• October 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, INATASAN ANG LAHAT NG RFRO NA TULUNGAN ANG MGA OPERATOR AT DRIVER NG PUV SA PAGKUHA NG FAIR GUIDE

INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) na tulungan ang mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) sa pagkuha ng fare guide para sa mabilis na pagpapatupad ng aprubadong taas-pasahe sa buong bansa.

Hinimok din ni Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr. ang mga grupo ng transportasyon at operator na tulungan ang kanilang mga driver sa pag-download at pag-print ng fare guide na makukuha sa website ng LTFRB.

“Patuloy po nating minomonitor ang pagpapatupad ng taas-pasahe alinsunod sa direktiba ni Secretary Banoy. Nakatanggap po tayo ng mga ulat na may ilang driver na nag-aatubiling maningil ng karagdagang pasahe dahil wala pa ang fare matrix,” ani Acting Chairman Pua.

“Gusto po nating ipabatid sa ating mga kasamahang operator at driver na hindi po kailangan sa ngayon ang fare matrix upang maipatupad ang fare increase. Ang kailangan lang po ay fare guide na puwedeng i-download mula sa website ng inyong LTFRB,” dagdag niya.

Nakasaad sa memorandum na inilabas ni Acting Chairman Pua noong Setyembre 25 na maaaring i-download at i-print ng mga kinauukulang PUV operator ang pansamantalang fare guide na naglalaman ng bagong aprubadong pasahe mula sa website ng LTFRB. 

Maaari ring magpatupad ang mga RFRO ng iba pang angkop na paraan ng pamamahagi nito sa mga operator at driver sa kanilang nasasakupan. Ang pansamantalang fare guide ay balido hanggang Disyembre 31, 2026.

Ang pansamantalang fare guide ay valid hanggang Disyembre 31, 2026.

Samantala, magsisimula sa Enero 2027 ang pagpapalabas ng opisyal na fare matrix na naglalaman ng awtorisadong pasahe, kasabay ng pagbabayad ng kaukulang fare increase fee sa confirmation ng mga unit.

Simula Enero 1, 2027, kinakailangang kumuha at magpakita ng opisyal na fare guide o fare matrix na inilabas ng LTFRB ang mga kinauukulang PUV operator, kung naaangkop. (PAUL JOHN REYES)