• October 13, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mahigpit na pinagbabawal ang bise presidente na tumanggap ng anumang kompensasyon sa labas ng kanilang tungkulin

“ANG bawal ay bawal.”

Ito ang iginiit ng House prosecutors kay Bise Presidente Sara Duterte na dapat niyang ipaliwanag ang kanyang tax records na lumalabas na tumatanggap pa siya sa Davao City local government noong 2023 kahit na nahalal ito bilang pangalawang pangulo.

Ayon kay House prosecutor 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, ang mga natatanggap ni Duterte sa pamahalaang lungsod ng Davao ng halagang P82,000 ay hindi maituturing na simpleng pagkakamali lamang.

“Any way you look at it, whether it’s negligent or malice, ang bawal ay bawal. That’s the whole point here,” sinabi ni Gutierrez.

Lumantad ang nasabing bilang matapos ang testimonya ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner’s Office chief of staff Anne Loraine Garcia-Marquez, may nakalikop na BIR Form 2316 sa 2023 income tax return ni Duterte at lumalabas na ang Davao City government ay kanyang employer at sumasahod siya ng P82,000.

Batay sa Article VII, Section 6 ng 1987 Constitution, mahigpit na pinagbabawal ang presidente, bise presidente na tumanggap ng anumang kompensasyon sa labas ng kanilang tungkulin. Pinagbabawal din, ayon sa Section 13, ang presidente at bise presidente na humawak ng ibang posisyon sa gobyerno.

Tinukoy din ni House prosecutor Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ang sinasahod na Duterte bilang Davao City mayor noong 2022 at ang kanyang income sa 2023, matapos siyal ihalal bilang bise presidente,

Ayon naman kay Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V, hindi maipaliwanag ng maayos ng defense lawyers ni Duterte ang mga ebidensiya. 

“Sa pananaw ko, kaya sila niluluto sa sarili nilang mantika, eh, kasi hindi maayos, eh. Hindi nila mapaliwanag, eh,” sinabi ni Ortega. (VINA de GUZMAN)