• October 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, suportado na imbestigahan ang alegasyon ni Trillanes ukol sa China funding kay VP Sara

SINABI ng Malakanyang na dapat na imbestigahan ang alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte na tumanggap di umano ito ng milyong halaga ng pondo mula sa Chinese government.

Layon ng imbestigasyon na malaman kung may sapat na ebidensiya sa bagay na ito. 

Kaya nga, nanawagan si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga partidong sangkot dito na suportahan ang kanilang alegasyon at pagpapabula.

Sinabi ni Castro na maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation, National Security Council at Anti-Money Laundering Council sa bagay na ito bilang bahagi ng kanilang mandato.

“Hindi maaaring sabihin wala lang, hindi totoo iyan, kasinungalingan iyan at gawa-gawa na naman ng administrasyong ito. Idi-deny po ba nila na talagang walang 150 million na dinoneyt (donate) ang Bansang Tsina sa Tapang at Malasakit Alliance. So kung wala talagang ebidensya, mas maganda maipakita kung ano ang records nila,” ang winika ni Castro.

“At sa parte naman ni dating Senator Trillanes, mas magandang ipakita rin ang dokumento na nagpapakita talagang nagbigay ang Bansang Tsina ng 150 million pesos sa political alliance na ito na ang presidente pa rito ay ang ngayong Bise Presidente or rather board of trustees ay kasama si Bise Presidente at si Mayor Lani Cayetano,” aniya pa rin.

Batid aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon laban kay VP Sara.

“So maganda maimbestigahan po ito, hindi para sirain kung sinuman, kung ‘di para malaman natin kung anong katotohanan dito at mayroon bang nanghihimasok na ibang bansa sa ating politika,” aniya pa rin.

Nauna rito, mariing itinanggi ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang alegasyong nagbigay umano ang Tsina ng pondo sa isang partikular na faction sa bansa.

“Sa Pangulo po at sa administrasyon na ito, kung ano lang naman po iyong katotohanan. Kung hindi naman sila nag-donate ang 150 million para sa political career ni dating Pangulong Duterte at para sa pamumulitika, wala naman po magiging problema doon,” ang sinabi naman ni Castro.

Samantala sa ulat inilabas na pahayag ng embahada, sinabi nitong gawa-gawa at maling impormasyon ang mga paratang na ikinakalat umano ng ilang Pilipinong pulitiko kaugnay ng umano’y pagpopondo ng Tsina sa isang grupong pampulitika.

Kinondena rin ng embahada ang umano’y pag-uugnay sa kanilang website bilang redirect destination ng naturang alegasyon.

Nanawagan ang Chinese Embassy sa mga sangkot na itigil ang anila’y political manipulation at huwag idamay ang relasyon ng Pilipinas at China sa usaping sa loob ng bansa.

Ayon pa sa embahada, mabibigo lamang umano ang mga pagtatangkang makakuha ng personal na pakinabang sa politika sa pamamagitan ng paninira sa China at sa imahe nito.

Iginiit din ng Chinese Embassy na nakahanda itong gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang lehitimong interes at dignidad nito.  ( DARIS JOSE)