ng pinuno ng PRC ang regular na diyalogo at simulation exercises sa pagitan ng mga ASEAN Red Cross at Red Crescent Societies upang masubok ang kakayahan ng bawat bansa sa pagtanggap at pagbibigay ng saklolo.

Muling iginiit ni Gordon na ang pagsasanay ay mahalagang bahagi ng paghahanda at ang kooperasyon sa rehiyon ay dapat na naipapatupad sa totoong buhay at hindi lamang nananatili bilang kasunduan sa papel. ( DARIS JOSE)

Villar, nag-ober da bakod sa majority

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUMPIRMA ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na pormal nang sumali si Sen. Mark Villar sa majority bloc matapos itong mahalal bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) at chairperson ng Senate Committee on Public Works.

Sa sesyon ng Senado, inihain ni Zubiri ang mosyon upang palitan siya ni Villar bilang miyembro ng CA. Iminungkahi rin niyang italaga si Villar bilang pinuno ng Committee on Public Works kapalit ni Sen. Vicente Sotto III. Kapwa inaprubahan ng Senado ang mga mosyon.

Malugod namang tinanggap ni Sotto ang paglipat ni Villar, kasabay ng pagbanggit na marami pang mahahalagang trabahong kinakaharap ng Senado, kabilang ang impeachment trial, mga panukalang batas at pagtalakay sa pambansang badyet.

Sinabi naman ni Sen. Christopher “Bong” Go, na kabilang sa minorya, na iginagalang nila ang naging desisyon ni Villar. Tumanggi naman siyang magkomento kung magkakaroon ito ng epekto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kabilang na ­ngayon si Villar sa majority bloc kasama nina Senate President Sherwin Gatchalian, Zubiri, Sotto, Bam Aquino, JV Ejercito, Francis Escudero, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo at Joel Villanueva.

Samantala, nananatili sa minority bloc na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kapatid ni Villar na si Sen. Camille Villar, kasama ang iba pang senador kabilang sina Pia Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, J­inggoy Estrada, Loren Legarda, Rodante Marcoleta, Imee Marcos at Robin Padilla.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na posibleng may isa pang senador mula sa minority bloc na lilipat sa majority, ngunit ­tumanggi siyang pangalanan kung sino ito.

Una nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na bukas ang majority bloc sa posibleng pagbabalik ni Sen. Loren Legarda, na kasalukuyang naka-extended medical leave mula pa noong Agosto.( DARIS JOSE)

Mahigpit na pinagbabawal ang bise presidente na tumanggap ng anumang kompensasyon sa labas ng kanilang tungkulin

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

“ANG bawal ay bawal.”

Ito ang iginiit ng House prosecutors kay Bise Presidente Sara Duterte na dapat niyang ipaliwanag ang kanyang tax records na lumalabas na tumatanggap pa siya sa Davao City local government noong 2023 kahit na nahalal ito bilang pangalawang pangulo.

Ayon kay House prosecutor 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, ang mga natatanggap ni Duterte sa pamahalaang lungsod ng Davao ng halagang P82,000 ay hindi maituturing na simpleng pagkakamali lamang.

“Any way you look at it, whether it’s negligent or malice, ang bawal ay bawal. That’s the whole point here,” sinabi ni Gutierrez.

Lumantad ang nasabing bilang matapos ang testimonya ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner’s Office chief of staff Anne Loraine Garcia-Marquez, may nakalikop na BIR Form 2316 sa 2023 income tax return ni Duterte at lumalabas na ang Davao City government ay kanyang employer at sumasahod siya ng P82,000.

Batay sa Article VII, Section 6 ng 1987 Constitution, mahigpit na pinagbabawal ang presidente, bise presidente na tumanggap ng anumang kompensasyon sa labas ng kanilang tungkulin. Pinagbabawal din, ayon sa Section 13, ang presidente at bise presidente na humawak ng ibang posisyon sa gobyerno.

Tinukoy din ni House prosecutor Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ang sinasahod na Duterte bilang Davao City mayor noong 2022 at ang kanyang income sa 2023, matapos siyal ihalal bilang bise presidente,

Ayon naman kay Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V, hindi maipaliwanag ng maayos ng defense lawyers ni Duterte ang mga ebidensiya. 

“Sa pananaw ko, kaya sila niluluto sa sarili nilang mantika, eh, kasi hindi maayos, eh. Hindi nila mapaliwanag, eh,” sinabi ni Ortega. (VINA de GUZMAN)

Pagkalat ng ‘pneumonic plague’ sa Pinas, may ‘zero possibility’

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIIT ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na halos imposibleng ­makarating at kumalat sa Pilipinas ang pneumonic plague, sa gitna ng pangamba kaugnay ng pagkamatay ng isang laboratory technician sa Russia.

Ayon kay Solante, wala pang kumpirmasyon mula sa Russian government na pneumonic plague ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing empleyado. Aniya, bihira ang sakit na ito at karaniwang nagaganap lamang sa mga lugar na may partikular na daga o pulgas na nagdadala ng bakterya.

Ipinaliwanag niya na ang pneumonic plague ay dulot ng Yersinia pestis bacterium at mas malubhang uri ng plague na nakaaapekto sa baga. Maaari itong maipasa sa tao sa pamamagitan ng respiratory droplets, hindi tulad ng bubonic plague na karaniwang naihahawa sa kagat ng pulgas.

Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo at hirap sa paghinga. Mas mabilis din umano itong lumala kaysa karaniwang pneumonia kaya mataas ang tsansa ng pagkamatay kung hindi agad malulunasan.

Gayunman, nilinaw ni Solante na nagagamot ang pneumonic plague at may mabibisang gamot laban dito. Naniniwala rin siyang malabong magdulot ito ng pandaigdigang pagkalat.

Matatandaang namatay ang isang laboratory technician sa Russia na hinihinalang nalantad sa sakit matapos masira ang isang test tube. Gayunman, sinabi ng World Health Organization (WHO) na nananatiling mababa ang public health risk at wala pang senyales ng outbreak sa bansa. ( DARIS JOSE)

Pinal na ang desisyon ng House prosecution na alisin na ang kasong bribery laban kay VP Sara

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAL na ang desisyon ng House prosecution na alisin na ang kasong bribery charge laban kay Vice President Sara Z. Duterte dahil supisyente na ang naiprisintang ebidensiya sa tatlong ibang impeachment articles at nais na iwasan na pahabain pa ang trial.

Kinumpirma ito ni House prosecutor Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na nagsabing naghain na ang prosekusyon ng formal manifestation sa Senate impeachment court nitong Martes, Oct. 6, na nagiinporma sa naturang desisyon.

“I think we already filed our manifestation last Tuesday pa, that we will be dropping bribery. So the team already came to a decision na we will end with Article II,” pahayag nito sa isang press conference.

Nakapaloob sa Article III ang alegasyon na sinuhulan umano ni Duterte ang ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) para impluwensiyahan umano ang procurement decisions noong panahon ng naninilbihan pa itong education secretary.

Sinabi ni Flores na naniniwala ang prosecution na supisyente na naiprisinta ang ebidensiya sa tatlong ibang articles at ang pagpapatuloy sa reklamong bribery ay mga pagpapahaba lamang sa proceedings.

“Ang timetable na sinasabi namin is that we think we have already presented enough on all the three articles, and to drag it further pa na i-include pa namin ’yung bribery might be siguro stretching the patience not only of the people but also of the senator-judges, too long na,” aniya.

Naiprisinta na ng prosekusyon ang mga ebidensiya sa Article I, ukol sa maling paggamit umano ng confidential funds ng Office of the Vice President at DepEd, at Article IV, kaugnay naman sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa isang November 2024 livestream.

Kinukumpleto na nila ang presentasyon sa Article II, kaugnay sa alegasyon ng unexplained wealth base sa mga bank transactions, tax records, property documents at Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Sinabi pa ni Flores na ang desisyon na alisin na ang kasong bribery ay nasa diskresyon ng prosecution at walang natanggap na objection mula sa impeachment court.

“There was no reaction naman from the impeachment court, kasi it’s totally at the discretion of the prosecution team po kung anong articles ang ipro-prosecute nila,” pahayag ni Flores.

(VINA de GUZMAN)

42-anyos drug suspect, laglag sa Valenzuela buy bust

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos umanong kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Bonsai”, 42, ng Brgy., Gen. T De Leon ng lungsod.

Ayon kay Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil, unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Bonsai.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa kanyang tauhan, agad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba alas-4 ng madaling araw sa Karuhatan Service Road, Barangay Karuhatan.

‎

Nasamsam sa kanya ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse at P150 cash.

Ayon kay SDEU Police Investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

 (Richard Mesa)

Bilang na ang mga araw ni VP Sara Duterte sa puwesto, paniniguro ng mambabatas 

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PARA kay House Prosecution Panel adviser at spokesman Ace Barbers, maliwanag na ang direksiyon: bilang na ang mga araw ni VP Sara Duterte sa puwesto.

Paniniwala ito ng dating mambabatas sa ika-34 na araw ng impeachment trial, kasabay nang sunud-sunod na ebidensyang mahirap ipaliwanag o ipagtanggol ang inilatag ng House Prosecution Panel laban kay VP Sara.

Ani Barbers, hindi na maaaring basta ibasura bilang “political attacks” lamang ang mga alegasyong hinarap ng Vice President dahil nakalatag na sa harap ng Impeachment Court ang mga dokumento, financial records, testimonya at iba pang ebidensya.

“Hindi ito mga paratang na basta ibinato lamang. Mga ebidensya ang inilatag sa Impeachment Court. Nasa harap na ng mga senador-hukom ang mga ito para suriin, timbangin at pagpasiyahan,” ani Barbers.

Ayon sa kanya, ginawa ng prosecution panel ang tungkulin nito: ilatag ang mga dokumento at testimonya at ipaubaya sa Impeachment Court ang pagsusuri kung ano ang ipinapakita ng mga ito.

“Mahirap ipagtanggol ang mga ebidensya dahil mismong mga dokumento at records ang nagsasalita. Hindi na kailangan ng dagdag na interpretasyon. Ang ebidensya mismo ang magsasalita para sa sarili nito,” ani Barbers.

Binigyang-diin ni Barbers na ang 34 na araw ng paglilitis ay sapat na panahon upang makita ng Impeachment Court ang kabuuang larawan. 

Ang tanong ngayon, aniya, ay hindi na kung may mga dokumento at testimonya, kundi kung makapagbibigay ang depensa ng kapani-paniwalang paliwanag sa mga ito.

“Kapag malinaw ang ebidensya, hindi ito matatakpan ng diversion, political rhetoric o personal na pag-atake. Ang katotohanan ay hindi nababago ng ingay. Ang facts ay mananatiling facts,” ani Barbers.

Ngayong nailatag na ng prosecution ang kanilang kaso, sinabi ni Barbers na nasa mga senador-hukom na ang huling pagpapasya. 

“Sa huli, hindi pulitika, personalidad o pressure ang dapat manaig. Ang ebidensya ang dapat magsalita—at ang ebidensya ang dapat maging batayan kung mananatili pa o tuluyang mawawala sa puwesto si Vice President Sara Duterte,” ani Barbers. 

(VINA de GUZMAN)