• October 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Pulis, inireklamo ng panunutok ng baril sa bebot sa Malabon 

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG pulis na nakatalaga sa PNP Anti-Cyber Crime Group nasa “hot water” ngayon matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa isang bebot sa Malabon City, Linggo ng madaling araw.

Sa ipinarating na ulat ng Malabon City Police Station kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumalo sa isang kapistahan sa Brgy. Potrero ang biktima, kasama ang isa pa, nang lapitan sila ng senglot na pulis dakong alas-5 ng madaling araw.

Ayon sa biktima, hinahanap ng pulis ang nawawalang cellphone at naglabas umano ito ng baril saka itinutok sa ulo at leeg ng babae hanggang mamagitan ang mga taong nakapaligid kaya napayapa ang sitwasyon.

Nang umalis ang suspek, humingi ng tulong ang babae sa Police Sub-Station 1 sa Potrero subalit hindi na inabutan ng nagrespondeng pulis ang kanilang kabaro at hindi na rin matagpuan sa tanggapan ng Anti Cyber Crime Response Team sa Northern District kung saan siya nagre-report.

Dinala naman ng pulisya sa Malabon City Police Station ang biktima at kanyang kasama na tatayo bilang testigo upang maghain ng pormal na reklamo laban sa naturang parak.

Tiniyak naman ng Malabon City Police Station na tutugunan nila anumang reklamo o insidenteng may pagbabanta sa buhay gamit ang baril kahit pa kabaro nila ang nasasangkot. (Richard Mesa)

Pagbabanta sa OLFU na nakasulat sa papel, inaksiyunan ng Valenzuela CPS 

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NABULABOG ang mga estudyante sa Our Lady of Fatima University (OLFU) kasunod ng pagbabanta na isinulat sa kapirasong papel na natagpuan sa isang silid aralan ng sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Kaagad naman itong inaksiyunan ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na rumesponde sa lugar at nagsagawa ng pagsusuri sa bawat sulok ng pasilidad ng paaralan na matatagpuan sa Tamaraw Hills, pati na ang pagrekisa sa mga bag ng mga estudyante, sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng pamantasan.

Bilang hakbang din sa pag-iingat, pansamantala munang sinuspinde ang klase habang patuloy pang isinasagawa ng kapulisan ang pagsusuri, pati na ang pag-alam kung sino ang nagpadala o gumawa ng liham.

Matapos naman ang masusing pagsusuri ng pulisya, walang nakitang kahina-hinalang bagay na maglalagay sa panganib sa mga estudyante, mga guro, at mga kawani ng OLFU.

Tiniyak naman ng pulisya na lahat ng nakakarating na ulat sa kanila hinggil sa pagbabanta ay kanilang sineseryoso kahit ano pa mang paraan ito ipinapadala. 

Hinimok din ni Col. Talento ang mga estudyante at mga magulang na maging kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na magdulot ng hindi kinakailangang pangamba. (Richard Mesa)

Ads September 30, 2026

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Dalawang araw na nationwide transport strike sa pangunguna ng PISTON, suportado ng KMP

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUPORTADO ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang dalawang araw na nationwide transport strike sa pangunguna ng PISTON, kasabay ng panawagan na agarang big-time rollback sa presyo ng gasolina at pagtanggal ng VAT at excise taxes sa petroleum products, na siyang nagtataas sa gastusin ng mga magsasaka sa produksyon at transportasyon.

Ayon pa sa KMP, ang rollback na P7.57 kada litro sa diesel, P5.85 sa kerosene at P0.24 sa gasolina ay hindi nakakabura sa mataas na dagdag presyo ngayong buwan.

“Hindi lang problema ng mga tsuper at konsyumer ang mataas na presyo ng langis. Malaking problema din ito ng mga magsasaka. Bawat pagtaas sa presyo ng diesel ay pagtaas sa gastos sa land preparation, irigasyon, renta ng makinarya, pag-aani, paghahakot at transportasyon ng mga produkto mula sa bukid papunta sa palengke,” ayon kay KMP Secretary General Ronnie Manalo.

“Kapag tumataas ang diesel, tumataas ang gastos ng magsasaka. Pero hindi naman awtomatikong tumataas ang presyo na natatanggap namin sa farmgate. Ang nawawala sa kita ng mga magsasaka ay napupunta sa dagdag-gastos sa produksyon at transportasyon,” ani Manalo. “Sa huli, ang kumita lang ay ang mga kumpanya ng langis.”

Kritikal ang papel ng diesel bilang farm input, mula sa hand tractors at iba pang makinaryas, irrigation pumps, harvesters, hanggang threshers at trucks.

Sinabi pa nito na sobrang bigat ng epekto ng sunod-sunod na lingguhang taas-presyo ng langis sa mga magsasaka ng gulay at iba pang madaling masirang produkto.

Kaunti o halos wala na aniyang kapasidad ang mga magsasaka na mag-imbak ng kanilang ani at umaasa lang sa pag-transport ng gulay.

“Nauubos ng mataas na gastos sa transportasyon ang maliit nang kita sa farmgate, at sa ilang pagkakataon, hindi na praktikal at lugi na ang mga magsasaka kapag dinala pa nila sa trading post ang mga gulay. Kaya may mga napipilitan na itapon o ipamigay na lang ang kanilang aning repolyo, kamatis, at iba pa.”

“Paulit-ulit sinasabi ng gobyerno na may ayuda at subsidyo, pero mga magsasaka, tsuper at konsyumer ang nagpapasan ng epekto ng presyo ng langis,” giit ni Manalo.

(VINA de GUZMAN)

Universal Social Pension, panawagan na lagdaan na ni PB

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN ang isang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos na agad lagdaan ang Universal Social Pension kasabay ng selebrasyon ng Elderly Filipino Week mula October 1 hanggang 7.

Ayon kay United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, mahigit sa 12 milyong Filipino senior citizens sa bansa ang kumakaharap sa pagtaas ng healthcare costs at inflation at ang universal coverage ay hindi na isang pribelehiyo kundi basic right ng bawat lolo at lola na naging bahagi sa pagtulong sa paglago ng sosyedad.

“Ang ating mga lolo at lola ang nagbanat ng buto, nagturo, at nagtaguyod sa henerasyong nagpapatakbo ngayon sa ating bayan. Hindi makatarungan na sa kanilang pagtanda ay nangangamba pa sila kung saan kukunin ang pambili ng gamot o pangkain sa araw-araw,” mariing pahayag ni Magsaysay. “Hindi ito limos. Ito ay laban para sa kanilang dangal, karapatan, at kapakanan.”

Layunin ng panukalang batas na tanggalin ang mga masasalimuot na patakaran at limitasyon na nagdudulot upang marami nating nakatatanda ang maitsapwera, upang matiyak na walang maiiwang lolo o lola saanmang sulok ng kapuluan.

Buong-paggalang na kinilala ni Magsaysay ang pagpapahalaga ng Pangulo sa kapakanan ng maralitang sektor, kasabay ng pakiusap na gawing ganap na batas ang panukala bilang makasaysayang pamana sa mga nakatatanda ngayong linggo ng kanilang pagpupugay.

“Mahal naming Pangulo, sa pagdiriwang po ng Linggo ng Katandaang Pilipino ngayong Oktubre 1 hanggang 7, umaasa ang 12 milyong senior citizens sa inyong malasakit at pamumuno. Ang isang lagda po ninyo ay magdudulot ng kapanatagan, kalinga, at pag-asa sa bawat tahanang Pilipino. Iparamdam po natin sa kanila na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan.”

Nanawagan din si Magsaysay sa sambayanan, lalo na sa mga samahan ng senior citizens sa buong kapuluan, na magkaisa at iparinig ang kanilang tinig upang maisakatuparan ang batas.

“Hindi po ako titigil hangga’t hindi natutugunan ang karapatan ng bawat lolo at lola. Sa ating mga minamahal na senior citizens: magtiwala po kayo, kasama ninyo ako sa bawat laban, at titiyakin nating maririnig ang inyong boses sa Malacañang.” (VINA de GUZMAN)

PBBM, tinawag na ‘fake news’ ang sinabi ni VP Sara na desperadong pinipigilan ng administrasyon ang 2028 elex

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

FAKE news!

Ito ang natatawang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na desperado ang administrasyon na pigilan maganap ang 2028 elections.

Nito lamang weekend, sinabi ni VP Sara na sinusubukan di umano ng administrasyon na pigilan ang 2028 presidential election.

“Ang sabi po niya (Pang. Marcos), ‘yan po ay nonsense, fake news, may hilig magsinungaling, mga buwaon. Sinungaling,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Inihayag ito ni Castro matapos makatanggap ng tawag mula sa Pangulo kung saan ipinaabot ng Pangulo ang kanyang tugon hinggil sa usaping ito.

Nauna rito, tinawanan lang ni Pangulong Marcos ang pahayag ni VP Sara na sinusubukan di umanong harangin ng administrasyon ang 2028 presidential elections.

Sa aktibidad sa Pasay City, nahingan ng reaksyon ang Pangulo sa tinuran ng bise presidente pero imbes na sumagot ay tumawa lang ito at napailing.

Nitong Sabado ay naglabas ng statement si VP Sara kung saan sinabi nitong lalong nagiging “desperado” ang administrasyong Marcos.

Aniya, ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng paraan para mapahina siya sa pulitika, itulak ang Charter Change, at tuluyang mapigilan ang susunod na national election.

Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag kasunod ng paglutang ni Rodulfo Gracioso Jr. na nagpakilalang dating security aide ni dating Speaker Lord Alan Velasco at nag-akusang naghatid siya ng male-maletang pera kay Duterte sa utos umano ni Velasco.

Mariin itong itinanggi ni VP Sara at tinawag ang alegasyon bilang media stunt.

Samantala, muli namang nanawagan si Castro kay VP Sara na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya na may bitbit na ebidensiya sa halip na umasa lamang sa ‘logical fallacies’ para ipagtanggil ang kanyang sarili.

“Alamin niya ang definition ng red herring at ad hominem fallacies para malaman niya ang kamalian niya sa pakikipag-argumento,” diing pahayag ni Castro. (DARIS JOSE)

Stockholder ang kapatid na si VP Sara …Baste Duterte, walang alam sa GenCorp

Posted on: September 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na umabot sa 19 ang awards na ibinigay ng lungsod sa GenCorp Industries Inc., kumpara sa 15 awards na naunang tinukoy ng isang kinatawan ng PhilGEPS.

Tinanong si Baste tungkol sa kanyang September 21 statement kung saan sinabi niyang ang GenCorp ay “rigorously evaluated” at nakapagsumite ng pinakamababang calculated at responsive bid sa mga food service contracts mula 2022 hanggang 2025.

Nang tanungin kung personal niyang napatunayang natugunan ng GenCorp ang requirement na limang taon nang operational ang line of business nito, sinabi niyang hindi niya alam at kailangang tingnan ang records ng lungsod. Dagdag pa niya, “It is presumed that GenCorp has complied.”

Sinabi ni Davao City Mayor Baste Duterte na hindi niya sana papayagan umano ang pag-award ng anumang kontrata sa GenCorp Industries Inc. kung alam niyang stockholder nito si Vice President Sara Duterte.

“I would not allow it,” ani Baste sa pagpapatuloy ng impeachment trial ngayong Martes, Setyembre 29.

Ito ay matapos tanungin ni presiding officer Chiz Escudero si Baste kung nakita niya ang SALN ng bise presidente. Sinabi rin ni Escudero na lumabas sa impeachment trial na idineklara ni Sara sa kanyang SALN na isa siyang stockholder ng GenCorp.

“Kung siya po ay stockholder ng GenCorp at nalalaman po ninyo, hindi niyo po papayagang ma-awardan ng anumang kontrata sa Davao, tama po ba?” tanong ni Escudero. (DARIS JOSE)

Alas Pilipinas, bigo kontra China sa 2026 Asian Games

Posted on: September 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NABIGO ang Alas Pilipinas men’s volleyball team na makuha ang kanilang unang panalo matapos silang talunin ng China sa straight sets sa 2026 Asian Games na ginaganap sa Japan.Magsaliksik Ng Impormasyon

Nagtapos ang laban sa iskor na 25-21, 25-20 at 25-22 pabor sa China.

Sa kabila ng pagsisikap ng Pilipinas na makasabay sa bawat set, hindi nito napigilan ang China na kontrolin ang mahahalagang bahagi ng laro at tuluyang selyuhan ang panalo.

Dahil sa pagkatalo, nananatiling walang panalo ang Alas Pilipinas sa torneo, hawak ang 0 win at 2 loss na standings matapos ang dalawang laban.

Pilipinas, bronze medalist sa Sepaktakraw Men’s Regu

Posted on: September 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASUNGKIT ng Philippine men’s sepak takraw team ang bronze medal matapos matalo sa Malaysia sa semifinals ng men’s regu event ng Asian Games 2026. Labor Issues Analysis

Pinangunahan nina Jason Huerte, Jom Lerry Rafael at Reynaldo Jr. Asilum ang koponan ng Pilipinas sa matinding laban kontra sa Malaysia

Maganada ang naging simula ng Team Pilipinas matapos nitong kunin ang unang set, sa score na 15- 10, ngunit nakabawi ang Malaysia sa sumunod na dalawang set, 11-15 at 7-15, upang tuluyang agawin ang panalo at tiket sa finals.

Sa kabila ng pagkatalo, nakamit ng Pilipinas ang bronze medal, na dagdag karangalan para sa bansa sa kompetisyon, sa kasalukuyan ay nasa ika-16 na puwesto ang Pilipinas sa medal tally na mayroong 2 gold, 2 silver at 10 bronze.

Alex Eala, nagtala ng mabilis na panalo sa kanyang debut sa 2026 Asian Games

Posted on: September 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MABILIS na pinataob ng Filipina tennis ace na si Alex Eala si Patcharin Cheapchandej ng Thailand sa opensa ng kanyang kampanya sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games sa score na 6-1, 6-0 ngayong araw sa Higashiyama Park Tennis Center sa Japan.

Hindi naging hadlang para kay Eala ang sunod-sunod na pagkaantala ng iskedyul at ang paglilipat ng pasilidad dulot ng masamang panahon upang tapusin ang laban sa loob lamang ng 55 minuto.

Ipinakita ng 21-anyos na kampeon ang kanyang dominasyon nang magsunod-sunod ng walong panalo sa ikalawang set upang tuluyang maisara ang pwesto sa quarterfinals.

Inihayag ni Eala na sanay na siya sa mga hindi inaasahang pagbabago sa laro at kailangan lamang panatilihin ang kahandaan, pasensya, at flexibility sa anumang sitwasyon.

Nakatakdang harapin ng kinatawan ng Pilipinas si Joanna Garland ng Chinese Taipei sa round of 8 para sa kanyang susunod na tunggalian.