• October 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 10th, 2026

3 arestado sa pagsinghot ng shabu sa Valenzuela

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng tatlong hinihinalang drug personalities matapos mahuli sa aktong sumisinghot umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa Phase 1, Milestone Subdivision, Brgy., Karuhatan nang maaktuhan nila si alyas “Jerry”, 36, na gumagamit umano ng droga sa gilid ng isang bahay dakong alas-11 ng umaga.

Kaagad siyang nilapitan nina PCpl Jerome Siquig at Pat Christopher Mercado saka nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto.

Alas-2:15 ng madaling araw nang mahuli din sa akto nina Pat John Michael Macalla at Pat Blairwayne Jason Teniola, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 6 si alyas “Miguel” na abala umano sa pagbatak ng shabu sa tabi ng KADIWA Market sa Brgy., Malanday.

Habang naaresto naman nina Pat Dominic Dela Cruz at Pat Juluis Cesar Demition, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 2 si alyas “Arnel” na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang bahay sa Lower Tibagan Compound, Brgy., Gen T De Leon pasado alas-6:40 ng gabi.

Nasamsam sa mga naarestong suspek ang tatlong nakabukas na plastic sachets na may laman ng bahid ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.

Pinasampahan na ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa piskalya ng Valenzuela City. (Richard Mesa)

Kawatan na lumimas sa gamit ng kapitbahay sa Malabon, tiklo, kasabwat tinutugis

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIKLO ang isa sa dalawang kawatan na lumimas sa halos lahat ng gamit ng kanilang kapitbahay na lingguhan lang kung umuwi sa Malabon City, Huwebes ng madaling araw.

Natuklasan lang ng biktimang si alyas “Anne”, 42, na nasimot na ang halos lahat ng gamit sa kanyang bahay sa Aracity St. Brgy. Tinajeros nang umuwi siya ng ala-1:00 ng Biyernes ng madaling araw mula sa inuupahang tirahan sa Paranaque City kung saan siya nagta-trabaho at magulat nang makitang bukas at puwersahang binuksan ang pintuan ng kanyang bahay.

Humingi ng tulong si alyas Anne sa mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission nang madiskubre na wala na ang kanyang mga alahas, damit, sapatos, bag, television, welding machine, tangke ng LPG, mga kasirola, stainless na shower at gripo, tsinelas, at maging mga switch ng ilaw, light décors, na may tinatayang kabuuang halagang P196,750.00.

Nang rebisahin nina P/MSg. Diego Ngipol, MSg. Ernie Baroy, at P/SSg. John Francisco ang mga kuha ng CCTV sa lugar, katuwang ang testigong si alyas “Rose” na kapitbahay din ng biktima, nakilala ang dalawang kanila ring kapitbahay habang inilalabas ang mga ninenok na gamit ng biktima.

Kaagad namang nagtungo sa bahay ng mga suspek sa Aracity St. sina P/SSg Denes Dela Cruz at Pat. Leonardo Reylana, kasama ang iba pang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2, na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas “Ferdinand”, 57, habang nakatakas naman sa kasamang si alyas “Bryan”, 30, nang matunugan ang paparating na mga pulis.

Nabawi sa nadakip na suspek ang P8,000 na halaga ng relos, dalawang shower heater, light décor, at electric kettle na may kabuuang halagang P30,250.00 habang tinutugis pa si alyas Bryan para hanapin ang iba pang hindi pa nababawing gamit ng biktima, kabilang ang anim na mamahaling relos. (Richard Mesa)

PAGPUPUGAY NG SENIOR CITIZENS PARTYLIST SA 3rd GAWAD PARANGAL SA LOLO’T LOLA AT 1st OUTSTANDING APO, MATAGUMPAY

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Senior Citizens Partylist Cong. Rodolfo Ompong Ordanes ang pagdiriwang ng Filipino Elderly Month sa pamamagitan ng pagkilala sa mga natatangging nakatatanda kaugnay ng magandang naiambag nila sa lipunan.

Ito ang pagdaraos ng 3rd Gawad Parangal for Exemplary Senior Citizens at ang kauna-unahang Outstanding Apo ni Lolo at Lola.

Ayon kay Cong. Ordanes, ang bawat parangal ay pagkilala sa mga senior citizen na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanilang pamilya, komunidad, at sa buong bayan sa kabila ng kanilang edad, patuloy silang nagsusumikap, may ambag, pangarap, at may kakayahang maging huwaran sa iba.

Kasama rin sa kinilala ng Senior Citizens Partylist ang mga apo na nagbibigay saya, pagmamahal, at pag-aaruga sa kanilang mga Lolo at Lola.

Ani Cong. Ordanes, ang pagiging mabuting apo ay hindi lamang tungkol sa regalo, ito ay tungkol sa oras, respeto, pagmamahal, at presensiya. 

Naninindigan ang Senior Citizens Partylist, na ang bawat nakatatanda ay may halaga, karapatan, at boses at patuloy na isusulong ang mga programa at batas na nagbibigay pagkilala sa dignidad ng mga nakatatanda at patuloy na ambag sa lipunan. 

(PAUL JOHN REYES)

Social media ban sa wala pang 18-anyos lusot na

Posted on: October 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAPRUBAHAN na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magbabawal sa mga wala pang 18 taong gulang na gumamit ng ilang high-risk social media at digital platforms.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Techno­logy for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, higpitan ang akses ng mga menor-de-edad sa mga digital service na ituturing na may mataas na panganib, kabilang ang ilang social media platforms. Labing-anim na senador ang bumoto pabor sa panukala, isa ang kumontra, at walang nag-abstain.

Kapag naisabatas, obligado ang mga high-risk digital service provider na pigilan ang mga wala pang 18 taong gulang na gumawa o gumamit ng account sa kanilang mga platform. Kailangan din nilang magpatupad ng age-assurance measures upang matiyak ang edad ng mga gumagamit.

Hindi saklaw ng panukala ang email services, private messaging apps, educational platforms, news services, professional collaboration services, at online games na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking.

Ayon kay Sen. ­Robinhood Padilla, sponsor ng panukala, layunin nitong maprotektahan ang mga bata laban sa online harm at iba pang digital risks, habang isinusulong ang ligtas na pagkatuto at maayos na pag-unlad ng kabataan.

Kapag naging batas, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangangasiwa sa pagpapatupad nito at magtatatag ng platform para sa pagsusumbong ng mga posibleng paglabag.

Maaaring pagmultahin ng P5M-P2M kada paglabag ang mga mapatutunayang lumalabag na digital service provider, bukod sa P100,000 arawang multa habang hindi sumusunod sa batas.

Samantala, ang mga magulang o legal guardian na sadyang tutulong sa pag-iwas sa age-assurance mechanisms ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000, patawan ng community service, at obligahing dumalo sa mga seminar sa digital parenting at child safety.