• October 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, BINAWI ANG AUTHORITY TO OPERATE AT RENEWAL OF APPLICATION NG 2 TNC DAHIL SA MGA PAGLABAG SA REGULASYON

BILANG bahagi ng pagsisikap na higit pang gawing propesyonal ang pampublikong transportasyon sa bansa, binawi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pamumuno ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ang authority to operate at renewal of application ng dalawang Transport Network Company (TNC).

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., isinagawa ang hakbang matapos mapatunayan sa imbestigasyon na hindi na nag-o-operate ang Leggo Information Technology Solutions at Aztech Solutions International Corp. at hindi natugunan ang mga kondisyong itinakda ng LTFRB para sa kanilang operasyon bilang platform para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Una nang kinansela at binawi ng LTFRB ang Certificate of Accreditation ng dalawang TNC matapos silang mabigong makapagbigay ng valid na dahilan kaugnay ng mga administratibong isyu. Kalaunan, binawi rin ang kanilang aplikasyon para sa renewal matapos mabigong sumunod sa mga alituntunin at regulasyon ng LTFRB.

“Kaakibat ng Certificate of Accreditation ang responsibilidad, obligasyon, at commitment na maghatid ng pinakamahusay na serbisyo sa mga mananakay. Isa ito sa mga kondisyong dapat mahigpit na sinusunod,” ani Pua.

“Kapag nilabag ang mga panuntunan, doon nagsisimula ang pananagutan, gaya ng nangyari sa dalawang TNC na ito,” dagdag niya.

Pinaalalahanan ni Pua ang mga TNC at operator na mahigpit na sumunod sa mga regulasyon ng LTFRB upang maiwasan ang mga legal na problema. 

Aniya, naaayon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na higit pang pagandahin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.

Binigyang-diin ni Pua na hindi mag-aatubili ang LTFRB na magsuspinde o bumawi ng authority to operate kung makokompromiso ang kaligtasan, kaginhawaan, at kapakanan ng mga mananakay.

“Mahigpit ang kompetisyon sa operasyon ng PUV. May mga operator na mas responsable at handang magbigay ng serbisyong pampublikong transportasyon na nararapat matanggap ng bawat Pilipino,” ani Acting Chairman Pua. 

(PAUL JOHN REYES)