• September 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

Bagong Kongreso, tiwala ng publiko ang kailangan

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITO ang pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa isinagawang misa sa House of Representatives nitong Lunes kung saan nanawagan siya ng “moral recovery” sa mga mambabatas upang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kongreso.

 “I have said this before and I will continue to say it: a truly Bagong Kongreso must begin with moral recovery. Our standard cannot simply be how many laws we pass, but whether we become better public servants and restore our people’s faith in this institution,” sinabi ni Dy. 

“And if we stand together with faith in God, faith in one another, and faith in the Filipino people, I believe we can build a Congress worthy of their trust: A Congress that knows how to listen. A Congress that serves. A Congress that does what is right. A Congress that puts the Filipino people first,” dagdag ng kongresista.

Aniya, ang maging mambabatas ay hindi lamang karunungan kung papaano gumawa ng batas. “It is about knowing what is right and having the courage to do it—choosing integrity over convenience and the common good over personal interest.”

Tinukoy ni Dy ang mga pagkakataon na ang tamang desisyon ay hindi ibig sabihin na ito madali. Ang mga naging desisyon ng mga mambabatas sa Kongreso ay nakakaapekto sa buhay ng milyong Pilipino kaya ang usapan ng integridad at accountability ay kaakibat sa kanilang responsibilidad. 

 “There will be moments of noise, disagreement, and uncertainty. In those cases, we will need something greater than political judgment. We will need our conscience. We will need collective courage. And we will need prayers,” sabi ni Dy. 

(VINA de GUZMAN)

Pinsala sa infra at agri dahil sa Habagat, 3 tropical cyclones aabot sa P6.614-B -NDRRMC

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG aabot na sa P6.614 billion ang naging pinsala sa imprastraktura at agrikultura at mahigit sa anim na milyong katao ang apektado dahil sa Habagat at mga nagdaang bagyong Luis, Maymay, at Neneng, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa situation report ng NDRMMC, araw ng Linggo, Agosto 23, ang estimated cost ng pinsala sa imprastraktura ay P4,887,870,851.63 habang agrikultura naman ay P1,726,292,918.05.

Sa ngayon, may 2,324 ang napinsalang bahay at 1,104 naman ang napinsalang imprastraktura.

Ang cost of damage sa livestock, poultry at pangisdaan ay P24,085,755.

May kabuuang 89 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity.

Nakaapekto naman ang weather disturbances sa 50,023 magsasaka at mangingisda.

Samantala, tinuran ng NDRRMC na may 6,913,577 katao o 2,015,897 pamilya ang apektado ng multiple weather disturbances.

Ang mga apektadong indibiduwal ay matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, National Capital Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Samantala, may 29 katao naman ang nasawi kung saa lima ang kumpirmado.

Mayroon namang 17 indibiduwal ang nasugatan. May 11 ang kumpirmado habang anim na iba pa ang nananatiling bina-validate.

Bina-validate rin ang ulat na may dalawang indibiduwal ang nawawala.

Idagdag pa rito, may 105,523 katao ang na-displaced ng masamang panahon kung saan 42,422 indibiduwal ang nakahanap ng temporary shelter sa loob ng evacuation centers at 63,101 iba pa ang nasa labas ng evacuation centers.

Iniulat din ng NDRRMC na may 2,324 napinsalang mga bahay sa Ilocos Region, CAR, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas. Sa nasabing bilang, may 2,058 ang partially damaged habang 266 iba pa ang totally damaged.

Samantala, namahagi naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit sa P1 bilyong halaga ng humanitarian assistance sa mga apektadong indibiduwal ng malupit na lagay ng panahon. 

 (DARIS JOSE)

DA, pinaigting ang paglansag kontra sa pekeng fertilizer

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAIGTING ng Department of Agriculture (DA) ang kampanya nito laban sa peke at illegally manufactured farm inputs kasunod ng kamakailan na operasyon sa Nueva Ecija.

Ayon sa DA, nagsagawa ang Talavera Municipal Police Station ng isang entrapment operation noong Hulyo 15 kasunod ng isang reklamo mula sa isang manufacturer ukol sa di umano’y pagbebenta ng ‘pekeng’ fertilizer products.

Nauwi ang operasyon sa pagkakatuklas ng isang hinihinalang unregistered warehouse at manufacturing facility sa Barangay Sta. Monica, Rizal, Nueva Ecija.

Sa dalawang magkahiwalay na operasyon, umabot sa 778 sako ng fertilizer ang nasamsam na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P748,000.

“Fertilizer is an investment for our farmers. When fake or substandard products are sold to them, it is not just their money that is lost. Their harvest and livelihood are at stake,” ang sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang kalatas.

“We will protect our farmers and legitimate businesses. We are directing the FPA to intensify market surveillance and enforcement against counterfeit, unregistered, adulterated, and illegally manufactured agricultural inputs,” dagdag na wika nito. ( DARIS JOSE)

PHLPost nagbabala vs ‘smishing’,internet scam

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko laban sa mga mapanlinlang na text message o “smishing” na gumagamit sa pangalan at pagkakakilanlan ng PHLPost upang makakuha ng personal at sensitibong impormasyong pinansyal.

Ayon sa PHLPost, karaniwang nagpapadala ang mga scammer ng text message na may kasamang kahina-hinalang link. Sinasabi sa men-sahe na may problema umano sa paghahatid ng isang parcel dahil sa hindi kumpletong address o kaya naman ay na­ngangailangan ng agarang pagbabayad ng “redelivery fee” gamit ang credit o debit card.

Para sa mga katanungan o pag-uulat ng kahina-hina­lang mensahe o aktibidad, maaaring makipag-ugnayan sa PHLPost Customer Service sa (02) 8288-7678 o 8288-POST. Maaari ring magpadala ng email sa phlpostcares@phlpost.gov.ph at PHLPost Inspectorate Department (isd@phlpost.gov.ph).

FETUS DINELIVER SA SIMBAHAN SA MAYNILA 

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINALABAS na isang donasyon na mga damit ang isang babae na fetus na idineliver sa Malate church sa Maynila.

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD) nadiskubre ng security ang fetus nitong Sabado .

Nakakabit pa umano ang umbilical cord ng fetus na nakabalot sa isang duguang bedsheet .

Ayon sa pulisya, diniliber at iniwan ng isang babae na nagpakilalang Lalamove rider ang isang milk supplement box sa simbahan alas 9:40 ng gabi ng Biyernes.

Ayon sa security na nakadiskubre, nagpakita ng booking receipt ang rider at ang box ay galing umano sa isang ‘Mam Cora’ .

Nang buksan nakita ang fetus na nakabalot ng duguang bedsheet na may mga kasama pang mga damit .

Agad na humingi ng assistance ang security para sa masusing imbestigasyon .

Dinala ng pulisya ang fetus sa J.Roa Funeral para sa safekeeping.

Masusi naman itong iniimbestigahan upang matukoy kung sino ang irresponsableng ina ng fetus na dinala sa naturang simbahan.

 (Gene Adsuara)

2 tricycle driver, naaktuhang bumabatak sa loob ng tricycle

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang dalawang tricycle driver nang mahuli sa akto na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang nakaparadang tricycle sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek bilang sina alyas “Jomar”, 26, ng Brgy., Marulas at alyas “Mark”, 38, ng Brgy., Gen T De Leon.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/MSg Carlito Nerit Jr., nakatanggap ng isang telephone call ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 at ipinaalam sa kanila ng tumawag ang hinggil sa nagaganap umanong pot session sa Parking lot ng Antonnete Townhomes, Barangay Marulas.

Kaagad namang nagsagawa ng validation sa nasabing lugar ang mga tauhan ng SS3 kung saan naaktuhan nila ang mga suspek na bumabatak umano ng droga sa loob ng isang nakaparadang tricycle dakong alas-10:12 ng gabi na dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

Nasamsam sa kanila nina PCpl Inglis Balagtas at PCpl John Melo De Paz ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.

Sinampahan na ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings. (Richard Mesa)

BAGONG PAMUNUAN NG CAVITE PRESS CORPS, NANUMPA SA NATIONAL PRESS CLUB (NPC)

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na nanumpa sa kanilang tungkulin ang bagong hanay ng mga opisyal ng Cavite Press Corps (CPC) para sa taong 2026–2028 noong Agosto 21, 2026.

Sa harap ni National Press Club President Mina Navarro, isinagawa ang oathtaking ceremony na sumisimbolo sa panibagong pananagutan ng mga mamamahayag na nagsisilbing tagapagdala ng impormasyon at boses ng publiko sa gitna ng patuloy na pagbabago ng larangan ng pamamahayag.

Mula kanan, tampok sa larawan sina Gene Adsuara ng People’s Balita, President; Sid Samaniego ng Pilipino Mirror, Vice-President; Margie Bautista ng Remate, Secretary; Irine Gascon ng Police Files, Treasurer; at Jon Cagande ng Cavite News Today, Auditor.

Sa ikalawang hanay mula kaliwa ay sina Jimmy Barrientos ng Sparkle, Board of Director; Janice Baricuatro ng Bulgar, Chairman of the Board; Dennis Abrina ng Manila Times, Board of Director; Ma. Cristina Go Timbang ng Pilipino Star Ngayon, Board of Director; at Rex Molines ng Diyaryo Pinoy, Member.

Hindi lamang isang simpleng pagpapalit ng mga opisyal ang naturang oathtaking.

Kaakibat nito ang mas mabigat na hamon na panatilihin ang integridad, kredibilidad at kalayaan ng pamamahayag, lalo na sa panahon kung kailan mabilis kumalat ang impormasyon at maging ang maling balita ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa publiko.

Bilang organisasyon ng mga mamamahayag sa Cavite, nananatiling mahalaga ang papel ng CPC sa pagtataguyod ng propesyonalismo at responsableng pamamahayag, gayundin sa pagbibigay-puwang sa mga isyung direktang nakaaapekto sa mga mamamayan ng lalawigan.

Nasaksihan din ang makabuluhang okasyon ng mga opisyal ng National Press Club, kabilang sina President Mina Navarro, Secretary Leonel Magistrado Abasola, Treasurer Jeane Lacorte at Auditor Lydia Bueno, kasama ang mga miyembro ng NPC Board of Directors na sina Jojo Sicat, Muhammad Aya Yupangco, Madelynne Dominguez, Jun Mendoza, Irwin Zuproc, Dennis Napule at Nino M. Aclan.

Sa pagsisimula ng kanilang termino, nakaharap sa bagong pamunuan ng Cavite Press Corps ang hamon na higit pang patatagin ang pagkakaisa ng mga mamamahayag at panatilihing buhay ang prinsipyo na ang pamamahayag ay hindi lamang trabaho, ito ay pananagutan sa katotohanan at serbisyo sa publiko. 

(Gene Adsuara)

BUS NA NAHULING NAG-COUNTERFLOW SA TULAY, INISYUHAN NG SCO NG LTO, LISENSYA SUSPENDIDO, BUS INALARMA

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AGAD na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, kasunod ng isang insidente kung saan nakuhanan ng video ang isang pampasaherong bus na nag-counterflow habang binabagtas ang isang tulay, na nagresulta sa pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at itinalagang driver nito.

Batay sa video na naging batayan ng ahensya sa imbestigasyon, dumaan ang naturang bus sa kabilang linya ng daan habang nasa tulay at hindi sinunod ang solid yellow line na nagtatakda ng restriksyon sa pag-overtake at pagdaan sa kabilang linya, isang gawaing maaaring magdulot ng panganib sa mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada, gayundin ng pagkaantala sa maayos na daloy ng trapiko.

Dahil sa paglabag na ito, inaatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at itinalagang driver na magtungo sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Agosto 28, 2026 upang dumalo sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang komento o paliwanag, kalakip ang mga kaukulang dokumento na magsisilbing suporta sa kanilang paliwanag kaugnay ng mga paglabag na nakasaad sa SCO.

“Hindi maaaring kanya-kanyang batas sa kalsada. Kapag sumalungat ka sa daloy ng trapiko, inilalagay mo sa panganib hindi lamang ang sarili mo kundi ang bawat motorista na maaaring makasalubong mo,” pahayag ni Asec. Lacanilao

“Pag pinili niyong lumabag, dapat handa kayong harapin ang kaukulang pananagutan. Hindi palalampasin ng LTO ang ganitong mga paglabag,” dagdag niya.

Kaugnay nito, maaaring maharap ang itinalagang driver sa mga paglabag na Reckless Driving, Disregarding Traffic Sign, at Obstruction of Traffic, gayundin sa posibleng suspensyon o pagbawi ng kanyang driver’s license dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Kabilang din sa maaaring harapin ng rehistradong may-ari ang mga paglabag na Employing Reckless, Insolent, and Arrogant Driver at Breach of Franchise Conditions.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, inilagay na ng LTO sa alarm status ang naturang bus at inatasan ang itinalagang driver na agad na isuko ang kanyang driver’s license sa IID, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.

Samantala, nagpapasalamat ang LTO sa publiko sa patuloy na pagbabahagi ng mga ulat tungkol sa mga insidenteng may kinalaman sa paglabag sa batas trapiko. Hinihikayat ng ahensya ang publiko na patuloy na maging katuwang nito sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga nasasaksihang paglabag sa opisyal na Facebook page na Ireport mo kay LTO Chief o sa website na https://ireportmokayltochief.ph/ para sa maagap na aksyon.

Patuloy na isusulong ng LTO ang kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko. Kasabay nito, pinaaalalahanan ng ahensya ang mga driver na iwasan ang mga mapanganib na gawain tulad ng pag-counterflow na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang sarili at sa ibang motorista. (PAUL JOHN REYES)

Ads August 25, 2026

Posted on: August 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Ads August 24, 2026

Posted on: August 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments