Pagbabanta sa OLFU na nakasulat sa papel, inaksiyunan ng Valenzuela CPS
- Published on September 30, 2026
- by Francis Paolo Torres
NABULABOG ang mga estudyante sa Our Lady of Fatima University (OLFU) kasunod ng pagbabanta na isinulat sa kapirasong papel na natagpuan sa isang silid aralan ng sa Valenzuela City, Martes ng umaga.
Kaagad naman itong inaksiyunan ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na rumesponde sa lugar at nagsagawa ng pagsusuri sa bawat sulok ng pasilidad ng paaralan na matatagpuan sa Tamaraw Hills, pati na ang pagrekisa sa mga bag ng mga estudyante, sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng pamantasan.
Bilang hakbang din sa pag-iingat, pansamantala munang sinuspinde ang klase habang patuloy pang isinasagawa ng kapulisan ang pagsusuri, pati na ang pag-alam kung sino ang nagpadala o gumawa ng liham.
Matapos naman ang masusing pagsusuri ng pulisya, walang nakitang kahina-hinalang bagay na maglalagay sa panganib sa mga estudyante, mga guro, at mga kawani ng OLFU.
Tiniyak naman ng pulisya na lahat ng nakakarating na ulat sa kanila hinggil sa pagbabanta ay kanilang sineseryoso kahit ano pa mang paraan ito ipinapadala.
Hinimok din ni Col. Talento ang mga estudyante at mga magulang na maging kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na magdulot ng hindi kinakailangang pangamba. (Richard Mesa)