Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
LILIPAD si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong Sinagpore para sa working visit mula October 7 hanggang 11, 2026.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na inimbitahan ni Prime Minister Lawrence Wong si Pangulong Marcos na magpunta sa Singapore.
“Ang Working Visit na ito ay bahagi ng inisyatibo ng bansa upang mapalalim ang ating ugnayan sa Singapore, mapalawak ang ating economic engagement, at isulong ang ating kooperasyon sa mga sektor na makatutulong sa kaunlaran ng ating bansa,” ang nakasaad sa kalatas.
Sinabi pa ng DFA na ang napipintong pakikipagpulong ng Pangulo ay mahalaga habang malapit ng matapos ang chairship ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ilipat sa Singapore.
Nakatakda ring dumalo ang Pangulo sa 24th Forbes Global CEO Conference para makapulong ang mga nangungunang business leaders mula Singapore at sa iba’t ibang panig ng mundo.
“This would allow the President to present investment opportunities in the Philippines,” ayon sa departamento.
“Bibisita rin ang Pangulo sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute, upang alamin ang karanasan at expertise ng Singapore sa nuclear technology and safety,” ang sinabi pa rin ng DFA.
Samantala, ito ang pang-anim na byahe ng Pangulo sa Singapore, kasunod ng kanyang pagbisita noong Hulyo kung saan nakapulong niya Wong para pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa chairmanship ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Si Pangulong Marcos ay nagpartisipa rin sa Milken Institute Private Roundtable Discussion sa kanyang huling byahe sa Singapore.
(DARIS JOSE)
PINAGTIBAY ng House prosecution panel ang kanilang pangako na tututok lamang sa financial evidence sa isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang position ng prosecution matapos ang pagdinig sa testimonya ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura sa Senate impeachment court nitong Martes.
Sa testimonya ni Buenaventura, ipinakita nito na batay sa AMLC records, may P4.4 billion na “covered and suspicious transactions” na kinabibilangan ni Duterte at ng kanyang asawa, Atty. Manases “Mans” Carpio, mula sa taong 2007 hanggang 2025.
Kabilang dito ang P1.63 billion sa inflows, P1.31 billion sa outflows at P1.46 billion na hindi na-classify ng AMLC kung saan kategoria. Batay rin sa AMLC records ang Cale88 Foods Corp., na sinasabing may kaugnayan kay Carpio, ay nakatanggap ng P319.33 million na remittances mula sa China at Hong Kong.
Ayon kay House prosecutor Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, ang kaso ng prosecution ay nakabatay sa ebidensiya na prinisinta sa impeachment court.
“But again, ang usapin naman ho dito, usapin ho lagi ng ebidensya. If we are able to prove the evidence on unexplained wealth, threats, and everything else in the articles of impeachment, then it is the senator-judges that will make that determination,” sinabi ni Ridon.
Samantala, kinuwestiyon ni House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers ang timing ng isinagawang press conference ng Bise Presidente habang ginaganap ang impeachment trial sa Senado.
Sa isinagawang press conference, itinanggi ni Duterte ang mga paratang ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. na nakatanggap siya ng mga maleta na puno ng pera at idinadawit si Ridon sa isang isyu ng consultancy sa Davao City government.
“Para sa akin, diversionary tactic ’yun to divert the attention of the public from listening dito sa ilalabas na mga information mula sa bank officials,” sabi ni Barbers.
“So I guess it’s a diversionary strategy para malihis doon sa usapin ng mga information na manggagaling sa bangko,” dagdag nito.
Sa panig ni Ridon, walang kinalaman ang consultancy isyu sa isinasagawang impeachment case laban kay Duterte.
“I don’t think the prosecution panel has anything to do with the Gracioso affidavit. I don’t think it is on the table that we will even include it as part of the impeachment,” sinabi ni Ridon.
“So harapin na lang siguro ng Pangalawang Pangulo ito pong bagay na ito at huwag pong i-distract ’yung publiko doon sa iba pang mga bagay…Tuloy-tuloy lang po kami. Wala po itong takot, wala itong pangamba. Tuloy-tuloy lang po ’yung paglalabas ng ebidensya ngayong linggo,” dagdag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)
KUMPIYANSA ang Malakanyang na lalagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang P7.2-trillion 2027 national budget bago matapos ang taon.
Ito’y upang maiwasan na maulit ang pagkaantala noong nakaraang taon.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang 2027 national budget ay dapat na maipasa ng Kongreso sa itinakdang iskedyul, tanggap na ang proseso ay mas tumagal kaysa sa inaasahan noong nakaraang taon.
“It should be,” ang sinabi ni Castro nang tanungin kung kumpiyansa ang Malakanyang na kagyat na aaprubahan ng Kongreso ang spending bill sa takdang oras.
Tumanggi naman si Castro na magbigay ng timeline para sa pagpapasa ng 2027 budget, sabay sabing maaari pa rin namang magbago ang mga pangyayari.
Sa kabila ng pag-aalinlangan, sinabi ni Castro na hindi pa sinesertipikahan ni Pangulong Marcos ang 2027 General Appropriations Bill (GAB) bilang urgent.
( DARIS JOSE)
PATULOY na isinusulong ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagtugon sa serbisyo-publiko, inklusibong pag-unlad, at mga programang direktang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Sa kanyang State of the City Address sa pagpasok ng ikalawang taon ng kanyang second term bilang alkalde ng Caloocan, inihayag ni Malapitan na ang nakalipas na taon ay nakatuon hindi lamang sa pagpapanatili ng mga programang nagdulot na ng positibong epekto, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng mga serbisyo at paglulunsad ng mga inisyatibong tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng lungsod.
“Isang taon na ang lumipas mula nang muli nating tanggapin ang responsibilidad na mamuno sa ating lungsod. Mas lalo nating nararamdaman ang bigat ng tiwalang ibinigay sa atin ng ating mga kababayan, kaya patuloy tayong kumikilos upang mapabuti ang serbisyo at buhay ng bawat Batang Kankaloo,” pahayag ni Mayor Along.
Sa nakalipas na taon, patuloy na inuna ng pamahalaang lungsod ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, proteksyong panlipunan, kabuhayan at trabaho, kapayapaan at kaayusan, imprastraktura, mga programa sa kapaligiran at mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.
Patuloy din na inilalapit ng administrasyon ang mga serbisyo sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga inisyatibo na direktang nagbibigay ng tulong sa mga residente, lalo na sa mga higit na nangangailangan ng suporta ng gobyerno.
Para kay Malapitan, ang ikalawang termino ay isang pagkakataon upang palakasin ang pundasyong naitatag noong kanyang unang termino habang tumutugon sa mga bagong hamong kinakaharap ng lungsod.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang pag-unlad ng Caloocan ay hindi lamang masusukat sa imprastraktura at pisikal na pag-unlad, kundi pati na rin sa pagiging madaling makuha ng mga serbisyo ng gobyerno at mga oportunidad na ibinibigay sa mga mamamayan nito.
Pinasalamatan din niya ang mga empleyado ng pamahalaang lungsod, mga opisyal ng barangay, mga pinuno ng komunidad, at iba pang mga kasosyo sa pagtulong na gawing konkretong serbisyo para sa mga residente ang mga programa ng administrasyon.
“Sa sama-sama nating pagsisikap, natutulungan natin ang bawat isa, dahil kapag umuunlad ang ating mga kababayan, umuunlad ang Caloocan” diin ng alkalde. (Richard Mesa)
SINABI ng Malakanyang na dapat na imbestigahan ang alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte na tumanggap di umano ito ng milyong halaga ng pondo mula sa Chinese government.
Layon ng imbestigasyon na malaman kung may sapat na ebidensiya sa bagay na ito.
Kaya nga, nanawagan si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga partidong sangkot dito na suportahan ang kanilang alegasyon at pagpapabula.
Sinabi ni Castro na maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation, National Security Council at Anti-Money Laundering Council sa bagay na ito bilang bahagi ng kanilang mandato.
“Hindi maaaring sabihin wala lang, hindi totoo iyan, kasinungalingan iyan at gawa-gawa na naman ng administrasyong ito. Idi-deny po ba nila na talagang walang 150 million na dinoneyt (donate) ang Bansang Tsina sa Tapang at Malasakit Alliance. So kung wala talagang ebidensya, mas maganda maipakita kung ano ang records nila,” ang winika ni Castro.
“At sa parte naman ni dating Senator Trillanes, mas magandang ipakita rin ang dokumento na nagpapakita talagang nagbigay ang Bansang Tsina ng 150 million pesos sa political alliance na ito na ang presidente pa rito ay ang ngayong Bise Presidente or rather board of trustees ay kasama si Bise Presidente at si Mayor Lani Cayetano,” aniya pa rin.
Batid aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon laban kay VP Sara.
“So maganda maimbestigahan po ito, hindi para sirain kung sinuman, kung ‘di para malaman natin kung anong katotohanan dito at mayroon bang nanghihimasok na ibang bansa sa ating politika,” aniya pa rin.
Nauna rito, mariing itinanggi ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang alegasyong nagbigay umano ang Tsina ng pondo sa isang partikular na faction sa bansa.
“Sa Pangulo po at sa administrasyon na ito, kung ano lang naman po iyong katotohanan. Kung hindi naman sila nag-donate ang 150 million para sa political career ni dating Pangulong Duterte at para sa pamumulitika, wala naman po magiging problema doon,” ang sinabi naman ni Castro.
Samantala sa ulat inilabas na pahayag ng embahada, sinabi nitong gawa-gawa at maling impormasyon ang mga paratang na ikinakalat umano ng ilang Pilipinong pulitiko kaugnay ng umano’y pagpopondo ng Tsina sa isang grupong pampulitika.
Kinondena rin ng embahada ang umano’y pag-uugnay sa kanilang website bilang redirect destination ng naturang alegasyon.
Nanawagan ang Chinese Embassy sa mga sangkot na itigil ang anila’y political manipulation at huwag idamay ang relasyon ng Pilipinas at China sa usaping sa loob ng bansa.
Ayon pa sa embahada, mabibigo lamang umano ang mga pagtatangkang makakuha ng personal na pakinabang sa politika sa pamamagitan ng paninira sa China at sa imahe nito.
Iginiit din ng Chinese Embassy na nakahanda itong gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang lehitimong interes at dignidad nito. ( DARIS JOSE)
MAHIGIT 320 Batang Kankaloo ang na hired on-the-spot sa dalawang Mega Job Fair na isinagawa ng Caloocan City Public Employment Service Department, sa pakikipagtungan ng TRABAHO Partylist at ng tanggapan ni Senate President, Sherwin Gatchalian.
“Congratulations po sa inyo, gayundin sa mga kababayan natin na sasalang pa lamang sa kanilang final interview,” pagbati ni Mayor Along Malapitan.
“Nais po natin na mas mapalawak pa ang pagkakaroon ng access sa trabaho at oportunidad ng ating mga mamamayan, kaya patuloy nating sisikapin ang paglalapit ng employment programs gaya ng Mega Job Fair, Local Recruitment Activities (LRA), at marami pang iba,” dagdag ng alkalde. (Richard Mesa)
BILANG bahagi ng pagsisikap na higit pang gawing propesyonal ang pampublikong transportasyon sa bansa, binawi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pamumuno ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ang authority to operate at renewal of application ng dalawang Transport Network Company (TNC).
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., isinagawa ang hakbang matapos mapatunayan sa imbestigasyon na hindi na nag-o-operate ang Leggo Information Technology Solutions at Aztech Solutions International Corp. at hindi natugunan ang mga kondisyong itinakda ng LTFRB para sa kanilang operasyon bilang platform para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Una nang kinansela at binawi ng LTFRB ang Certificate of Accreditation ng dalawang TNC matapos silang mabigong makapagbigay ng valid na dahilan kaugnay ng mga administratibong isyu. Kalaunan, binawi rin ang kanilang aplikasyon para sa renewal matapos mabigong sumunod sa mga alituntunin at regulasyon ng LTFRB.
“Kaakibat ng Certificate of Accreditation ang responsibilidad, obligasyon, at commitment na maghatid ng pinakamahusay na serbisyo sa mga mananakay. Isa ito sa mga kondisyong dapat mahigpit na sinusunod,” ani Pua.
“Kapag nilabag ang mga panuntunan, doon nagsisimula ang pananagutan, gaya ng nangyari sa dalawang TNC na ito,” dagdag niya.
Pinaalalahanan ni Pua ang mga TNC at operator na mahigpit na sumunod sa mga regulasyon ng LTFRB upang maiwasan ang mga legal na problema.
Aniya, naaayon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na higit pang pagandahin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Binigyang-diin ni Pua na hindi mag-aatubili ang LTFRB na magsuspinde o bumawi ng authority to operate kung makokompromiso ang kaligtasan, kaginhawaan, at kapakanan ng mga mananakay.
“Mahigpit ang kompetisyon sa operasyon ng PUV. May mga operator na mas responsable at handang magbigay ng serbisyong pampublikong transportasyon na nararapat matanggap ng bawat Pilipino,” ani Acting Chairman Pua.
(PAUL JOHN REYES)
WALA nang makakapigil sa muling implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila ngayong araw kaya naman nagpaalala na ang Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) sa mga motorista na maging maingat sa mga lugar na sakop nito.
Ayon sa MMDA, hindi naman dapat ilagan o katakutan ng mga motorista ang NCAP dahil ito ay pagsunod lamang sa batas at pagdidisiplina.
Ipatutupad ang NCAP sa Maynila, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City, San Juan at Valenzuela. Sa Valenzuela, ipagpapaliban muna ang NCAP dahil sa ilang isyu.
Sinabi ng MMDA na maaaring tignan sa kanilang website o website ng mga LGUs ang mga lugar.
Tiniyak din ng MMDA na sa ilalim nito, ipatutupad ang standardized fines sa mga lungsod na sakop ng NCAP alinsunod sa Metro Manila Traffic Code of 2023.
Gagamit ang NCAP ng closed-circuit television (CCTV) at high-speed cameras para sa digital recording ng mga paglabag sa trapiko.
Sa pamamagitan ng NCAP iwas kotong at korapsiyon dahil sa gobyerno papasok ang multa sa mga lalabag sa nasabing polisiya.
Samantala, sinabi naman ni Motorycle Taxi Riders Organization (METRO) Convenor Jayson Luna na buo ang kanilang suporta sa muling pagpapatupad ng NCAP sa mga pangunahing lungsod at munisipalidad sa buong bansa
Ani Luna, bilang mga moto-taxi riders na araw-araw na naghahanap-buhay sa kalsada, naniniwala silang ang NCAP ay isang epektibong paraan upang mapanatili ang disiplina at pagsunod sa batas trapiko. Ang pagsuporta sa NCAP ay pagsulong ng road safety hindi lamang para sa mga rider ngunit kasama rin ang iba pang motorista at ang ating mga minamahal na mananakay o pedestrian.