• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Win: VP arrest walang epek sa impeach trial

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIIT ni Senate President Sherwin Gatchalian na walang epekto sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kasong grave threats na isinampa laban sa kanya sa Quezon City RTC, kahit pa may inilabas nang warrant of arrest.

Sa panayam sa radyo, binigyang-diin ni Gatchalian na magkaiba ang regular courts at impeachment court, kaya’t hindi maaaring iugnay ang proseso ng isa sa isa pa.

“Personal opinion ko ito. Walang effect sa akin at sa impeachment dahil iba naman kasi ‘yung sa korte at ‘yung sa impeachment,” aniya.

Nilinaw pa ng Senate President na ang probable cause na nakita ng korte ay hindi nangangahulugang guilty na ang hatol laban kay Duterte.

Kasabay nito, nanawagan si Gatchalian sa mga awtoridad na seryosohin ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa mga banta at pangha-harass.

“Dapat kung meron man banta… dapat seryosohin ito,” ani Gatchalian, sabay panawagan sa kapulisan na imbestigahan kung saan nanggagaling ang mga banta.

Giit niya, mahalaga ang kaligtasan ng lahat — mula sa mataas na opisyal ng gobyerno hanggang sa ordinaryong mamamayan.

Nagpiyansa na si Duterte sa Quezon City court matapos lumabas ang warrant of arrest kaugnay ng kasong grave threats. Sa kanyang pahayag, sinabi ng bise presidente na may dokumentado siyang threats and harassment mula pa noong 2023, at iginiit na hindi siya ligtas maging ang kanyang mga anak. (DARIS JOSE)

Malacañang tiniyak kay VP Sara, at mga kaalyado nito na walang gagawing masama ang PNP laban sa kanila

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ng Palasyo kay Vice President Sara Duterte na hindi gagamitin ng administrasyong Marcos ang Philippine National Police o PNP bilang kasangkapan para saktan siya o ang kanyang mga tagasuporta.

Ito ang pahayag ng Presidential Communications Office matapos sabihin ni Duterte na nangangamba siya para sa kanyang buhay at hindi nagtitiwala sa pulisya, korte at maging sa security team na nakatalaga sa kanya.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi papayagan ng administrasyon na gamitin ang PNP sa anumang uri ng karahasan.

Binigyang-diin ng PCO na ginagampanan lamang ng PNP ang mandato nito alinsunod sa batas, nang walang pagkiling o konsiderasyong pampulitika, at para sa kapakanan ng lahat ng Pilipino.

Iginiit din ng Palasyo ang tiwala nito sa liderato at mahigit 230,000 tauhan ng PNP na anila ay patuloy na propesyonal sa pagprotekta sa karapatan ng mga taong nasa kanilang pangangalaga.

Hinimok naman ng administrasyon si Duterte na idaan sa mga legal na paraan ang anumang reklamo o pangamba sa mga kilos ng pulisya, sa halip na maglabas umano ng walang batayang alegasyon.

Nagpahayag din ng katiyakan si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tutugunan ng pulisya ang mga pangamba ni Duterte sa kanyang seguridad.

Inatasan na ang mga kinauukulang police units na patuloy na mag-monitor at magsagawa ng threat assessment laban sa bise presidente at sa kanyang immediate family.

Gayunman, sinabi ng PNP na hanggang ngayon ay wala pa itong natutukoy na beripikadong banta laban kay Duterte o sa kanyang pamilya.

Nagsimula ang pangamba ni Duterte sa seguridad kasunod ng paglabas ng arrest warrant laban sa kanya dahil sa tatlong bilang ng grave threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez. ( DARIS JOSE)

Laban kay Vice President Sara Duterte…Impeachment court ‘di maaring maghatol ‘pag may TRO

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI maaaring magbaba ng hatol ang Senate impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte kung maglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema, kabilang na ang pagkuwestiyon sa voting threshold ng mga senator-judges.

Ito ang naging assessment ni House impeachment trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kaugnay ng mainit na debate hinggil sa itinatadhana ng Konstitusyon na two-thirds vote o 16 mula sa kabuuang 24 senador para sa conviction.

“So my understanding would be, unless and until the Supreme Court issues TRO, then the Se­nate can— could proceed with the voting,” ani Adiong.

Batay sa Article XI, Section 3 ng 1987 Konstitusyon, walang sinumang opisyal ang maaaring ma-convict sa impeachment trial nang walang two-thirds vote mula sa lahat ng mi­yembro ng Senado.

Lumutang ang debate matapos na maraming senator-judges ang hindi nakakapagpartisipa sa proseso, dahilan upang igiit ni Sen. Miguel ‘Migz’ Zubiri na dapat nang pag-usapan ang voting ­threshold para sa pagbaba ng hatol.

 ( DARIS JOSE)

Unang araw ng bar exam ‘peaceful’ – MPD

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PAYAPA at walang naitalang gulo ang Manila Police District (MPD) sa unang araw ng 2026 Bar Exam sa University of Sto. Tomas at San Beda University kahapon.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director PBGen. Arnold Santiago, nasa 348 na pulis ang naka-deploy sa testing sites—180 sa UST na ipinoste sa mga gate sa Padre Noval at Lacson Avenue at 168 naman sa San Beda University na may drop-off points sa Concepcion Aguila at J.P. Laurel Sts.

Bago ito, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang mag-inspeksyon si Santiago kasama si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso upang tiyakin ang inilatag na seguridad at paghahanda sa bar exams.

Sinabi ng alkalde na nakaantabay naman ang lahat ng resources ng pamahalaang lokal kabilang ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department para sa emergency at medical assistance; Manila Traffic and Parking Bureau para sa pagsasaayos ng trapiko; Department of Engineering and Public Works (DEPW) na namamahala sa pagtatayo ng mga tents, nagkabit ng mga karagdagang ilaw at binawasan ang mga sanga ng mga puno at inayos ang mga drainage.

“I wish the bar examinees, sana pumasa silang lahat. Sa mga magulang naman na nag-aalala sa kani-kanilang tahanan, pumanatag kayo. The entire resources of the City Government and MPD is in place para maging panatag ang Bar Examination ngayon 2026 Everything is in place,” anang mayor. (Gene Adsuara)

TINALAKAY ni Department of Agriculture 

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

(DA) Assistant Secretary at Tagapagsalita Arnel de Mesa ang tunay na sitwasyon ng mga lokal na magsasaka at ang mga pangunahing suliraning kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa bansa. Isinagawa ang talakayan upang ilatag ang mga hakbang at tugon ng kagawaran para sa pagtataguyod ng seguridad sa pagkain at pagtiyak ng makatarungang presyo ng mga bilihin para sa mamamayan.

Binigyang-diin ni De Mesa na nakasalalay ang kinabukasan ng sambayanang Pilipino sa bawat butil ng palay at produktong inaani sa bansa. Gayunpaman, kinikilala ng opisyal na nananatiling malaking hamon ang pagtiyak ng sapat, masagana, at abot-kayang pagkain sa bawat hapag-kainan dahil sa epekto ng pabago-bagong panahon, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga kagamitang pang-agrikultura, at mga suliranin sa supply chain.

 (SER MORALES Sr.)

VP Sara, hindi raw nararamdamang ligtas siya…”Such an entitled brat!” – Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITO ang reaksyon ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi niya nararamdamang ligtas siya matapos magtungo sa korte matapos pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

“Yung pamilya mo sanay na mang-EJK ng mahihirap at gamitin ang batas para i-harass ang mga kritiko nyo. Pero pag idinadaan sa due process ang pagpapanagot sa inyo, you “don’t feel safe?” Such an entitled brat!” ani Cendaña.

Nitong Agosto, naghain ang Department of Justice ng tatlong counts ng grave threats laban sa VP kaugnay sa pahayag niya na kumuha umano siya ng indibidwal para patayin sina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Kasunod nito, naghain ang kampo ni Duterte ng motion to quash on the ground of jurisdiction.

Sa kautusan ng QC Regional Trial Court Branch 98, nakitaan ito ng probable cause para paharapin sa trial si Duterte.

Ang piyansa ay itinakda sa P120,000 per count. (VINA de GUZMAN)

Libreng kolehiyo pinalawakNILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inamyendahang Universal Access to Qua­lity Tertiary Education Act (UAQTEA) na layong palakasin ang suporta ng gobyerno sa mga estud­yanteng kapos-palad.

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sa ceremonial signing, binigyang-diin ng Pangulo na ang reporma ay nakatuon sa mga higit na nangangaila­ngan, partikular ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino ­Program (4Ps).

Ayon kay Marcos, umakyat na sa 2.6 milyon ang bilang ng Free Higher Education Beneficiaries ngayong unang semestre mula sa dating dalawang milyon.

“Ang edukasyon ang susi sa kakayahan at kaunlaran, kaya ito ang pangunahing prayoridad ng administrasyon,” giit ng Pangulo, kasunod ng kanyang pahayag sa SONA.

Inatasan din niya ang CHED, TESDA, UniFAST, at iba pang ahensiya na tapusin agad ang implementing rules and regulations upang masiguro ang maayos na pagpapatupad ng batas.

Kelot, himas-rehas sa statutory acts of lasciviousness sa Valenzuela

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SWAK sa loob ng rehas ang isang kelot na wanted sa kaso ng Statutory Acts of Lasciviousness nang masukol ng tumutugis na kapulisan sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Hindi na nakapalag ang 26-anyos na akusado na si alyas “Boy” nang dakmain ng tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento habang naglalakad sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy., Polo.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Col. Talento na naispatan ang presensya ng akusado sa nasabing barangay.

Kaagad nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Valenzuela City Police Station hanggang sa makorner nila ang akusado sa nasabing lugar dakong alas-5 ng hapon.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City, noong September 4, 2026, para sa kasong Statutory Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(B) of R.A 7610, na may inirekomendang piyansa na P180,000.

Si alyas Boy ay pansamatalang nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police Station habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)

Construction worker, laglag sa sugal, droga sa Valenzuela

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa kulungan ang isang construction worker na sangkot umano sa droga nang maaresto habang naglalaro ng ilegal na sugal kasama ng isang pedicab driver sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat, habang nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan nila ang dalawang indibidwal na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa loob ng isang basketball court sa Cadena De Amor St., Brgy., Balangkas pasado alas-5 ng hapon.

Kaagad nilapitan nina PSSg Santos at PSSg Pingad ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis na kapwa nakatalaga sa Valenzuela Police Sub-Station 5 saka ipinaalam sa kanila ang kanilang nilabag na kasalanan bago inaresto.

Nakumpiska sa dalawa ang perang taya sa sugal, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Dominador”, 49, residente sa nasabing barangay.

Ayon kay SDEU investigator PSSg Alfredo Mendoza III, na-inquest na ang suspek kaugnay sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

No. 1 most wanted sa NCRPO sa murder, nalambat sa Navotas

Posted on: September 7th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang mahigit isang taon na pagtatago ng isang lalaki na wanted sa kasong Murder nang makorner ng pulisya sa ikinasang sa manhunt operation sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang 34-anyos na akusado na si alyas “Popoy” ay nakatala din bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at No. 2 sa Navotas City Police Station.

Ikinasa ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela ang manhunt operation laban sa akusado kasunod ng natanggap na impormasyon na muling naispatan ang presensya nito sa lungsod.

Dakong alas-10:40 ng umaga nang tuluyang masukol ng pinagsamang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section at Intelligence Section ng Navotas Police ang akusado sa Bangus St., Brgy., NBBS Kaunlaran.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 287, Navotas City, noong January 30, 2024 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa. 

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Navotas Police habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail. (Richard Mesa)