PBBM, tinawag na ‘fake news’ ang sinabi ni VP Sara na desperadong pinipigilan ng administrasyon ang 2028 elex
- Published on September 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
FAKE news!
Ito ang natatawang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na desperado ang administrasyon na pigilan maganap ang 2028 elections.
Nito lamang weekend, sinabi ni VP Sara na sinusubukan di umano ng administrasyon na pigilan ang 2028 presidential election.
“Ang sabi po niya (Pang. Marcos), ‘yan po ay nonsense, fake news, may hilig magsinungaling, mga buwaon. Sinungaling,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Inihayag ito ni Castro matapos makatanggap ng tawag mula sa Pangulo kung saan ipinaabot ng Pangulo ang kanyang tugon hinggil sa usaping ito.
Nauna rito, tinawanan lang ni Pangulong Marcos ang pahayag ni VP Sara na sinusubukan di umanong harangin ng administrasyon ang 2028 presidential elections.
Sa aktibidad sa Pasay City, nahingan ng reaksyon ang Pangulo sa tinuran ng bise presidente pero imbes na sumagot ay tumawa lang ito at napailing.
Nitong Sabado ay naglabas ng statement si VP Sara kung saan sinabi nitong lalong nagiging “desperado” ang administrasyong Marcos.
Aniya, ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng paraan para mapahina siya sa pulitika, itulak ang Charter Change, at tuluyang mapigilan ang susunod na national election.
Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag kasunod ng paglutang ni Rodulfo Gracioso Jr. na nagpakilalang dating security aide ni dating Speaker Lord Alan Velasco at nag-akusang naghatid siya ng male-maletang pera kay Duterte sa utos umano ni Velasco.
Mariin itong itinanggi ni VP Sara at tinawag ang alegasyon bilang media stunt.
Samantala, muli namang nanawagan si Castro kay VP Sara na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya na may bitbit na ebidensiya sa halip na umasa lamang sa ‘logical fallacies’ para ipagtanggil ang kanyang sarili.
“Alamin niya ang definition ng red herring at ad hominem fallacies para malaman niya ang kamalian niya sa pakikipag-argumento,” diing pahayag ni Castro. (DARIS JOSE)