• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

MAGPAPADALA ang Pilipinas ng pitong boksingero na sasabak para sa Asian Games sa Nagoya , Japan.

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Sinabi ni Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) president Marcus Manalo na alam ng mga boksingero na kailangan ay matapos na ang pagkauhaw ng Pilipinas sa medalya at kailangan nilang humakot ng medalya.

Kinabibilangan ito ng mga boksingero na sina Nesthy Petecio, Aira Villegas, Carlo Paalam , Eumir Marcial, Riza Pasuit, Junmilando Ogaye at Norlan Petecio.

Magdedepende rin ang pagsabak ni Marcial sa resulta ng laban niya sa Setyembre 19 dalawang araw bago ang pagsisimula ng boxing competitions sa Asian Games.

Pacquiao target na makaharap si US boxer Stevenson

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALAK ni retired Pinoy boxing champion Manny Pacquiao na makaharap sa exhibition fight si Shakur Stevenson ng US.Boxing

Ayon sa kampo ng boxing champ na target nilang maisakatuparan ang laban sa katapusan ng taon.

Ang pagpili ni Pacquiao sa 29-anyos na boksingero ay kasunod ng hindi na matutuloy ang rematch nito kay Floyd Mayweather.

Si Stevenson ay mayroong 25 panalo at walang talo na may 11 knockouts kung saan kabilang ito sa top five pound-for-pound boxer.

Nakamit nito ang WBO junior welterweight title matapos na talunin si Teofimo Lopez sa New York.

Naging silver medalist din si Stevenson sa nagdaang 2016 Rio Olympics.

Habang si Pacquiao ay mayroong 62 panalo, walong talo at tatlong draw na may 39 knockouts.

Defending Champion Carlos Alcaraz, umusad na sa Quarter-finals ng US Open

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TULOY ang ratsada ng defending champion na si Carlos Alcaraz matapos nitong masungkit ang silya sa quarter-finals ng US Open nang patumbahin ang dating World No. 8 na si Tommy Paul sa pamamagitan ng straight sets, 6-4, 6-3, 6-4.

Hindi na pinatagal pa ng second seed na Spanish ang bakbakan at mabilis na pinatahimik si Paul sa loob lamang ng tatlong sunod-sunod na set.

Umabot lamang sa tinatayang tig-20 minuto ang bawat set upang tuluyang maselyuhan ni Alcaraz ang kaniyang tagumpay.

Kasunod ng impresibong panalong ito, aabante si Alcaraz sa susunod na yugto kung saan haharapin niya ang bigating tennis player na si Ben Shelton.

Matatandaang umusad rin si Shelton sa quarter-finals matapos nitong padapain sa isang maikling sagupaan ang kapwa batikang netter na si Stefanos Tsitsipas.

Magpapatuloy ang kampanya ni Alcaraz habang puntirya nitong dagdagan pa ang kaniyang mga nakamit na kampeonato, kabilang ang tropeo sa Australian Open ngayong taon at ang matagumpay niyang pagdepensa ng korona.

Sa kaniyang nagniningning na professional career, bitbit ni Alcaraz ang walong Masters 1000 titles at isang pambihirang 90.3% winning percentage sa US Open.

Hirit ng kampo ni dating House Speaker Romualdez na hospital arrest, hindi pinag-uusapan sa Malakanyang

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI pinag-uusapan sa Malakanyang ang hirit ng kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez na payagan ang mambabatas na sumailalim sa hospital arrest.

Si Romualdez ay inaresto noong Lunes sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, sa kaparehong araw na inihain ng Office of the Ombudsman ang P7.4-billion plunder charge laban sa kanya at tatlo iba pa sa umano’y kaugnayan sa kickback scheme sa flood control projects.

“Sa ngayon walang pinag-uusapan tungkol sa hospital arrest, depende na po kasi iyan kung ano po ang magiging findings ng doktor,’ ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Tinuran pa ni Castro na mas nanaisin pa nila na ang magbibigay ng suhestiyon ay masasabing hindi kaugnay kay dating Speaker Romualdez.

“Kumbaga neutral, iyon ang kanyang findings ay neutral. So, depende na po iyan sa doktor, hindi iyan panghihimasukan ng administrasyon at hindi po natin masasaklawan kung ano ang pakiramdam, health condition ng sinumang akusado,” aniya pa rin.

Nauna rito, sinabi ni Castro na titiyakin ng gobyerno na hindi makatatakas si Romualdez na hanggang ngayon ay nasa ospital. 

“Sa mga kritiko, hindi mawawala ang kritisismo pero hindi natin mapipigil ang mga doktor kung ano ang nakikita nilang health condition ng isang akusado. Hindi naman din maipipilit ng PNP o ng pamunuan ng DILG na dalhin agad ang isang akusado na nasertipikahan na hindi pa nararapat na tanggalin o i-remove from the hospital,” ang paliwanag ni Castro.

“So, wala po tayong masasabi kung ano iyan, nandiyan po iyan sa pagtingin ng kanilang mga doktor at ang doktor naman ay dapat na nagsasabi ng katotohanan,” aniya pa rin sabay sabing “So, we will just give them the benefit of the doubt, ang mga doctors na nagsasabi na ang isang akusado ay hindi maganda ang karamdaman. But still, nakita naman po natin kung ano ang ginawa ng pamunuan ng DILG at PNP nandiyan pa rin po at kung nasa ospital naman po iyan hindi naman po siguro iyan makakatakas.”

Samantala alinsunod sa batas, ang maayos at walang VIP treatment sa pag-aresto kay Romualdez.

“Siguro po nakita ninyo naman po kung papaano tumugon ang pamunuan ng DILG, si Secretary Jonvic Remulla, noong nailabas na po ang warrant of arrest. Siya naman po ay agad na pinuntahan, si dating Speaker Romualdez ay pinuntahan agad sa ospital at nandoon na po, kumbaga, binantayan na po at kinailangan na lang pong i-monitor kung kailan siya maaaring dalhin sa tamang, let’s say, maaaring paglagyan sa kanya,” ayon kay Castro. (DARIS JOSE)

Malakanyang ipinauubaya sa Senado ang kapalaran ng posibleng subpoena ni VP Sara

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na bahala na ang Senado na magdesisyon sa kahilingan ng House prosecution panel na pilitin si Vice President Sara Duterte na dumalo sa kanyang sariling impeachment trial.

Sinabi ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng anunsyo ng prosekusyon, na hangad nitong manawagan kay VP Sara na dumalo sa pagdinig para pagtibayin at kumpirmahin ang kanyang ‘allegation of innocence.’

“Kung ‘yan ang nais ng prosecution at kung papayagan po ito ng Senado, nasa kamay na po ito ng Senado,” ani Castro.

“Hindi natin alam kung ito ang right timing for them. But muli, nasa Senado na ang pagpapasya tungkol diyan,” aniya pa rin.

Matatandaang, mismong si VP Sara aniya ang nagpahayag ng nais nito ang bloodbath sa gitna ng alegasyon laban sa kanya.

‘Malamang kaya ito hinihiling ng prosecution ay dahil mismo naman ang Bise Presidente ang nagsabi na gusto niya ng isang bloodbath. At sinabi niya rin na before handa siyang humarap patungkol dito at liwanagin ang mga isyu na ito,” ani Castro.

At nang tanungin at hingan posisyon si Castro kung dadalo ba o hindi si VP Sara sa sarili niyang trial kahit pa may subpoena na ilalabas laban sa kanya, “Kung psychologist ako o psychiatrist ako ng Bise Presidente…hindi ko masagot. Hypothetical question.”

Sa ulat, hihilingin ng House prosecution panel ang pagpapalabas ng subpoena kay Vice President Sara Duterte matapos nitong mailatag ang lahat ng apat na artikulo ng impeachment, ayon kay Lead Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan.

Inihayag ito ni Kapunan sa pagsisimula ng ika-23 araw ng paglilitis sa impeachment nitong Martes, Setyembre 8.

Ayon kay Kapunan, hindi muna hihilingin ng prosekusyon ang agarang pagpapalabas ng subpoena dahil nakatuon pa sila sa paglalahad ng kanilang mga ebidensya.

Sinabi niyang nakatakdang humarap si Duterte sa dulo ng proseso.

“At the end of all of these articles, we reserve the right to present the Vice President herself,” ani Kapunan.

Hinimok din ni Kapunan si Duterte na humarap sa impeachment court, igalang ang proseso at patunayan ang kanyang paggigiit na wala siyang kasalanan. 

(DARIS JOSE)

VP Sara, dapat harapin ang taumbayan at ipaliwanag ang bilyon-bilyong pisong bank transactions at tagong yaman

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA HALIP na nagsampa ng mga walang saysay na kaso laban sa mga miyembro ng House Committee on Justice at mga kritiko, dapat harapin ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang impeachment case laban sa kanya.

Ito ang reaksyon ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña sa rekomendasyon ng Quezon City Prosecutor’s Office ng pagbasura sa reklamong inihain ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa ilang mambabatas at government officials kaugnay sa disclosure ng mga bank transaction records ng mag-asawang Duterte.

Sa 23 pahinang resolusyon, sinabi ni Prosecutor’s Office na ang naging hakbang ng mga respondents ay ginawa ayon sa kanilang tungkulin at “are not inherently immoral.”

Sinabi ni Cendaña na sa simula pa lamang ng isampa ang kaso laban sa mga miyembro ng komite ay inihayag nitong bahagi ng kanilang tungkulin ang pagtiyak na may matibay na kaso laban kay VP Sara Duterte at bahagi dito ang pag-usisa sa ebidensya.

“Imbes na nagsampa ng mga walang saysay na kaso laban sa mga members ng CoJ at mga kritiko, harapin dapat ni VP Sara ang impeachment case. Harapin niya rin ang taumbayan at ipaliwanag ang bilyon-bilyong pisong bank transactions at tagong yaman na siya namang puno’t dulo ng kanilang sinampang kaso. Doon siya sa Impeachment Court magpaliwanag,” pagtatapos ni Cendaña. (VINA de GUZMAN)

Malabon, naglunsad ng Libreng Sakay

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLUNSAD ng Libreng Sakay ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pangunguna ng MDRRMO kahapon dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dulot ng Habagat para matulungan ang mga estudyante, commuters, at iba pang stranded na Malabuenos na makauwi o makarating nang ligtas sa kanilang destinasyon. Patuloy ang pagkilos at pagtugon ng pamahalaang lungsod para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat isa. (Richard Mesa)

Panukalang 5 taong fixed terms para sa Barangay, SK Officials

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAPRUBAHAN ng Kamara ang panukalang palawigin ang termino ng opisyal ng barangay at kabataan.

Sa botong 211 pabor, 13 NO at isang abstention, ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 10971 para sa limang taong termino ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.

Kapag naging ganap na batas, aamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 12232 sa pamamagitan ng pagpapalawig ng termino mula apat na taon sa limang taon.

Bilang bahagi ng transition sa bagong five-year term, ang synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na orihinal na nakatakda sa November 2026 ay gaganapin sa ikalawang Lunes ng November 2028. Ang mga susunod na halalan para sa barangay at SK ay gagawin kada 5 taon.

Magkakaroon din nang malinaw na term-limit provisions tulad ng limitasyon nang hanggang dalawang termino para sa barangay officials habang ang SK officials ay tuloy sa isang termino lamang.

Ang mga incumbent barangay officials na naninilbihan ng kanilang ikatlong consecutive term ay madidiskuwalipika mula sa pagtakbo sa kaparehong posisyon sa 2028 elections.

(Vina de Guzman)

3 INDIBIDWAL HINATULAN SA PAMAMARIL KAY DEGAMO

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TATLONG indibidwal na iniuugnay sa pamamaril kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo sa kanyang bahay noong Marso 4, 2023 ang hinatulan sa magkakahiwalay na kaso ng illegal possession ng baril, bala, at pampasabog , ayon sa Department of Justice o DOJ nitong Miyerkules.

Sinabi ng DOJ na napatunayang guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 40 sina Joric Garrido Labrador, Joven Calibjo at Benjie Rodriguez matapos mapatunayan ng mga prosecutor ang mga paratang na walang makatwirang pagdududa o beyond reasonable doubt .

Si Labrador ay hinatulan ng 8 hanggang 10 taon na pagkakakulong para sa illegal possession of firearms at ammunition habang ang dalawa pang akusado ay hinatulan ng reclusion perpetual o hanggang 40 taon pagkabilanggo para sa illegal possession of explosives.

Nagsimula ang mga kaso sa pamamaril habang namimigay ng ayuda sa bahay ni Degamo sa Pamplona Negros Oriental . Napatay si Degamo sa insidente kasama ang siyam pa habang may ilan pang nasugatan.

Ayon sa DOJ , nakumpiska sa tatlong akusado ang isang .45 caliber pistol , dalawang magazine 14 bala at dalawang hand grenade.

Pinagtibay din ng Korte ang bisa ng warrantless arrests dahil sa sunud-sunod na pangyayari mula sa pamamaril at pagsusuri ng CCTV footage hanggang sa pagtugis sa mga getaway vehicle.

Sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida, na hindi dapat manaig ang Impunity laban sa hustisya at dapat managot ang sinumang lalabag sa batas. (Gene Adsuara)

No. 1 most wanted person ng Malabon, shoot sa rehas

Posted on: September 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIMAS-REHAS ang 20-anyos na construction worker na akusado sa tatlong bilang ng Statutory Acts of Lasciviousness nang masukol ng tumutugis na kapulisan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng Malabon City Police Station ang akusado na nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Malabon CPS.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, nang maglabas ang Regional Trial Court Branch 73, Malabon City, noong August 25, 2026 ng arrest warrat para sa tatlong bilang ng Statutory Acts of Lasciviousness at paglabag sa Section 10(a) ng R.A 7610 laban sa akusado ay agad nilang sinimulan ang pagtugis sa pugante.

Nang makatanggap ng tip mula sa isang impormante ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police na nakitang nakatambay ang akusado sa Brgy., Catmon ay agad silang nagkasa ng operation hanggang makorner ito dakong alas-2:30 ng hapon.

Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng pulisya ang nasabing warrant na may inirekomendang piyansa na kabuuang halaga na P404,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sinabi ni Col. Mission na patuloy ang isinasagawa nilang mga lehitimong operasyon laban sa mga wanted indibidwal bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan ng Lungsod Malabon. (Richard Mesa)