• September 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

Carlos, Karl Eldrew Yulo, pangungunahan ang Philippine gymnastics team sa 2026 Asian Games

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANGUNGUNAHAN nina Olympic gold medalist Carlos Yulo at nakababatang kapatid niyang si Karl Eldrew Yulo ang Philippine gymnastics team sa 2026 Asian Games sa Japan.Mga Southeast Asian at Pacific Islander

Kasama ng Yulo brothers sa men’s artistic gymnastics team sina Juancho Miguel Besana, Justine Ace de Leon, at Zachary Cortins Nuñez.

Sa women’s artistic gymnastics naman, pangungunahan ng Olympian na si Levi Ruivivar ang koponan kasama sina Kylee Kvamme, Chiara Dawn Andrew, Lauren Supnet, at Haylee Garcia.

Sa rhythmic gymnastics, kabilang sa roster sina Breanna Labadan at Jasmine Ramilo, habang sina Jerry Ilano Jr. at Luvicar Janine Padilla naman ang kakatawan sa Pilipinas sa trampoline gymnastics.

Target ng Philippine gymnastics team na makasungkit ng kauna-unahang medalya ng bansa sa gymnastics sa kasaysayan ng Asian Games.

Gaganapin ang 2026 Asian Games mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 sa Japan.

World No. 1 Aryna Sabalenka, pinaluhod ng WTA No. 35

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI na uusad sa Cincinnati Open si World No. 1 Aryna Sabalenka matapos itong paldapain ng 24-anyos na tennis player na si Sara Bejlek sa Round of 16.

Isang makasaysayang panalo ang ginawa ng World No. 35 matapos ang dominanteng performance sa naturang torneyo na isang Women Tennis Association (WTA) 1000 tour, daan upang tuluyan siyang umusad sa quarterfinals.

Sa pagsisimula ng laban, hawak ni Sabalenka ang 5-1 lead, ngunit tuluyang bumawi ang 24-anyos na challenger at kinalaunan ay tinapos nito ang 1st set sa score na 7-6.

Muli ring tinangka ng World No. 1 na bumawi sa 2nd set at umabot pa sa 4-1 ang kaniyang lead.

Gayunpaman, muling humabol ang mas batang tennis player at tinapos ang ikalawang set sa score na 6-4 – daan upang tuluyan siyang umabanse sa quarterfinals.

Ito ang unang career victory ni Bejlek sa isang top-10 player, at inaasahang magiging malaking bentahe upang tuluyan siyang umangat sa WTA ranking.

Haharapin ng Czech star ang American champion na si Madison Keys para sa posibleng spot sa semifinals.

𝐖𝐚𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐆𝐮𝐭𝐨𝐦 𝐏𝐫𝐨𝐠𝐫𝐚𝐦, p𝐚𝐭𝐮𝐥𝐨𝐲 𝐧𝐚 n𝐚𝐠𝐩𝐚𝐩𝐚𝐥𝐚𝐤𝐚𝐬 𝐧𝐠 s𝐞𝐠𝐮𝐫𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐬𝐚 p𝐚𝐠𝐤𝐚𝐢𝐧

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAKITA sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations na bumaba ng 6.7 porsyento ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng gutom sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program na pinapangunahan ng Department of Social Welfare and Development.

Batay sa pag-aaral na ginawa sa 2,400 pamilyang benepisyaryo mula Pebrero hanggang Hulyo 2026, bumaba sa 26.9% mula 33.6% ang insidente ng gutom sa mga tumatanggap ng tulong mula sa programa. 

Humigit-kumulang 600,000 pamilya ang tumatanggap ng buwanang food assistance sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer cards, na magagamit sa pagbili ng mga kwalipikadong pagkain sa mga KADIWA at accredited retailers.

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at mas pinagtutuonang suportang pangnutrisyon, patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang programa upang umabot sa 750,000 pamilyang benepisyaryo. 

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang paglaban sa stunting, bibigyang-prayoridad sa susunod na 150,000 benepisyaryo ang mga buntis at lactating women.

 (DARIS JOSE)

Mayor Jeannie, tiniyak sa mga kabataang Malabueño ang de-kalidad, abot-kayang edukasyon

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Mayor Jeannie Sandoval na ipagpapatuloy ang mga pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod na magbigay ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon para sa mga kabataang Malabueño, kasunod ng muling pagkilala sa City of Malabon University (CMU) bilang benepisyaryo ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

“Naniniwala tayo na ang edukasyon ang susi para sa mas magandang kinabukasan ng ating mga kabataan at kanilang mga pamilya. Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makapag-aral at makapagtapos. Patuloy nating sisiguruhin na ang dekalidad na edukasyon ay magiging abot-kamay ng ating mga mag-aaral,” ani Mayor Jeannie.

Inaprubahan ng UniFAST Board ang pagkasama ng CMU at pitong iba pang Local Universities and Colleges (LUCs) bilang mga benepisyaryo sa ilalim ng R.A No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, sa kanilang ika-54 na Regular na Pagpupulong na ginanap noong Agosto 13, 2026, sa Central Office ng Commission on Higher Education (CHED).

Dahil dito, ang mga kwalipikadong mag-aaral ay maaaring makinabang sa mga benepisyo ng libreng mas mataas na edukasyon, kabilang ang hindi pagbabayad ng tuition at iba pang saklaw na bayarin sa paaralan, alinsunod sa mga umiiral na kwalipikasyon, patakaran, at mga alituntunin ng programa.

Maaari ring makakuha ang mga kwalipikadong mag-aaral ng tulong-pinansyal mula sa pambansang pamahalaan, tulad ng Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP), depende sa umiiral na kwalipikasyon at pondo.

Ayon kay Mayor Sandoval, malaking hakbang ang pagbabalik ng CMU sa UniFAST para mabawasan ang gaustusin ng pamilyang Malabueño.

Binigyang-diin din ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang kahalagahan ng panibagong eligibility ng unibersidad, na ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod na tugunan ang mga pangangailangan ng institusyon at palakasin ang CMU. 

(Richard Mesa)

PBBM, ipinag-utos ang pag-aaral sa rainwater cisterns bilang karagdagang hakbang kontra baha

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na pag-aralan ang mga karagdagang solusyon upang matugunan ang pagbaha kasunod ng tuluy-tuloy na malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, kabilang ang posibleng pagtatayo ng rainwater cisterns o imbakan ng tubig ulan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kabilang sa mga hakbang na ipinag-utos ng Pangulo ang pagtatayo ng rainwater cisterns, na maaaring makatulong sa pag-iipon ng labis na tubig-ulan at mabawasan ang pagbaha.

“Mayroon nang 30 sites na natukoy ang pamahalaan para sa posibleng pagtatayo ng rainwater cisterns. Inaasahang matatapos ngayong buwan ang detailed engineering ng proyekto bago simulan ang paghuhukay,” ani Castro.

Binigyang-diin din ng opisyal na nais ni Pangulong Marcos na matiyak ang maayos na pamamahala sa tubig, partikular kung paano mapapakinabangan ang tubig-ulan na maiipon sa mga imbakan.

“Ayaw ng Pangulo na i-pump out lamang ang maiipong tubig-ulan, kundi nais din niyang magamit ito sa panahon ng tagtuyot,” dagdag ni Castro.

Kabilang din sa iba pang isinusulong na hakbang kontra baha ang patuloy na pagpapahusay ng mga seawall, regular na paglilinis ng mga ilog at daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbabara dahil sa basura, at pagtitiyak sa tuloy-tuloy na operasyon ng mga pumping station.

Iniutos din ng Pangulo sa mga ahensya ng pamahalaan na pag-aralan ang mga flood-control measures na ipinatutupad sa ibang bansa na maaaring iangkop sa sitwasyon sa Pilipinas.

“Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na naging epektibo ang flood-control program ng pamahalaan, ilang buwan matapos itong simulan ngayong taon,” ayon kay Castro.

Batay sa datos ng pamahalaan, umabot sa 201.7 millimeters ang naipong dami ng ulan mula sa magkakasunod na pag-ulan katumbas ng halos 50,000 Olympic-sized swimming pools. ( DARIS JOSE)

Pagbawi ni Guteza sa mga pahayag laban kay Martin Romualdez, pagtatangka na gumawa ng pekeng kuwento at destabilisasyon- Malakanyang

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUNG Malakanyang lang ang tatanungin, pagtatangka na gumawa ng pekeng kuwento para sirain ang gustong sirain at destabilisasyon ang magiging implikasyon ng ginawang pagbawi ni Orly Guteza, isang dating sundalo at dating security aide ng dating mambabatas na si Zaldy Co, sa kanyang naunang pahayag na naghatid siya ng mga maleta na puno ng pera kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na “Kung Palasyo ang tatanungin ninyo, ang nakikita natin na implication ay  maraming nag-aattempt gumawa ng pekeng kuwento para sirain, kung sino man iyong gusto nilang sirain. At maaaring, isa sa mga reasons nito ay destabilization.”

Ani Castro, hindi lamang aniya nababanggit na mayrong mga taong nagmamanipula para maging false witness at ang alok ay pera.

Kaya nga aniya, sinabi ni Castro na medyo nakakabahala ang ginawang ito ni Guteza, dahil sisirain nito ang justice system at kung ano ang paniniwala ng mga mamamayang Filipino dahil mas maraming palulutangin na maling impormasyon, fake news, false information na makakaapekto sa katotohanan.

“So iyon ang implikasyon ng mga paggawa ng mga kuwento, gamit ang mga  false witnesses at pagpaplanta ng ebidensya.So, hindi po dapat ito manaig lalung-lalo na ngayon sa panahon ni Pangulong Marcos Jr., hindi po kasi iyan ang direksiyon na gusto ang Pangulo, ang gusto ng Pangulo, due process, batas, ebidensya,” anito pa rin.

At para aniya tuldukan ang nakakabahalang senaryo o mga ganitong pananalita ay sinabi ni Castro na mandato na aniya ng mga investigating bodies ang bagay na ito.

“Ngayong may umamin at may nagsabi na siya ay ginamit lamang para magkuwento ng mali sa isang tao, dapat ito maimbestigahan kung sino ang dapat na sampahan ng kaso, sampahan ng kaso. Kung sino iyong mastermind sa pagpapagawa ng ganitong klaseng mga scenario, sampahan ng kaso,” aniya pa rin.

Subalit, nasa kamay na aniya ito ng Ombudsman, DOJ at ng iba pang investigating bodies ng gobyerno.

“So, mandato po nila ito lalung-lalo na nakita natin, pero muli, ang gusto lamang  din po ng Pangulo dapat ang kuwento ay totoo. So, kailangan din po na maimbestigahan kung ako iyong sinabi ni Mr. Guteza, para ma-verify kung sinabi niya ngayon, after  siyang mag-recant ay  may katotohanan. So dapat po ma-check, mabalanse lahat,” ang pahayag ni Castro. ( DARIS JOSE)

PBBM, ininspeksyon ang pinakamalaking pumping station ng MMDA

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINURI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes, Agosto 20 ang pinakamalaking pumping station na pinatatakbo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City.

Isinagawa ang inspeksyon sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Barangay 190, Bac 1-11, Pasay City kung saan binanggit  ng Pangulo ang problema sa pagbaha tuwing tag-ulan, lalo na kapag nadadagdagan ito dahil sa maling pagtatapon ng basura.

“Nandito naman tayo sa pumping station. Tinitingnan natin kung sapat dahil ang katotohanan ay talagang napakarami ang tubig na bumabagsak ngayon compared sa mga nakaraan na taon,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Kaya’t kailangan tingnan natin kung sapat ang volume na kaya ng mga bomba natin para ilabas ang tubig. Siyempre, ang nakikita nating problema, number one, ‘yung basura ulit. Kasi, kaya’t ‘yan ang tiningnan natin, okay naman, malakas naman ‘yung mga bomba natin, umaandar naman silang lahat,”ayon pa sa Punong Ehekutibo.  

Sa inspeksyon, kasama ng Pangulo sina MMDA Chairman Romando Artes, MMDA General Manager Nicolas Torre III, at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.

Pagdating sa pumping station, ipinaliwanag ni Chairman Artes kay Pangulong Marcos ang mga clearing at waste management operations sa Tripa de Gallina Pumping Station. Ito ang pinakamalaki sa 73 pumping stations na pinatatakbo ng MMDA sa Metro Manila.

Pinanood din ng Pangulo ang operasyon ng trash rake facilities, na kumukuha ng basura at iba pang debris mula sa estero.

Ang mga nakolektang basura ay inililipat sa conveyor belt para sa tamang pagtatapon.

Pagkatapos nito, nagtungo si Pangulong Marcos sa pump engine room kung saan binigyan siya ng briefing tungkol sa operasyon ng pumping station, sakop nitong catchment area, at mga lokasyon ng iba pang pumping stations sa National Capital Region (NCR). ( DARIS JOSE)

BI PINASALAMATAN ANG LEDAC SA PAGSAMA NG MODERNISASYON SA LEGISLATIVE AGENDA NG 20TH CONGRESS

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINANGGAP at pinasalamatan ng Bureau of Immigration (BI) ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa pagsama ng modernisasyon ng Bureau of Immigration sa Common Legislative Agenda ng 20th Congress.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, kinikilala ng hakbang na ito ang agarang pangangailangan para sa isang bagong batas na nagmo-modernise sa Bureau at papalit sa umiiral na immigration framework ng bansa na nakabatay pa rin sa Philippine Immigration Act of 1940—isang batas na 86 taon nang umiiral at ipinatupad sa panahong ibang-iba ang kalagayan ng bansa at ng mundo.

“Pinasasalamatan natin si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. at ang LEDAC sa pagkilala na hindi na maaaring umasa ang Bureau of Immigration sa isang 86-taong-gulang na batas upang tugunan ang mga hamon ng makabagong border management. Malaki na ang ipinagbago ng mundo mula noong 1940, kaya kailangang makasabay dito ang ating mga batas sa immigration,” ani Viado.

Sinabi ng Commissioner na mahalaga ang pagsusulong ng administrasyong Marcos sa modernisasyon ng immigration habang kinakaharap ng Pilipinas ang mas kumplikadong mga hamon na may kaugnayan sa border security, human trafficking, illegal recruitment, mga dayuhang pugante, transnational crime, at mabilis na paggalaw ng mga tao sa pagitan ng iba’t ibang bansa.

“Para sa administrasyong Marcos, ang modernisasyon ng immigration ay hindi lamang tungkol sa pag-update ng isang lumang batas. Ito ay tungkol sa pagtatayo ng isang mas matatag, mas may kakayahan at mas ligtas na Pilipinas. Kailangan natin ng legal framework na magbibigay sa ating mga immigration officer ng sapat na mga kasangkapan, awtoridad at sistema upang maprotektahan ang ating mga border habang pinapadali ang lehitimong paglalakbay, turismo, negosyo at migration,” ani Viado.

Ipinasa ang Philippine Immigration Act of 1940 mahigit walong dekada na ang nakalilipas, bago pa nauso ang digital identity systems, biometric screening, makabagong teknolohiya sa aviation, sophisticated transnational criminal networks, at ang napakalaki at mabilis na daloy ng international travel sa kasalukuyan.

Ayon kay Viado, bagama’t patuloy na pinapalakas ng Bureau ang mga operasyon nito sa pamamagitan ng teknolohiya, inter-agency coordination at intelligence-driven enforcement sa ilalim ng administrasyong Marcos, nananatiling kinakailangan ang malawakang legislative reform upang magkaroon ng mas matibay na legal na pundasyon ang mga hakbang na ito.

“Ginawa ng administrasyong Marcos na prayoridad ang border security at public safety, at nakatuon ang Bureau sa pagtupad sa mandatong ito,” ani Viado.

Inaasahang magbibigay ang panukalang modernisasyon ng Bureau ng mas episyente at komprehensibong legal framework para sa immigration administration, kabilang ang mas mahigpit na border security measures, mas mahusay na enforcement mechanisms, mas malinaw na mga panuntunan at proseso, at mas malawak na paggamit ng makabagong teknolohiya.

Sinabi ni Viado na nakahanda ang Bureau na makipagtulungan sa Kongreso, Executive branch at iba pang stakeholders sa pagbuo ng batas na magpapalakas sa immigration governance habang pinoprotektahan ang mga karapatan ng mga lehitimong biyahero at dayuhang mamamayan.

“Nagpapasalamat kami sa LEDAC sa pagsama ng modernisasyon ng Bureau of Immigration sa legislative agenda. Isa itong mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng immigration law na tunay na angkop sa pangangailangan ng Pilipinas sa kasalukuyan,” ani Viado. (Gene Adsuara)

Mga programa sa student mental health and protection sa ilalim ng 2027 national budget, patuloy na tutustusan ng Kamara 

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na tutustusan ng Kamara ang mga programa sa student mental health and protection sa ilalim ng 2027 national budget, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, vice chairman ng House Committee on Appropriations.

Ginawa ni Adiong ang pahayag sa gitna ng malawakang panawagan na imbestigahan ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang suspek, at ikinasugat ng ilan.

Tinukoy ni Adiong ang mga programa sa mental health and protection na nakapaloob sa 2026 General Appropriations Act. 

Aniya, tatalakayin ng Kamara kung nagamit ng Department of Education (DepEd) ang pondo at pasweldo sa mga personnel na mangangalaga sa mental health ng mga estudyante.

“Definitely because of the recent school shooting na na-experience natin, nakita natin, I think these programs should continue. Lalong-lalo na po it’s become more disturbing knowing that in our schools, both public and private, ay nakakakita tayo o nakakakaranas tayo ng ganitong klaseng karahasan,” ani Adiong.

Ayon kay Adiong, naglaan ang Kamara ng P2.37 billion sa 2026 DepEd budget para sa mental health program, kabilang ang pasweldo sa 10,000 School Counselor Associate positions.

“Ang intention po talaga dito ay para po magkaroon ng periodic assessment at the same time, magkaroon po ng program, specific program that would counter ‘yung sinasabi nating bullying and violence in schools,” sinabi ni Adiong.

Ayon kay Adiong, tatalakayin ng mga mambabatas sa 2027 national budget kung sapat ang pondo sa mga eskwelahan sa pangangalaga ng kanilang seguridad.

“Titingnan po natin doon kung if need be, sa kanilang MOOE (maintenance and other operating expenses), kung kinakailangan po talaga nating bigyan pa sila ng sapat na budget para mag-hire po sila ng kanilang mga security agencies, para tugunan ‘yung ganitong klaseng karahasan na hindi na po maulit,” sabi ni Adiong. 

(VINA de GUZMAN)

Baha at mga Isyu sa Kongreso, Tinutukan nina Rep. Yamsuan at MMDA GM Torre sa ‘Kapihan sa Manila Bay’

Posted on: August 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAYNILA — Binigyang-diin nina Parañaque City 2nd District Representative Brian Yamsuan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang kahalagahan ng pinaigting na kooperasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, ahensya, at lehislatibo upang solusyunan ang matagal nang problema sa baha sa Kalakhang Maynila.

Ito ang pangunahing tinalakay ng dalawang opisyal sa idinaos na tanyag na forum na ‘Kapihan sa Manila Bay’ na ginanap sa historic na Manila Hotel noong ika-19 ng Agosto, 2026.

Sa nasabing pagtitipon na dinaluhan ng iba’t ibang kasapi ng media, bukod sa krisis sa baha ay tinalakay din ang mga napapanahong kaganapan at hakbangin sa loob ng Kongreso.

Master Plan at Infrastraktura: Ibinida nina Yamsuan at Torre ang pangangailangan para sa isang komprehensibo at pangmatagalang master plan para sa flood control na tutugon sa pabago-bagong panahon at pag-apaw ng mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.  

Tulong Mula sa Lehislatibo: Bilang mambabatas, tinalakay ni Rep. Yamsuan ang mga hakbang sa Mababang Kapulungan upang matiyak na sapat ang pondo at suporta para sa mga proyektong pang-imprastraktura na magpapalakas sa flood-mitigation systems ng rehiyon.

Aksyon ng MMDA: Ibinahagi naman ni GM Torre ang mga kasalukuyang operasyon at estratehiya ng MMDA, kabilang ang pagpapanatili ng kaususan ng mga pumping stations at mabilis na pagtugon tuwing may mga kalamidad at pag-ulan.

Patuloy ang panawagan ng dalawang opisyal sa publiko at sa iba pang mga lokal na pamahalaan na magtulungan para sa mas epektibong pagpaplano laban sa mga epekto ng pagbabago ng klima.

 (Boy Morales Sr.)